Miyerkules, Hulyo 29, 2020 sa ganap na 11:19 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

(mula sa sanaysay na ‘Tungkol sa katamaran ng mga Pilipino’ NI JOSE RIZAL)


natapos na ang lahat,
hindi nagawa ang sapat.
Kahit anong pilit,
Nakakatamad!

Tulad ng marami,
Gaya ng sinasabi.
Ang hirap ng ganito,
Nakakatamad!

Bigyan mu man ng maraming butil,
Sagana man sa pangangailangan,
Kulang pa rin ito sa hiling ng katawan,
Na nais ng kapahingahan at karausan.

Kakainin na sana ang pinaghirapan,
Eh, nakalatag sa mesa kulang pa sa dalawahan.
Kayo nama’y busog na busog ang kalamnan,
Wala pang bahid ng putik ang paanan.

‘Kaw na may ngiti, may payong at tagapaypay,
‘Kaw na malusog, makapal ang bulsa.
‘kaw na biglang sumulpot pagkatapos ng dusa,
Sa araw na galit, ligtas ka sa latay.

Kanino nga pla itong lupang sakahan?
Pagmulat ng ninuno’y lupa’y nariyan.
Ngayon, ikaw diyan nakatapak, pinaglilingkuran,
Amin ito, lupa’y sa amin, sinasakay sa’min!

Sino nga ba sa atin ang tunay na tamad?
Ikaw na biglang dumating nung handa na ang hapag?
oh, ako na maghapong nakayuko makapaghanda lang ng mailalatag?
Nawa’y ang katotohanan ay hindi bumaliktad.


‘SA SALA NG BAHAY’
SETYEMBRE 27, 2009


Hindi ako makapaniwalang sinulat ko ‘yan. Haha. 

Sabado, Mayo 16, 2020 sa ganap na 4:55 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Isang araw sa panahong panalo na ang mundo laban sa COVID-19, malugod akong nagtungo sa paaralang pinapasukan. Kagubatan ng malulusog na pagbati at ngiti mula sa mga bata ang bumungad. Maganda ang araw. Bago na ang gawi ng daigdig.

Sa loob ng opisina, habang hinahanda ang mga gamit na dadalhin sa silid-aralan, napahiyaw sa sakit ng dibdib ang isa sa kapwa guro. Kumapit sa mga bagay na malapit. Mahigpit. Tumingala. Namilipit. Namuti ang mata. Nagkagulo. Hindi malaman ang gagawin ng mga guro sa paligid.

Nawalan ng malay si Ginang Salamares. Isang guro ang kumapa, wala nang pulso, hindi na humihinga. Samantala, may isang naglakas-loob, kumuha ng ammonia, pinaamoy. Napakatagal. Banayad na tumulo ang pawis sa mga nakapaligid. Tahimik na naghintay. Halos walang kumikibo.

Namulat. Nagulat ang buong populasyon. Ngunit may iba sa gawi ng ginang. Wala sa ulirat. Natataranta. Hindi mapakali. Mayroong nais gawin na hindi mahanap, hindi makuha.

Kumapit muli sa dibdib, sa ulo. Madiin na sinabing, ayaw ko nang maging guro. Lilibot muna ako sa Pilipinas, pagkatapos, babalik ako.

Sigurado ang ginang sa sinambit. May galak. Punung puno ng pag-asa. Mula sa pagkamatay, nagising na may determinasyong tuparin ang matagal nang sinasambit na pangarap.

Zombie na nga bang maituturing si Ginang Salamares? Namatay at nabuhay muli. Ngunit sa halip na tao ang nais kainin, bigla siyang naging gutom na makamit ang kanyang minimithi.

Kaya pala sa mga pelikula, pinakikitang utak at puso ang gustong kuhain at kainin ng mga zombie, naroroon kasi lahat ng ating gusto sa buhay.

- Panaginip noong ika-14 ng Mayo, 2020

Biyernes, Agosto 23, 2019 sa ganap na 2:38 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Nalaman ko na kung gaano kasarap ang makalimot. Kung paanong tumutulong ang alaala upang lalong bumigat ang nararamdaman sa pagkawala at paghihiwalay. 

Habang ang buong paligid ay nagluluksa, si lola ay nakangiting sumasalubong sa mga bisita. Kumakanta ng kundiman. Sumasayaw. Salamat sa pagdalaw sa pamangkin ko, kahit anak niya ang nakahiga. 

Walumpu’t limang taon na si lola. Minsan nakakaalala at nakakakilala, palaging hindi. Si tita ang panganay niyang anak at nag-alaga sa kanya sa La Union. Iisang bahay, iisang hapag-kainan, iisang hangin ang nilalanghap at madalas magkabanggan ng siko. 

Wala pang limang taon nang magsimulang tumakas ang mga alaala mula kay lola. May pagkakataong nilagyan niya ng toothpaste ang kanyang suklay. O di kaya’y inaaway niya ang salamin, siguro ay nagagalit siya sa matandang kulubot sa kanyang harapan. Buti ay nandyaan si tita para itama at tyagaing magpaliwanag ng pagkalito ni lola. 

Kaya si tita lang ang alam niyang anak niya. Siya lang yung hinahanap niya sa tuwing kakain siya. 

Nay, kailan ka huling naligo? 

Kakaligo ko kang kahapon, kahit apat na araw nang hindi. 

Siya lang yung may timbre ng boses na kumikiliti sa tainga ni lola. Kilala siya ni lola, buong pagkatao. Kahit ang gusot sa paligid ng mata. 

Nasaan na si Norma? Sinugod daw sa hospital? Makakabalik pa ba siya? Mga tanong ni lola kapag nahahagip ng isip ang kanyang anak. Minsan sa hangin ang tanong. Minsan naman’y sa kahit sinong katabi niya. Babalik po, malapit na, lola. Kahit malabo na. 

Ngunit wala nang bumalik. Hindi na niya makakausap ang kanyang nag-iisang anak. Wala nang magagalit sa kanyang mga kakaibang gawi. Walang huling yakap. Walang huling halik. Walang huling tawag ng nanay, anak. Umalis na lang bigla. 

Maganda na ring walang matandaan si lola. Noong sumilip siya sa kabaong, sinabi naming anak niya ang nakahimlay. Hindi si Norma yan.Iba kasi ang hitsura, magandang babae si tita kumpara nakahiga sa nakaharap namin

Kaya kahit nung mailibing na si tita, nagtatanong pa rin si lola kung kailan babalik si tita. Nagtrabaho na sa ibang bansa. Baka hindi na bumalik. Dahil sagutin man namin ng tunay, maya maya’y dadalhin din ng hangin ang katotohanang nilisan na kami ni tita. 

Kinabukasan ng pagkalibing ni tita, habang nagmemerienda, nagtanong si lola, saan nagpunta si Norma? Nakita ko kahapon nagmamadaling umalis. Madaming dalang bag. Hindi na siguro babalik? 

Opo, lola. 


Lunes, Mayo 27, 2019 sa ganap na 3:01 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments


 Ngayong kislap mo’y pundi na, hindi na kayang magpatuloy, nais naming malaman mong higit ka pa sa maliliit na pailaw na aandap-andap sa isang sulok ng bahay. Isa kang sinag sa bawat araw at maging sa iyong paglubog, kami ay babangon upang silayan at gunitain ang naiwan mong init sa aming buhay. Mananatili at gagabayan kami ng iyong mga aral. Mahal na mahal ka namin.

Lunes, Mayo 20, 2019 sa ganap na 7:02 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Sino magdedesisyon kung kailan pwede na? 

Handa ka na bang tapusin? Kumawala sa himpapawid at yakapin ang ginhawa? Paano masasabing hihinto ang lahat ng sakit gayong lahat ng nawala ay hindi bumalik upang patunayan ang kasarapan ng katapusan? 

Sa isang liver cancer patient, stage 4, matagal na nyang gustong itigil. Tinanggap na ang kahihinantnan ng buhay. Nakapaghabilin na. Marahil ay niyakap na rin ang parating na sandaling wala nang sakit. Hihinto na ang mga maiingay na makina sa paligid. Makatutulog nang mahimbing.

Ngunit para sa mga nagmamahal sa kanya’y tuloy pa rin ang laban. Kahit hirap nang huminga. Kahit pagsulat na lang ang tanging komunikasyon. Tubo na lang din ang suportang hangin. Kumakapit pa rin ang asawa. Araw araw, lumiliit ang tyansa, humahaba lang ang pighati. 

Masakit. Wala bang nakaramdam sa matang pinuno na ng lungkot? Nangungusap. Mga luha’y humihiyaw. Tama na. 

Home. Uwi. Huling hiling bago mawala. Makarating sa bahay kung saan walang tubo sa bibig. Walang karayum na humahanap ng ugat. Sa lugar kung saan nandoon ang pamilyar na lambot ng unan at kamang naghihintay ng katawang binugbog ng napakaraming pagsubok.

Tuldok na lang ang kulang. Ito na ba ang katapusan?


Sino ang hihila ng tubo?

Sabado, Agosto 27, 2016 sa ganap na 8:32 PM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments

Iskwater bang maituturing kapag ang pambungad sa bahay ay isang dipang manipis na telebisyon? Masusukat ba sa lugar ang kahirapan kung nakabalandra sa magkabilang gilid ng tirahan ang mga amplifier na tila pinahihiram ng barangay tuwing fiesta sa nayon? Pakiramdam ni Aling Elsa, katumbas ng mga naipundar ang pagiging maningning. Nagbabaka-sakaling masundan ni Ampleng ang liwanag na kanyang dulot. Kinakain ang buong araw sa pagbabantay sa maliligaw na aninong matagal nang tinupok ng dilim. Nakasandal sa pintong sinadyang maluwang upang akapin ang maliit na pagkakataon. Bumubulong na sana may magbalik.
“Nasaan ka na ba?”
Nagreklamo na ang buong barangay sa ingay ng pagyayabang ng bakaw na negosyante ngunit may isang pader pa rin na hindi niya matibag. Malayo ang nilalakbay ng tingin ni Renald. Nilalagpasan ang pagpapapansin ng mga nagtitingkarang bituin. Tumatalikod sa ilaw ng buwan. Hindi kailangan ng binata ang pahiram na kaliwanagan. Dekada na nang huling kumislap ang mata ni Renald ngunit magpasahanggang ngayon ay nagbubutas pa rin siya ng bangko. Sa harap ng pintuan. Nakatingala. Sumasahimpapawid ang isip tungo sa kanyang nilipad na pangarap. Doon sa itaas kasabay ng paghiling na ibalik ang ipinahawak niyang kaligayahan - ang pinakamagandang bituing nahuli ni Renald. Siya ang iniwan. Siya rin ang nawala.
Hindi siya nasiraan ng bait. Magkaiba lang kayo.
Naroroon din si Kaloy. Sinisipat ang palagiang nilalakbay ng tinaguriang baliw sa lugar. Binibilang ang mga kumikislap sa malawak na kapatagan. Apat na nga lang, hati pa para sa trabaho at eskwela ang kanyang mga uniporme. Kaya hindi nakapagtatakang maaliwalas na magdamag ang laging sambit ng katorse anyos na bata. Humihinga pa ang mga magulang ni Kaloy ngunit sa kabutihang taglay ng mag-asawa, higit pa sila sa pumanaw. Walang pagpaparamdam. Si Kaloy, natutong tumayo upang diligan ang natutuyong lalamunan. Napilitang sumandal sa de-karton na haligi. Humakbang at ‘di kalauna'y bumabagtas na sa sarili niyang daan. Hinasa siya ng kadamutan ng buhay. Magtago man ang bituin sa pananaw, gagawa siya ng sarili niyang liwanag. Hindi ulan ang makapipigil sa inaasam niyang paglaya.
Nais niyang maging sing kislap ni Venus tuwing lumalabas sa gabi.
Himalang hindi napapaso si Osang sa nginangatang tabako. Nasa loob ng bibig ang nagbabagang upos. Walang sindi kung pagmamasdan. Naitago ang naghihimutok na init. Tangan ni Osang ang unti-unting nauubos na trese pirasong kwadradong plastik. Bawat bagsak, may bigat na kumakawala. Sumasabay sa pagkaubos ng sensasyon ng yosi. Gaya ng alindog, nauubos din ito. Wala na ang mga singkislap na bituing dati nakaakbay sa t'wing may rampa. Nasa kabilang kalsada lang ang abot ng paningin. Hindi maka-diga. Duwag nang lumaban dahil noong huling tumaya si Osang, nahipan ang sulo na sana'y sabay na pag-aalabin kasama ng magiging kabiyak.
Naupos ang pangakong bukas ng dalawa.
Gusto mo bang maglaro? Madre-madrehan. Pare-parehan. Nangagsikalat ang mga kandilang may sindi. Nakapwesto sa sulok ang mga santong nanunuod sa kanilang bawat galaw. Pagbabasahin ni Grace ng mga bersikulo si Enzo sa tangan niyang banal na aklat. Magkakasunod na papaikot sa paligid ang himig ng koral - Halleluja, Ama Namin at Kordero ng Diyos. Habang tumutugtog ang Alay, luluhod si Grace sa harap ni Enzo upang tanggapin ang nakahaing biyaya. Paglalaruan ito sa kanyang bibig. Magkadikit ang palad sa harapan ng dibdib. Nakapikit. Sa pagnginig na ang katawan ng pari - hudyat na sinasapian na siya ng espiritu, agad na tatayo ang madre’t pwersadong pagpupunitin ang albang nagtatakip sa baboy niyang katauhan. “Hindi bagay sa'yo ang puti” at pumatong sa lalaki. Umindayog. Kumakalansing ang kampana sabay ng malalalim na ulos ng dalaga. Ilang segundo bago matapos na ang seremonya, huhugutin ang ibinaon. Magbibihis.
“Tang ina!”
Kaunting tulak na lang ng gravity babagsak na ang luha ni Janice sa kanyang kaliwang mata. Dahan-dahang naglalakad, kumaliwa sa kanto ng Masbate sa Balic-Balic. Hawak sa kanang kamay ang bugkos ng rosas. Sa kabila naman'y nakapulupot ang lalaking kung pumorma'y pang-binyagan. Taas-noo. Suot ang ngiting nanalo sa isang paligsahan. Masigla silang naglalakad patungo sa naghihintay na magulang ng dalaga upang ipakilala si Albert - nobyo niya kani-kanina lang sa Wechat. Sa tindig ni Janice sinasabi niyang iba siya sa mga kapit-bahay. Na ang matagal nilang dinadaing ay hindi mararanasan ng dalaga. Mahirap kasi ang tumulala. Walang ginawa kundi ibulong sa hangin ang nais mangyari. Para kay Janice, parusa ang maghintay. Kaya kumilos siya upang mahanap si Albert. Nangako naman ang binata na tatanggapin siya. Lahat umano ng tao may baho, iba-iba lang ng pagtatakip. Kung umalingasaw man sa katagalan, bawas na ang bigat.
Doon sa poste ng ilaw bago lumiko sa kanilang kabahayan, bubulaga ang nakapaskil na kataga. “Lahat ay may rason.”
“Putangina.” sagot nila Aling Elsa at iba pang nakatanggap. Ikinandado ang pinto. Ibinagsak ang baraha. Niligpit ang sampayan. Kumuyakoy. Nainip na sila sa sinasabing katumbas na kapalaran. Bukod sa plano ng tinuturong may gawa ng lahat, wala na bang iba pang makakapitan?

Huwebes, Marso 19, 2015 sa ganap na 5:09 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Hinihintay mo pa ba ako o ako na lang ang umaasa?
Nalaman kong mahirap pala’ng umalis sa lugar na hindi pa napupuntahan. Nakikini-kinita ko na ang kasiyahan ko habang naglalakad sa magandang buhanginan na iyong taglay. Nakahihga sa dalampasigan hanggang sa pagsapit ng liwanag. Magkahawak-kamay. Ang ganda ng dagat na nadaanan namin papuntang La Union. Abot kamay ko na, pero hindi ko pa narating. Hanggang tanaw na lang ako.
Nakatali ako sa kagandahan ng nakaraan natin na naputol noong hindi ako ang ‘yong pinili. Ikaw ang kwentong napakasakit pero pilit ko pa ring inilalahad sa iba. Na sa tuwing may nagtatanong ng tungkol sa pag-ibig ko, ikaw pa rin ang laman nito. Ng puso ko. Ng mga salitang lumalabas sa aking bibig. Para kang sugat na masarap kamutin. Hindi kita kayang paghilumin. Gusto kitang buhay na buhay sa isip ko. Kahit pitong taon na ang nakararaan. Kahit marami ka nang nagdaang boyfriend.
Kailan mo ako palalayain? Kailan ako aalis sa pangako ng ating bukas? Bakit hindi kita kayang kalimutan? Ako na lang ba ang kumakapit o naroroon pa rin ang mahika ng ating samahan? May mga hindi ako maipaliwanag. Kapag nagkikita tayo, parang nanunumbalik at naiiwan sa isang sulog ng utak ko ang sakit. Ang ganda ng ngiti mo sakin. Laging nagpapahiwatig, nagbibigay pag-asa. Pwede pa kaya? Ituloy natin? Subukan natin?
Lagi lang akong nag-aabang. Sa tuwing nadadaan ako ng V. Mapa, binabantayan ko ng tingin ang kalsada papasok sa inyo dahil baka nandoon ka, naglalakad. At sa aking pagbaba sa sinasakyang jeepney, magsasalubong ang mata natin, liliwanag ang iyong mukha. Doon mo maaalala ang lahat ng kahapon. Maging ang pag-iibigan nating napurnada.
Magiging matatag na kaya tayo? Masyado pa tayong bata noong nagkaumpugan ang puso natin. Hindi pa tayo marunong lumaban. Sumuko ako. Sumuko ka. Lumayo ako. Pinagtulakan kita. Nagkagulo tayo. Hindi natin malaman kung paano ibabalik ang nasirang samahan.
Tama nga siguro, panahon na lang ang nagpagaling ng hindi natin pagkakaintindihan. Taon ang ginugol natin. Nagpakiramdaman. Nagtuksuhan. Naghilahan papalapit sa isa’t isa.
Handa ka na ba? Gusto kong malaman dahil matagal ko nang inihahanda ang puso ko. Gusto ko nang dugtungan ang istorya natin. Malaman ko man lang na may napala ako sa maraming taon kong pagkokondisyon.
Sabihin mo naman sa akin kung ako na lang ang nag-iilusyon. Baka kasi punung puno ako ng pag-asang magkakaroon ng ikalawang yugto ang nobela natin, pero ang sa’yo pala ay matagal nang nakasara. Sinara. Tinapos. Iniwan mo na ako ng tuluyan.
Ikaw pa rin kasi. Pwede bang makakuha ng oras sayo? Pwede bang sumingit ng panahon mula sa busy mong araw? Pwede ba akong maging parte ng buhay mo? Pagbigyan mo na ako. Pangako, hindi ko ‘to sasayangin.

Huwebes, Abril 10, 2014 sa ganap na 5:17 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Tanghaling tapat. Pinagbigyan ng mga ulap ang araw sa kaniyang paghihimutok. Pinadarama ang presensya niyang tila kinaligtaan na ng mga tao. Hindi laging malamig. Dalawa pa rin ang panahon sa bansa.
Huling araw ng bakasyon ni Albert sa kanyang trabaho. Sa Lunes, muli siyang makikipagsapalaran sa pagiging buhay manggagawa. Sanay siyang laging may ginagawa. Okupado ang isip ng ibang bagay. Mabigat ang buhay kung laging pagtutuunan ng pansin. Ipaskil ang ngiti at ito’y daraan lang.
Lalo ngayon. Wala nang laman ang kurba sa labi ng binata. Segundo lang ang itinatagal nito. Lumalagpas sa telebisyon ang paningin. Kalahating oras mahigit natatapos ang pagkain. Kahit ang mga musika sa kanyang cellphone, naitapon dahil sa kakabit na alaala. Umaasang maiaangat ng masisiyang ritmo at liriko ang kaluluwa. Nawawala si Albert.
Naubos na ang naipong kaligayahan. Dinala ng hanging bihira na lang dumalaw sa kanilang lugar. Inanod ng maduming tubig sa Pasig. Tinunaw ng init. Kinain ng dilim. Ibinaba ang kalasag. Nagpagapi sa labang akala niya’y walang natatalo. Naiwang tulala. Mahina si Albert.
Kahit saan tumingin. Kahit anong pagbaling ng atensyon sa ibang bagay. Bumabalik pa rin si Albert sa tinatakasan niyang lugar. Hinihila patungo sa kanyang kahinaan. Binubuhay ang natupok nang apoy. Sinasaktan ang sarili.
Gaano ba kabilis ang lumimot? Kahit gaano pa karaming anaesthesia ang iturok, ‘di magtatagal, hahapdi muli ang sugat ng nakaraan. Malalim. Siya man ay hindi malaman ang tagal ng paghilom nito. Hinayaang tumulo ang dugo. Huhupa rin ang pag-agos ng emosyon. Mapapagod din ang sakit sa pagpaparamdam.
Balang-araw. Bukas. Mamaya. O pagkatapos niyang umakyat ulit sa bundok. Isang araw makakalipad na si Albert. Wala nang pasan. Mahihirapang sumingit ang kalungkutan. Maluwag na ang daluyan ng dibdib. Babalik na ang nakangiting binata. Tatawanan na lang kahapon. Alam niya.

Sabado, Pebrero 22, 2014 sa ganap na 5:32 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments


    Panahon ng pagpaparamdam ng bagsik ni haring araw, pahinga ng mga estudyante sa eskwela, sa lugar na malayo sa usok at matataas na gusali, matatagpuan ang dalawang paslit na walang alam sa plano ng tadhana. Malaya nilang dinadama ang pagkabata. Mabagal ang takbo ng oras. Walang pakialam sa mga lupang nagsusumiksik sa kuko sa paa. Mapuno man ng gasgas ang tuhod, tuloy pa rin sa pagtakbo manalo lang sa laban. Paos na paos na pero upang manalo’y ipagtatanggol ang kanilang tama.
Sa La Union namunga ang binhing si Albert walong taon na ang nakararaan. Ipinunla ng mag-asawang magsasaka. Wala silang lupain ngunit may mayamang taga-Maynila na pinagkatiwala ang malawak na sakahan upang pagtamnan. Trabahador. Nagpapakakuba upang matustusan ang pag-aaral ni Albert. Pinapasan ang bigat ng sako-sakong ani mapagaan lang ang kinabukasan ng kanilang anak. 
“Anyamot ni Albert! Haang ka na tumulong! Aramidim mun ti assignment mo!”
Simple lang ang buhay nila sa probinsya. Nakangiti silang bumabaluktot sa araw na maigsi ang kanilang kumot. Batid nilang sandali lang ang tagtuyot. Maaambunan din ang kanilang hapag kahit pa-unti-unti. Makararaos din. Sa paligid nila’y puno naman ng gulay. Maaaring kantahin ang bahay kubo isama pa ang talbos ng kamote sa rami ng pagpipilian. Hindi kailanman mababagot ang mga langaw sa pagdapo sa kanilang mga plato.
Si Albert, bukod sa kanyang pagkabibo, maaasahan ng magulang na magiging tagapagtaguyod ng pamilya. Gusto ni Albert magkaroon ang pamilya ng sariling lupang pagtatamnan. Sabado at Linggo lang niya pinapayagan ang sariling makipaglaro sa mga kababata. Wantusawa. Umaga hanggang alas sais ng gabi. Pagkain at pag-inom lang ang pahinga.
"Walang pagkakapantay-pantay sa mundo. Malabo. Paano kung lahat mayaman? Sino na ang magtyatyagang magsaka ng ating makakaing bigas?" Sabi ng guro. Sa bandang gitna ng nakasalansang upuan, nakaupo kasama ang mahigit beinteng kababaihan si Janice. Nakikinig sa nagtatalakay na guro ng Values Education. Oo nga naman. Hindi kailanman magkakaparehas ang estado ng lahat ng nilalang.
Sa edad ni Janice, tanging pag-aaral at paglalaro pa lamang ang nagpapaikot ng kanyang mundo. Agad na tinatapos ang takdang aralin upang maitayo ang Doll house niyang hanggang baywang ang taas. Siya ang pinuno. Damang dama ang pagpapagalaw ng mga maliliit na tao. Iwinawasiwas ng mga daliri ang naisin. Ikinukumpas ang ikot ng buhay sa munting palasyo.
Ngunit nag-iisa lamang si Janice. Walang kasama sa paghalakhak. Iisa ang emosyong ibinibigay ng kanyang mga laruan. “Ma,” tawag niya sa babeng dinaig pa ng pagpapalit ng laruan ang presensya sa kanilang bahay. Kapatid ang tanging hiling. Kalaro. Katabi sa pagtulog. Kasama sa paggising, pagkain, paglalakad at paglaki. Sabik siyang maranasan ang kwento ng kanyang mga kaklase. “pwedeng pumunta sa labas?” Paanong makabubuo kung almusal lamang ang mainit na napagsasaluhan ng kanyang magulang?
"Uuwi tayo kina Nanay Teresa."
Kakarampot lamang ang umaaligid na bulak sa himpapawid. Nangagsayaw ang mga ibon sa paligid sa saliw ng sarili nilang musika. Tanging ang kadalasan ng pagpihit ni Albert sa kanyang mumunting radyo ang maririnig sa bahay ng pamilya Matuya. Walang magawa. Tulog ang kanyang mga kaibigan. Naniniwalang ang kataasan ay makakaapekto sa kanilang kaligayahan.
Kaunti na lang. Papaangat na si Albert tungo sa lugar na walang problema nang may biglang tumigil na makina sa tapat. Nambulabog sa katahimikan ng mundo. Nagitla ang mga ibon. Sumimangot ang mga aso’t pusang nakatungo. Naki-usyuso ang mga manok sa mga bagong salta.
"Mabuti’t napadalaw kayo?"
Karga ng katulong si Janice. Bahagyang gising.
Napabalikwas si Albert. Pumutok ang bulang sinasakyan.
Ngunit hindi sila nagkita. Walang pagpapakilalang nangyari. Hindi interesado. Binuksan ang mata. Ipinikit. Mas masarap matulog. Hanggang sa muling umandar ang makina papalayo. Doon sa lugar na ang potensyal ng pagkakaroon ng bagong kaibigan ay malaki datapwa’t panandalian. Doon sa lugar kung saan itinadhanang hindi magkita ang dalawang batang pupwedeng magkapalagayan ng loob.
Magandang hindi na ipilit pa ang pagtatagpo. Minabuti ng panahon upang wala nang masaktan. Hindi sila bagay. Gusto lamang ng isa ng kalaro. Mapaglilibangan. Samantalang gusto naman ng isa ay ang magiging kabalikat sa hirap at saya.
Ngunit bata pa sila. Huwag pangunahan ang tadhana.

Linggo, Enero 5, 2014 sa ganap na 3:39 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments

image
Maraming salamat sa pagpapatuloy sa iyong tahanan noong unang araw ng Disyembre. Binigyan mo kami ng magandang simula sa aming paglalakbay. Hindi kaagad nangalit ang araw at noong oras ng paghuhumiyaw ng kainitan sa Pilipinas, sinilungan mo kami ng napakarami mong haligi. Niyakap kahit walang kaalam-alam sa anumang pakay ng pagbisita.
 Ikaw ngayon ang sa tingin kong pinakamagandang napuntahan kong bahay. Ang tindig mo ang naging tanda ng iyong pagpapakumbaba. Sa’yo napatunayan na wala sa taas ang kagandahan ng iyong mga katulad. Hindi ka bituin na mahirap sungkitin. Sa halip, sa akin, isa kang bagong tuklas na karenderia sa likod ng Aristocrat, Roxas Blvd. Nasa paligid lamang. Kadalasang binabaliwala pa dahil sa mas tampok na kainan sa paligid. Salamat sa pagpaparamdam sa aming hindi lahat ay nabibili ng pera. 
image
 Kakaiba ang handog mo sa aming mga bago mong parokyano. Nagsisimula pa lamang kami sa pagdalaw sa mga uri mong tahanan. Salamat dahil hindi mo kami pinagdamutang marating ang iyong tuktok. Ginabayan sa tamang landas. Hinila sa daan kung saan mapapadali ang aming paglalakbay. Bukas sa kahit kaninong interesado ang iyong pinto. Hinigop kami ng iyong hiwaga. Nakapanghahalina ang kakapalan ng punong nananatiling nakatayo sa iyong katawan. Bawat isa’y may imaheng ibinibigay base sa tindig at tagal nang nabubuhay.
image
 Kaibigan, salamat dahil kahit umuulan, hindi mo hinayaang mapahamak kami sa halos 80 degrees katarikan. Makapit pa rin ang maraming halamang naging taga-alalay namin upang maiangat ang sarili at manatili sa aming pwesto. Nakahanda kang saluhin kami kahit dumadausdos na pababa. Pasimple mo kaming pinahirapan. Tama sila. Hindi dapat maliitin ang kahit anong bundok. Iba’t iba kayo ng alay. Lahat kayo’y may tinatagong lupit sa mga bisita niyo nang sa gayo’y magtanda kaming maging mabuting nilalang sa kapaligiran.
image
image
 At sa kadiliman ng kapaligiran, binigyan mo kami ng ilaw upang makauwi sa kanya kanyang tahanan. Hindi kami natakot humakbang. Ginawa mong madali ang paglalakbay nang may kakarampot na liwanag. Marahil nang dahil sa iyong natatanging ganda, lumabas din ang busilak na kalooban ng iyong mga bisita. Nakangiti’t nagtutulungan. Hindi kami pinabayaan.
 Hanggang sa muli, Mt. Pico de Loro! Maraming salamat sa pagtanggap! Babalik kami.
 PS. Kung hindi man responsable ang lahat ng aming uri, pipilitin naming suklian ang kabaitan mo. Aalagaan namin ang iyong ganda.
 Salamat ulit!
 Nagmamahal,
 TD
image
(photos not mine) 
:)

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile