Miyerkules, Nobyembre 7, 2012 sa ganap na 11:51 PM sinalpak ni tadong daniel 6 Comments

naalala ko bigla ‘yung sinabi ng guro ko sa Journalism noong hayskul na si Gng. Panadero. May tatlong bagay umano sa mundo ang napakahirap pagdisyunan. ayon kasi sa isang pag-aaral, madalas pagmulan ng kaguluhan sa umpukan, pagdaan ng anghel sa maingay na magbabarkada, pagsisigawan dahil sa magkaibang paniniwala ang mga mababanggit na salita:

RELIHIYON, PULITIKA AT PAGNINIIG.

bago pa lang sa Pilipinas ang maging komportable sa usaping pakikipagtalik. karamihan nga hanggang ngayon ay iwas na iwas kapag napadapo roon ang usapan. para sa mga konserbatibo, o mga taong patagong nilalasap ang makamundong bagay, hindi dapat ito pinag-uusapan kundi ginagawa.

napakasensitibo kasi kung ibubulalas pa ang mga posisyong napagtagumpayan ng magkapareha. pribado umano ito. pwera na lang kung niyayabang mo ang nangyari dahil gusto mong matikman ang kakwentuhan mo?

isa pa sa dahilan kung bakit mahirap itong ipulutan ay ang pagkakaiba-iba ng estado sa bagay na ‘yon. papaano natin masasabing masarap ang maturukan kung ni yapos sa batok ay hindi pa nadama ng nakikinig? kaya minamabuti na lang natin na ngumiti sa tuwing mararamdaman ang kiliti ng kagabing pagdampi ng tinatagong mga balat.

—-
sa susunod na taon na ang eleksyon sa ating bansa. nagsisilabasan na ang mga nais umupo. hindi man direktang sinasabi ang’boto niyo ako’,pinaparamdam naman sa atin na ang pangalan nila ang karapat dapat sa isa nating boto. napakakritikal ng panahon ng Mayo. tayo ang magtatakda ng kinabukasan natin. magkamali tayo ng sinulat na kandidato, asahan ang pagkaubos ng kaban ng bayan.

malalaman naman natin kung hindi nararapat maging tagapaglingkod ng bayan ang isang nagsusumiksik na pwesto eh. KAPAG NAGLABAS SIYA NG MALAKING PERA. abot ng pera dito; patarpolin doon; pakain dito; palabas ng mukha sa telebisyon at marami pang mga paraan upang matandaan sila ng kanilang mga botante.

sa rami ng kanyang ginastos, malamang ang nasa isip niya sa oras na makaupo ay ang bawiin ang nasayang na pera. ikaw naman na nakatanggap, alam mo nang mali, binoto mo pa.

nasaktan ka ba? sige. itigil na lang natin ang ganitong usapan.

—-
marami nang nagkasiraang relasyon ang tunggalian ng magkaibang paniniwala. may naputol na pag-iibigan dahil sa pagmamatigas ng bawat panig ng pamilya; may kaibigan na nabahala dahil sa pagtaliwas ng kanyang kaibigan sa nakasanayan; may mga nagpupumilit na sila nag tama at wala nang iba.

isang gabi ng Oktubre, nakipagkita ako sa mga kaibigan ko upang kumain sa isang bagong bukas na kainan bandang Pasig. bago namin simulang husgahan ang gagintong nakahain, inanyayahan muna ang bawat isang magdasal. hindi ako gumalaw. tumingin lang ako sa kanila. pinatapos ang kanilang ginagawa. nang makita ko silang dumilat, agad kong sinunggaban ang barbeque ko, hamburger nila, sisig nila at inumin nilang nasa lamesa.

bakit hindi ka sumabay magdasal?ngiti ako. anong nangyari sa’yo?

hindi na ako naniniwala.sagot ko sa kanyang walang bahid ng pagyayabang sa aking mukha. sa tono ko rin ay sinigurado kong magiging kalmado sa rehistro ng tainga.

hindi ka ba natatakot? hindi ko na gusto ang paroroonan ng diskusyong ito kaya minabuti ko na lang sumagot ng wala naman akong natatapakan.

pero hindi mo ba naiisip kung sino ang gumawa sa’yo?

mama at papa ko?

bakit tayo nandito in the first place? nakita ko sa kanya ang pagkadismaya sa mga narinig na sagot. malalim na buntong hininga ang sumunod na kanyang pinakawalan. hinawi ang buhok upang umayos. may buhay ka kasi ginawa ka niya. worship. that’s the least he wants us to do.

sumubo ako ng kanin. then selfish siya. gumawa siya ng pamayanan para magkaroon ng tagasunod. para sambahin siya? wala akong galit, hindi lang talaga ako naniniwala. at kung sinumang tumaliwas sa kanya ay hindi nararapat mabuhay? tumungo na lang ako. alam kong hindi ito matatapos. hindi ko na rin alam ang mga susunod na sasabihin ko. hindi ako handa.

so para saan ka at nabubuhay pa?

para sa pamilya ko at magiging pamilya ko. kusa nang lumalabas ang depensa sa aking bibig. gusto ko nang umalis.

atheist ka na?

hindi. wala. as long as wala akong nasasaktan, magpapatuloy ako.

‘wag na nga nating pag-usapan ‘yan. may kanya-kanya tayong paniniwala. okay? sabad ng isa upang putulin ang tensyon sa lamesa.

teka. wala namang pagtatalo, ah. basta ang akin, hindi ko pinipilit na pumanig sa akin. tapos.

pinagpatuloy na namin ang naunsyaming pagkain. lumamig na ang kanin; kumunat na ang baka; naghiwalay na ang buko at yelo sa shake. habang ako. kunwaring seryoso sa pagkain, nakatunghod. tinatanong ang sarili, para kanino ba ako nabubuhay? pwede bang para sa sarili ko? pwede ba silang maging masaya na lang kasi nabubuhay akong masaya?

—-

masasabi kong tama ang mga dalubhasa sa kanilang natuklasan. ang animo’y matibay na pader na pagsasama ng magkakaibigan ay nauwi sa ilangan. doon sa usaping pakikipagtalik at pulitika, kayo na lang ang humusga, baka magkasakitan pa tayo.

Miyerkules, Oktubre 31, 2012 sa ganap na 3:41 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments



Edad, pangalan, tahanan, pamilya, kasarian, tatak ng damit, pananalita, kulay ng balat, mga kinakain, paaralan, perang hinahawakan, sasakyan, pinapanuod, ranking at posisyon. Ilan lamang iyan sa mga lantarang nagbibigay ng dibisyon sa pagitan ng mga tao. hindi natin ito batid ngunit ipinaparamdam sa atin ng mga nakahelera sa itaas na tayo ay hindi pantay pantay. Na kailangan nating tanggapin na tayo ay ganito lamang at sila ay ganyan na talaga. Ipanapamukha sa ating mga mulat ang katotohanang tayo ay dapat lumagay sa ating lebel. Masakit.

Isa pa sa nagpapahiwalay sa atin ay ang pagkakaroon natin ng talento. Sa paaralan, malaki ang ginagampanan ng mga talentadong bata sa tuwing may program. Hanap agad sila ng mga organizers upang maging bida o di kaya ay maging pampagising sa gitna ng kanilang programa. Ito namang mga hindi binayayaan, isinisilid na lamang sa sulok at hindi na muling papakialaman pa. karaniwan nandoon na lamang sila sa pag aayos ng props o hanggang back stage na lang.

Kasama rin sa tunggalian ng mga estudyante ang panahon ng paghahanap ng kaligayan sa kanilang buhay. Nasaksihan ko ang isang eksena kung saan ang isang estudyanteng hindi masyadong nabigyan ng matinding pagmamalaki ay naghangad din na humarap sa maraming tao. yung bang kahit na hindi niya magawa ang magsayaw at kumanta gaya ng isang tunay na performer, masaya na siya. kahit papaano sa huling pagkakataon ay mapalakpakan siya ng mga manunuod. Masarap din kasi sa pakiramdam na kahit hindi ganoong kaperpekto ang nagawa, may nakatanggap. Ngiti at palakpakan, sapat na.

Gayon pa man, may mga talentado pa rin na nabahala sa pagsingit sa eksena ng mga nagpupumilit maging talented. Papaano nga naman ang mga nais mag perform ng tunay at hindi nakakatawa? edi masasapawan ng mga nagpapatawa lang ang mga seryosong mang aawit?

Ngayon, nagdadalawang isip na ‘ko kung magsasayaw pa ako sa harap ng maraming tao. nakakatakot ang mga mata ng maraming tao. hindi ko alam kung dapat pang ituloy ang nahusgahan nang talento bago pa man ilatag sa madla. Dahil alam ko na pagkatapos ng pagtatanghal, sa likod namin may nakadikit, naroroon ang mga katagang hindi ikatutuwa ng lahat. Mahahati muli ang tingin ng mga tao. mabubuksan ang panibagong dibisyon na tanging pinakaiingat ingatang mahalata.

PS. Ang isip ng tao ay isa pa sa nagpapahiwalay sa isa’t isa. Marahil nga ay nasa isip lamang ang pagkakaiba iba ng mga tao, ngunit ramdam na ramdam naman ito ng kahit na sino.

Sabado, Oktubre 6, 2012 sa ganap na 11:40 PM sinalpak ni tadong daniel 9 Comments


tawa ka ng tawa, mamaya iiyak ka diyan. huwag kang gagala kapag malapit ka nang magtapos sa pag-aaral, lapitin ka ng disgrasya. huwag kang mag iipon, para mo na ring pinaghandaan ang pang ospital mo. huwag kang magpupula kapag umuulan, tatamaan ka ng kidlat. ang dami mo nang absent, lagot ka kay ma’am. hindi ka man lang tumulong sa mga gawain natin, huwag kang umasa na mataas ang grado mo. bawal tumawid, tangina ka!

dito sa pilipinas, bawat kibot natin laging may kaakibat na pananakot. karaniwan sa mga ito ay pumipigil na gawin natin kung anong nagbibigay o magbibigay ng kaligayahan sa atin. marami sa atin marahil ay nalaman ang mga ganitong pamahiin mula sa ating mga lola o di kaya ay sa magulang. 

higit pa sa mga nasa itaas, may isang paniniwala ang mga pinoy na lubhang mahalaga ngunit sinasantabi natin. isinasawalang bahala dahil wala naman sinabi si lola na maaari tayong mabulag, maputulan ng kamay, katihin, magutom, tamaan ng kidlat, o mamatay kapag ginawa natin ito. ni si nanay, walang pakialam. sa katunayan, sila pa mismo ang nagturo sa atin na suwayin ito. 

naaalala mo pa ba noong kabataan mo? habang abala ka sa paglalaro ng teks, tinawag ka ng tatay mo para bumili ng redhorse sa kabilang kanto. dahil sa takot na mapagalitan, iniwanan mo ang mga kalaro mo, tumakbo sa suking tindahan at bumili. sinuklian ka ng tindera. doon din sa tindahan, nakakita ka ng isang plastic ng teks, limang piso kada balot. sakto sa sukling hawak mo. alam mong lasing na si tatay, naisip mong hindi niya mapapansin na kinuha mo ang sukli. binili mo ang teks. tama ka, hindi niya alam na may sukli dahil sa kalasingan. 

isang gabing madilim, bilog na bilog ang buwan, pinalaki ka ng magulang mong may takot sa multo. sinasama ka ng nanay mo na pumunta sa nayon upang makipyesta sa mga kamag anak doon. pilit kang tumatanggi, nagpupumiglas, naglulumpasay, sinasapian ata. sige na anak, pag sumama ka bibilan kita ng maraming laruan at may bente pa. tumahan ka sa pagwawala na parang tinurukan ng pampakalma.

minsan pa nga kapag tinatamad kang gumawa ng assignment diba to the rescue kaagad si nanay para sa pampagana? pag natapos mo yang pinapagawa sayo ng titser mo, bibili tayo ng ice cream, yung magnum? naku anak, waley ang you and me sitting on a tree doon. pang mayaman! abot tainga ang ngiti, naglalaway mo pang tinatapos ang takdang aralin mo. 

sumama ka sa nanay mo mamalengke para sa pagkain niyo kinagabihan. sa pag iikot, nagutom kayo sa pamimili ng mauulam. ginamit niyo yung natirang pera pang meryenda. sinabihan ka ng nanay mo na huwag sabihin sa tatay mo na may sukli pa dahil baka hingin pa ito at walang maibigay. 

nakakita ka ng cake sa refrigirator. tinikman mo saka ka nagpaalam, sinabi ng mama mo na bawal kasi para yun sa mga kaklase ng kuya mo. pero dahil nakakuha ka na, abswelto ka. 

apat kayong magkakapatid pero walang gustong magwalis at maglampaso ng sahig. may kunwaring tulog, may kunwaring nahihirapan sa assignment, may kunwaring masakit ang paa, at may kunwaring nagre review para sa exam bukas. nakita mo ang tatay mong iba ang tingin sayo. nakangisi ng kaunti may kasama pang kindat. alam mo na ibig sabihin non. kapag sumunod ka sa utos, may premyo kang matatanggap. biglang gumaling ang sakit ng tuhod mo at kumilos ayon sa iniutos. 

ngayong malaki ka na, nagtatrabaho ka na sa gobyerno. malaki ang ginagampanan mo ngayon sa pag unlad ng bayan. isa ka sa mga inaasahan ng mamamayan na mag aangat ng ekonomiya ng bayan. pinagmamalaki ka ng magulang mo, maging ng buong bayan kung saan ka hinubog ng panahon. naialis mo ang pamilya mo sa kahirapan. may kotse, condo, bahay at lupa. masipag ka kaya tinatamasa mo ngayon ang ganyang karangyaan. 

dumating ang mga balita isang araw. punong puno ka umano ng ilegal na aktibidades. nagulat, natulala, tumanggi at umiwas. anak bakit? hindi ka ngayon makasagot dahil alam mo ay wala kang inaargabyadong tao.

nasanay ka kasing sa tuwing kumikilos ka ay may pampadulas para mas mapabilis ang proseso. hindi alintana sayo ang sobrang presyo ng mga pinamiling materyales tutal naman ay pinangkakain niyo ang mga natirang pera. alam na alam mo ang mga ibig sabihin ng kindat at senyas para manalo sa bidding, may komisyon ka kasi. higit pa roon alam mong hindi ka makukulong sa ginagawa mo dahil kaibigan mo ang batas.
ngayon, babalikan ka ng nanay at tatay mo. tatanungin kung bakit ka nagkaganyan samantalang pinalaki ka nila ng maayos at matino. 

ngayon, maraming magulang ang nagpapayo sa kanilang mga anak na huwag tularan ang babaeng may nunal na kinasusuklaman ng lahat. 

ngayon, sasabihin nilang wag kang kukurap. e ano ngayon? wala namang masama sa pag kurap. hindi ba nay, tay? 

Biyernes, Oktubre 5, 2012 sa ganap na 3:02 AM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments


Magpapasko na pala. Magiging masaya muli ang buong bansa. Bukod sa pagbaha ng ngiti at pabati sa isa’t isa, panahon na ng pagbibigayan ng regalo.
Kalakip din ng ispiritu ng kapaskuhan ay ang katahimikan sa ating mga sarili. Dahil gusto nating magdiwang na maligaya, hahanapin natin ang mga nakasamaan natin ng loob upang makipag-ayos. Kakalimutan natin ang pait ng kahapon para tikman ang tamis ng pagbabalik-ugnayan.
Kahit napahirap ng Pilipinas, kaya pa rin nating ipagdiwang ang tradisyonal na kapaskuhan. Ang sana’y isang espesyal na araw lang ay nagawa nating humigit kumulang apat na buwan.
Sa pagsapit ng kalendaryo sa Setyembre, mag-uumpisa nang sumulpot ang mga palamuti sa daanan, tindahan at mga gusali. Dadaan ang ika-25 ng Disyembre ngunit hindi pa magtatapos ang kakaibang simoy ng paligid. Darating pa kasi ang tatlong hari ayon sa matatandang kwento.
Kaya paborito ng mga negosyante ang Paskong Pinas, eh. gustong gusto nila ang napakaraming paniniwala ng mga Pinoy. Naririnig na nila ang kalansing ng pera mula sa pagtangkilik natin sa kanilang mga produkto.
Nakasanayan na kasi natin ang pagbili ng bagong damit. Hindi kasi kumpleto ang pasko kapag nawala sa listahan ng mga bago ang sapatos, damit o pantaloon. Mahirap kayang mapag-iwanan, makita ang ibang mga batang taas noong naglalakad suot ang kani-kanilang mga ‘pamas’ na damit (pamasko). Hindi pa natatapos dahil magtatanungan pa tayo kung anong pangalan ng tindahan ang napagbilhan, magkano at kung orihinal.
Malulungkot naman ang bahay natin kung kahit parol lang hindi pa natin maisabit. Panahon din kasi ngayon ng pataasan ng Christmas tree at pagandahan ng disenyo ng mga palamuti. Sikat sa kapit-bahayan natin kung mayroon tayong halos magsing-abot na kisame at puno. Dagdagan pa ng napakaraming bola sa paligid, bituin sa tuktok at ng mga naglalakihang kahon ng regalo sa ibaba. Hindi ba naman tayo dumugin ng comments sa facebook. Idagdag pa natin sa ‘merry christmas’ na album ang mga pagkain sa noche buena. Mas masikip na lamesa, mas masayang pagsalubong sa ‘kapanganakan ni Hesus.’
Magsusulputan ang mga mababait na tao sa paligid. Dahil ang pasko ay panahon ng pagbibigayan, kaliwa’t kanan din ang sumusubok na katukin ang natutulog na kabusilakang puso ng mga Pinoy. Sino ba naman ang makakatanggi kung langit na ang tinapat sa’yo? Ang pangakong walang hanggang buhay ang iyong sandalan.
Normal ba ako kung sasabihin kong hindi na ako naniniwala sa pasko? Hindi ako sumapi sa Iglesia. Lalong hindi rin ako nagdadahilan lang para makatakas sa mga inaanak ko.
Wala na kasi akong kinikilalang diyos. Hindi na ako naniniwala. Isang araw nagising na lang akong hindi na nagdarasal. Umaasa na lang sa aking potensyal, lakas at talino para magawa ang bagay na gusto ko. kumikilos hindi para pasiyahin ang ‘nasa itaas’ na dati kong laging pakay. Bagkus, gumagalaw ako dahil gusto ko. masarap sa pakiramdam.
Sa paglaho ng kaisipan ng langit, nagbigay ito sa akin ng tunay na kalayaan. Hindi ko na iniisip ang konsekwensya ng mga kinikilos ko. may nagmamasid man o wala. May nagbibilang man ng kabutihan o wala. May tumitimbang man sa bigat ng naitulong ko o wala. May langit man o wala. Mas tunay kasi ang pagtulong, para sa akin, kung gagawin mo ‘yun para sa tinutulungan mo at hindi para matuwa ang kung sinumang sinasamba natin.
Walang relihiyon. Walang kaitaastaasan. Walang batas at utos na sinusunod galing sa hindi mabatid na persona.
Simula nung lumihis ako sa landas na tinatahak ng nakararami, natagpuan ko ang sarili kong mas masaya. Mas malayang nakapagdedesisyon dahil walang lubid na nagpupumilit igapos ang kamalayan kesyo labag sa batas. Masasaktan umano ang tagapagligtas.
Ngayong darating na pasko, sigurado akong magiging iba.
Hindi na ako magpipilit gumising para makapagmisa ng madaling araw o gagawa ng napakaraming seremonyas manatili lang gising sa panggabing simba. Hindi ko kasi nakikita ang sakripisyong tinatawag nila sa pagbuo ng siyam na araw. Kung tutuusin, ginagawa iyon ng mga mananampalataya para matupad ang kanilang hiling. Ang sakripisyo, para sa akin, ay ang paggawa ng bagay na walang hinihingi at hinihintay na kapalit. Bukal sa loob.
Uso sa simbahan namin, noong nagsisimba pa ako ang pagpapaikot muli ng parokya ng kanilang basket para sa pangalawang donasyon. Ito umano ay mapupunta sa mga kapos, hindi ‘nabibiyayaan’ at sa mga ‘nakalimutan nang magdasal.’ Idagdag ko pa sa bubuhos na ambon sa kanilang buhay ang kinolektang iba’t ibang goods mula sa araw araw na ‘assignment’ para sa mga nagsisimba.
Hindi ko tinutuligsa ang ginagawang pagtulong ng simbahan. Lalo pa at nakikita ko na masaya ang mga tao na naglalakad papunta sa donation box. Pero bakit tuwing pasko lang natin naiisip tumulong? Tuwing pasko lang nakakaalala ang simbahan na mayroon palang mahihirap na kailangang lingunin?
Kasi kailangan nating patunayan bago sumapit ang bagong taon na mayroon tayong nagawang maganda, nakatulong tayo sa ating kapwa. Para may ebidensya tayo. Kasabay ng ‘pagsasakripisyo’ natin ng siyam na araw, mayroon tayong dala dalang pampadulas na regalo para mapabilis ang ating pakay.
Maganda sana ang pagbibigayan kung hindi tayo obligado. Tunay na masarap sa pakiramdam ang pagtulong kung hindi tayo umaasa ng kapalit.
Naalala ko tuloy ang isang eksena noong nasa kolehiyo pa ako. Binigyan kami ng kapangyarihan ng propesor namin na bigyan ng puntos ang hawak naming test paper. Nilagyan ko ng perfect 10 ang aking kaklase. Sa pagtanggap ko ng aking test paper, nakita ko na 7 lang ang ibinigay sa akin.
“Ten pa naman ang binigay ko sa tsinekan ko,” sabi ko sa bestfriend ko habang nakatangan sa papel sa harapan.
“Kasalanan mo ‘yan, naging mabait ka eh.”

Martes, Setyembre 25, 2012 sa ganap na 1:02 AM sinalpak ni tadong daniel 12 Comments

Ito ang mga panahong gustong gusto kong magsulat. Kasama ng maiingay na tao sa paligid, lilikha ako ng tauhang magsisilbing tagapagmasid sa lahat ng nangyayari. Umiikot ang mga mata. Humahanap ng mapapasukang isipan. Pipiliting mapahaba ang nakukuhang tunog ng tainga. Pansamtalang ititigil ang mundo. Saka ako babanat ng mga letrang binuo sa nahagilap na pinagsama-samang imahe.

O ‘di kaya ay habang pumapasada ang aking bus na sinasakyan, ikukuwento ko sa mga mambabasa ang mga tanawing nakapukaw ng aking pansin. Bagama’t ang biyaheng pa-Cubao ay pamilyar na sa mga tao, may mga bagay tayong napapansin na nakakaligtas sa mata ng iba.

Halimbawa: Tatlong tao ang nasa iisang lugar. Nangyari ang isang krimen ngunit isa lang ang nakapagsabi ng tunay na naganap. Isa lang ang nakasaksi.

Masarap ikwento ang isang hindi pa naririnig ng karamihan. Isangkutya ang maliliit ngunit malasang mga tagpo. Gawing malaman ang sabaw na dinulot ng pagkahapo mula sa hitsura ng trabahador. Bigyang kahulugan ang kasiyahan ng dalawang binatang magkakapit bisig. Tutulungang magdahilan ang babaeng nagalit sa pagtapak ng kapwa pasahero sa kanyang sapatos. Kakausapin ang luhang kanina pa umaagos sa mata ng babaeng tulala.  

Minsan pa ay pinipilit habulin ang binibigkas ng mga kuliglig sa paligid. Baka sakaling maintindihan ko ang pagngawa nila sa sulok. Baka mas may saysay pa ang dinadaldal nila kaysa sa mga taong nakaharap sa kamera’t pustura pa sa suot.

Pero hindi ko magawa ngayon. Mas nanaig ang kagustuhan kong ubusin ang laman ng utak ko sa’yo. Gustong gusto kitang kausapin. Pag-usapan natin ang mga gumugulo sa isipan mo. Punuan ang lumalapad na espasyo ng ating ugnayan. At kapag umayon sa atin ang hangin, gagaan ang biyaheng ito. Madadampian ng ngiti ang suot mong mukha.

Ngunit iba ang ikinikilos mo. Pinili mong pakinggan ang sinasabi ng mang-aawit sa cellphone mo. Hinarap kita pero kamay mo lang ang sumagot sa aking pakiusap.

Alam ko naman na ang paroroonan ng istorya natin, eh. Ako lang din ang nagpilit na ihatid ka papunta sa inyo. Baka kasi sa kalagitnaan ng paglalakbay natin, magbago ang ihip ng hangin. Baka mag-iba ang katapusan.

Dito na ang babaan.”

“Sa wakas nagsalita ka rin. Hindi mo alam kung gaano…

“Paalam”

“….ko hinangad na makausap ka.”

--------------------
Maikling kwento
ang teksto sa itaas ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2012 (Ikaapat na Taon)

www.saranggolablogawards.com.



 


 


Martes, Setyembre 18, 2012 sa ganap na 3:11 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Something inside
pushed me to write,
this I want
from my heart
not my brain
that is dictating
inside me.
it is my heart.
that’s full of space
friends, I thought
my friends,
will fill this emptiness
I’m alone.
Worst,
I’m lonely.
I’m crying inside.
who are loved,
who are brave
shouting i love you
I envy you
I chose this
I’m afraid
the yesterday.
I can’t forget
Falling in love
again
this I want
from my heart
in time
I wish for love
not that I need it
but I want it.
I saw paper
blank, full of space
I found marker
Asleep on a case
filing this sheet
using the ink
smiling
I found love.

Sabado, Setyembre 15, 2012 sa ganap na 11:43 PM sinalpak ni tadong daniel 1 Comment


May isang maliit na kwadradong bahay, tila isang barong barong. Butas butas ang dingding. Pagkapasok bubungad ang kainan. Isang maliit na plato sa lapag na tila hindi pa nahuhugasan mahigit isang linggo na. Sa hindi kalayuan ay ang higaan na kapantay lamang ng kainan. Sa ilalim ng tahanan, bumabagsak ang mga duming hindi maaaring pigilin.

Makikita sa loob ang may ari ng bahay. Isang babae, si Winnie. Ulila sa magulang at mga kapatid. Bihira lang lumabas si Winnie. Pinagbabawalan siya ng kaniyang mga amo. Kailangan niyang magtiis sa masikip na lugar dahil namamasukan lamang siya sa hindi rin namang kayamanang pamilya. Lumaki siya sa mga ito. hanggang pagtanda ni Winnie kasa kasama na niya ang pamilya.

Buntis sa hindi kilalang lalaki si Winnie. Kapag lumalabas kasi sa kaniyang lungga ay kung kani kaninong lalaki ito napapadapo. Tila gutom sa pagtingin ng iba. Sanay na siya sa hirap. Alam niya ang reyalidad ng buhay. Ngunit hindi mawaglit sa pag iisip ni Winnie ang posibilidad na maaaring kunin lamang ng kaniyang mga amo ang kaniyang magiging anak. Hindi niya kayang magpalaki ng anak sa ganyang kalagayan sabi nila.

Isang gabi, dalawang buwan na ang nakalipas, nanakit ang tiyan ni Winnie, namimilipit. Kinakalampag na niya ang bahay ngunit hindi ito pansin ng kaniyang mga amo. Kahit anong gawin nito ay hindi man lang siya nilingon ng mga ito. Wala siyang napili kundi masarili na lamang. Mahirap. Mabuti na lang at nairaos ito ni Winnie nang mag isa.

Umaga na nang makita ng kaniyang amo si Winnie kasama ang apat na anak. Alam ni Winnie ang balak ng kaniyang mga amo. Kukunin ito at ipamimigay sa ibang nangangailangan ng alipin. Hindi ito pinayagan ni Winnie. Tinignan niya ng masama ang amo. Nilabas ang pangil. Nagngangalit na ingay ang ginawa ni Winnie.

“Rawr! Rawr! Hmm grrr! Rawr!”  sambit ni Winnie sa kaniyang among nagpupumilit na kunin ang kaniyang mga anak. 

Biyernes, Setyembre 7, 2012 sa ganap na 1:25 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Sa lahat ng mga tuksong nagsisilabasan sa mundong ibabaw, pinakamahirap layuan sa mga ito ay ang pagtitipid. Lalo na noong nakaraang kapaskuhan, marapat lamang na hindi tayo lumabas ng bahay. Sa loob, hindi tayo makikita ng kung anumang makahihila sa atin na gumastos. O di kaya ay pikit matang lalabas. Sine, damit, pagkain at kung anu ano pang mga bagay na magiging dahilan ng pagdulas ng pera paalis ng bulsa.
Ngunit para sa isang anak ng mahirap, ng basurero, asahan natin na ang pagbili ng mga bagay na hindi mahalaga sa buhay niya ay ang pinakahuling desisyon na gagawin niya. Kasama ang kaniyang karanasang mawalan ng pera, makakain ng sabaw lang ang ulam at hindi pumasok dahil sa kawalan ng pambaon, inaaasahan natin ang pagtitipid sa kaniya.
Pasko nang pakiusapan ako ng ninang ko na magbantay muna sa kaniyang computer shop. Hindi na ako tumanggi, instant online na rin yon eh. Hindi pa nag iinit ang aking puwitan ng dumating si May, nagpunta sa sa harpaan ng server kasama nito ang kaibigang si Cathy na ang tatay ay isang OFW sa Saudi. Gagamit umano sila ng computer.
“tatlong oras po sa akin, sa kaniya dalawa.” Sabi ni May habang dumudukot ng perang pambayad sa wallet. Iniabot sakin ang 60php, dose lang kasi ang isang oras doon. Saktong presyo para sa mga gagawa lamang ng project, lubhang mura para sa mga nakikipagpustahan sa dota. Higit pa roon, ang dose pesos na ginugugol ng isang tao sa paglalaro ng tetris, dagdagan lamang ito ng kuwatro mayroon ng ulam na sardinas ang isang pamilya.
Nalungkot lang ako, bakit sa dinami rami pa ng batang kilala ko, siya pa ang walang pagtangging manlibre sa kaibigan niyang di hamak na mas may kayang magbayad ng dose pesos. Na kahit sobrang hirap na ng buhay kahapon, nakatanggap lang ng malaking pera ngayon, nakuha nang gumastos ng ganoon na lamang, hindi man lang iniisip ang kinabukasan.
PS. Ang mga kwento sa likod ng kaniyang pagpayag na manlibre ay hindi ko alam, tanging ginawa ko lang ay manghusga. hihi

Sabado, Agosto 25, 2012 sa ganap na 6:32 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

‘to talaga ang gusto ko kung bakit pinananatili ko ang shuffle on at repeat all sa mp3 player ko. nagkakaroon ng pagtutugma ng natatapat na kanta at ng nararamdaman ko ngayon. Ang sarap sa pakiramdam.

Isinasatitik at binibigyan ng magandang melodiya ang gusto kong isigaw sa kalawakan. Alam kong walang sasagot. Pero tulad ng mga kanta, sinulat ito kahit hindi alam ng kompositor kung may kakanta ba kapag nailabas na sa merkado. Kung may magtatyagang pakinggan ang bawat letrang inilabas ng kanyang puso. Kung may sasabay bang puso sa bawat kumpas ng gitara at hampas ng tambol. Kung ituturing ba ‘tong buod ng buhay ng isang tao. Kung magiging palamuti na lang ba ang plaka niya sa piyesta sa nayon. O maitatago sa isang kahon, maaalala lang na naging parte ang kanta ng kanyang bihay isang araw habang naglilinis ng baul. Napakaraming maaring kahinatnan ng isang kanta. Hanggang sa huling sulyap ng mga nagmamahal sa atin ay pupwede itong patugtugin.

Kanlungan ni Noel Cabangon

Una kong nasayaw noong nasa mababang paaralan pa lang ako. Paksa kasi  ng asignatura naming ang locomotive at di-locomotive. Para maipakita naming sa guro at mapatunayan na naintindihan namin ang dalawang uri ng galaw, kailangan naming maggrupo-grupo at bumuo ng presentasyon gamit ang mga galaw. Sayaw ang ginawa namin sa saliw ng kantang Kanlungan. Dito kami sa bahay nag-ensayo. Maganda ang kinalabasan.

Dumaan ang hayskul at kolehiyo, hindi ko na alam sayawin ang Kanlunga. Ang pinaghirapan namin ng ilang araw ay ganoon na lang lumisan. Hindi ko na kilala ang ilan sa mga nakasama ko noong sinayaw namin ito sa eskwela.

Isang araw nakita ko sa Youtube ang video nito. Agad kong dinawnlowd ang kanta. Nilagay sa memory card. Ilang araw ang lumipas, muli ko itong nakaligtaan. Hindi narinig. Noon ay lumakas ang kagustuhan kong hanapin ang mga kasama ko sa nasabing sayaw. Silang mga lumang tao. Makipagkwentuhan. Alamin ang mga bago sa kanilang buhay. Ang kabuluhan ng kanta ay naglaho kasabay ng pagkawala nito sa aking pandinig.

Ngayon, habang hinaharana ng Kanlungan ang aking gabi, nagaganap ang isang maliit na pagpupulong ng aming Brgy. Patuloy pa rin kasi kaming tumututol ang mga opisyal ng lugar naming sa kagustuhan ng NHA na paalisin kami at itambak sa Gaya Gaya, Bulacan. Iginigiit pa rin na hindi pa lubusang sira ang aming kinagisnang lugar. Lumalaban at umaasang mapakinggan ang bawat panig.

Ba, mahirap iwan ang lugar na pinagmulan mo, a. para ka na ring binigyan ng selective amnesia. ‘yung tipong may sumisingit na kahapon sa’yong isipan ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi mo mabuo? Ang mga sulat sa pader, baho ng lugar, ingay ng mga bata, kwentuhan kasama ang mga kapitbahay, parte yan ng memorya. Bahaging hindi mapupunuan ng mansion o bagong bahay.

Beinte uno anyos pa lang akong nabubuhay dito. Nagkaisip. Ngunit nabigyang halaga lang ang lugar namin kung kailan alam ko na kaunti na lang ang pamamalagi dito. Kung kailan kukunin na sa amin at mukha wala nang balak ibalik.

Kung para sa akin masakit ang malayo rito, paano pa kaya silang mga nauna ditong manirahan? Silang buong buhay ay naririto? Lahat ng kanilang nakasanayan, hininga, hinugot sa baul na karanasan, at ang kanilang mga naubong prinsipyo’t paniniwala ay tila mananakaw sa kanila.

Gusto ko rin sanang maibahagi sa mga magiging anak ko ang mga aral na naidulot ng lugar namin. Ipapakilala ko sa kanila ang mga kaibigang naghubog ng pagkatao ko. ang mga kapitbahay. Ang mga lugar na lagi kong pinupuntahan kapag malungkot ako.

Pero ganoon yata talaga. Ituturing ko na lang bula ang mga ito. Sa isang sundot, mawawala. Makakalimutan.

May mga bagay na hindi natin kayang pigilan. Bagama’t kaya nating patagalin ang kaganapan, darating at darating sa puntong tatanggapin na lang natin ang kapalaran.

Lahat kami gunita na lang ang matitira. Na kung mabigyan kami ng pagkakataon na makabalik dito, sa naging tahanan namin, bagong alaala na ang aming mahahabi. Wala nang mga nakasanayang gawi.

Gaya ng sinasabi ng kanta, pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?,

PS: hindi kmi iskwater pero kung ituring kami ng NHA ay para bang nakadudumi kami sa imahe ng Maynila. 

Linggo, Agosto 19, 2012 sa ganap na 11:09 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments


minsan natutulala na lang ako sa bintana ng bus na sinasakyan ko habang malalim ang iniisip ko. kahit naman hindi malalim, basta napaisip lang ako, otomatik na ata. pagkakataon na bihira lang mangyari dahil lagi akong natatapat sa gitna ng pangtatluhang upuan o di kaya ay sa kaliwa ng pangdalawahan. lagi kasi akong may kasama sa pag uwi. 
pero ang totoo, mas masarap ang biyahe kapag mag isa ka lang. tipong hindi mo iniisip kung nabuburyo na ba ang kasama mo. kasi kaya nga niya ginustong may kasabay dahil gusto niya ng kausap habang umaandar ang sasakyan.
pero kapag tinamaan talaga ng katahimikan ang tao, kapag naubos na ang kwento, kapag sayang-laway lang ang pag uusapa, edi mabutihing itikom na lang ang bibig. tapos tatanungin ang sarili kung tama ba ang pagpili sa kanya na makasama. 
kapag ganito ang eksena, masarap pagmasdan ang mga kapwa mo pasahero. isipin kung ano ang iniisip nila habang naka upo. o nakatayo kapag trip ng kundoktor magpahirap. mga pinaguusapan nila. problema nga ba sa buhay? sa trabaho? dinadala kaya nila ang trabaho sa biyahe tapos iiwan sa bus? parang bagahe lang? chismiss sa mga gusto at ayaw nilang kasamahan? pagbabalik tanaw kaya dahil ngayon lang ulit nagkita at sa bus pa naganap? pangangamusta?
natutuwa kasi ako sa iba’t ibang reaksyon ng mga nakapaligid sa akin. minsan napakahiwaga ng mga tumatakbo sa isip nila. nakatingin sa malayo. sabay ngingiti na parang kinikilig. hmmm. parang ang sarap makipagkwentuhan sa kanya. malaman kung bakit napakatamis ng kanyang ngiti. 
may mga tao rin na sobrang pamigay ang pinta ng mukha ng isang tao. titingin sa hawak na cellphone tapos bubusangot ang mukha. susulyap sa oras tapos iiling. magnanakaw ng tingin sa katabi sabay ngingiti.
mayroon ding umaakyat sa bus hindi upang makarating sa gusto nilang paruonan. makikita mo silang hawak ang librong naglalaman ng sagot sa kaligtasan mula sa dagat-dagatang apoy, ayon sa kanila. makikita mo silang nag aabot ng sobre bawat pasahero na dumadayalogong “tulong lang sa simbahan.” hanep ang simbahan na ang tinutulungan sa halip na sila ang namimigay. sabagay, pwede rin silang maging daan para tumulong. pero hindi pa ba sapat ‘yung collection sa loob ng simbahan? ewan. may mga bata at matandang nag aabot ng sulat, may pasabing badjao sila at nangangailangan ng pangkaen pero may pera pang laminate ng papel. mahirap silang tantiyahin, baka kasi mag amok kapag walang nag abot ng tulong. 
sa bus din nasusubok ang katatagan ng loob ng mga tao. para sa mga lalake, laging kwestiyon ang kanilang pagiging maginoo. para sa mga babae, mapapatunayan sa kanilang pagtayo kung seryoso ba sila sa pinaglalaban nilang pantay na pagtrato. kung kaya ng lalake, kaya rin ng babae, ika nila.
nagkakaisa naman ang isip ng mga kasarian kapag umapak na sa trangkana ng bus ang mga matatanda. awtomotatikong magpapaubaya ng upuan ang kahit na sino. kesehodang pagod, galing sa trabaho, mabigat ang dalahin, basta mapagbigyan lang ng upuan sila lolo at lola. di hamak naman na mas marami na silang hirap na naranasan kaysa sa buhay pag ibig na nilalamayan natin ilang gabi na.
malakas din ang kapit ng mga magagandang babae para mapaupo sila ng mga kalalakiha. napapansin kong kapag rumampa na ang mga chicks sa gitna, hindi magkandaugagang magpapabilisan ang mga gwapito para paupuin sila. 
isang araw umuwi ako bandang alas siyete dahil binigyan ako ng surprise party ng mga katrabaho ko. kaarawan ko nga pala noong akinse. treinta minuto na ang nakalipas nasa Madison pa rin ang sinasakyan ko. ang tagal ng daloy ng trapiko. wala ulit akong kasabay kaya nadiskartihan kong maupo sa tabi ng bintana. 
isang babae ang tumapat isang upuan sa harap ko. maganda, kamukha ni Pia Cayetano. balak ko sanang paupuin para makatulog siya ng maayos. bakas sa pikit niyang mata ang pagod, eh. pero nagbago ang isip ko nang makit kong iritable siya. minsang nagtagpo ang mata namin ay inirapan niya ako. anong problema nito? pinapalo pa niya ang headrest, hawakan kapag nakatayo at ginugulo-gulo ang buhok. pauupuin ko na talaga kasi pagod siya. kaso mukha namang may enerhiya pa siya para magwala sa loob ng bus, eh.
may bumaba, agad siyang lumapit nabakanteng pwesto. ngunit sa kamalas-malasan ng mga malas noong kaarawan ko, naunahan pa siya ng dalawang kalbo upuan. dahil doon naawa ako sa kanya ng bahagya. natapalan ng kaunti ‘yung kakaibang pakiramdam noong nagwawala siya.
sinisipat ko pa rin siya sa repleksyon ng salamin at minsan talagang lumilingon ako sa kanya. namumula na. parang naiiyak. gusto ko na talagang paupuin. kaso baka mabalingan ako ng sama ng pakiramdam ni ate. 
(patugtugin ang korus ng ANTUKIN NI RICO BLANCO.)

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile