





Ipilit ang pagkuha ng litrato! Sige pa!
Oks na yan!
Hamog everywhere.
Plano kong gawing huling akyat ang Mt. Pulag.
Camp 2.
Giants of Mt. Pulag. Dwarf Bamboo.
Naglibot.
Naglibot.
At naglibot.
Woops! Selfie muna!
Shorts sa ganyang temperatura. Beat that! :)
Disyembre taong 2012
Nitong nakaraang linggo napagkasunduan ng buong department namin sa office na magkaroon ng Christmas Party. Unang pasko ko ito na buhay may trabaho ako. Halos anim na buwan na ako pero hanggang ngayon nag-a-adjust pa rin ako. Napapansin ko rin na araw araw pare-parehas lang ang mga ginagawa ko.
Gising ng alas singko. Pasok. Uwi. Tulog ng alas diyes.
Hindi nakakatuwa. Parang hindi ako makagawa ng oras para sumulat. Paisa-isang talata lang. May pagkakataon pang hindi ko matapos ang nasimulan. Nobela, maikling kwento, sanaysay at marami pang mga kabalbalan. Lahat nasa notes ko sa cellphone naghihintay lang na mapansin ko.
Balik tayo sa party namin. Hindi syempre mawawala ang Kris Kringle sa okasyon. Bumunot kami ng screen name para gamitin at hindi makilala ng aming "baby." Bilang napakatagal pa ng tinakdang araw (December 19), linggo-linggo kaming magpapalitan ng regalo depende sa tema ng dapat ibigay.
something reminiscing
mga bagay na magbabalik umano sa alaala ng pagkabata ang unang pagpapalitan ng regalo. kinilig ako ng bahagya dahil alam kong bukod sa matatanggap kong regalo, makakabisita muli ako sa mga tindahan ng mga laruan. may kakaiba kasing saya ang dulot ng awra sa loob.
Nilibot ko ang buong Robinsons Galleria para hanapin ang gusto kong iregalo. Toys r Us.
May headband kayo na may abubot sa tuktok? May ideya na kayo sa kasarian ng pagbibigyan ko.
Wala, sir.
May pakpak kayo ng fairy?
Tapos na po ang Halloween, sir. Loko loko.
Hanggang mapadpad ako sa parte ng mga librong pambata. De joke lang. Naisip ko lang na libro na lang ang ibigay ko. Naalala ko kasi noong elementary, hindi kami magkamayaw sa paghahanap ng mga alamat ng kung anu anong bagay. Bawat baitang may ipagagawa ang guro ng Filipino o English na summary report / book report / review.
Mga kwentong punung puno ng aral ngunit may tinatagong pakahulugan. Sa isang banda naging panakot ito sa aming mga kabataan. Halos lahat kasi ay tila naparusahan gaya ni Pinya na laging dinadahilan ang matang tinatamad tumingin at magmasid at ni Saging na laging paa ang ginagamit sa pag-abot sa bagay sa paligid. Kung hindi man ay naging Mangga dahil sa kabusilakan ng puso at Sampaguita dahil sa pagmamahal ni Guita? Hmmm.
Sampa Guita! Sampa! Sabi ng kanyang irog habang inaangat siya sa bangin.
Hindi ko tinuloy ang balak na pagbili ng libro. Puro kasinungalingan. Binibigyan nito ang mga kabataan na maging mabait sa maling paraan. Parang ang konsepto ng langit at impyerno. Itinatatak sa isipan natin na magpakabuti dahil may langit na naghihintay sa halip na gumawa ng kabutihan dahil masarap sa pakiramdam.
Pero bakit kaya hindi pa nayayari ang alamat ng tao? Na si Langgam ay naging tao kasi hindi siya sumusunod sa pila, lagi pang sumisingit. Na si Buwaya naging tao dahil sa pagkain niya ng hindi sa kanya at kalauna'y naging Kongresista. Na si Manok nagnais magpapansin, putak ng putak kaya ginawang social networking site user. Hindi kaya parusa ang maging tao?
Sige, balik na lang tayo sa party namin. Binili ko ang napaka-cute na stuffed toy. Hindi sa sinasabi kong kadikit ng laruang 'yon ang pagiging bata pero ang mga bata, hindi ba, likas na mapaglaro? Makikita natin silang dinuduyan ang mumunting laruan na tila kanilang anak; kinakausap gaya ng mga kaibigan; at sumbungan kapag pinagalitan ng magulang.
Hayyy. Kay sarap maging bata. 'yung panahong ang katumbas ng pagtahan ay makukuha sa tigpipisong Hani o Flat Tops. Wala nang mas mahalaga pa sa star na nilagay ni Ms. Atienza dahil nasagot ang tanong sa klase. Hindi tulad ngayon. Habang dumadagdag ang edad ng tao, gayon din ang paghahanap natin ng tunay na kaligayahan. Hindi na natin makuhang ngumiti. Mahirap na sa ating maging maligaya sa simpleng bagay. Karaniwan pa nga'y pinipilit na lamang nating maging masaya.
Ang lungkot na tuloy. Pwede bang balikan na lang natin ang kabataan na puno ng saya? Kakabit kasi ng paggunita sa nakaraan ang paghahanap natin ng katulad na karanasan ngayon.
May nakita akong isang karatula galing kay pareng Google. Ito:
Kung pwede lang...
Kasagsagan ng kainitan sa Mindanao nang makita ko ang tinatago nitong ganda. Tila isang lumang lugar, kabahayan na kahit sino ay maaaring pumasok. Mali ang haka hakang magulo rito. Katotohana’y kapayapaan ang sumalubong sa akin pagkababa ko pa lang ng eroplano.
Tagum Stadium.
Skylab.
Ilan sa mga punong nananatiling nabubuhay.
Nakita ko rin ang eskwelahan ng bata roon. Malayo. Malayo sa kanilang tahanan. Nasa itaas pa ng lambak. Maliit at nag-iisa lang ito. Sayang dahil hindi rin ito pinaligtas ng bagyo. Tinangay ng hangin ang buong na yero kaya direktang pumapasok ang init ng araw sa silid-aralan. Napilitan na tuloy silang lumipat sa nag-iisang “pwede na" silid. Ni hindi ito maituturing na paaralan ng mga taga-Maynila dahil sa kaliitan nito. Maputik pa sa loob. Iba sa atin ay hindi na gaganahang mag-aral. Maswerte pa tayo dahil maganda ang pasilidad at madaling marating na paaralan. Hindi bundok ang aakyatin. Hindi butas ang dingding. Kaya sino tayo para sayangin ang oportunidad na ibinigay sa atin? Sino tayo para tamaring pumasok?
Sa likod ay ang kanilang paaralan. Hindi ko nakuhanan. :)
Napagpasyahan naming hindi na dumaan pa sa Anawangin para magpalipas ng isang gabi. Mula kasi sa nakita namin, sobrang dami na ng tent na nakatayo roon. Kumpara dito sa Nagsasa, pagdaong ng aming sinasakyang bangka, bumungad sa amin ang katahimikan ng lugar. Tila pinahiram sa amin ang buong Sitio Nagsasa.
Malayo sa siksikang Maynila. Lahat kami ay nagpunta rito upang humanap ng kapayapaan mula sa magulong kinalakhan. Kahit ilang araw lang ng pagtakas sa mga usok at trapiko. Para bang great escape ng grupo. Lagi kaming nagnanakaw ng panahon mula sa masikip na mundong pinupunan ng kanya kanya naming trabaho. Gahamang lumayo sa nakasanayang buhay sa syudad. Kahit katumbas nito’y malaking halaga ng aming napag-ipunan; kahit buhay ang nakataya, makapunta lang sa napiling destinasyon.
Alipin kami ng misteryo at kagandahan ng Pilipinas.
Isa na siguro ang Nagsasa sa pinakatahimik naming napuntahan. Mula sa byaheng mahigit anim na oras,
nadatnan namin ang isang bahagi ng Zambales na malayo sa kabihasnan. Kailangan lang ng maraming lakas ng loob upang matagpuan ang nakatagong ganda sa likod ng bulubunduking lalawigan sa Gitnang Luzon. Mapalad tayo, dahil bukod sa nakasasalag ng malalakas ng bagyo ang mga bundok, handog pa nito’y hindi mapapantayang likas na yaman.
Kaya kong mabuhay dito, ganito. Si Grace habang nakatingin sa karagatan, nilalasap ang hangin. Alam niyang hindi ito madadala sa Maynila.
Walang kuryente para manuod ng sinusubaybayang teleserye. Hindi alintana kung maganda ba ang hawak na telepono dahil walang signal ang lugar.
Namulat kami na ang teknolohiya ay papausbong at patuloy na umuunlad. Naglalabasan ang iba’t ibang gadget, malaki-papaliit. Ngunit ngayong araw, mamumuhay kaming simple, gaya ng mga lokal ay susubukan naming makibagay sa paligid. Maglalaro sa buhanginan, tulad ng mga batang tumatakbo, kahalubilo ng kaibigang aso. Taguan sa puno.
Gusto naming tumulad sa kanila. Mababanaag sa kanila ang pagiging kuntento sa kung anong mayroon sa paligid. Naisip ko nga, may ideya ba sila sa buhay sa syudad? Kapag isang araw, inilapat sa kanila ang oportunidad na umalis, tanggapin kaya nila?
Saan ang iskul niyo? Tanong ko sa isang lokal na nasa harapan ng kanilang tahanan, isang kubo. Tantya ko’y may edad siyang dose.
Sa kabilang bundok pa. Habang ngumunguya ng butong pakwan. Tila normal na sa kanila ang magpanik-panaog.
Nilalakad niyo lang? Ilang oras?
Apat.
Anong oras kayo gumigising? Tapos madaling araw pa lang aalis na kayo? Nasa tono ko ang pinaghalong pagkamangha at gulat sa nalaman. #dedication. :) Hindi biro ang apat na oras na paglalakad sa hindi patag na daan, dala pa ang mga gamit pang eskwela.
Linggo pa lang lumalakad na kami. Lumantad mula sa usapan namin ang pagkakaiba ng Manilenyo sa mga lokal ng Nagsasa.
Bago pa kumagat ang dilim, inihanda na ng grupo ang kakainin. May alam na kami sa pagpapabaga sa tulong ng isa ring lokal. Naging tulong na lang namin ay kung paano mapapanatili ang baga at ang paghahanap ng mga kahoy sa paligid. Naubusan na kasi kami ng uling, wala kaming perang pambili kaya sinuyod namin ang paligid para makatipid.
Pinakita rin niya sa amin kung paano gumawa ng bonfire. Parang sa pelikula, kasama ng liwanag ng buwan, kaluskos ng mga puno, huni ng mga insekto’t ibon, marahang pagtama ng alon sa dalampasigan at sa init na dulot ng apoy, masaya naming nilalantakan ang marshmallow. Lasang merengge.
Hindi kami tinantanan ng ihip ng hangin, alas otso pa lang ay nakapikit na kami. Para kaming dinuduyan hanggang sa lumipad ang isipan namin sa mundo ng mga panaginip. Hindi namin ginamit ang tent sa halip ay sa kawayang lamesa kami nagpalipas ng gabi.
Ito na siguro ang pinakamahabang tulog na naranasan ko. Nagising akong nagliliwanag pa rin ang buwan. Gusto kong makita ang pagsikat ng araw. Doon sa dalampasigan, Daniel.
Nagsulat. Ito ang perpektong lugar para sa mga naghahanap ng inspirasyon. Parang alak na pangpainit ng damdamin at musikang panggising ng natutulog na saloobin.
Malungkot ang liwanag ng buwan. Dinadala ang sana’y napakasayang umaga. Pinaghihintay ang batang tulala sa kawalan. Tahimik. Mapayapa. Ito ang pakay niya sa pagpunta rito. Ngunit may kulang.
Alas dos pa lang ng madaling araw kaya minabuti kong matulog ulit. Matagal pa bago mag-umaga. Akala ko’y sobrang tagal na ng tinulog ko.
Tatlong oras matapos ang muling paglalakbay sa panaginip, nagpasya akong tumakbo sa kahabaan ng dalampasigan. Gusto kong samantalahin ang pagkakataong tulog pa ang lahat maging ang aking mga kaibigan. Isa pa’y hindi ko pa nalilibot ang buong sitio. Alam kong marami pang itinatago ang lugar na ito.
Dala ang tubigan, sinubukan kong labanan ang paglubog ng aking paa sa pinong buhanginan. Mahirap at masakit sa paa. Lubhang nakapapagod kumpara sa pagtakbo sa patag na daan. Dalawang ikot at ako’y sumuko na. Ngunit hindi muna ako bumalik.
Tulad nating mga tao, ang mga lugar ay maraming tinatago. Kailangan lang nating lubos siyang kilalanin dahil, marahil, sa likod ng kanyang pabalat na anyo, may ginto pa itong maihahain.
Bukod sa yaman ng kapaligiran, mapapansin din sa lugar ang iniwang dumi ng mga dayuhan.
Tayo na itong nakikigamit ng paligid, tayo pa ang may lakas ng loob na manira. Kapabayaan. Sadyang ang mga tao ay hindi marunong magpahalaga sa kanilang minamahal. Sinisira matapos ang kanilang pinagsamahang kaligayahan. Nakakalungkot dahil ang mga Pinoy ngayon ay tila nagdadala ng lisensya upang garapalang makapagkalat, makapambaboy ng paligid.
Bumalik ako sa mga kaibigan kong bitbit ang malaking plastik na aking nakuha sa mababaw na bahagi ng
dagat.
Pag-uwi ang isa sa pinakamasakit na bahagi ng paglilibot. Kailangang iwan ang napakagandang lugar. Hindi natin pwedeng iuwi o mamalagi dahil mayroon tayong buhay na iniwan sa ibang lugar. Iyon ang nagtatangi, ang kawalan natin ng kakayahang makuha ang ating pinapangarap. Pagpapaguran at paggugugulan ng maraming panahon. Sa kabila noon, ng pagod at sakit ng katawan, may ngiti sa ating mukhang nagpapahiwatig ng tagumpay.
Salamat kina kuya na naghatid at sundo sa amin!

