Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pag ibig. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pag ibig. Ipakita ang lahat ng mga post
Sabado, Agosto 27, 2016 sa ganap na 8:32 PM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments

Iskwater bang maituturing kapag ang pambungad sa bahay ay isang dipang manipis na telebisyon? Masusukat ba sa lugar ang kahirapan kung nakabalandra sa magkabilang gilid ng tirahan ang mga amplifier na tila pinahihiram ng barangay tuwing fiesta sa nayon? Pakiramdam ni Aling Elsa, katumbas ng mga naipundar ang pagiging maningning. Nagbabaka-sakaling masundan ni Ampleng ang liwanag na kanyang dulot. Kinakain ang buong araw sa pagbabantay sa maliligaw na aninong matagal nang tinupok ng dilim. Nakasandal sa pintong sinadyang maluwang upang akapin ang maliit na pagkakataon. Bumubulong na sana may magbalik.
“Nasaan ka na ba?”
Nagreklamo na ang buong barangay sa ingay ng pagyayabang ng bakaw na negosyante ngunit may isang pader pa rin na hindi niya matibag. Malayo ang nilalakbay ng tingin ni Renald. Nilalagpasan ang pagpapapansin ng mga nagtitingkarang bituin. Tumatalikod sa ilaw ng buwan. Hindi kailangan ng binata ang pahiram na kaliwanagan. Dekada na nang huling kumislap ang mata ni Renald ngunit magpasahanggang ngayon ay nagbubutas pa rin siya ng bangko. Sa harap ng pintuan. Nakatingala. Sumasahimpapawid ang isip tungo sa kanyang nilipad na pangarap. Doon sa itaas kasabay ng paghiling na ibalik ang ipinahawak niyang kaligayahan - ang pinakamagandang bituing nahuli ni Renald. Siya ang iniwan. Siya rin ang nawala.
Hindi siya nasiraan ng bait. Magkaiba lang kayo.
Naroroon din si Kaloy. Sinisipat ang palagiang nilalakbay ng tinaguriang baliw sa lugar. Binibilang ang mga kumikislap sa malawak na kapatagan. Apat na nga lang, hati pa para sa trabaho at eskwela ang kanyang mga uniporme. Kaya hindi nakapagtatakang maaliwalas na magdamag ang laging sambit ng katorse anyos na bata. Humihinga pa ang mga magulang ni Kaloy ngunit sa kabutihang taglay ng mag-asawa, higit pa sila sa pumanaw. Walang pagpaparamdam. Si Kaloy, natutong tumayo upang diligan ang natutuyong lalamunan. Napilitang sumandal sa de-karton na haligi. Humakbang at ‘di kalauna'y bumabagtas na sa sarili niyang daan. Hinasa siya ng kadamutan ng buhay. Magtago man ang bituin sa pananaw, gagawa siya ng sarili niyang liwanag. Hindi ulan ang makapipigil sa inaasam niyang paglaya.
Nais niyang maging sing kislap ni Venus tuwing lumalabas sa gabi.
Himalang hindi napapaso si Osang sa nginangatang tabako. Nasa loob ng bibig ang nagbabagang upos. Walang sindi kung pagmamasdan. Naitago ang naghihimutok na init. Tangan ni Osang ang unti-unting nauubos na trese pirasong kwadradong plastik. Bawat bagsak, may bigat na kumakawala. Sumasabay sa pagkaubos ng sensasyon ng yosi. Gaya ng alindog, nauubos din ito. Wala na ang mga singkislap na bituing dati nakaakbay sa t'wing may rampa. Nasa kabilang kalsada lang ang abot ng paningin. Hindi maka-diga. Duwag nang lumaban dahil noong huling tumaya si Osang, nahipan ang sulo na sana'y sabay na pag-aalabin kasama ng magiging kabiyak.
Naupos ang pangakong bukas ng dalawa.
Gusto mo bang maglaro? Madre-madrehan. Pare-parehan. Nangagsikalat ang mga kandilang may sindi. Nakapwesto sa sulok ang mga santong nanunuod sa kanilang bawat galaw. Pagbabasahin ni Grace ng mga bersikulo si Enzo sa tangan niyang banal na aklat. Magkakasunod na papaikot sa paligid ang himig ng koral - Halleluja, Ama Namin at Kordero ng Diyos. Habang tumutugtog ang Alay, luluhod si Grace sa harap ni Enzo upang tanggapin ang nakahaing biyaya. Paglalaruan ito sa kanyang bibig. Magkadikit ang palad sa harapan ng dibdib. Nakapikit. Sa pagnginig na ang katawan ng pari - hudyat na sinasapian na siya ng espiritu, agad na tatayo ang madre’t pwersadong pagpupunitin ang albang nagtatakip sa baboy niyang katauhan. “Hindi bagay sa'yo ang puti” at pumatong sa lalaki. Umindayog. Kumakalansing ang kampana sabay ng malalalim na ulos ng dalaga. Ilang segundo bago matapos na ang seremonya, huhugutin ang ibinaon. Magbibihis.
“Tang ina!”
Kaunting tulak na lang ng gravity babagsak na ang luha ni Janice sa kanyang kaliwang mata. Dahan-dahang naglalakad, kumaliwa sa kanto ng Masbate sa Balic-Balic. Hawak sa kanang kamay ang bugkos ng rosas. Sa kabila naman'y nakapulupot ang lalaking kung pumorma'y pang-binyagan. Taas-noo. Suot ang ngiting nanalo sa isang paligsahan. Masigla silang naglalakad patungo sa naghihintay na magulang ng dalaga upang ipakilala si Albert - nobyo niya kani-kanina lang sa Wechat. Sa tindig ni Janice sinasabi niyang iba siya sa mga kapit-bahay. Na ang matagal nilang dinadaing ay hindi mararanasan ng dalaga. Mahirap kasi ang tumulala. Walang ginawa kundi ibulong sa hangin ang nais mangyari. Para kay Janice, parusa ang maghintay. Kaya kumilos siya upang mahanap si Albert. Nangako naman ang binata na tatanggapin siya. Lahat umano ng tao may baho, iba-iba lang ng pagtatakip. Kung umalingasaw man sa katagalan, bawas na ang bigat.
Doon sa poste ng ilaw bago lumiko sa kanilang kabahayan, bubulaga ang nakapaskil na kataga. “Lahat ay may rason.”
“Putangina.” sagot nila Aling Elsa at iba pang nakatanggap. Ikinandado ang pinto. Ibinagsak ang baraha. Niligpit ang sampayan. Kumuyakoy. Nainip na sila sa sinasabing katumbas na kapalaran. Bukod sa plano ng tinuturong may gawa ng lahat, wala na bang iba pang makakapitan?

Huwebes, Oktubre 3, 2013 sa ganap na 10:21 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

     Lulunurin ng mga malalalim na salita. Bubugahan ng mga mababangong paglalarawan. Palalasapin ng hardin sa kabila ng maruming kapaligiran. Palalamigin ang sikat ng araw. Magtitiis hanggang ang buwan ang pumaimbabaw. Sa langit sila ay nakatulala. 
Umaasang masasagip pa ng kakarampot na pag-asa ang kanilang pinagsamahan. Nakatali ang mga daliri. Hinahaplos ng kadiliman ang matang naghahanap ng kalinawan. Kakaiba ang ihip ng hangin - nakikisama sa kuryenteng nag-uugnay sa dalawa - hindi na halos maramdaman. Unti-unting lumalayo ang mga ulap dahilan upang mapuno ng bituin ang kalawakan. 
Sinungaling. Ano bang ikinaganda ng lugar na ito? Punung puno ng taong nagsikalat na walang ginawa kundi matahin ang nakakasalubong. Pare-parehas lang naman ng hanap. Pag-ibig. Hindi nagkakalayo ang mga mata nilang uhaw sa tunay na kaligayahan. Animo’y kadikit ng pag-ibig ang ngiti sa labi. Na ang kapareha ang magsasalba sa kanilang lunod na kaluluwa. Na ang luha’y mapapatid sa tulong ng isa pang problema. 
Kagaya nila. Sa kaingayan ng gabi, tahimik na pinakiramdaman ni Elsa at Mark ang daloy ng hangin. Pag-uusap nila ay maingat. Nasa bangin sila kung maglakad. Isang maling hakbang ay tuluyan nang mamamatay ang apat na taon nilang relasyon. 
Anong ginagawa natin dito? Sinigurado ng dalaga ang hindi pagtulo ng luha. Kahinaan ang batid ng likido sa lalakeng tulad ni Mark. Hindi pa ba malinaw ang lahat? 
Gumapang sa gilid ng mata ng binata ang kanyang luha. Kilala niya si Elsa, malambot ang loob niya sa mga umiiyak. Marami pa. Kaya pa natin. 
Anong magulo sa tapos na? Tanging bibig na lang ang kanilang iginagalaw. Ni ang pagsulyap sa isa’t isa ay tila pinagbabawalan ng batas na sila lang din ang gumawa. Walang naririnig kundi ang katabi. Mga tuod. Maging ang mga bituin ay napagod na sa pagkislap. Baliwala ang buong paligid. Bitawan mo kamay ko. 
Dito lalong hinigpitan ni Mark ang kapit kay Elsa. Ayaw niyang pakawalan ang dalaga dahil alam niyang siya na ang itinadhana sa kanya. Binulong ng isip sa kanyang puso. Sinang-ayunan naman ng puso. Kaya hanggang ngayon ay lumalaban si Mark kahit alam niyang siya na lang ang nakakapit. Kahit maluwag na’t handa nang kumawala ang dalaga. Bitawan mo na’ko. 
Naalala mo mga pangarap natin?
Hindi lahat ng pangarap maaabot natin… matigas na ang tinig na lumalabas sa bibig ni Elsa. Damdamin niya marahil’y ga bato na rin. …na magkasama. 
Darating ang panahon na makakakilala tayo ng bagong mamahalin. Marahil sa kaniya masasambit natin ang napakakulay nating kagustuhan. At sana sa pagkakataong iyon, magtugma na ang ating kapalaran, ng magkahiwalay, pero masaya. 
Kanina pa pinatatakas ni Elsa ang binata. Lahat ng pagpapalaya naibigay na niya. Pinagtabuyan. Wala nang pag-asa ang relasyon nila. Ngunit para kay Mark, kahit na isang daliri na lang ang nag-uugnay sa kanila, patuloy pa siyang manunuyo hanggang lumambot si Elsa. Bumalik ang dati. 
Mark, tama na. Utos ‘yan na hindi na kailangan ng sagot. Hindi siya nanghihingi pa ng kahit ano kay Mark. Siya na ang humiwalay - daliri niya’y tinanggal sa pagkakatali. Kumalas. Tumayo’t naglakad papalayo. Samantalang si Mark ay sa langit nakatulala. Wala nang mailabas. 
Ang ganda pala ng mga bituin. 

Martes, Hunyo 5, 2012 sa ganap na 4:50 PM sinalpak ni tadong daniel 18 Comments

dumi ng ilog oh! sabi ng isang babaeng lumba-lumba sa laki. nakapagtatakang malinis siya sa katawan dahil hindi talaga maaarok ng isipan ninuman kung papaano siya nagkukuskos sa bandang binti. kausap niya ang kaniyang anak na marahil ay wala ring pakialam sa tinuturo ng ina. nakadukwang sila sa may bintana ng jeepney. minamasdan ang manong na nasa bangka at naghahalungkat ng pwedeng mapagkakitaan mula sa kakapalan ng mga kalat sa ilog. 

ma, siya yung janitor diyan? ngumunguyang tanong ng bata.

ay anak, wala kasi siyang pambili ng makakaen kaya diyan siya naghahanap.

yuck! ang dumi dumi niyan, kakainin niya? bahagyang napatigil sa pagsagot si Dabiana dahil nakasuksok sa bunganga niya ang kaniyang hintuturo. inaabot ang maning naipit sa dulo ng ngipin. sakto naman sa red light, inihagis ng bata ang sitsirya niya sa ilog. 

bakit ka nagtapon doon? kita mong nasa harapan mo lang ang basurahan o.

ma, may laman pa yun. kapag nakita ng manong yung tinapon ko, edi may pagkain na siya! 

ambaet talaga ng anak ko! sabay kurot sa pisngi na parang nanggigigil. maging ang ibang pasahero sa sasakyan ay napabungisngis sa pagkabibong nasaksihan sa paslit. may ibang umiiling sa dismaya, tulog, pero karamihan ay natuwa. 

makalagpas ng jeep sa jollibee Kalentong, isang lalake ang sumakay. nakasumbrero, shades, long sleeves, chuck taylor, rockstar ang datingan pati na rin ang kanyang amoy. anlakas makabuhay ng concert at natutulog na diwa ng pasaherong pagod sa trabaho pauwi. iba ang sipa niya sa ilong.

napanganga sa kaniya ang mga nasa loob lalo na sa dala niyang tila bibliya, may nakasuksok pang mga sobre sa pagitan ng ma pahina ng libro. akma nang magsasalita si Pepe Smith ay napansin niyang bigla na ang lahat ng pasahero sa naturang jeep ay nakapikit, naghihilik pa. si Dabiana nakahawak sa mata ng kanyang anak, bumubulong. anak pikit ka lang. manghihingi ng limos yan. 

nangiti ang manong sa kaniyang nasaksihan. mga Pilipino talaga, akala nila matatapos ang problema kapag isinawalang bahala lang nila ito. napadilat na lamang ang mga tao sa narinig, maging ang driver ay napapreno. lalo silang nabigla nang makita nilang hindi sobre ang iniaabot ng rockstar. 

isang bag. paikutin niyo yan, lagay niyo mga cellphones at wallet niyo. sabay buklat ng bibliyang may compartment ng baril. bilis! 

walang natuwa sa rebelasyon ng holdaper mula sa kanyang old testament. lahat nagmadaling inilabas ang kani kanilang mga gamit. oras na mapatapat sa kanila ang bag na iyon ay otomatik na inilalaglag nila ang mga gamit, kasabay ng paghalik ng pagpapaalam, nanginginig pa. 

masyado niyo namang mahal 'yang teknolohiya niyo. marami nang nasirang buhay at pamilya yan. sabay turo ng baril sa isang binatilyong kanina pa hindi umiimik. kalmado itong nakapikit. kahit cellphone o wallet ay walang inilagay sa donation bag. pasensya na. wala ako ng mga hinihingi mo. 

weh? sabat ng anak ng lumba-lumba.

ang dami dami na niyan, hindi ka pa makuntento. para kang gobyerno, kahit hindi sa kanila, kinukuha pa rin nila. sobra pa! kurap! sabi pa muli ng emong bata.

wala akong pakialam sa opinyon mo! gusto mong pasabugin ko bunganga mo ng matahimik ka? 

sus ganyan tayo eh. pinapakinggan lang natin ang gusto nating pakinggan. at kapag ayaw natin, gigilitan o di kaya ay kikidnapin ng militar at sasabihin kasapi ng NPA?!

ang dami pang sinasabi! imposibleng wala kang cellphone o wallet! galit na si manong. pikon. hindi niya inaasahan na may ganito katapang na nilalang na masasaktuhan niya. karaniwan kasing mga biktima niya oo lang ng oo. bigay lang ng bigay.

requirement ba ‘yun sa buhay? kapag wala ni isa kukutyain ng taumbayan? nakatingin siya ngayon sa batang kagaya niya ay madaldal. mahirap lang din kaming mga nakasakay sa jeep. kung gusto mong tiba tiba sa ginagawa mo, nakawan mo mga kapwa mo magnanakaw. doon abangan mo sa mga opisina nila sa batasan, malacaƱan, sa senado. wala sila sa jeep! iba ang sasakyan nila! kapag pumalag, kalabitin mo agad ang gatilyo. bayani ka pang ituturing ng nakararami. mali ka kasi ng lugar manong eh. alam ko namang kaya ginagawa mo yan para makaraos sa hirap. pero mahihirap lang din kami. para mo na ring inalipusta ang kagaya mong uri ng tao. 

wala na kay manong ang atensyon ng mga takot na pasahero. nasa bata nang nagmamagaling sa lipunan. nakakunot ang noo ng iba, nagtataka kung anong nakain ng estranghero at nakapagsasalita ng kaepalan. si Dabiana, inip na inip na. nais nang matapos ang palabas sa loob ng sasakyan. nais na niyang tuldukan na ang speech ng bata upang makausad na rin ang jeep. nakapagtatakang hindi sila sinusuway ng mga MMDA. si manong driver din, hinihintay ang mga susunod na aksyon. walang kumukuha ng video ngayon, sayang instant hit sana sa youtube ang kabaliwang sinasabi niya sa eksena. 

hindi naman kasi tayo magkakalaban dito eh. hindi rin dapat magkakatunggali ang mga kapwa mahihirap. ang tunay na kalaban ay ang mga nasa itaas. silang mga nagpapayaman sa pwesto. silang mga kunwaring may malasakit sa bayan pero sa kaban nakatanghod. hindi natin kailangang magsakitan. dapat nga tayo ay nagdadamayan pa at nagtutulungan sa pag angat ng bayan. sa pag-angat ng isa't isa! hindi itong naghihilahan.  

natigil bigla ang bata sa pagsasalita. nakita niya kasing nakataas na ang mga kamao ng mga pasahero sa ere. pati si driver, nag U turn na papuntang Mediola. kumakanta pa sila ng magkaisa, yung kanta ng mga nakadilaw?

tangina, EDSA revolution na walang pagbabago? magtigil kayo! uwi na lang tayo! sa pagtigil ng jeep agad nang bumaba ang holdaper. hindi na nakapagsalita ang mga tao. mangiyak ngiyak ang lahat. pero hindi kasama doon ang batang madaldal. 

dinukot niya ang cellphone sa bulsa, tinignan kung may nagtext. kinuha ang wallet, sabay bayad ng pamasahe. nautakan niya ang rockstar na holdaper.


Biyernes, Hunyo 1, 2012 sa ganap na 4:43 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments


Kamay sa dibdib
Sa utong, di batid
Kung sinong sumibasib
Gagong pag ibig
Literal na sinisid
Hinanap gamit ang bibig

sa ganap na 4:27 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Wala lang. masabi ko lang na may buhay pag ibig din ako. para asteg ako. uso kasi yan eh. Lalo pa’t  malamig ang simoy ng hangin. Pasko na talaga. Kaya yung mga samahang malalamig ang pasko (SMP), tila mga kabuteng magsusulputan nanaman. Magsusulputan, mag iingay. Kanya kanyang reklamo at mga sama ng loob ang mababasa muli natin kundi sa text, sa facebook, sa twitter, at kahit dito sa tumblr.



Sasabak din sa laban ang mga problemado sa pag ibig. Cool off kunwari, kailangan ng  oras para makilala ang isa’t isa, parang kanta lang. bubuoin ang siyam na gabi ng pagsisimba para makahiling ng lalaki sa buhay o babaeng nais nang pakasalan. Minsan pa’y ang simbahan ang magiging tagpuan ng dalawang gutom sa pag ibig. Maganda.

mga tao nga naman, tayo nga naman. Kapag walang pag ibig, punong puno ng pighati at kalungkutan. Ngunit kapag nakahanap na ng kasama, kanya kanya ring hanap ng butas upang makalusot sa kuyukot ng panaginip.

Nalulungkot lang ako. na sa halip na problemahin natin ang puso natin sa pagkauhaw nito, o kung anu anong mga hinaing ang binubulalas natin, sana magkaroon tayo ng oras para ayusin ang mali sa atin. Baka, kung papalarin, maging dahilan upang bumukas ang pinto. Na sa sobrang pagkasubsob natin, hindi natin naalala ang pagdiriwang ng pasko.

Ako din ay hindi pa wari ang diwa ng pasko. Sa tanda kong to. Pero sigurado ako, hindi ito tungkol sa pagrereklamo. Hinding hindi din ito hahagip sa usapang paghahanap ng makakasama. 

Lunes, Mayo 21, 2012 sa ganap na 5:05 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Matagal ko na ding hawak ang cellphone kong  to. 2630. Simple lang kasi. Bagamat walang masyadong kagagandang features gaya ng mga bagong labas na brands ngayon, naroroon pa rin ang pinakahahanap ko sa isang cellphone. Makatanggap at makapagpasa ng mga text messages. May radio rin to, nakapakikinig pa ko ng morning rush. May camera rin to, kahit VGA lang ayos na, hindi din naman ako mahilig kumuha ng picture ng mukha ko eh. Nakakapag internet din ako ng libre. Google, for assignments. Nagbabasa ng blogs sa tumblr, wordpress and blogspot. Nakakapag status sa facebook. Masaya na ko sa cellphone ko pramis.

Kinukumbinsi natin ang sarili natin na ayos na tayo sa ganitong set up. Na sapat na. kahit may mga sabit na. pilit pa rin nagsusumiksik.

First year college ito nang mapasa akin. First cellphone ko rin to kaya mahirap pakawalan. Kahit sobrang napakarami nang alok ng tatay ko akin na mas maganda pa dito. Una sasabihin ko na gusto ko ang alok niya sa akin, pero maya maya ay babawiin ko din. Iniisip ko ang napakaraming mga events na pinagsamahan namin ng 2630 na to.

Ang past ay nandiyan bilang inspiration, lakas na pwedeng hugutan kung may dagok na kinakaharap. Wag matakot na iwan ito pero hindi dapat na ito’y kalimutan.

Corby, Samsung star, nokia x2, at may dalawa pang hindi ko na matandaan. Minsan sinabi na din ng tatay ko na ako na lang daw bumili dito sa Pinas ng gusto kong cp, bibigyan na lang niya ako ng pera. Canvass muna ako ng mga presyo sa sm sta. mesa. nakahelera ang mga sobrang gagandang mga cellphones doon na bagong labas. Tinignan kong muli ang hawak ko, papalitan na ba kita?

Kahit napakaraming magagandang nakalatag sa harap kung hindi interesado ay hindi mangyayari ang nais maganap.

Kung susumahin, four years na kaming nagsasama nito. Halos kasama ko ito sa journey ko sa buong college. Kung iisipin din sa pagkupkop ko dito, eh napag iwanan na ko ng teknolohiya. Naiwan ako sa radio, samantalang ang iba nag e enjoy na sa mga memory card at may radio din. Naiwan ako sa VGA at ang iba nasa mega pixels. Yung iba ginagamit itong 2630 para sa panglabas na gamit, pero may blackblerry bilang private usage. Kailangan ko na bang iwanan ito? o dapat pa rin akong kumapit sa mga alaala ng cellphone na ito? kahit ito na mismo ang umaayaw? Sumusuko?

Ang pagbitaw ay hindi nangangahulugan ng pag iwan. Ang pagtanggap ng bago sa buhay ay hindi pagsasawalang bahala sa nakaraan. Minsan ang pagyakap sa hinaharap ay pagbubukas sa bagong oportunidad sa pag unlad.

Hanggang nayon, tangan ko pa rin itong lumang cellphone. nag lilimang isip, kung meron man na ganoong tawag, na bumili ng bago.

Hindi na natuto.

Tulad kapag umiibig. 

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile