Martes, Hunyo 5, 2012 sa ganap na 4:50 PM sinalpak ni tadong daniel 18 Comments

dumi ng ilog oh! sabi ng isang babaeng lumba-lumba sa laki. nakapagtatakang malinis siya sa katawan dahil hindi talaga maaarok ng isipan ninuman kung papaano siya nagkukuskos sa bandang binti. kausap niya ang kaniyang anak na marahil ay wala ring pakialam sa tinuturo ng ina. nakadukwang sila sa may bintana ng jeepney. minamasdan ang manong na nasa bangka at naghahalungkat ng pwedeng mapagkakitaan mula sa kakapalan ng mga kalat sa ilog. 

ma, siya yung janitor diyan? ngumunguyang tanong ng bata.

ay anak, wala kasi siyang pambili ng makakaen kaya diyan siya naghahanap.

yuck! ang dumi dumi niyan, kakainin niya? bahagyang napatigil sa pagsagot si Dabiana dahil nakasuksok sa bunganga niya ang kaniyang hintuturo. inaabot ang maning naipit sa dulo ng ngipin. sakto naman sa red light, inihagis ng bata ang sitsirya niya sa ilog. 

bakit ka nagtapon doon? kita mong nasa harapan mo lang ang basurahan o.

ma, may laman pa yun. kapag nakita ng manong yung tinapon ko, edi may pagkain na siya! 

ambaet talaga ng anak ko! sabay kurot sa pisngi na parang nanggigigil. maging ang ibang pasahero sa sasakyan ay napabungisngis sa pagkabibong nasaksihan sa paslit. may ibang umiiling sa dismaya, tulog, pero karamihan ay natuwa. 

makalagpas ng jeep sa jollibee Kalentong, isang lalake ang sumakay. nakasumbrero, shades, long sleeves, chuck taylor, rockstar ang datingan pati na rin ang kanyang amoy. anlakas makabuhay ng concert at natutulog na diwa ng pasaherong pagod sa trabaho pauwi. iba ang sipa niya sa ilong.

napanganga sa kaniya ang mga nasa loob lalo na sa dala niyang tila bibliya, may nakasuksok pang mga sobre sa pagitan ng ma pahina ng libro. akma nang magsasalita si Pepe Smith ay napansin niyang bigla na ang lahat ng pasahero sa naturang jeep ay nakapikit, naghihilik pa. si Dabiana nakahawak sa mata ng kanyang anak, bumubulong. anak pikit ka lang. manghihingi ng limos yan. 

nangiti ang manong sa kaniyang nasaksihan. mga Pilipino talaga, akala nila matatapos ang problema kapag isinawalang bahala lang nila ito. napadilat na lamang ang mga tao sa narinig, maging ang driver ay napapreno. lalo silang nabigla nang makita nilang hindi sobre ang iniaabot ng rockstar. 

isang bag. paikutin niyo yan, lagay niyo mga cellphones at wallet niyo. sabay buklat ng bibliyang may compartment ng baril. bilis! 

walang natuwa sa rebelasyon ng holdaper mula sa kanyang old testament. lahat nagmadaling inilabas ang kani kanilang mga gamit. oras na mapatapat sa kanila ang bag na iyon ay otomatik na inilalaglag nila ang mga gamit, kasabay ng paghalik ng pagpapaalam, nanginginig pa. 

masyado niyo namang mahal 'yang teknolohiya niyo. marami nang nasirang buhay at pamilya yan. sabay turo ng baril sa isang binatilyong kanina pa hindi umiimik. kalmado itong nakapikit. kahit cellphone o wallet ay walang inilagay sa donation bag. pasensya na. wala ako ng mga hinihingi mo. 

weh? sabat ng anak ng lumba-lumba.

ang dami dami na niyan, hindi ka pa makuntento. para kang gobyerno, kahit hindi sa kanila, kinukuha pa rin nila. sobra pa! kurap! sabi pa muli ng emong bata.

wala akong pakialam sa opinyon mo! gusto mong pasabugin ko bunganga mo ng matahimik ka? 

sus ganyan tayo eh. pinapakinggan lang natin ang gusto nating pakinggan. at kapag ayaw natin, gigilitan o di kaya ay kikidnapin ng militar at sasabihin kasapi ng NPA?!

ang dami pang sinasabi! imposibleng wala kang cellphone o wallet! galit na si manong. pikon. hindi niya inaasahan na may ganito katapang na nilalang na masasaktuhan niya. karaniwan kasing mga biktima niya oo lang ng oo. bigay lang ng bigay.

requirement ba ‘yun sa buhay? kapag wala ni isa kukutyain ng taumbayan? nakatingin siya ngayon sa batang kagaya niya ay madaldal. mahirap lang din kaming mga nakasakay sa jeep. kung gusto mong tiba tiba sa ginagawa mo, nakawan mo mga kapwa mo magnanakaw. doon abangan mo sa mga opisina nila sa batasan, malacañan, sa senado. wala sila sa jeep! iba ang sasakyan nila! kapag pumalag, kalabitin mo agad ang gatilyo. bayani ka pang ituturing ng nakararami. mali ka kasi ng lugar manong eh. alam ko namang kaya ginagawa mo yan para makaraos sa hirap. pero mahihirap lang din kami. para mo na ring inalipusta ang kagaya mong uri ng tao. 

wala na kay manong ang atensyon ng mga takot na pasahero. nasa bata nang nagmamagaling sa lipunan. nakakunot ang noo ng iba, nagtataka kung anong nakain ng estranghero at nakapagsasalita ng kaepalan. si Dabiana, inip na inip na. nais nang matapos ang palabas sa loob ng sasakyan. nais na niyang tuldukan na ang speech ng bata upang makausad na rin ang jeep. nakapagtatakang hindi sila sinusuway ng mga MMDA. si manong driver din, hinihintay ang mga susunod na aksyon. walang kumukuha ng video ngayon, sayang instant hit sana sa youtube ang kabaliwang sinasabi niya sa eksena. 

hindi naman kasi tayo magkakalaban dito eh. hindi rin dapat magkakatunggali ang mga kapwa mahihirap. ang tunay na kalaban ay ang mga nasa itaas. silang mga nagpapayaman sa pwesto. silang mga kunwaring may malasakit sa bayan pero sa kaban nakatanghod. hindi natin kailangang magsakitan. dapat nga tayo ay nagdadamayan pa at nagtutulungan sa pag angat ng bayan. sa pag-angat ng isa't isa! hindi itong naghihilahan.  

natigil bigla ang bata sa pagsasalita. nakita niya kasing nakataas na ang mga kamao ng mga pasahero sa ere. pati si driver, nag U turn na papuntang Mediola. kumakanta pa sila ng magkaisa, yung kanta ng mga nakadilaw?

tangina, EDSA revolution na walang pagbabago? magtigil kayo! uwi na lang tayo! sa pagtigil ng jeep agad nang bumaba ang holdaper. hindi na nakapagsalita ang mga tao. mangiyak ngiyak ang lahat. pero hindi kasama doon ang batang madaldal. 

dinukot niya ang cellphone sa bulsa, tinignan kung may nagtext. kinuha ang wallet, sabay bayad ng pamasahe. nautakan niya ang rockstar na holdaper.


18 Responses so far.

  1. sigurado akong aagaw talaga ng pansin ang entry mo na 'to, adre.. mukhang kakailanganin mo nga lang na tapyasan dahil sa itinakdang 350 word count.. ganunpaman, good luck sa'yo.. mainam na kwento..

  2. hindi ako marunong mag reply. kaya nga po eh. gusto kong tapyasan kaso ang hirap parang manlalata po yung kwento. hahayaan ko na lang. kapag disqualified po, okay lang. hehe.

  3. sayang kung madi-disqualify.. pero good luck, good luck.. hehehe

  4. huhu. ayaw kong mangyari yon. pangalawang sali ko pa lang to sir sa patimpalak sa internet. kahit mabigo, basta may aral namang kaakibat, eh. ang sumunod sa rules. hahahaha. good luck din po. mabuhay po!

  5. hello, nakiraan lang at nakibasa. ang galing ng kwento, ang sharp ng language and images na ginamit...^^

    good luck sa iyong lahok and regards. :)

  6. hayy.. ano pa man ang mangyari, magdiwang tayo sa kamalayang malaya. aheks. salamat po sa pagbabasa! minsan lang mangyari to!

  7. Aba'y tama ka Ser, pag binawasan ito ng mga salita, mawawala ang saysay ng kwento. Pag na disqualify ito ipadukot na yung may pakontest dun sa holdaper, syempre jowk lang yun :D. Kongrats sa magandang entry mo.

  8. hinayaan ko na lang. basta may entry ako. haha. masarap sumali sa mga ganito, napaka interactive . maraming salamat sa pagbabasa ah? babasahin ko rin yong sayo. pramis! hehe

  9. wow ang haba pero... ok lang swak ang pagbabasa... kasi napakagaling

  10. WOW. salamat sa pagbabasa ng napakahaba. napagtiyagaan mo pa. hehe. salamat salamat!

  11. hindi na talaga maipaliwanag at ibatibanag klase ng taon

    magkapera lang.

    buti si manong na namumulot ng basura.kesa anak ng pwe na holdpaer!

    nakuha ko ang tinig na nais mong ipabatid.

    goodluck!

  12. salamat!

  13. sulit basahin :)

  14. maraming salamat sa pagbabasa. ngayon lang ako nagkaroon ng readersssssss haha.

  15. Ang haba yata?

  16. yun nga po eh. haha. lumabag lang sa rule.

  17. Tanggap mo naman na medyo napahaba itong entry mo ano? Hahaha, sa susunod, kailangan nating sumunod sa patakaran.

    Pero ang hinahangaan ko dito ay ang pagtayo mo sa sarili mong paninindigan na hindi na babaguhin sa ngalan ng patimpalak. Wala kang ibang hangad kungdi maibahagi ang tinig mo sa sarili mong paraan.

    Aking ipinapalumagay na ang dyip ay ang Pilipinas, at ang bawat pasahero doon ay may sinisimbolo. Kung anong uri ng tao meron sa Pilipinas, ang kanilang gawi. Ang tunggalian ng mahirap at mayaman, walang boses sa may kapangyarihan, ang mga rebelde at pasaway sa lipunan. Ang mga nag-aastang may alam. Lahat ng iyang Pilipino. Kabahagi sila ng tinig na sa sobrang kumplikado at kapayakan ay nagbubuo ng diwa na napag-uusapan natin ngayon.

    Maraming salamat sa pakikilahok sa KM3.

    Mabuhay tayong lahat.

  18. Wow sir. Maraming salamat sa pagbabasa at pag unawa sa sulatin ko. Patawarin niyo po ako sa paglabag sa batas ng paligsahan. Nais kong ibapabatid na muntikan ko nang baguhin ang lahok ko ngunit naisip ko na sayang ang gawa ko at pinili ko nalang na ipasa pa rin kahit alam kong maliit ang tiyansang matanggap. Gayon pa man sir, marami akong natutunan sa pagbabasa ng mga lahok. Doon pa lang panalo na ako. Ayos na yon para sa akin, sir.
    Ang ganda po ng pagkakahimay niyo sa sulatin ko. Wala ka po talagang katulad.
    Maraming salamat po sa pang unawa, sir.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile