Biyernes, Setyembre 4, 2026 sa ganap na 5:44 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Nauna ko pang maubos ang pahina ng libro ni Ricky Lee kaysa matapos kainin itong inorder ko sa starbucks. 


Malamig na ang lasagna. Tila iced na rin itong coffee press na nakapapaso kanina. Salamat sa kapatid kong kailangan pang ipagamit ang account niya para makapag-starbucks ako. 


Dalawang oras na kasi ang nagdaan noong pinagpatuloy kong basahin itong Kulang na Silya ni Ricky Lee. Ngayon ko lang hinarap. Madami akong naging dahilan. Pero ngayon lang kasi ako nawalan ng dahilan para isantabi ang pagbabasa. 


Pwede ko na itong isauli sa kaibigan ko. Ilang buwan na rin noong hiniram ko at sinabing tatapusin agad dahil madali lang naman basahin ang mga sulat ni Ricky Lee. Para lang siyang nakikipagkwentuhan sa akin. Mali. Para lang siyang tuloy tuloy na nagsasalita sa harap ko. At kapag gusto kong sumagot, wala namang makakarinig. Hindi niya maririnig.


Marami akong gustong ikwento habang nagbabasa ng libro niya. Biruin mong nakaka-relate ako sa iba nyang experience. Kaya minsan gusto kong ibaba ang libro para ako naman ang magsulat ng version ko. Pero hindi ko itutuloy kasi mas gusto kong ipagpatuloy na lang ang pagbabasa. Kalauna’y mawawala na rin sa isip ko yung dapat na isusulat ko. Sayang di ba. 


Okay lang. Hindi na ako nanghihinayang. Madami na rin kasi akong naitapon at binura sa drafts ko. Hindi ko na tinuloy. Tinamad na lang. Hanggang sa kinalimutan na lang. Pangarap ko minsang makasulat ng nobela. Gusto kong maka-publish ng libro. 


Isa iyon sa mga nasa listahan kong gusto kong magawa bago man lang ako mamatay. Sure akong mamamatay ako balang-araw. Pero ang gusto kong siguruduhin ay mag-iiwan ako ng kahit isang bagay na magpapaalala na mayroong ako na nabuhay sa mundong ito. Kumbaga foot print. Legacy ba tawag doon? 


Sayang kasi kung wala. Hindi sa prine-pressure ko ang sarili ko na dapat mayroon akong kahit isang alaala, ah. Pero masaya ako kung magkakaroon. 


Mayroon na akong bahay na nakapangalan sa akin. Sapat na ba iyon? Siguro. Pwede na yun. Para naman matanggal na ang pag-iisip at pangamba sa future na hindi naman darating. 


Kumbaga iyo-YOLO ko na lang to. Enjoy ko na lang itong mayroon ako. Gaya nitong oras na mag-isa ako. Nakatapos ako ng libro. Nakapagsulat akong muli. Chineck ko yung blogspot ko, nakaisa na ako ngayong taon. Okay na ba itong pangalawa? 


Hindi. Marami pa akong gustong sabihin. Kaya patuloy lang.








    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile