Pangalawang magulang ang turing natin sa mga guro natin sa eskwela. Sila ang kasama natin sa mga oras na nawawala tayo sa dapat na landas na tahakin. Ginabayan nila tayo sa tuwing nalilito. Mga guro natin ang naging sulo upang bigyang liwanag ang daang nadiliman ng ating pagkatao. Hawak nila ang ating kamay habang hinahanap natin ang sarili. Minahal natin sila tulad ng pagmamahal natin sa ating mga magulang.
College na ’ko. Halos magtatapos na, ang bilis talaga ng panahon. Kahapon lamang pinapangarap ko ang makapag aral sa PUP, ngayon papaalis na ‘ko. Hindi tulad ng panahon, mas mabilis kumilos teknolohiya. Takbo ito ng takbo, kahit si Lydia de Vega pa ang humabol dito ay paniduradong lalawit ang dila.
Nitong mga nakaraang taon lamang nauso ang N6300, MP3 at MP4, isang iglap lamang narito na ang Blackberry, iphone, ipad. May laptop na ring pwede nang gawing notebook, kung saan may sensor ang iyong pinagsusulatan na direktang nakakonekta sa laptop. Matapos magsulat, makikita sa laptop ang notes na awtomatikong naka MS Word na. hindi na natin kailangan ng papel, puro memory card na lang. nakakahiya na rin gumamit ng diskette, may flash drive na kasi.
Hindi na naglalaro sa labas ng tahanan ang mga bata. Abala sila sa tetris, dota, Farmville, plants vs zombies, angry birds at marami pang iba. Hindi nila naranasan ang mapawisan sa likod na halos maaari nang mapigaan ang damit sa pagkabasa. Patintero, tumbang preso, block 123, ilan lang yan sa mga larong hindi na nakikita ngayon. Daliri na lang ang tanging pinapagalaw sa panahong ito.
Nakaraan may nakita ako sa telebisyon, bagong imbensyon ng isang mayamang bansa. Isang robot na nakapagsasalita. Naka data base ang mga sinasabi nito sa harap ng maraming tao. nilalahad lamang nito ang pawang mga nakatakdang sabihin sa kaniyang tagapakinig. Akto nito ay tila isang guro. Nangamba ako bigla sa aking nasaksihan. Kapag ito’y nagpatuloy, may mga guro pa kayang madatnan ang mga susunod na henerasyon?
Tinanong ko ang guro ko sa hayskul sa Physics ukol dito. Tutal naman ay kaugnay ang kanyang tinuturo sa teknolohiya, pabor kaya siya sa mga nangyayari?
“alam mo maganda sa mga guro? Yung magkaroon ng attachment sa mga taong nakakasalamuha nito. Ikaw, ako, hindi ba’t kapag nagkakasalubong tayo nagngingitian tayo? May pakiramdam tayo sa isa’t isa. Maganda rin naman yang robot teacher, pero limitado lang ang alam nila, nakadepende din sila sa mga tao.”
Nagulat na lang ako sa tinuran ni ma’am Lofamia. Bakit nga pala natin kailangan pagkagastusan ang mga robot teacher kung kaya rin ito o mas higit pa ang kayang maibahagi ng ating mga kasalukuyang guro? Malamang ay milyon ang nakalaan para makagawa ng ganyang imbensyon, ngunit silang mga minamahal nating guro ay nakapagtitiis sa kakarampot na sahod na natatanggap.
Napakabilis lumakad ng panahon, tumatakbo naman ang teknolohiya. hindi maglalaon, magkakaroon na tayo ng mga kasambahay, aso, pusa, girlfriend/boyfriend, anak na robot. Pawang mga walang pakiramdam. Pakiramdam na pinakamahalagang biyaya ng may likha.