Binura ko na sa delivery address ko ang bahay namin sa Punta. Nitong mga nakaraang araw ay nakakaramdam ako ng pagkaligaw. Laging lumulutang ang isip at napapadpad sa madilim na lugar.
Kaya kapag napapadpad ako sa malayo, binabaling ko ang atensyon ko sa pagbili ng gamit sa internet. Inuubos ang oras sa pagtingin ng gamit na hindi ko naman talaga kailangan at sa huli ay magiging kailangan ko na rin dahil gusto kong i-satisfy ang sarili. Para may aabangan ako sa darating na bukas. Para makaramdam na mayroon natapos. Pabuya na rin kahit wala namang magandang nagawa.
Chineck-out ko yung dishwashing soap rack. Mura lang naman. Hindi pa umabot sa 150 pesos at libre ang padala diretso sa bahay namin. Kadalasan pa pagkatapos ng dalawang araw alam ko nang out for delivery na ang nabili ko. Tiningnan ko ang Lazada kung tama ang hinala ko, paparating na nga.
Pero sa maling address. Hindi ko napalitan. Naka-default pa rin pala ang address ko sa luma naming bahay sa Punta. Dati kasi nandoon pa sila mama at papa nakatira. Pwedeng sila na lang ang mag-abang sa darating na parcel.
Iba na ngayon. Ilang buwan na rin nung nakalipat sila sa Lipa. Nakabili ng bahay si kuya. Malaki. Maayos. Malayo sa gulo ng Maynila. Milya din ang layo sa in-order ko online. Hindi ko na rin mapa-cancel dahil na-pick-up na raw ng rider.
Kaya wala na akong magagawa kundi bumalik sa luma naming bahay. Kahit sabihin pa ni Rizal na hindi ako makararating sa paroroonan kung hindi ako lilingon sa pinanggalingan. Matagal na akong nakausad. Pinutol na rin ang mga tali. Kinalimutan ang mga sulok-sulok kahit alam kong may mga ugat pa rin akong tumitibok doon.
Noong nasa harapan na ako ng bahay namin sa Punta, wala akong naramdaman. Napagod lang akong umakyat sa tenement. Hindi ako niyakap ng bahay namin dati. Siguro dahil wala naman doon ang mga taong namuhay sa tirahan namin. Kaya kinuha ko na lang ang parcel na maling naipadala rito. Umalis na agad. Hindi na lumingon pa.
Kasi dito man ako pinanganak, pero alam kong hindi ako rito tinakdang mabuhay. Kasabay ng paglipat ng bahay, nagbagong buhay na rin ako. Siguro. Sabi nga nila, malayo na, pero malayo pa ang lalakbayin. Pa-Calamba? Pa-Lipa? Kahit saan. Basta mapayapa. Malayo sa dilim.
Malayo sa pagkaligaw .
Deleted na ang lumang address ko sa online shopping apps. Nagtakda na ako ng bagong default address.


Mag-post ng isang Komento