Hindi ko alam paano ‘to sisimula. Kakapanuod ko pa lang kasi ng Gawad Urian, natatakot akong maging katulad ‘to ng mga speech ng nagsipagwagi.
Headphone plug in. radio station 98.7. ulan.
Noong hayskul ako, hindi ko matanggap sa sarili ko na mahirap lang tayo. Hindi ko gusto ang mang-imbita ng mga kaklase sa bahay dahil masisilip nila ang kundisyon ng buhay natin. Minsan may nagpupumilit na pumunta sa atin, pinagtulakan ko sila. Sobrang dami kong dahilan, sinabi ko pa na kasalukuyang pinapaayos ang bahay para hindi sila matuloy.
Hindi ko gusto ang pangunahing pinagkukunan natin ng pangkaen araw araw, ang pagtitinda ng almusal at pananghalian. Hindi ko gusto kapag sa simula ng klase, magpapakilala isa isa, sasabihin ang trabaho ng magulang. Nahihiya ako.
Marami akong hinihiling sa inyo na hindi akma sa estado ng buhay natin. Christmas party namin, 2nd year high school. Lubos ang pagtanggi ko noon sa mga kaklase ko na mapasaakin ang isa sa mga putaheng panghanda kaya natoka sa akin ang spoon and fork. Kahit ‘yon, sapilitan pa ang pagbibigay niyo ng pera. Madarama ko pang nasabi na, 7th honor po kasi ako kaya may toka sa akin, sabay hagulgol at pagpayag niyo. Ang higpit natin sa pera.
Bawat paskong dumadaan, bawat batang sobrang gagara ng kasuotan, bawat mga pagkaing nakahain sa noche buena at medya noche, inggit na inggit ako dahil laging halos wala tayo.
bakit ba hindi natin makuha ang ganoong buhay? Bakit ba kasi hindi ka makahanap ng trabaho? ‘Yung stable na buwan buwang may natatanggap tayo?
4th year hayskul ko, kasama ko si Ann sa jeep pauwi, magpapasko nanaman. Nagkukuwento siya ng mga nabili na niyang mga damit pamasko. Samantalang ako, iniisip ko pa kung kalian tayo bibili at kung bibili nga ba. Noong nakaraang taon nga wala akong pamasko eh. Hindi na lang ako nagsalita. Lahat ng lakad, mapakamag-anak o kaibigan, hindi ako dumadalo dahil alam kong punung puno ang mga ‘yon ng pasikatan ng mga bagong damit.
Dati pa man, gabi gabi akong humihiling na sana makaalis ka na paibambansa para makahinga na tayo sa araw araw na alalahanin. Ito muna ang ulam ngayon o mamaya dahil wala tayong pera. May natirang paninda kanina, initin na lang natin. Huwag muna ngayon, bukas na lang ‘yan, ubusin muna natin ito.
Hindi ko pinapakialam ang lahat ng bigat ng pamilya natin, ang mahalaga lang sa akin, nabubuhay niyo kami. Kahit saan pa kayo maghagilap ng mauutangan, pambaon ko, pangtustos sa amin, bahala kayo.
Pero iba na ngayon, pa. graduate na ako. Matalino na ako. Nahihiya ako sa tuwing ginugunita ko lahat ng mga pinaggagawa ko noong bata pa ako. Kulang pa nga yang mga nasa itaas. Lahat ‘yon nagturo sa akin ng napakaraming leksyon. Dinala ako kung saan man ako ngayon.
Pa, may trabaho na ako. Hindi muna ako maghahanap ng asawa. Tutulong muna ako sa panggastos hanggang kaya na natin. Para hindi ka na rin magtrabaho sa malayong lugar.
Pa, sorry sa lahat.
Nagpapakabuti akong tao para maging proud kayo sa akin. Gusto kong dalhin apelyido mo sa taas, nirerespeto at hinahangaan. Habang buhay mo po akong anak kahit mamatay at mabuhay may ako sa ibang katauhan.
At kapag nagkaanak na ako, ipararanas ko rin sa kanila ang pagiging tatay mo sa amin.
Happy father’s day po!
Mag-post ng isang Komento