Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tatay. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tatay. Ipakita ang lahat ng mga post
Biyernes, Hunyo 22, 2012 sa ganap na 6:44 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Hindi ko alam paano ‘to sisimula. Kakapanuod ko pa lang kasi ng Gawad Urian, natatakot akong maging katulad ‘to ng mga speech ng nagsipagwagi.
Headphone plug in. radio station 98.7. ulan. 
Noong hayskul ako, hindi ko matanggap sa sarili ko na mahirap lang tayo. Hindi ko gusto ang mang-imbita ng mga kaklase sa bahay dahil masisilip nila ang kundisyon ng buhay natin. Minsan may nagpupumilit na pumunta sa atin, pinagtulakan ko sila. Sobrang dami kong dahilan, sinabi ko pa na kasalukuyang pinapaayos ang bahay para hindi sila matuloy.
Hindi ko gusto ang pangunahing pinagkukunan natin ng pangkaen araw araw, ang pagtitinda ng almusal at pananghalian. Hindi ko gusto kapag sa simula ng klase, magpapakilala isa isa, sasabihin ang trabaho ng magulang. Nahihiya ako.
Marami akong hinihiling sa inyo na hindi akma sa estado ng buhay natin. Christmas party namin, 2nd year high school. Lubos ang pagtanggi ko noon sa mga kaklase ko na mapasaakin ang isa sa mga putaheng panghanda kaya natoka sa akin ang spoon and fork. Kahit ‘yon, sapilitan pa ang pagbibigay niyo ng pera. Madarama ko pang nasabi na, 7th honor po kasi ako kaya may toka sa akin, sabay hagulgol at pagpayag niyo. Ang higpit natin sa pera.
Bawat paskong dumadaan, bawat batang sobrang gagara ng kasuotan, bawat mga pagkaing nakahain sa noche buena at medya noche, inggit na inggit ako dahil laging halos wala tayo.
bakit ba hindi natin makuha ang ganoong buhay? Bakit ba kasi hindi ka makahanap ng trabaho? ‘Yung stable na buwan buwang may natatanggap tayo?
4th year hayskul ko, kasama ko si Ann sa jeep pauwi, magpapasko nanaman. Nagkukuwento siya ng mga nabili na niyang mga damit pamasko. Samantalang ako, iniisip ko pa kung kalian tayo bibili at kung bibili nga ba. Noong nakaraang taon nga wala akong pamasko eh. Hindi na lang ako nagsalita. Lahat ng lakad, mapakamag-anak o kaibigan, hindi ako dumadalo dahil alam kong punung puno ang mga ‘yon ng pasikatan ng mga bagong damit.
Dati pa man, gabi gabi akong humihiling na sana makaalis ka na paibambansa para makahinga na tayo sa araw araw na alalahanin. Ito muna ang ulam ngayon o mamaya dahil wala tayong pera. May natirang paninda kanina, initin na lang natin. Huwag muna ngayon, bukas na lang ‘yan, ubusin muna natin ito.
Hindi ko pinapakialam ang lahat ng bigat ng pamilya natin, ang mahalaga lang sa akin, nabubuhay niyo kami. Kahit saan pa kayo maghagilap ng mauutangan, pambaon ko, pangtustos sa amin, bahala kayo.
Pero iba na ngayon, pa. graduate na ako. Matalino na ako. Nahihiya ako sa tuwing ginugunita ko lahat ng mga pinaggagawa ko noong bata pa ako. Kulang pa nga yang mga nasa itaas. Lahat ‘yon nagturo sa akin ng napakaraming leksyon. Dinala ako kung saan man ako ngayon.
Pa, may trabaho na ako. Hindi muna ako maghahanap ng asawa. Tutulong muna ako sa panggastos hanggang kaya na natin. Para hindi ka na rin magtrabaho sa malayong lugar.
Pa, sorry sa lahat.
Nagpapakabuti akong tao para maging proud kayo sa akin. Gusto kong dalhin apelyido mo sa taas, nirerespeto at hinahangaan. Habang buhay mo po akong anak kahit mamatay at mabuhay may ako sa ibang katauhan.
At kapag nagkaanak na ako, ipararanas ko rin sa kanila ang pagiging tatay mo sa amin.
Happy father’s day po!

Sabado, Mayo 12, 2012 sa ganap na 8:42 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

tinanong ako ng interviewer noong naga apply ako sa isang kompanya ng pinakamalaki ko umanong accomplishment sa buhay. hindi ako nakasagot kaagad. hindi dahil sa failure ako palagian. hindi dahil sa hindi ako marunong maka appreciate sa mga biyaya. hindi rin dahil sa hindi ako makapag english nang panahon na iyon.
ginalugad kong maigi ang mga karanasan ko sa college, mga nagpabago ng buhay at pag iisip ko, at mga kahangalang desisyong napagtagumpayan ko. i passed the feasibility study, tanging naisagot ko sa interviewer. i wasn’t a team player. i don’t want to always rely on my groupmates. if i can do it then i will do it on my own. but i am no superhero. paliwanag ko pa.
kaya tayo binigyan ng pangalan upang matawag tayo ng mga taong nangangailangan ng tulong mula sa atin. kaya tayo may pandinig at puso para maunawaan ang lahat ng nakasalansan sa harapan natin. at kaya tayo pinagbuklod ay upang mabigyan natin ang isa’t isa ng gabay dahil hindi natin alam ang lahat ng bagay. maraming naibigay sakin ng feasibility study kaya marahil iyon ang aking naisagot.
May 11, 2012. itinakdang araw ng aking pagtatapos sa pag aaral. nakamit ko na ang isa sa mga pinakapinapangarap ng lahat ng magulang sa mundo. kitang kita sa mga mata ng lahat ng naroroon ang kagalakan. walang paglagyan ang pinaghalong lungkot at kasiyahan ng mga estudyante at magulang.
binalikan ko muli ang tanong ng interviewer sa akin, biggest accomplishment. iniisip ko pa rin kung marami na ba akong dahilan para gawing biggest accomplishment ang pagtatapos ko sa pag aaral. sa kasamaang palad, hindi pa rin. sa tingin ko ang edukasyon ay isa sa mga pangunahing karapatan ng isang Pilipino. hindi ito pribilehiyo na kailangan pang dumaan sa butas ng karayom upang makamit ito.
gayon pa man, sa gitna ng aking pakikipagtalo sa tao sa loob ko, hindi ko pala dapat angkinin ang tagumpay na ito. hindi sa akin ito. dapat ito tunay na ngtulak sa akin na magpursige. sa bawat pagsagot ko ng mga exeminations, mga recitations na dapat lagpasan, mga pasok hanggang gabi, ang lahat ay natawid ko para makita silang nakangiti. 
ang matatanggap kong diploma ay hindi para sa akin. hindi ito katibayan ng aking kagalingan. ang totoo, dapat sa magulang ko manggagaling ang mga salitang biggest accomplishment yet. dahil sa kabila ng napakaraming mabatong daan sa buhay namin, hanggang sa huli hindi sila bumitiw sa kagustuhan nilang bigyan ako ng alas para sa magandang kinabukasan.
kaya para sa magulang ko, mama at papa, congratulations! you did great! mahal na mahal ko kayo! 
happy parent’s day! 
PS. ang bawat graduation day, feeling ko araw ng mga magulang. sila ang dapat parangalan!

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile