Sabado, Agosto 27, 2016 sa ganap na 8:32 PM sinalpak ni tadong daniel 3 Comments

Iskwater bang maituturing kapag ang pambungad sa bahay ay isang dipang manipis na telebisyon? Masusukat ba sa lugar ang kahirapan kung nakabalandra sa magkabilang gilid ng tirahan ang mga amplifier na tila pinahihiram ng barangay tuwing fiesta sa nayon? Pakiramdam ni Aling Elsa, katumbas ng mga naipundar ang pagiging maningning. Nagbabaka-sakaling masundan ni Ampleng ang liwanag na kanyang dulot. Kinakain ang buong araw sa pagbabantay sa maliligaw na aninong matagal nang tinupok ng dilim. Nakasandal sa pintong sinadyang maluwang upang akapin ang maliit na pagkakataon. Bumubulong na sana may magbalik.
“Nasaan ka na ba?”
Nagreklamo na ang buong barangay sa ingay ng pagyayabang ng bakaw na negosyante ngunit may isang pader pa rin na hindi niya matibag. Malayo ang nilalakbay ng tingin ni Renald. Nilalagpasan ang pagpapapansin ng mga nagtitingkarang bituin. Tumatalikod sa ilaw ng buwan. Hindi kailangan ng binata ang pahiram na kaliwanagan. Dekada na nang huling kumislap ang mata ni Renald ngunit magpasahanggang ngayon ay nagbubutas pa rin siya ng bangko. Sa harap ng pintuan. Nakatingala. Sumasahimpapawid ang isip tungo sa kanyang nilipad na pangarap. Doon sa itaas kasabay ng paghiling na ibalik ang ipinahawak niyang kaligayahan - ang pinakamagandang bituing nahuli ni Renald. Siya ang iniwan. Siya rin ang nawala.
Hindi siya nasiraan ng bait. Magkaiba lang kayo.
Naroroon din si Kaloy. Sinisipat ang palagiang nilalakbay ng tinaguriang baliw sa lugar. Binibilang ang mga kumikislap sa malawak na kapatagan. Apat na nga lang, hati pa para sa trabaho at eskwela ang kanyang mga uniporme. Kaya hindi nakapagtatakang maaliwalas na magdamag ang laging sambit ng katorse anyos na bata. Humihinga pa ang mga magulang ni Kaloy ngunit sa kabutihang taglay ng mag-asawa, higit pa sila sa pumanaw. Walang pagpaparamdam. Si Kaloy, natutong tumayo upang diligan ang natutuyong lalamunan. Napilitang sumandal sa de-karton na haligi. Humakbang at ‘di kalauna'y bumabagtas na sa sarili niyang daan. Hinasa siya ng kadamutan ng buhay. Magtago man ang bituin sa pananaw, gagawa siya ng sarili niyang liwanag. Hindi ulan ang makapipigil sa inaasam niyang paglaya.
Nais niyang maging sing kislap ni Venus tuwing lumalabas sa gabi.
Himalang hindi napapaso si Osang sa nginangatang tabako. Nasa loob ng bibig ang nagbabagang upos. Walang sindi kung pagmamasdan. Naitago ang naghihimutok na init. Tangan ni Osang ang unti-unting nauubos na trese pirasong kwadradong plastik. Bawat bagsak, may bigat na kumakawala. Sumasabay sa pagkaubos ng sensasyon ng yosi. Gaya ng alindog, nauubos din ito. Wala na ang mga singkislap na bituing dati nakaakbay sa t'wing may rampa. Nasa kabilang kalsada lang ang abot ng paningin. Hindi maka-diga. Duwag nang lumaban dahil noong huling tumaya si Osang, nahipan ang sulo na sana'y sabay na pag-aalabin kasama ng magiging kabiyak.
Naupos ang pangakong bukas ng dalawa.
Gusto mo bang maglaro? Madre-madrehan. Pare-parehan. Nangagsikalat ang mga kandilang may sindi. Nakapwesto sa sulok ang mga santong nanunuod sa kanilang bawat galaw. Pagbabasahin ni Grace ng mga bersikulo si Enzo sa tangan niyang banal na aklat. Magkakasunod na papaikot sa paligid ang himig ng koral - Halleluja, Ama Namin at Kordero ng Diyos. Habang tumutugtog ang Alay, luluhod si Grace sa harap ni Enzo upang tanggapin ang nakahaing biyaya. Paglalaruan ito sa kanyang bibig. Magkadikit ang palad sa harapan ng dibdib. Nakapikit. Sa pagnginig na ang katawan ng pari - hudyat na sinasapian na siya ng espiritu, agad na tatayo ang madre’t pwersadong pagpupunitin ang albang nagtatakip sa baboy niyang katauhan. “Hindi bagay sa'yo ang puti” at pumatong sa lalaki. Umindayog. Kumakalansing ang kampana sabay ng malalalim na ulos ng dalaga. Ilang segundo bago matapos na ang seremonya, huhugutin ang ibinaon. Magbibihis.
“Tang ina!”
Kaunting tulak na lang ng gravity babagsak na ang luha ni Janice sa kanyang kaliwang mata. Dahan-dahang naglalakad, kumaliwa sa kanto ng Masbate sa Balic-Balic. Hawak sa kanang kamay ang bugkos ng rosas. Sa kabila naman'y nakapulupot ang lalaking kung pumorma'y pang-binyagan. Taas-noo. Suot ang ngiting nanalo sa isang paligsahan. Masigla silang naglalakad patungo sa naghihintay na magulang ng dalaga upang ipakilala si Albert - nobyo niya kani-kanina lang sa Wechat. Sa tindig ni Janice sinasabi niyang iba siya sa mga kapit-bahay. Na ang matagal nilang dinadaing ay hindi mararanasan ng dalaga. Mahirap kasi ang tumulala. Walang ginawa kundi ibulong sa hangin ang nais mangyari. Para kay Janice, parusa ang maghintay. Kaya kumilos siya upang mahanap si Albert. Nangako naman ang binata na tatanggapin siya. Lahat umano ng tao may baho, iba-iba lang ng pagtatakip. Kung umalingasaw man sa katagalan, bawas na ang bigat.
Doon sa poste ng ilaw bago lumiko sa kanilang kabahayan, bubulaga ang nakapaskil na kataga. “Lahat ay may rason.”
“Putangina.” sagot nila Aling Elsa at iba pang nakatanggap. Ikinandado ang pinto. Ibinagsak ang baraha. Niligpit ang sampayan. Kumuyakoy. Nainip na sila sa sinasabing katumbas na kapalaran. Bukod sa plano ng tinuturong may gawa ng lahat, wala na bang iba pang makakapitan?

Huwebes, Marso 19, 2015 sa ganap na 5:09 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Hinihintay mo pa ba ako o ako na lang ang umaasa?
Nalaman kong mahirap pala’ng umalis sa lugar na hindi pa napupuntahan. Nakikini-kinita ko na ang kasiyahan ko habang naglalakad sa magandang buhanginan na iyong taglay. Nakahihga sa dalampasigan hanggang sa pagsapit ng liwanag. Magkahawak-kamay. Ang ganda ng dagat na nadaanan namin papuntang La Union. Abot kamay ko na, pero hindi ko pa narating. Hanggang tanaw na lang ako.
Nakatali ako sa kagandahan ng nakaraan natin na naputol noong hindi ako ang ‘yong pinili. Ikaw ang kwentong napakasakit pero pilit ko pa ring inilalahad sa iba. Na sa tuwing may nagtatanong ng tungkol sa pag-ibig ko, ikaw pa rin ang laman nito. Ng puso ko. Ng mga salitang lumalabas sa aking bibig. Para kang sugat na masarap kamutin. Hindi kita kayang paghilumin. Gusto kitang buhay na buhay sa isip ko. Kahit pitong taon na ang nakararaan. Kahit marami ka nang nagdaang boyfriend.
Kailan mo ako palalayain? Kailan ako aalis sa pangako ng ating bukas? Bakit hindi kita kayang kalimutan? Ako na lang ba ang kumakapit o naroroon pa rin ang mahika ng ating samahan? May mga hindi ako maipaliwanag. Kapag nagkikita tayo, parang nanunumbalik at naiiwan sa isang sulog ng utak ko ang sakit. Ang ganda ng ngiti mo sakin. Laging nagpapahiwatig, nagbibigay pag-asa. Pwede pa kaya? Ituloy natin? Subukan natin?
Lagi lang akong nag-aabang. Sa tuwing nadadaan ako ng V. Mapa, binabantayan ko ng tingin ang kalsada papasok sa inyo dahil baka nandoon ka, naglalakad. At sa aking pagbaba sa sinasakyang jeepney, magsasalubong ang mata natin, liliwanag ang iyong mukha. Doon mo maaalala ang lahat ng kahapon. Maging ang pag-iibigan nating napurnada.
Magiging matatag na kaya tayo? Masyado pa tayong bata noong nagkaumpugan ang puso natin. Hindi pa tayo marunong lumaban. Sumuko ako. Sumuko ka. Lumayo ako. Pinagtulakan kita. Nagkagulo tayo. Hindi natin malaman kung paano ibabalik ang nasirang samahan.
Tama nga siguro, panahon na lang ang nagpagaling ng hindi natin pagkakaintindihan. Taon ang ginugol natin. Nagpakiramdaman. Nagtuksuhan. Naghilahan papalapit sa isa’t isa.
Handa ka na ba? Gusto kong malaman dahil matagal ko nang inihahanda ang puso ko. Gusto ko nang dugtungan ang istorya natin. Malaman ko man lang na may napala ako sa maraming taon kong pagkokondisyon.
Sabihin mo naman sa akin kung ako na lang ang nag-iilusyon. Baka kasi punung puno ako ng pag-asang magkakaroon ng ikalawang yugto ang nobela natin, pero ang sa’yo pala ay matagal nang nakasara. Sinara. Tinapos. Iniwan mo na ako ng tuluyan.
Ikaw pa rin kasi. Pwede bang makakuha ng oras sayo? Pwede bang sumingit ng panahon mula sa busy mong araw? Pwede ba akong maging parte ng buhay mo? Pagbigyan mo na ako. Pangako, hindi ko ‘to sasayangin.

Huwebes, Abril 10, 2014 sa ganap na 5:17 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Tanghaling tapat. Pinagbigyan ng mga ulap ang araw sa kaniyang paghihimutok. Pinadarama ang presensya niyang tila kinaligtaan na ng mga tao. Hindi laging malamig. Dalawa pa rin ang panahon sa bansa.
Huling araw ng bakasyon ni Albert sa kanyang trabaho. Sa Lunes, muli siyang makikipagsapalaran sa pagiging buhay manggagawa. Sanay siyang laging may ginagawa. Okupado ang isip ng ibang bagay. Mabigat ang buhay kung laging pagtutuunan ng pansin. Ipaskil ang ngiti at ito’y daraan lang.
Lalo ngayon. Wala nang laman ang kurba sa labi ng binata. Segundo lang ang itinatagal nito. Lumalagpas sa telebisyon ang paningin. Kalahating oras mahigit natatapos ang pagkain. Kahit ang mga musika sa kanyang cellphone, naitapon dahil sa kakabit na alaala. Umaasang maiaangat ng masisiyang ritmo at liriko ang kaluluwa. Nawawala si Albert.
Naubos na ang naipong kaligayahan. Dinala ng hanging bihira na lang dumalaw sa kanilang lugar. Inanod ng maduming tubig sa Pasig. Tinunaw ng init. Kinain ng dilim. Ibinaba ang kalasag. Nagpagapi sa labang akala niya’y walang natatalo. Naiwang tulala. Mahina si Albert.
Kahit saan tumingin. Kahit anong pagbaling ng atensyon sa ibang bagay. Bumabalik pa rin si Albert sa tinatakasan niyang lugar. Hinihila patungo sa kanyang kahinaan. Binubuhay ang natupok nang apoy. Sinasaktan ang sarili.
Gaano ba kabilis ang lumimot? Kahit gaano pa karaming anaesthesia ang iturok, ‘di magtatagal, hahapdi muli ang sugat ng nakaraan. Malalim. Siya man ay hindi malaman ang tagal ng paghilom nito. Hinayaang tumulo ang dugo. Huhupa rin ang pag-agos ng emosyon. Mapapagod din ang sakit sa pagpaparamdam.
Balang-araw. Bukas. Mamaya. O pagkatapos niyang umakyat ulit sa bundok. Isang araw makakalipad na si Albert. Wala nang pasan. Mahihirapang sumingit ang kalungkutan. Maluwag na ang daluyan ng dibdib. Babalik na ang nakangiting binata. Tatawanan na lang kahapon. Alam niya.

Sabado, Pebrero 22, 2014 sa ganap na 5:32 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments


    Panahon ng pagpaparamdam ng bagsik ni haring araw, pahinga ng mga estudyante sa eskwela, sa lugar na malayo sa usok at matataas na gusali, matatagpuan ang dalawang paslit na walang alam sa plano ng tadhana. Malaya nilang dinadama ang pagkabata. Mabagal ang takbo ng oras. Walang pakialam sa mga lupang nagsusumiksik sa kuko sa paa. Mapuno man ng gasgas ang tuhod, tuloy pa rin sa pagtakbo manalo lang sa laban. Paos na paos na pero upang manalo’y ipagtatanggol ang kanilang tama.
Sa La Union namunga ang binhing si Albert walong taon na ang nakararaan. Ipinunla ng mag-asawang magsasaka. Wala silang lupain ngunit may mayamang taga-Maynila na pinagkatiwala ang malawak na sakahan upang pagtamnan. Trabahador. Nagpapakakuba upang matustusan ang pag-aaral ni Albert. Pinapasan ang bigat ng sako-sakong ani mapagaan lang ang kinabukasan ng kanilang anak. 
“Anyamot ni Albert! Haang ka na tumulong! Aramidim mun ti assignment mo!”
Simple lang ang buhay nila sa probinsya. Nakangiti silang bumabaluktot sa araw na maigsi ang kanilang kumot. Batid nilang sandali lang ang tagtuyot. Maaambunan din ang kanilang hapag kahit pa-unti-unti. Makararaos din. Sa paligid nila’y puno naman ng gulay. Maaaring kantahin ang bahay kubo isama pa ang talbos ng kamote sa rami ng pagpipilian. Hindi kailanman mababagot ang mga langaw sa pagdapo sa kanilang mga plato.
Si Albert, bukod sa kanyang pagkabibo, maaasahan ng magulang na magiging tagapagtaguyod ng pamilya. Gusto ni Albert magkaroon ang pamilya ng sariling lupang pagtatamnan. Sabado at Linggo lang niya pinapayagan ang sariling makipaglaro sa mga kababata. Wantusawa. Umaga hanggang alas sais ng gabi. Pagkain at pag-inom lang ang pahinga.
"Walang pagkakapantay-pantay sa mundo. Malabo. Paano kung lahat mayaman? Sino na ang magtyatyagang magsaka ng ating makakaing bigas?" Sabi ng guro. Sa bandang gitna ng nakasalansang upuan, nakaupo kasama ang mahigit beinteng kababaihan si Janice. Nakikinig sa nagtatalakay na guro ng Values Education. Oo nga naman. Hindi kailanman magkakaparehas ang estado ng lahat ng nilalang.
Sa edad ni Janice, tanging pag-aaral at paglalaro pa lamang ang nagpapaikot ng kanyang mundo. Agad na tinatapos ang takdang aralin upang maitayo ang Doll house niyang hanggang baywang ang taas. Siya ang pinuno. Damang dama ang pagpapagalaw ng mga maliliit na tao. Iwinawasiwas ng mga daliri ang naisin. Ikinukumpas ang ikot ng buhay sa munting palasyo.
Ngunit nag-iisa lamang si Janice. Walang kasama sa paghalakhak. Iisa ang emosyong ibinibigay ng kanyang mga laruan. “Ma,” tawag niya sa babeng dinaig pa ng pagpapalit ng laruan ang presensya sa kanilang bahay. Kapatid ang tanging hiling. Kalaro. Katabi sa pagtulog. Kasama sa paggising, pagkain, paglalakad at paglaki. Sabik siyang maranasan ang kwento ng kanyang mga kaklase. “pwedeng pumunta sa labas?” Paanong makabubuo kung almusal lamang ang mainit na napagsasaluhan ng kanyang magulang?
"Uuwi tayo kina Nanay Teresa."
Kakarampot lamang ang umaaligid na bulak sa himpapawid. Nangagsayaw ang mga ibon sa paligid sa saliw ng sarili nilang musika. Tanging ang kadalasan ng pagpihit ni Albert sa kanyang mumunting radyo ang maririnig sa bahay ng pamilya Matuya. Walang magawa. Tulog ang kanyang mga kaibigan. Naniniwalang ang kataasan ay makakaapekto sa kanilang kaligayahan.
Kaunti na lang. Papaangat na si Albert tungo sa lugar na walang problema nang may biglang tumigil na makina sa tapat. Nambulabog sa katahimikan ng mundo. Nagitla ang mga ibon. Sumimangot ang mga aso’t pusang nakatungo. Naki-usyuso ang mga manok sa mga bagong salta.
"Mabuti’t napadalaw kayo?"
Karga ng katulong si Janice. Bahagyang gising.
Napabalikwas si Albert. Pumutok ang bulang sinasakyan.
Ngunit hindi sila nagkita. Walang pagpapakilalang nangyari. Hindi interesado. Binuksan ang mata. Ipinikit. Mas masarap matulog. Hanggang sa muling umandar ang makina papalayo. Doon sa lugar na ang potensyal ng pagkakaroon ng bagong kaibigan ay malaki datapwa’t panandalian. Doon sa lugar kung saan itinadhanang hindi magkita ang dalawang batang pupwedeng magkapalagayan ng loob.
Magandang hindi na ipilit pa ang pagtatagpo. Minabuti ng panahon upang wala nang masaktan. Hindi sila bagay. Gusto lamang ng isa ng kalaro. Mapaglilibangan. Samantalang gusto naman ng isa ay ang magiging kabalikat sa hirap at saya.
Ngunit bata pa sila. Huwag pangunahan ang tadhana.

Linggo, Enero 5, 2014 sa ganap na 3:39 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments

image
Maraming salamat sa pagpapatuloy sa iyong tahanan noong unang araw ng Disyembre. Binigyan mo kami ng magandang simula sa aming paglalakbay. Hindi kaagad nangalit ang araw at noong oras ng paghuhumiyaw ng kainitan sa Pilipinas, sinilungan mo kami ng napakarami mong haligi. Niyakap kahit walang kaalam-alam sa anumang pakay ng pagbisita.
 Ikaw ngayon ang sa tingin kong pinakamagandang napuntahan kong bahay. Ang tindig mo ang naging tanda ng iyong pagpapakumbaba. Sa’yo napatunayan na wala sa taas ang kagandahan ng iyong mga katulad. Hindi ka bituin na mahirap sungkitin. Sa halip, sa akin, isa kang bagong tuklas na karenderia sa likod ng Aristocrat, Roxas Blvd. Nasa paligid lamang. Kadalasang binabaliwala pa dahil sa mas tampok na kainan sa paligid. Salamat sa pagpaparamdam sa aming hindi lahat ay nabibili ng pera. 
image
 Kakaiba ang handog mo sa aming mga bago mong parokyano. Nagsisimula pa lamang kami sa pagdalaw sa mga uri mong tahanan. Salamat dahil hindi mo kami pinagdamutang marating ang iyong tuktok. Ginabayan sa tamang landas. Hinila sa daan kung saan mapapadali ang aming paglalakbay. Bukas sa kahit kaninong interesado ang iyong pinto. Hinigop kami ng iyong hiwaga. Nakapanghahalina ang kakapalan ng punong nananatiling nakatayo sa iyong katawan. Bawat isa’y may imaheng ibinibigay base sa tindig at tagal nang nabubuhay.
image
 Kaibigan, salamat dahil kahit umuulan, hindi mo hinayaang mapahamak kami sa halos 80 degrees katarikan. Makapit pa rin ang maraming halamang naging taga-alalay namin upang maiangat ang sarili at manatili sa aming pwesto. Nakahanda kang saluhin kami kahit dumadausdos na pababa. Pasimple mo kaming pinahirapan. Tama sila. Hindi dapat maliitin ang kahit anong bundok. Iba’t iba kayo ng alay. Lahat kayo’y may tinatagong lupit sa mga bisita niyo nang sa gayo’y magtanda kaming maging mabuting nilalang sa kapaligiran.
image
image
 At sa kadiliman ng kapaligiran, binigyan mo kami ng ilaw upang makauwi sa kanya kanyang tahanan. Hindi kami natakot humakbang. Ginawa mong madali ang paglalakbay nang may kakarampot na liwanag. Marahil nang dahil sa iyong natatanging ganda, lumabas din ang busilak na kalooban ng iyong mga bisita. Nakangiti’t nagtutulungan. Hindi kami pinabayaan.
 Hanggang sa muli, Mt. Pico de Loro! Maraming salamat sa pagtanggap! Babalik kami.
 PS. Kung hindi man responsable ang lahat ng aming uri, pipilitin naming suklian ang kabaitan mo. Aalagaan namin ang iyong ganda.
 Salamat ulit!
 Nagmamahal,
 TD
image
(photos not mine) 
:)

Martes, Disyembre 10, 2013 sa ganap na 12:20 AM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments

PART II
image
Ipilit ang pagkuha ng litrato! Sige pa!
image
Oks na yan!
Para kaming nasa ibang bansa. Nagmistulang nyebe ang makapal na hamog. Malakas pa rin ang malamig na hangin. Bahagyang umuulan. Naghalu-halo na. Nakakapanginig ang panahon.
 Nakakatuwa dahil nakikita ang hanging inilalabas namin. Bawat buga at buka ng bibig, may tila usok ng sigarilyong lumalabas. Astig!
 Inihanda na namin ang sarili para sa isang oras mahigit na paglalakad papuntang tuktok ng Mt.Pulag. Nagkape. Gumalaw-galaw upang uminit ang katawan. Tatlong patong ng damit ang isinuot ko. Dalawa doon ay jacket. Isinuot ko na rin ang dala kong jogging pants habang nakashorts sa loob pansalag sa lamig na pumapasok. Gusto ko sanang mag-shorts kaso baka mangisay na lang ako sa lamig sa itaas. Naggwantes. Bonnet. Hindi rin dapat mawala ang headlamp.
 Alas kwatro pa lang ngunit halos lahat ay energized na! Sabik na kaming makatapak sa summit! Malibot ang tinaguriang playground of the gods! Higit sa lahat, ang sea of clouds!
 Baka walang sea of clouds. Asa ka! Sabi ng tinig sa akin. Kahapon pa pinaliligiran ng hamog ang paligid. Ni hindi kami pinagbigyan na makita ang katawan ng bundok bukod sa nilalakaran namin. Walang clearing. Dumagdag pa sa pagiging imposible ay ang estado ng lugar, signal no. 1 sa Benguet.
 35 kami ngunit hindi lahat ay nagkaroon ng prebelihiyo na makatapak sa summit. Hindi naging madali sa iba ang lamig at buhos ng ulan. Pinasok ang tent ng ilan sa mga kasama namin. Alas tres noong bumagsak nang hindi tataas sa 10 degrees ang init sa bundok. Sa orientation sa DENR sinabi na huwag kalabanin ang sinasabi ng katawan. Mabuti’t nakinig ang iba. Ang pamumundok kasi ay isang malaking pakikipagsapalaran. Malayo sa ospital. Malayo sa bayan. Pagbabasa sa kakayanan ng katawan ay mahalagang sangkap upang maging matagumpay ang pag-akyat.
 Sa Maynila, nakasanayan ko nang magbawas tuwing umaga. Araw araw, hindi ako umaalis ng bahay nang hindi nakakaupo sa trono. Masarap kasi sa pakiramdam at walang inaalalang nagmamadaling lumabas. Ngunit nasa Mt. Pulag ako. Pinalakas ng lamig ang katamaran kong magbanyo.
 Muli kaming naggrupo-grupo katulad kahapon. Si Gary ang nasa harap ko samantalang si Sir Nastie naman sa likuran. Naka-single line kami. Kasabay ng paghampas ng hangin, nagpapakawala rin ng hindi kaiga-igayang hangin ang aking katawan. Carbon dioxide. Utot. Nagbabadyang mag-single line palabas ang mga nakain ko kagabi. Nahihiya ako kay Sir Nastie na siyang Organizer ng akyat namin. Langhap na langhap kasi niya ang bawat buga ng aking pwet. Natatakot akong sa pag-ilag niya na maamoy ang mabahong hangin ay ma-out of balance siya. Kasalanan ko pa. Pero hindi, mapagtiis siya. Mabuti naman.
 Madilim ang buong paligid habang papaakyat kami. Halos ang mismong trail na lang ang nakikita namin sa tulong ng suot naming headlamp. Ni hindi namin alam kung bangin na ba ang dadaanan o isang malawak na patag. Nag-ingat na lang at nagpatuloy maglakad.
 Wala nang pag-asa ang sea of clouds. Mahirap sa ganitong panahon. Basta makarating lang kami sa tuktok, sapat na. Bonus na marahil ang clearing.
 Ilang minuto bago ang summit. Ilang hakbang para sa tagumpay na pinaghirapan. Nawala bigla ang makapal na hamog. Pero madilim pa rin ang paligid. Tumalikod para silipin ang mga kasamang kasunod sa paglalakad. Napahawak sa aking bulsa. Hinablot ang camera. Ito na! May clearing! Naghuhumiyaw ang buong pagkatao sa galak! 
image
image
image
Sumisikat na ang araw. Magpapakita ang napakaraming kulay ng langit! Hindi na mapakali ang lahat sa pagkuha ng litrato. Walang pangit na anggulo sa magandang tanawin. Matarik ang tuktok pero hindi na namin iyon ininda. Tumakbo ako paitaas para lumaki ang sakop ng aking paningin! Nawala ang pagod ko. Busog na busog ako sa ganda ng Mt.Pulag! Ito marahil ang bunga ng paghihigpit ng DENR sa kalinisan ng lugar! 
image
Nasa itaas ako ng pinakamataas na bundok ng Luzon. Nakatapak sa pangatlo sa kataas-taasang lupa sa Pilipinas. Nais kong yakapin ang sarili ko. Bigyan ng "Magaling, Daniel." kasama ang paghaplos sa likod. 
image
image
image
image
Tagumpay naming narating ang ituktok ng Mt.Pulag. Higit pa roon, nawalang bigla ang makapal na hamog sa paligid. Nagpakita ang mga naninirahang Dwarf Bamboos. Nagsusumayaw sa kumpas ng hangin ang mga damong dinaig pa ang mga mayayaman sa taas ng tahanan. Dinala ng bundok ang galak ng mga tao hanay sa kanyang taas. Kinalimutan ang problema. Pinitik ang takot paalis sa katawan. Larawan ang lahat ng kasiyahan. 
image
Sandaling minuto lamang pinalasap ng kalikasan ang ganda nito. Kinumutang muli ng makapal na hamog ang kaakit-akit na katawang lupa. Nangahiya ang binibining kayhirap ligawan. Pero walang kaso sa amin yon. Mapalad pa nga kami dahil sa kundisyon ng Benguet ay napagbigyan kaming makita ang handog ng bundok. Minsan talaga ang sandaling kaligayahan ang mas nakaaangat at dadalhin hanggang sa pagtanda.
 Inalayan namin ng matatamis na ngiti ang kalikasan. Sandali pa’y naghanda na ang lahat sa pagbaba. Alas siyete pasado na kaya maliwanag na ang paligid. Kitang kita na ang kakarampot na espasyong kaninang nilakaran. Bangin. Ngunit mas namayani ang pagkamangha sa aming mga mukha. Hindi naman pala nakakatakot si Mt.Pulag. Sa katunayan, hindi mapapahamak ang sinuman kung magiging responsable sa bawat kilos. Walang dapat ipangamba kung alam namin ang ginagawa. Pinag-iisipan.
 Sinabi ko dati na sa oras na maakyat ko ang bundok na ito, titigil na ako. Pinakapangarap ko ‘to, eh. Tama na ang isang taong pamumundok. Pero nagkamali ako. Kakalimutan ko na ang pagpigil sa sarili kong lalong maging masaya. Hahayaan ko na lang na tangayin ako ng hanging galing bundok tungo sa kaligayahan. Papadausdos sa mabatong trail. Kahit masakit. Kahit masugatan. 

Linggo, Disyembre 1, 2013 sa ganap na 4:25 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

image
Masama ang lagay ng panahon. Biglang buhos ang malakas na ulan. Humahampas ang malamig na hangin. Bumaba ng 19 degrees ang klima ng lugar. Manipis na ang hangin sa simula pa lang ng pag-akyat. Mahirap nang huminga. Pilit kong hinahanap ang tamang lagay ng aking dibdib habang inaayos ang sukbit na 60litrong bag sa aking likod. Mabigat.
image
Hamog everywhere.
Mabuti’t malakas ang tulo ng ulan. Baka kasi mahalata ng mga kasama ko. Bawat yabag ng aking paa, sumasabay ang kabog nitong puso. Umaagos na rin paunti-unti ang aking luha. Kinakabahan. Napakaraming bumabagabag. Baka hindi na ako makababa. Baka maging pabigat ako sa buong grupo. Baka hindi pa ako handa. Pilit ko mang ibahin ang tumatakbo sa isipan ko, tinutumbok pa rin, marahil ay dulot ng panahon, ang kalungkutang itinago ko matagal na.

 Plano kong gawing huling akyat ang Mt. Pulag.


 Ni sa hinagap, hindi ko inakalang ganito kabilis ko makakamit ang pangarap kong bundok. Pebrero 2012 noong una akong umakyat ng Mt. Romelo sa Laguna. Lubha akong napamahal sa bundok. Nagutom ako’t naghanap ng iba pang pupwedeng matikman bukod sa inihain sa’kin ng una kong lasap sa pag-akyat. Kaya simula noon, hindi na ako tumigil sa paghahanap ng maaaring mapuntahang bundok. Mapa-Batangas, Laguna, o Bulacan, basta makuha lang ang sayang dulot ng pagiging nasa itaas. Abot ulap. Gaya ng makakamit namin sa pag-akyat sa Mt.Pulag. 

image
Agosto pa lang ng 2013 nagparehistro na ako para mapasama sa napakaraming aakyat sa Mt.Pulag. Halos tatlong buwan na preparasyon. Napakatagal. Pero sabi nga nila, mababa man o mataas ang bundok, mabuting paghandaan ang pag-akyat. Napakaraming sorpresa ang itinatago ng iba’t ibang bundok. Maging ang napakaraming indibidwal, hindi magkakapareho ng kwento at karanasan sa iisang lugar. May nadalian at mayroon ding nahirapan.
 Walang sinuman ang buong nakapaghanda sa hamon ng Mt.Pulag. Marahil para sa akin, kahit halos maubos ko na ang budget ko sa buong linggo makabili lang ng mga kailangang gamit, hindi ko pa rin naihanda ang paghaharap namin nitong natatanging bundok sa Luzon. Piniga ang emosyon ko. Hinalungkat lahat ng pagdududa ko sa sarili kong kakayahan. Bumalik ako noong panahong pinipigilan ko ang tatay kong paluin ako ng sinturon. Hindi ko maawat. Hapong hapo akong naglalakad. Tahimik. Gusto ko na lang makarating ng camp site nang makapagpahinga. 
image
 Kakalabitin ko sana si Jhoy, kasama ko sa grupong Kwebang Lampas, para sabihing gusto ko nang magpaiwan sa Ranger Station. Bigla akong nanghina dulot ng pinagsamang malakas na hangin at ulan. Malaking parte marahil ang kawalan ko ng karanasan sa pag-akyat habang umuulan. Wala akong tatag. Mahina pa ang loob ko sa pagsubok. Gusto ko na agad umuwi at makaramdam ng pagiging ligtas. Pero hindi, inalala ko na lang ang mga nagastos ko bago ang araw na ito. Hindi pwedeng mabaliwala iyon. Higit pa ay ang mga nagtiwala sa’king kaya kong bumalik ng ligtas. Isa pa’y naroroon na rin ako, anim na oras na paglalakbay galing Manila, wala nang atrasan pa.
 Sa group 3 kami halos napuntang mga magkakaibigang kasapi ng Kwebang Lampas. Unang pagkakataon kong makasama ang grupo sa isang major. Sila Jhoy, Sir Joey, Gary, at Erwin ang naging kaagapay ko sa tatlong oras mahigit na paglalakad papunta sa Camp 2 ng Mt.Pulag. Nagmistula silang trekking pole ko, taga-alalay, tagabigay ng trail foods at naging tagapayo ng lahat ng tungkol sa pamumundok. Maswerte ako’t kasama ko sila dahil marahil, mag-isa akong nagluluto ng Omelet na tangi kong alam lutuin. O di kaya’y magbubukas na lang ng Tuna Paella na de lata.
 Inihakbang ko ang nanginginig kong tuhod. Nakapila sa bandang likod ng 35 kataong may iisang hangarin - makatungtong sa tuktok ng Mt.Pulag. Gusto ko silang basahin lahat. Pareparehas ba kaming may takot? Tulad ko rin ba silang pinipilit na lang ang sariling magpatuloy? Marami kasi sa amin ang first time aakyat sa naturang bundok. 
image
 Camp 2. 
image
 Giants of Mt. Pulag. Dwarf Bamboo. 
Pasado alas tres nang marating namin ang Camp 2 na pagtatayuan ng mga tent. Kanya kanya nang pwesto ang lahat. Nagmamadaling maisaayos ang pansamantalang titirhan sa gabing kaylamig. Hindi na inalam kung gaano kababa umabot ang temperatura. Basta tangi lang gusto’y makaraos at kinabukasan’y may lakas upang pumanhik sa tuktok ng Mt.Pulag.
 Pinili ko munang pumasok sa tent. Nag-ayos ng gamit. Nilabas ang dalawang jacket. Cellphone ko.Ma, nasa camp na po kami. Ang lamig! Ingat po ako rito. May dumating na mga mensahe. Masaya umano sila para sa’kin. Naiinggit dahil sa wakas, nakaakyat na ako sa Mt. Pulag. Para akong inuntog. Heto ako’t nagmumukmok sa itaas ng bundok samantalang sila’y nananaginip na makasama sa pag-akyat. Heto ako’t nasa loob ng tent, hindi lumalabas. Takot na takot. Daniel! Gising!
 Nakangiti akong lumabas ng tent. Handa nang lumaban. Pangit naman kung ang karanasan kong ito ay mapuno ng katatakutan at pagkabahala. E-enjoy-in ko ito! 
image
Naglibot
image
Naglibot. 
image
At naglibot.
 Alas otso ang itinakdang oras para sa socials. Maganda ang programa, pinaghanda kasi kami ng presentasyon para magkaroon ng kakaunting anghang sa gabing iyon. Daan na rin ito nang magkakilanlan ng tuluyan at matanggal ang hiya sa katawan ng bawat isa. Ngunit dahil sa kalamigan, dagdag pa ng signal no. 1 na bagyo, hindi ko na nakayanan pang lumabas. Kailangan pang gumising ng alas tres para sa summit assault namin. Nalaman ko na lang kinabukasan na walang naganap na socials sa parehas na dahilan. 
image
Woops! Selfie muna! 
Shorts sa ganyang temperatura. Beat that! :)

Martes, Nobyembre 26, 2013 sa ganap na 4:54 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Disyembre taong 2012

Nitong nakaraang linggo napagkasunduan ng buong department namin sa office na magkaroon ng Christmas Party. Unang pasko ko ito na buhay may trabaho ako. Halos anim na buwan na ako pero hanggang ngayon nag-a-adjust pa rin ako. Napapansin ko rin na araw araw pare-parehas lang ang mga ginagawa ko.

Gising ng alas singko. Pasok. Uwi. Tulog ng alas diyes.

Hindi nakakatuwa. Parang hindi ako makagawa ng oras para sumulat. Paisa-isang talata lang. May pagkakataon pang hindi ko matapos ang nasimulan. Nobela, maikling kwento, sanaysay at marami pang mga kabalbalan. Lahat nasa notes ko sa cellphone naghihintay lang na mapansin ko.

Balik tayo sa party namin. Hindi syempre mawawala ang Kris Kringle sa okasyon. Bumunot kami ng screen name para gamitin at hindi makilala ng aming "baby." Bilang napakatagal pa ng tinakdang araw (December 19), linggo-linggo kaming magpapalitan ng regalo depende sa tema ng dapat ibigay.

something reminiscing

mga bagay na magbabalik umano sa alaala ng pagkabata ang unang pagpapalitan ng regalo. kinilig ako ng bahagya dahil alam kong bukod sa matatanggap kong regalo, makakabisita muli ako sa mga tindahan ng mga laruan. may kakaiba kasing saya ang dulot ng awra sa loob.

Nilibot ko ang buong Robinsons Galleria para hanapin ang gusto kong iregalo. Toys r Us.

May headband kayo na may abubot sa tuktok? May ideya na kayo sa kasarian ng pagbibigyan ko.

Wala, sir. 

May pakpak kayo ng fairy? 

Tapos na po ang Halloween, sir. Loko loko.

Hanggang mapadpad ako sa parte ng mga librong pambata. De joke lang. Naisip ko lang na libro na lang ang ibigay ko. Naalala ko kasi noong elementary, hindi kami magkamayaw sa paghahanap ng mga alamat ng kung anu anong bagay. Bawat baitang may ipagagawa ang guro ng Filipino o English na summary report / book report / review.

Mga kwentong punung puno ng aral ngunit may tinatagong pakahulugan. Sa isang banda naging panakot ito sa aming mga kabataan. Halos lahat kasi ay tila naparusahan gaya ni Pinya na laging dinadahilan ang matang tinatamad tumingin at magmasid at ni Saging na laging paa ang ginagamit sa pag-abot sa bagay sa paligid. Kung hindi man ay naging Mangga dahil sa kabusilakan ng puso at Sampaguita dahil sa pagmamahal ni Guita? Hmmm.

Sampa Guita! Sampa! Sabi ng kanyang irog habang inaangat siya sa bangin.

Hindi ko tinuloy ang balak na pagbili ng libro. Puro kasinungalingan. Binibigyan nito ang mga kabataan na maging mabait sa maling paraan. Parang ang konsepto ng langit at impyerno. Itinatatak sa isipan natin na magpakabuti dahil may langit na naghihintay sa halip na gumawa ng kabutihan dahil masarap sa pakiramdam.

Pero bakit kaya hindi pa nayayari ang alamat ng tao? Na si Langgam ay naging tao kasi hindi siya sumusunod sa pila, lagi pang sumisingit. Na si Buwaya naging tao dahil sa pagkain niya ng hindi sa kanya at kalauna'y naging Kongresista. Na si Manok nagnais magpapansin, putak ng putak kaya ginawang social networking site user. Hindi kaya parusa ang maging tao?

Sige, balik na lang tayo sa party namin. Binili ko ang napaka-cute na stuffed toy. Hindi sa sinasabi kong kadikit ng laruang 'yon ang pagiging bata pero ang mga bata, hindi ba, likas na mapaglaro? Makikita natin silang dinuduyan ang mumunting laruan na tila kanilang anak; kinakausap gaya ng mga kaibigan; at sumbungan kapag pinagalitan ng magulang.

Hayyy. Kay sarap maging bata. 'yung panahong ang katumbas ng pagtahan ay makukuha sa tigpipisong Hani o Flat Tops. Wala nang mas mahalaga pa sa star na nilagay ni Ms. Atienza dahil nasagot ang tanong sa klase. Hindi tulad ngayon. Habang dumadagdag ang edad ng tao, gayon din ang paghahanap natin ng tunay na kaligayahan. Hindi na natin makuhang ngumiti. Mahirap na sa ating maging maligaya sa simpleng bagay. Karaniwan pa nga'y pinipilit na lamang nating maging masaya.

Ang lungkot na tuloy. Pwede bang balikan na lang natin ang kabataan na puno ng saya? Kakabit kasi ng paggunita sa nakaraan ang paghahanap natin ng katulad na karanasan ngayon.

May nakita akong isang karatula galing kay pareng Google. Ito:



Kung pwede lang... 

Huwebes, Oktubre 3, 2013 sa ganap na 10:21 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

     Lulunurin ng mga malalalim na salita. Bubugahan ng mga mababangong paglalarawan. Palalasapin ng hardin sa kabila ng maruming kapaligiran. Palalamigin ang sikat ng araw. Magtitiis hanggang ang buwan ang pumaimbabaw. Sa langit sila ay nakatulala. 
Umaasang masasagip pa ng kakarampot na pag-asa ang kanilang pinagsamahan. Nakatali ang mga daliri. Hinahaplos ng kadiliman ang matang naghahanap ng kalinawan. Kakaiba ang ihip ng hangin - nakikisama sa kuryenteng nag-uugnay sa dalawa - hindi na halos maramdaman. Unti-unting lumalayo ang mga ulap dahilan upang mapuno ng bituin ang kalawakan. 
Sinungaling. Ano bang ikinaganda ng lugar na ito? Punung puno ng taong nagsikalat na walang ginawa kundi matahin ang nakakasalubong. Pare-parehas lang naman ng hanap. Pag-ibig. Hindi nagkakalayo ang mga mata nilang uhaw sa tunay na kaligayahan. Animo’y kadikit ng pag-ibig ang ngiti sa labi. Na ang kapareha ang magsasalba sa kanilang lunod na kaluluwa. Na ang luha’y mapapatid sa tulong ng isa pang problema. 
Kagaya nila. Sa kaingayan ng gabi, tahimik na pinakiramdaman ni Elsa at Mark ang daloy ng hangin. Pag-uusap nila ay maingat. Nasa bangin sila kung maglakad. Isang maling hakbang ay tuluyan nang mamamatay ang apat na taon nilang relasyon. 
Anong ginagawa natin dito? Sinigurado ng dalaga ang hindi pagtulo ng luha. Kahinaan ang batid ng likido sa lalakeng tulad ni Mark. Hindi pa ba malinaw ang lahat? 
Gumapang sa gilid ng mata ng binata ang kanyang luha. Kilala niya si Elsa, malambot ang loob niya sa mga umiiyak. Marami pa. Kaya pa natin. 
Anong magulo sa tapos na? Tanging bibig na lang ang kanilang iginagalaw. Ni ang pagsulyap sa isa’t isa ay tila pinagbabawalan ng batas na sila lang din ang gumawa. Walang naririnig kundi ang katabi. Mga tuod. Maging ang mga bituin ay napagod na sa pagkislap. Baliwala ang buong paligid. Bitawan mo kamay ko. 
Dito lalong hinigpitan ni Mark ang kapit kay Elsa. Ayaw niyang pakawalan ang dalaga dahil alam niyang siya na ang itinadhana sa kanya. Binulong ng isip sa kanyang puso. Sinang-ayunan naman ng puso. Kaya hanggang ngayon ay lumalaban si Mark kahit alam niyang siya na lang ang nakakapit. Kahit maluwag na’t handa nang kumawala ang dalaga. Bitawan mo na’ko. 
Naalala mo mga pangarap natin?
Hindi lahat ng pangarap maaabot natin… matigas na ang tinig na lumalabas sa bibig ni Elsa. Damdamin niya marahil’y ga bato na rin. …na magkasama. 
Darating ang panahon na makakakilala tayo ng bagong mamahalin. Marahil sa kaniya masasambit natin ang napakakulay nating kagustuhan. At sana sa pagkakataong iyon, magtugma na ang ating kapalaran, ng magkahiwalay, pero masaya. 
Kanina pa pinatatakas ni Elsa ang binata. Lahat ng pagpapalaya naibigay na niya. Pinagtabuyan. Wala nang pag-asa ang relasyon nila. Ngunit para kay Mark, kahit na isang daliri na lang ang nag-uugnay sa kanila, patuloy pa siyang manunuyo hanggang lumambot si Elsa. Bumalik ang dati. 
Mark, tama na. Utos ‘yan na hindi na kailangan ng sagot. Hindi siya nanghihingi pa ng kahit ano kay Mark. Siya na ang humiwalay - daliri niya’y tinanggal sa pagkakatali. Kumalas. Tumayo’t naglakad papalayo. Samantalang si Mark ay sa langit nakatulala. Wala nang mailabas. 
Ang ganda pala ng mga bituin. 

Lunes, Agosto 12, 2013 sa ganap na 5:52 PM sinalpak ni tadong daniel 6 Comments

Alam mo ba ang pangyayari sa ating buhay na mahirap hulaan? Sigurado itong magaganap sa kahit kanino ngunit wala namang nakaaalam kung kailan sasapit. Marami ang nag-aantay. Marami rin ang umiiwas. Ang ilan pa nga ay naghahanda pero wala ni isa ang nakapagpaalam ng sapat. 
Lumabas tayo ng bahay, sa paligid naglilipana ang napakaraming disgrasya. Iniwasan ang papasalubong na bisikleta, nakaligtaan namang sa kalsada’y punung puno ng nagmamadaling motorsiklo. Huling pag-uusap ng mahal sa buhay umaga sa hapagkainan. Aalis na ako, ang huling sabi. 
Kahit sa loob mismo ng tahanan, kung mapagpasyahang magkulong maghapon upang takasa ang kinatatakutang huling hantungan. Sa balita naman ilang buwan na ang nakalilipas ay bumulagta na lang ang isang batang babae dahil sa ligaw na bala. Dumaplis sa utak ng inosenteng bata kaya hindi na nakayanang lumaban. Walang kaway ng pagpapaalam. Walang halik sa mga minamahal.
Maging ang katawan natin ay hindi na mapagkakatiwalaan. May isang binatang naligo hapon pagkauwi ng bahay upang maibsan ang nararamdamang init at pagkahapo. Maya maya ay nakita na lang siyang humandusay sa sahig. Balita ay may pumutok na ugat sa kanyang utak. 
Iba’t iba ng dahilan. Pare-parehas ng kahihinatnan.
Mahirap tantyahin kung kailan ang oras. Hindi kailanman mapaghahandaan ang pagkawala. Kahit ang maiiwang mga mahal sa buhay ay hindi magiging buo ang loob sa pagpapaalam. Mahirap ipaliwanag ang kamatayan. Walang itong sinasantong edad. Binabalot ito ng mahika. Hindi mailabas ang lungkot. Hindi kayang suklian ng salita ang napakaraming emosyon na napapaloob sa isang taong nawalan. 
Siyang wala nang malay ay mananatiling nakahiga. Wala nang pakiramdam. Wala nang problema. Hindi na makita ang bakas ng kahapon at napagdaanang hirap. Walang pagsisisi sa guhit ng mukha. Iniwan na niya ang mundo. 
Silang mga nakasilip sa ataul ay hindi matiyak saan pa huhugutin ang lakas upang magpatuloy. May pighati. May kirot. Maraming hindi nasabi noong may kakayahan pa ang mahal na makarinig at makaramdam.
Sa dalawang panig ng nagmamahalan, sino sa kanila ang may panghihinayang? Napakahaba ng isang oras upang sabihin sa mahal natin ang ating tunay na nararamdaman. Ngunit napakaikli ng maraming taong pamamalagi niya sa ating mundo upang hindi natin masabi iyon. 

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile