Biyernes, Setyembre 4, 2026 sa ganap na 5:44 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Nauna ko pang maubos ang pahina ng libro ni Ricky Lee kaysa matapos kainin itong inorder ko sa starbucks. 


Malamig na ang lasagna. Tila iced na rin itong coffee press na nakapapaso kanina. Salamat sa kapatid kong kailangan pang ipagamit ang account niya para makapag-starbucks ako. 


Dalawang oras na kasi ang nagdaan noong pinagpatuloy kong basahin itong Kulang na Silya ni Ricky Lee. Ngayon ko lang hinarap. Madami akong naging dahilan. Pero ngayon lang kasi ako nawalan ng dahilan para isantabi ang pagbabasa. 


Pwede ko na itong isauli sa kaibigan ko. Ilang buwan na rin noong hiniram ko at sinabing tatapusin agad dahil madali lang naman basahin ang mga sulat ni Ricky Lee. Para lang siyang nakikipagkwentuhan sa akin. Mali. Para lang siyang tuloy tuloy na nagsasalita sa harap ko. At kapag gusto kong sumagot, wala namang makakarinig. Hindi niya maririnig.


Marami akong gustong ikwento habang nagbabasa ng libro niya. Biruin mong nakaka-relate ako sa iba nyang experience. Kaya minsan gusto kong ibaba ang libro para ako naman ang magsulat ng version ko. Pero hindi ko itutuloy kasi mas gusto kong ipagpatuloy na lang ang pagbabasa. Kalauna’y mawawala na rin sa isip ko yung dapat na isusulat ko. Sayang di ba. 


Okay lang. Hindi na ako nanghihinayang. Madami na rin kasi akong naitapon at binura sa drafts ko. Hindi ko na tinuloy. Tinamad na lang. Hanggang sa kinalimutan na lang. Pangarap ko minsang makasulat ng nobela. Gusto kong maka-publish ng libro. 


Isa iyon sa mga nasa listahan kong gusto kong magawa bago man lang ako mamatay. Sure akong mamamatay ako balang-araw. Pero ang gusto kong siguruduhin ay mag-iiwan ako ng kahit isang bagay na magpapaalala na mayroong ako na nabuhay sa mundong ito. Kumbaga foot print. Legacy ba tawag doon? 


Sayang kasi kung wala. Hindi sa prine-pressure ko ang sarili ko na dapat mayroon akong kahit isang alaala, ah. Pero masaya ako kung magkakaroon. 


Mayroon na akong bahay na nakapangalan sa akin. Sapat na ba iyon? Siguro. Pwede na yun. Para naman matanggal na ang pag-iisip at pangamba sa future na hindi naman darating. 


Kumbaga iyo-YOLO ko na lang to. Enjoy ko na lang itong mayroon ako. Gaya nitong oras na mag-isa ako. Nakatapos ako ng libro. Nakapagsulat akong muli. Chineck ko yung blogspot ko, nakaisa na ako ngayong taon. Okay na ba itong pangalawa? 


Hindi. Marami pa akong gustong sabihin. Kaya patuloy lang.








Linggo, Hunyo 7, 2026 sa ganap na 7:15 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Binura ko na sa delivery address ko ang bahay namin sa Punta. Nitong mga nakaraang araw ay nakakaramdam ako ng pagkaligaw. Laging lumulutang ang isip at napapadpad sa madilim na lugar. 

Kaya kapag napapadpad ako sa malayo, binabaling ko ang atensyon ko sa pagbili ng gamit sa internet. Inuubos ang oras sa pagtingin ng gamit na hindi ko naman talaga kailangan at sa huli ay magiging kailangan ko na rin dahil gusto kong i-satisfy ang sarili. Para may aabangan ako sa darating na bukas. Para makaramdam na mayroon natapos. Pabuya na rin kahit wala namang magandang nagawa. 

Chineck-out ko yung dishwashing soap rack. Mura lang naman. Hindi pa umabot sa 150 pesos at libre ang padala diretso sa bahay namin. Kadalasan pa pagkatapos ng dalawang araw alam ko nang out for delivery na ang nabili ko. Tiningnan ko ang Lazada kung tama ang hinala ko, paparating na nga. 

Pero sa maling address. Hindi ko napalitan. Naka-default pa rin pala ang address ko sa luma naming bahay sa Punta. Dati kasi nandoon pa sila mama at papa nakatira. Pwedeng sila na lang ang mag-abang sa darating na parcel. 

Iba na ngayon. Ilang buwan na rin nung nakalipat sila sa Lipa. Nakabili ng bahay si kuya. Malaki. Maayos. Malayo sa gulo ng Maynila. Milya din ang layo sa in-order ko online. Hindi ko na rin mapa-cancel dahil na-pick-up na raw ng rider.

Kaya wala na akong magagawa kundi bumalik sa luma naming bahay. Kahit sabihin pa ni Rizal na hindi ako makararating sa paroroonan kung hindi ako lilingon sa pinanggalingan. Matagal na akong nakausad. Pinutol na rin ang mga tali. Kinalimutan ang mga sulok-sulok kahit alam kong may mga ugat pa rin akong tumitibok doon. 

Noong nasa harapan na ako ng bahay namin sa Punta, wala akong naramdaman. Napagod lang akong umakyat sa tenement. Hindi ako niyakap ng bahay namin dati. Siguro dahil wala naman doon ang mga taong namuhay sa tirahan namin. Kaya kinuha ko na lang ang parcel na maling naipadala rito. Umalis na agad. Hindi na lumingon pa. 

Kasi dito man ako pinanganak, pero alam kong hindi ako rito tinakdang mabuhay. Kasabay ng paglipat ng bahay, nagbagong buhay na rin ako. Siguro. Sabi nga nila, malayo na, pero malayo pa ang lalakbayin. Pa-Calamba? Pa-Lipa? Kahit saan. Basta mapayapa. Malayo sa dilim. 

Malayo sa pagkaligaw .

Deleted na ang lumang address ko sa online shopping apps. Nagtakda na ako ng bagong default address. 


Sabado, Disyembre 27, 2025 sa ganap na 5:06 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Kasama ni Lolang tumanda ang nag-iisang babaeng anak niya. May asawa at anak naman si tita. Pero nandoon nakatira si Lola sa kanila dahil ang bahay nila ang tahanan ng buong pamilya dati. Nagsialisan na lang noong nakabuo ng sariling pamilya ang magkakapatid. 


Si Tita na ang nag-alaga kay Lola. May special bond sila. Kay Tita lang sumusunod si Lola. Kapag galit na si tita, alam na ni lola, tatahimik na sa pagpipilit. Hindi nga naman kasi sipilyo ang suklay, lola. Wag mo kasing gawing salamin ang kutsara, nay. Hindi ka po naglakad papuntang Laguna de Bay galing La Union. Hindi ka inawardan for being the best person sa Tenement, lola. Senior Citizen ID ang binigay sayo. Tumagal at hindi na rin nakikipagtalo si tita sa kanya. 


May dementia na kasi si lola. Wala laban ang argumento ni tita.  Pero kahit mahirap, tyinaga ni titang siya ay alagaan. Nanay niya eh. At nag-iisang babaeng anak sa limang magkakapatid. Sila na lang ang naiwan sa bahay. Magkasama. 


Hanggang sa namatay si tita sa laban niya sa liver cancer. 


Naunang mamatay si Tita kay Lola. 


Mahigit otsenta na rin si Lola. Pero dahil sa sakit niya, hindi niya alam na wala na si Tita. Hinahanap araw-araw. Sanay kasi siyang pinagsisilbihan ng unica ija niya. Almusal, merienda, tanghalian, merienda, hapunan, hanggang sa pagtulog. 


Umalis po. Patay na po. Nakaburol doon sa kabilang bahay. Nag-abroad. Hindi na babalik, nay. 


Hanggang sa may nakapansin na kumaway si lola sa malayo. Nakangiti. Tumatangu-tango. Sige. Oo. Ingat ka. 


Malinaw kay lola ang nagpakitang babaeng nakaputing bestida. May hawak na maleta at nagpaalam sa kanyang pupunta lamang ibang bansa. Nakangiti si tita. Ayaw niyang mag-alala si lola.


Ayun ang huling memorya nya kay tita. Kaya tuwing sumasagi sa alaala niya, kailan balik ni Norma? Nagpaalam pa yun sa akin bago mag-abroad. 


Hindi rin namin masagot. Kasi sana nga, nag-abroad na lang si tita. Para may pag-asa pang bumalik. 


Ilang buwan lang din ay sumama na sa abroad si lola. Naghihintay panigurado si tita sa arrival area. Dala-dala ang male-maletang paboritong merienda ni lola. Kumakaway-kaway. Masigla ang katawan. Malakas at handang sumalubong. 


Natatandaan siya ni lola. 


Martes, Nobyembre 14, 2023 sa ganap na 11:27 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

     Dumaan sa timeline ng tiktok ko ang pagbati ni John Manalo kay Erika na kanyang nobya. Nabanggit ni John na wala pang naiimbentong mga salitang ang tutumbas sa kanyang nararamdaman sa dalaga. Sagot ang kataga mula sa tanong ni Erika kay John Manalo na, "Mahal mo pa ba ako?"

 

    Nagitla. Nag-isip. Natakot. Dahil kung maikakahon ang mga salita para maipaliwanag ang damdamin, marahil umapaw na ang lalagyan ng mga makukulay na bulaklak at malalayang hugis. 'Yan halos ang laman ng mensahe ni John Manalo kay Erika. 

 

    Pitong taon na sila noon. 


    Apat na taon na rin silang nagkasundong tapusin ang relasyon. Throwback lang pala ang napanuod ko. 


    Ilang segundo rin akong natulala sa balita. Akala ko kasi sapat na ang mga salitang binitawan ni John Manalo para magsilbing katibayan ng kanilang pagsasama.

 

    Hindi na ako nag-usisa kung ano ang dahilan ng pagtatapos nila John at Erika. Gusto kong ang tumatak sa akin ay 'yung umaapaw na pagmamahalan.

 

    Hindi siguro nila alam paano at saan ilalagay ang nararamdaman sa isa' t isa. Napunta kung saan ang sumobrang galak. Tumalsik. Nalito paano nga ba kung ang sobra ay maubos bigla. Tumapon.

 

    Nakakatakot talaga ang mga sobra. 


    Baka kasi lumagpas na sa kakayanan. 


    Naibuhos na ang lahat. 


    Walang natira. 


    Umabot sa sukdulan.


    Kaya siguro, mas nagtatagal sa relasyon 'yung mga sakto lang magmahalan. Para bukas, kung sakaling mayroong hingin, mayroon pang maibubuhos. 

Huwebes, Setyembre 8, 2022 sa ganap na 3:28 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Isang araw sa panahong panalo na ang mundo laban sa COVID-19, malugod akong nagtungo sa paaralang pinapasukan. Kagubatan ng malulusog na pagbati at ngiti mula sa mga bata ang bumungad. Maganda ang araw. Bago na ang gawi ng daigdig.


Sa loob ng opisina, habang hinahanda ang mga gamit na dadalhin sa silid-aralan, napahiyaw sa sakit ng dibdib ang isa sa kapwa guro. Kumapit sa mga bagay na malapit. Mahigpit. Tumingala. Namimilipit. Namuti ang mata. Nagkakagulo. Hindi malaman ang gagawin ng mga guro sa paligid.


Nawalan ng malay si Ginang Salamares. Isang guro ang kumapa, wala nang pulso, hindi na humihinga. Samantala, may isang naglakas-loob, kumuha ng ammonia, pinaamoy. Napakatagal. Banayad na tumulo ang pawis sa mga nakapaligid.


Namulat. Nagulat ang buong populasyon. Ngunit may iba sa gawi ng ginang. Wala sa ulirat. Natataranta. Hindi mapakali. Mayroong nais gawin na hindi mahanap, hindi makuha.


Kumapit muli sa dibdib, sa ulo. Sinabing, ayaw ko nang maging guro. Lilibot muna ako sa Pilipinas, pagkatapos, babalik ako.


Sigurado ang ginang sa sinambit. May galak. Punung puno ng pag-asa. Mula sa pagkamatay, nagising na may determinasyong tuparin ang matagal nang sinasambit na pangarap.


Zombie na nga bang maituturing si Ginang Salamares? Namatay at nabuhay muli. Ngunit sa halip na tao ang nais kainin, bigla siya naging gutom na makamit ang kanyang pangarap.


Kaya pala sa mga pelikula, pinakikitang utak ang gustong kuhain at kainin ng mga zombie, naroroon kasi lahat ng ating pangarap.


  • Panaginip noong ika-14 ng Mayo, 2020

Linggo, Pebrero 7, 2021 sa ganap na 6:19 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Mars, keri ba tayes sa salubong? Puslit na lang ako after putukan ah. Picture muna kami nila mudang tapos ng lapuk, gora na akes dyan. Saan ba tayes ngayon? Kaninong balur? Sa amin na lang waley akong kasama sa dorm. Umuwi sa probinsya silang lahat. Ilan pwede? Sama ko bowa ko ah? Okay. Basta ambagan ‘to ah? Dala na rin kayo ng mga mangangata at nomo para gora agad. 


Boom! 


Happy Nuyir Baks! Buti naman nagpakita ka na. Hoy pasensya magulo pa ang kwarto. Okay lang. Sanay na kami. Tangina ka Tinay amoy alak ka na agad. Baks, sa baler kasi napatagay na agad me. Papunta na raw sila ah. Bakit kasi hindi pa kayo nag-antayan. Apat pa lang tayes. Umpisahan na ba? Anong chika mga baks? 


Boom!


Bakla ang init sa bahay mo! Magkano upa mo rito? 2K. Baks wag ka na magtiis dito. Napakaliit at napakainit! Alam mo naman madaming bayarin sa buhay. Hindi nga ako makachupa, makaawra dahil sa punyetang kahirapan. Char. Picture tayes mga baks. Pak! Tinay sa gitna ka. Lasing ka na agad? Baks sino na awra mo? Tigilan mo na mga constru! Wampipti! Puta. Haha. May open ba sa parlor niyo? Pa-side line naman baks. Kingina naman ubos na agad ang spag! Bakit kasi hindi kayo nagdala? Baks labas mo na ‘yung mga chichirya dyan. Bili ka ng yelo sa kanto dyan. Para malamig itong red horse. 


Boom! 


Baks pa-charge! Wala kang boardmate na gwapo? Daks ba siya? Tangina niyo ah. Hoy. Wag kang sumuka dyan. Tinay! Napakaharot! Matulog ka na. Pahigain nga ‘yan. Baks, bakit umiiyak? Hindi ka pa rin nakakamove-on sa straight na yon? Haha. Mahal ko pa eh. Tatlong taon na kayong break? Haha. Sampalin niyo nga ako. Gaga. Every year sinasampal ka namin. Pero pagkatapos kang palunukin ulit ng tamod mahal mo na ulit. Sherep eh. 


Boom! 


Umaga na! Uwi na ba kayo? Oo teh. Ambaho na namin. Unang araw ng taon amoy putok kayo. Sana naputukan na lang. Libog baks! Kaya ka laging walang pera. Libre lang chupa ko. Haha. Gago lasing ka nga. Wala akong kape rito. Bili kayo sa kabilang bahay. Uuwi ba ‘yang si Tinay? O rito muna sa bahay? Tinay! Gising hoy! Tangina ano bang ininom nito? Bakit lantang gulay? 


Boom!


Tulong! Dalhin natin sa ospital! Tangina ni Tinay! Bakla gumising ka! Bakit ganito? Hoy! Ano nangyari? Tumawag ka ng side car! May clinic dyan sa kanto! 


Bang! 


Isasarado na po natin ang kasong ito. Hinalay ang biktima. Nakuha na po natin ang hustisya. Opo. Nanlaban ‘yung mga humalay sa babae. Dumepensa lang po ang ating kapulisan. Sumalangit nawa si Kristina. 

Linggo, Disyembre 27, 2020 sa ganap na 12:38 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Muli na namang tumunog ang himpapawid.  Hudyat na may kinuhang buhay ang mga halimaw.  Sa tuwing aalingawngaw ang pagsabog,  kanya-kanyang takbuhan ang mga magulang para hanapin ang mga anak.  O di kaya'y tatawagan para masiguardong ligtas ba ang isang kapamilya sa naganap.  Parang mga inahing manok na bibilangin ang inakay at mag-iiyakan kapag nagkulang. 



Nakasanayan na sa bayan ng Quezon ang pagsasabi ng "Tao po" bago buksan ang pinto sa tuwing kakatok. Pagpatak ng alas sais ng gabi, lahat ng kakatok sa pintuan ay kailangang siguradong tao at hindi nagkatawang-tao lamang. 



Nagbago na ang panahon.  Kahit maliwanag ang sikat ng araw, kailangan nang malaman kung tao nga ba ang nasa labas ng pinto.  May mga halimaw kahit mulat ang mata ng mga nasa paligid.  Wala rin namang magagawa ang testigo.  Kung saasabihing nakita ang pangyayari, kinabukasan tuluyan nang mabubulag.  Kung gagamitin ang boses,  hindi pakikinggan,  mamamalat na lang, kung suswertehin, mawawala ang dilang matulis.  



Lahat ng nagaganap ay bulgar.  Hindi na sila nagtatago.  Taas-noong pinagmamalaki. May yabang sa bawat yabag.  Habang lumalakas ang paglagatok ng sapatos sa sahig, papalapit nang papalapit sa tahanan, may mga gamunggong pawis ang tumutulo sa ulo ng maaaring maging susunod na maisasama sa bilang ng mga kaaway.  Sa paglagpas ng rumorondang halimaw, susundan ng mga mata ang mga asong ulol at huhulaan sino sa kapit-bahay ang tunay na pakay.  



Naglalaway.  Nais makalasap ng sariwang dugo.  Mas masarap silang mga matatapang.  Walang lasa ang mga nagmamakaawa.  Higit na tataas ang apoy at mas magiging makapangyarihan kapag dumanak ang dugo ng mga lumalaban.  



Isa.  Tatlo.  Sampu.  Tatlumpu.  Isang-daan.  Hanggang sa mapagod na lang ang mga tao sa bayan sa pagbibilang.  Kasabay ng pagtigil sa pagtatantos, nasanay na rin ang kabahayan sa mga nawawalang buhay.  Sa tuwing may anunsyo ng kamatayan, wala na rin ang kaba sa kanila na maaaring sila na sa susunod.  Minsan na lang sila makaramdam, kapag ang kamag-anak nila'y wala pa ring balita ilang minuto matapos ang wang-wang ng mga halimaw. 



Nagbago na ang sinumpaang tungkulin.  Nagbago na ang pinaglilingkuran.  Sila na ang diyos.  Sila na ang batas.  Sila na ang nasa itaas.  Sanayan lang sa bayan na ito.  Normal na lang ang patayan.  Mas brutal,  mas pinagpapala. 


-ika-27 ng Disyembre taong 2020 sa gitna ng pandemya. Tarantado si Duterte at si Duque. 


Huwebes, Disyembre 24, 2020 sa ganap na 3:57 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Gusto kong magbisikleta papunta sa malayong lugar.  Doon sa walang nakakikilala sa akin. Doon sa malayo sa gulo. Sa walang may pakialam. Sa walang pakiramdan na sinisiksik ko ang sarili sa buhay ng iba. Sa lugar na hindi ako nagmamakaawang mapansin.


Gusto kong magbisikleta. Gusto kong mapagod kapapadyak. Para iba naman ang maramdaman. Para mawaglit sa isip kong malungkot ako. Para hindi na sumanib ang kakarampot na halaga ng aking presensya. Nakakapgod ang tumakbo ngunit wala namang paroroonan. Pero mas nakapapagod ang tumatakbong isip papunta sa kawalan. 


May mga araw na ayaw ko nang bumalik. Mas gusto kong tuklasin kung ano ba ang buhay sa malayong lugar. Malaya? Siguro. Kakayanin ko kayang mag-isa? Siguro. Hinahanda ko naman ang sarili para sa araw ng pag-alis ko. Para kapag umalis ako, sisiguraduhin kong matatapos ko ng sinimulan. 


Pero gusto ko talagang umalis ngayon. Gusto kong tumakas kahit ngayon lang. Ngayon lang.


-ika-25 ng Disyembre

Unang pasko sa gitna ng pandemya 

Biyernes, Nobyembre 27, 2020 sa ganap na 8:52 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Lagi kong nakikita ang sariling nagsasalita sa harap ng madaming estudyante. Nagkukwento ng mga karanasan sa buhay. Mga bagay na pwedeng maging inspirasyon sa pagtanda. 


Naiisip na isang araw tatapikin ng dating guro para magbigay ng mensahe sa mga magtatapos. Tatayo sa harapan, lahat makikinig. Hihinto ang oras ng mga bata at tututok lang sa mga salitang lalabas sa bibig. 


Kaso malabo. Hindi naman ako huwarang estudyante. Lalong hindi matagumpay ang buhay ngayon. Lagi lang akong nasa gitna. Hindi magaling. Wala sa itaas. Hindi hinahangaan ng mga kaklase. Hindi unang pinipili. 


Kaya malabo pa sa putik ang pagkakataong maging panauhing pandangal. Mamumuti na ang mata mo kahihintay. Dito kasi sa Pilipinas, kailangan maging mataas na tao ka muna bago ka kilalaning marangal. Kailangan ng titulo para makita nila ang iyong halaga. 


Kaya para sa isang tulad ko, hindi na aasa para hindi masaktan. Malayo ang agwat ko sa mga naimbitahan. Kumbaga, 100mbps ang gamit nila, ako mag-inquire pa lang para makabitan ng 50mbps na wifi. 


Hindi ko rin maintindihan kung bakit laging ang nagsasalita sa harapan ay mga matataas na tao na. Mga matatalino. Mga magagaling sa simula pa lang ng pag-aaral. Mga pinagpala ng kadalian ng buhay. O di kaya’s sinwerte sa pagkakataon. Mga matatapang na sumugal. 


Ngunit lahat nang iyon ay inspirasyon para lang sa mga nasa harapang upuan. Palayo nang palayo sa entablado, palabo nang palabo dahil hindi na tatagos sa puso ng mga nakikinig. Animo’y ang kinakausap na lang ay mga katulad niyang magagaling, masisipag, mga nasa priority lane ng eskwelahan. 


Kaya sinong haharap para sa mga hindi gaanong kagalingan? Sinong tatayo at tagapagsalita ng mga estudyanteng nasa row 3 at 4? Mga estudyanteng tinatabi sa mga matatalino kapag may exam para mahatak ang score ng eskwela? 


Wala. Dahil mahina ang ningning sa kanila. Bago pa man mapili, mahaba pa ang listahan sa harapan. At kung malapit na ang iyong oras, hahakbang na sa harapan ng umaasang mga estudyante, mayroong muling taong mas magaling sayo ang pipiliin. 


Kasi sa Pilipinas, kailangan munang maging matagumpay, kailangang may narating na, kailangang may napatunayan, bago tayo mapakinggan. 


Ako si Dan. Wala pa akong nararating. Wala pang maipagmamalaki. Nasa harapan para sa mga taong nasa likod ng pila. Taas-kamao para sa mga hindi magagaling at laging kulelat. Daratimg din ang oras na kakampi sa atin ang tadhana. Huwag sukuan ang sarili. Tayo-tayo na lang ang magkakakampi. 

Linggo, Oktubre 18, 2020 sa ganap na 4:23 PM sinalpak ni tadong daniel 1 Comment

Hindi ko mawari kung masasabi nga bang swerte ang dinaranas ni lola ngayon. 


Limang taon na mahigit nang magsimulang kumalas ang mga alaala sa isip ni lola. Nagtatawanan pa ang lahat kapag may simpleng pagkakamali sa mga ginagawa. Natural kasi kay lola ang pagiging palabiro. 


May umagang nilagyan niya ng toothpaste ang suklay para gawing sipilyo. ‘Yung tinidor, marahang pinadaloy sa kanyang buhok upang umayos. Nainom niya rin ang tubig na pinagbabaran ng pustiso. Mga maliliit na bagay na hindi napansing senyales na pala ng kanyang sakit. 


Unti-unti, sa paglipas ng mga taon, hindi lang mga gawi ang nawaglit. Nakalimutan na maging kaming mga kamag-anak. Kahit ang sarili, sa harap ng salamin, sinasigawan, inaaway, dahil nakatingin umano sa kanya ang matandang hindi niya kilala. 


Sa tuwing dumadalaw kami sa La Union, naikukwenta ni lola ‘yung panahong nawala umano siya sa Laguna de Bay. O kaya ‘yung nahulog siya sa hagdan at dinala ng ambulansya. Maging ang hindi niya pagtatapos sa mababang paaralan, ngunit buong pagyayabang niyang isisigaw na hindi siya illiterate. 


Hindi namin alam kung totoo ang lahat. Pag-aari niya ang alaala, ‘yun na lang ang dala niya sa buhay. At kakaunti na lang, huwag nang galawin pa. Paulit-ulit. Araw-araw. Hindi kami nagsasawang makinig. Magkahawak ang kamay. Kahit hindi na kami makilala. Mahalaga ay may kasama sa paglalahad ng nakaraan. 


Kasabay ng pagkawala ng alaala ang paglaya niya mula sa pakiramdam


Isang taon nang namatay ang panganay niyang anak, tinatanong pa rin kung kailan babalik ang babaeng kasama niya sa iisang bubong. Sa araw kasi ng libing, dumaan sa harap ang anak, may dalang maleta, nagpaalam na mangingibang bansa lamang. Hindi niya naramdaman ang sakit ng pagkawala ng anak, ng pagdala ng pusong butas ngunit mabigat. 


Limang taon mahigit na rin nang mamatay si lola. Kasama ng kanyang alaala ang buo niyang pagkatao. Tinangay lahat. Gigising. Kakain. Magkukwento ng pagkaligaw sa Laguna de Bay, ‘yung ambulansya, ‘yung tungkol sa pagiging literate niya. Buong magdamag. Minsan kakanta ng Manang Biday. Sasayaw. 


Swerte nga ba ang kawalan ng alaala? Ano ba ang pakiramdam ng gumising sa umaga na malaya sa pait ng kahapon? Hindi ba’t ang buhay ay binubuo ng pinagtagpi-tagping mga eksenang lumipas? 


Limang taon na rin mahigit. Wala na si lola. ‘Yung lola sa alaala namin. 


Sana sa susunod na pagdalaw namin sa La Union, nakangiti pa rin siyang sasalubong, kahit matagal na kaming hindi kilala. 


-October 19, 2020

-Walong buwan na ang COVID-19 Pandemic

Linggo, Agosto 23, 2020 sa ganap na 2:49 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Sana hindi na tayo bumalik sa normal. 


Sana pagkatapos nitong delubyo ni Duterte at ng COVID-19, gumising tayo sa mas magandang Pilipinas. 


Mas maayos at pangkalahatang kalusugan. Sana mabigyan na ng pagpapahalaga at mataas na sahod sa nars at doktor nang dito na sila maglingkod. 


Walang nakawan. Mga nakaupo sa pwesto, karapat-dapat silang nandoon. Hindi ‘yung binigyan ng pwesto dahil tumulong sa kanya? Hindi ‘yung dating heneral. Hindi ‘yung basta na lang ibigay ang posisyon. 


Sana wala nang mga mambabatas na mga tuta rin ng pangulo. Nakakapag-isip mag-isa. Tunay na humahalili sa kanyang nasasakupan. Tunay na kahanay ng maliliit na tao sa bansa. 


Malayo pa, Pilipinas. Hindi pa natin makikita ang tunay na liwanag. Hindi tayo nasisilaw dahil bulag tayo sa katotohanan. Sumisikat lang ang araw pero hindi pa rin tayo nagigising.. 


Nakakapagod. Kaya pa ba? 

Lunes, Agosto 3, 2020 sa ganap na 11:06 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Bakit ganyan ka magtapi ng twalya? Bakla ka ba? Tanong ng nanay ni Romel nang makita siya sa kwarto't katatapos lang maligo. Hindi malaman ng katorse anyos na binata ang mali sa pagpupunas niya. Nagtataka kung bakit ganoon ang paghuhusga ng ina nya sa kinikilos niya. 



Lumaking malaya si Romel mula sa kanyang iniisip at ginagawa. Marahil dahil sa kanyang paligid na punung puno ng pakikipagdiskusyon sa mga isyu ng lipunan, mga debate, mga pagtatalo kung bakit naging magulo ang Pilipinas, kaya naging madulas ang mga diwa sa paglusot sa kanyang dila. Wala kasing mali sa pakikipag-usap. 


Walang mali sa kanya. Isang bata. Naglalaro sa pasilyo kasama ng kanyang mga kaibigan at kapatid. Hindi namimili ng makakalaro at pakikisamahan. Hindi naman kasi alintana sa mga bata iyon, basta makatakbo lang sila, ayos na. Alam niya ang mga larong tagu-tagu-an, tumbang preso, bahay-bahayan, chinese garter, block 123, piko, luksong baka at marami pang masasayang laro. Malaya siya. Masaya ang kanyang pagkabata. 


Hindi po. Unti-unti nang sumisiksik sa utak ng bata na may mali sa kanyang pagkatao at kinikilos. Maging ang nanay niya, batay sa tono ng pagtatanong ay tila sinasabing hindi siya normal. Sa bawat kilos niya ay parang may bombang bigla na lang sasabog. Siya lang ang tatamaan. Mga matang mapagmasid. Kahit ang pilantik ng dila ay hindi pinaligtas. Ang buhok na tumikwas ay kailangang ituwid. Diretso ang lakad, huwag gegewang. 


Ngunit tuloy pa rin sa pakikipaglaro sa mga kapwa niya bata si Romel. Araw-araw pagkagaling sa eskwela, matapos ang lahat ng takdang aralin, tatakbo na si Romel sa roof top para makahabol. Sabik na sabik.


Isang araw nakita siya ng tatay niyang naglalaro ng hoola hoop. Nakataas ang kamay upang hindi sumayad habang bilog ay umiikot sa kanyang beywang. Nakangiting tila nang-aasar sa kanyang mga kalaro. Nagsasabing bukas pa siya matatapos sa ginagawa. 


Bakit niyo.... Hindi na pinatapos ng ama ang reklamo ni Romel. Sa isang iglap nasa balikat na siya ng kanyang tatay. Ano na naman ang mali? tanong niya sa sarili. Kahit ang tingin ng mga kaibigan niya ay punung puno ng katanungan. Mali nanaman siya sa mata ng tatay niyang laging tama.


Gustong iparamdam ni Mang Ramir ang galit sa kinikilos ng anak. Katumbas ng sinasabi niya ang bigat ng mga palad papunta sa binti ni Romel. Nagtatanong ngunit hindi naghihintay ng sagot. Hampas! Gustong ang anak ay tumugon ngunit hindi pinababayaang bumuka ang bibig. Wasiwas ng kamay! Bakit ka naglalaro non?! Aray, pa! Hindi kita pinalaking bakla! Tama na, pa. Hagulgol. 


Nanunuod lang si Aling Marya. Naiiyak. Bagama't nasasaktan sa bawat hambalos ng asawa sa anak, hinahayaan niya lang dahil alam niya para iyon sa kapakanan ng anak. Para maituwid siya. May mali kay Romel. Ito ang paraan para malaman niya iyon. Sila ang magulang kaya sila ang dapat magparamdam sa anak na kumilos ng tama. 


Bakla ka ba? Pagod na ang tatay sa hindi mabilang na pagod. Hindi po. Pagod na si Romel sa hindi malamang kasalanan. Hinahaplos ang latay na dulot na balat ng sariling ama. Alam niyang gusto lang ni Mang Ramir marinig ang katagang iyon. 


Tumigil ang unos. Hindi na halata ang iniwang bakas ng mga palad na galit at uhaw sa pagtatama sa mali. Ngunit para kay Romel, hindi na mabubura ang dulot nitong lamat sa puso. Na kahit ang magulang niya ay hindi siya tanggap. Na ang turing nila sa kanya ay mali. Tumatak sa isip niya ang sinabi ng kanyang amang nagkamali sila sa pagpapalaki sa kanya. 


Simula noon nag-iba na ang ihip ng hangin. Naging tigasin si Romel. Sinubukan niyang lumayo sa mga kaibigan dahil sila ang implikasyong nagkamali siya dati. Guarded. Lagi niyang iniintindi ang iisipin ng kanyang magulang sa pagkilos niya. 

Baka masaktan ko nanaman sila mama. Baka mapalo ako kapag may mali akong ginawa. Kung ano nanamang isipin nila sa akin. 



Tumandang masaya ang magulang ni Romel dahil naging masunurin ang kanilang anak. Nakita nila ang anak na nag-excel sa kanyang pag-aaral. Hanggang sa makapagtrabaho at umunlad ang pamilya ay hindi nagbago si Romel. Palagi niyang iniisip ang kapakanan ng magulang. Lumaking takot. Hanggang ngayon ay dinadala niya ang araw na pinagbuhatan sya ng ama dahil sa maling hindi niya malaman. Hanggang ngayon, tinatanong niya ang sarili kung anong mali. Kaya iniwan niya na ang dating Romel. Wala na, binago ng hagupit ng nakaraan.


Hindi siya kailanman naging masaya dahil sa itinanim ng kanyang magulang sa isipan niya. Mali ang makaramdam ng kasiyahan. Dahil noong huli siyang naglaro, humagalpak at tumalon sa tuwa ay nakatanggap siya ng sugat na habang nabubuhay ay hindi maghihilom.  

Miyerkules, Hulyo 29, 2020 sa ganap na 11:19 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

(mula sa sanaysay na ‘Tungkol sa katamaran ng mga Pilipino’ NI JOSE RIZAL)


natapos na ang lahat,
hindi nagawa ang sapat.
Kahit anong pilit,
Nakakatamad!

Tulad ng marami,
Gaya ng sinasabi.
Ang hirap ng ganito,
Nakakatamad!

Bigyan mu man ng maraming butil,
Sagana man sa pangangailangan,
Kulang pa rin ito sa hiling ng katawan,
Na nais ng kapahingahan at karausan.

Kakainin na sana ang pinaghirapan,
Eh, nakalatag sa mesa kulang pa sa dalawahan.
Kayo nama’y busog na busog ang kalamnan,
Wala pang bahid ng putik ang paanan.

‘Kaw na may ngiti, may payong at tagapaypay,
‘Kaw na malusog, makapal ang bulsa.
‘kaw na biglang sumulpot pagkatapos ng dusa,
Sa araw na galit, ligtas ka sa latay.

Kanino nga pla itong lupang sakahan?
Pagmulat ng ninuno’y lupa’y nariyan.
Ngayon, ikaw diyan nakatapak, pinaglilingkuran,
Amin ito, lupa’y sa amin, sinasakay sa’min!

Sino nga ba sa atin ang tunay na tamad?
Ikaw na biglang dumating nung handa na ang hapag?
oh, ako na maghapong nakayuko makapaghanda lang ng mailalatag?
Nawa’y ang katotohanan ay hindi bumaliktad.


‘SA SALA NG BAHAY’
SETYEMBRE 27, 2009


Hindi ako makapaniwalang sinulat ko ‘yan. Haha. 

Sabado, Mayo 16, 2020 sa ganap na 4:55 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Isang araw sa panahong panalo na ang mundo laban sa COVID-19, malugod akong nagtungo sa paaralang pinapasukan. Kagubatan ng malulusog na pagbati at ngiti mula sa mga bata ang bumungad. Maganda ang araw. Bago na ang gawi ng daigdig.

Sa loob ng opisina, habang hinahanda ang mga gamit na dadalhin sa silid-aralan, napahiyaw sa sakit ng dibdib ang isa sa kapwa guro. Kumapit sa mga bagay na malapit. Mahigpit. Tumingala. Namilipit. Namuti ang mata. Nagkagulo. Hindi malaman ang gagawin ng mga guro sa paligid.

Nawalan ng malay si Ginang Salamares. Isang guro ang kumapa, wala nang pulso, hindi na humihinga. Samantala, may isang naglakas-loob, kumuha ng ammonia, pinaamoy. Napakatagal. Banayad na tumulo ang pawis sa mga nakapaligid. Tahimik na naghintay. Halos walang kumikibo.

Namulat. Nagulat ang buong populasyon. Ngunit may iba sa gawi ng ginang. Wala sa ulirat. Natataranta. Hindi mapakali. Mayroong nais gawin na hindi mahanap, hindi makuha.

Kumapit muli sa dibdib, sa ulo. Madiin na sinabing, ayaw ko nang maging guro. Lilibot muna ako sa Pilipinas, pagkatapos, babalik ako.

Sigurado ang ginang sa sinambit. May galak. Punung puno ng pag-asa. Mula sa pagkamatay, nagising na may determinasyong tuparin ang matagal nang sinasambit na pangarap.

Zombie na nga bang maituturing si Ginang Salamares? Namatay at nabuhay muli. Ngunit sa halip na tao ang nais kainin, bigla siyang naging gutom na makamit ang kanyang minimithi.

Kaya pala sa mga pelikula, pinakikitang utak at puso ang gustong kuhain at kainin ng mga zombie, naroroon kasi lahat ng ating gusto sa buhay.

- Panaginip noong ika-14 ng Mayo, 2020

Biyernes, Agosto 23, 2019 sa ganap na 2:38 AM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Nalaman ko na kung gaano kasarap ang makalimot. Kung paanong tumutulong ang alaala upang lalong bumigat ang nararamdaman sa pagkawala at paghihiwalay. 

Habang ang buong paligid ay nagluluksa, si lola ay nakangiting sumasalubong sa mga bisita. Kumakanta ng kundiman. Sumasayaw. Salamat sa pagdalaw sa pamangkin ko, kahit anak niya ang nakahiga. 

Walumpu’t limang taon na si lola. Minsan nakakaalala at nakakakilala, palaging hindi. Si tita ang panganay niyang anak at nag-alaga sa kanya sa La Union. Iisang bahay, iisang hapag-kainan, iisang hangin ang nilalanghap at madalas magkabanggan ng siko. 

Wala pang limang taon nang magsimulang tumakas ang mga alaala mula kay lola. May pagkakataong nilagyan niya ng toothpaste ang kanyang suklay. O di kaya’y inaaway niya ang salamin, siguro ay nagagalit siya sa matandang kulubot sa kanyang harapan. Buti ay nandyaan si tita para itama at tyagaing magpaliwanag ng pagkalito ni lola. 

Kaya si tita lang ang alam niyang anak niya. Siya lang yung hinahanap niya sa tuwing kakain siya. 

Nay, kailan ka huling naligo? 

Kakaligo ko kang kahapon, kahit apat na araw nang hindi. 

Siya lang yung may timbre ng boses na kumikiliti sa tainga ni lola. Kilala siya ni lola, buong pagkatao. Kahit ang gusot sa paligid ng mata. 

Nasaan na si Norma? Sinugod daw sa hospital? Makakabalik pa ba siya? Mga tanong ni lola kapag nahahagip ng isip ang kanyang anak. Minsan sa hangin ang tanong. Minsan naman’y sa kahit sinong katabi niya. Babalik po, malapit na, lola. Kahit malabo na. 

Ngunit wala nang bumalik. Hindi na niya makakausap ang kanyang nag-iisang anak. Wala nang magagalit sa kanyang mga kakaibang gawi. Walang huling yakap. Walang huling halik. Walang huling tawag ng nanay, anak. Umalis na lang bigla. 

Maganda na ring walang matandaan si lola. Noong sumilip siya sa kabaong, sinabi naming anak niya ang nakahimlay. Hindi si Norma yan.Iba kasi ang hitsura, magandang babae si tita kumpara nakahiga sa nakaharap namin

Kaya kahit nung mailibing na si tita, nagtatanong pa rin si lola kung kailan babalik si tita. Nagtrabaho na sa ibang bansa. Baka hindi na bumalik. Dahil sagutin man namin ng tunay, maya maya’y dadalhin din ng hangin ang katotohanang nilisan na kami ni tita. 

Kinabukasan ng pagkalibing ni tita, habang nagmemerienda, nagtanong si lola, saan nagpunta si Norma? Nakita ko kahapon nagmamadaling umalis. Madaming dalang bag. Hindi na siguro babalik? 

Opo, lola. 


Lunes, Mayo 27, 2019 sa ganap na 3:01 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments


 Ngayong kislap mo’y pundi na, hindi na kayang magpatuloy, nais naming malaman mong higit ka pa sa maliliit na pailaw na aandap-andap sa isang sulok ng bahay. Isa kang sinag sa bawat araw at maging sa iyong paglubog, kami ay babangon upang silayan at gunitain ang naiwan mong init sa aming buhay. Mananatili at gagabayan kami ng iyong mga aral. Mahal na mahal ka namin.

Lunes, Mayo 20, 2019 sa ganap na 7:02 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Sino magdedesisyon kung kailan pwede na? 

Handa ka na bang tapusin? Kumawala sa himpapawid at yakapin ang ginhawa? Paano masasabing hihinto ang lahat ng sakit gayong lahat ng nawala ay hindi bumalik upang patunayan ang kasarapan ng katapusan? 

Sa isang liver cancer patient, stage 4, matagal na nyang gustong itigil. Tinanggap na ang kahihinantnan ng buhay. Nakapaghabilin na. Marahil ay niyakap na rin ang parating na sandaling wala nang sakit. Hihinto na ang mga maiingay na makina sa paligid. Makatutulog nang mahimbing.

Ngunit para sa mga nagmamahal sa kanya’y tuloy pa rin ang laban. Kahit hirap nang huminga. Kahit pagsulat na lang ang tanging komunikasyon. Tubo na lang din ang suportang hangin. Kumakapit pa rin ang asawa. Araw araw, lumiliit ang tyansa, humahaba lang ang pighati. 

Masakit. Wala bang nakaramdam sa matang pinuno na ng lungkot? Nangungusap. Mga luha’y humihiyaw. Tama na. 

Home. Uwi. Huling hiling bago mawala. Makarating sa bahay kung saan walang tubo sa bibig. Walang karayum na humahanap ng ugat. Sa lugar kung saan nandoon ang pamilyar na lambot ng unan at kamang naghihintay ng katawang binugbog ng napakaraming pagsubok.

Tuldok na lang ang kulang. Ito na ba ang katapusan?


Sino ang hihila ng tubo?

Sabado, Agosto 27, 2016 sa ganap na 8:32 PM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments

Iskwater bang maituturing kapag ang pambungad sa bahay ay isang dipang manipis na telebisyon? Masusukat ba sa lugar ang kahirapan kung nakabalandra sa magkabilang gilid ng tirahan ang mga amplifier na tila pinahihiram ng barangay tuwing fiesta sa nayon? Pakiramdam ni Aling Elsa, katumbas ng mga naipundar ang pagiging maningning. Nagbabaka-sakaling masundan ni Ampleng ang liwanag na kanyang dulot. Kinakain ang buong araw sa pagbabantay sa maliligaw na aninong matagal nang tinupok ng dilim. Nakasandal sa pintong sinadyang maluwang upang akapin ang maliit na pagkakataon. Bumubulong na sana may magbalik.
“Nasaan ka na ba?”
Nagreklamo na ang buong barangay sa ingay ng pagyayabang ng bakaw na negosyante ngunit may isang pader pa rin na hindi niya matibag. Malayo ang nilalakbay ng tingin ni Renald. Nilalagpasan ang pagpapapansin ng mga nagtitingkarang bituin. Tumatalikod sa ilaw ng buwan. Hindi kailangan ng binata ang pahiram na kaliwanagan. Dekada na nang huling kumislap ang mata ni Renald ngunit magpasahanggang ngayon ay nagbubutas pa rin siya ng bangko. Sa harap ng pintuan. Nakatingala. Sumasahimpapawid ang isip tungo sa kanyang nilipad na pangarap. Doon sa itaas kasabay ng paghiling na ibalik ang ipinahawak niyang kaligayahan - ang pinakamagandang bituing nahuli ni Renald. Siya ang iniwan. Siya rin ang nawala.
Hindi siya nasiraan ng bait. Magkaiba lang kayo.
Naroroon din si Kaloy. Sinisipat ang palagiang nilalakbay ng tinaguriang baliw sa lugar. Binibilang ang mga kumikislap sa malawak na kapatagan. Apat na nga lang, hati pa para sa trabaho at eskwela ang kanyang mga uniporme. Kaya hindi nakapagtatakang maaliwalas na magdamag ang laging sambit ng katorse anyos na bata. Humihinga pa ang mga magulang ni Kaloy ngunit sa kabutihang taglay ng mag-asawa, higit pa sila sa pumanaw. Walang pagpaparamdam. Si Kaloy, natutong tumayo upang diligan ang natutuyong lalamunan. Napilitang sumandal sa de-karton na haligi. Humakbang at ‘di kalauna'y bumabagtas na sa sarili niyang daan. Hinasa siya ng kadamutan ng buhay. Magtago man ang bituin sa pananaw, gagawa siya ng sarili niyang liwanag. Hindi ulan ang makapipigil sa inaasam niyang paglaya.
Nais niyang maging sing kislap ni Venus tuwing lumalabas sa gabi.
Himalang hindi napapaso si Osang sa nginangatang tabako. Nasa loob ng bibig ang nagbabagang upos. Walang sindi kung pagmamasdan. Naitago ang naghihimutok na init. Tangan ni Osang ang unti-unting nauubos na trese pirasong kwadradong plastik. Bawat bagsak, may bigat na kumakawala. Sumasabay sa pagkaubos ng sensasyon ng yosi. Gaya ng alindog, nauubos din ito. Wala na ang mga singkislap na bituing dati nakaakbay sa t'wing may rampa. Nasa kabilang kalsada lang ang abot ng paningin. Hindi maka-diga. Duwag nang lumaban dahil noong huling tumaya si Osang, nahipan ang sulo na sana'y sabay na pag-aalabin kasama ng magiging kabiyak.
Naupos ang pangakong bukas ng dalawa.
Gusto mo bang maglaro? Madre-madrehan. Pare-parehan. Nangagsikalat ang mga kandilang may sindi. Nakapwesto sa sulok ang mga santong nanunuod sa kanilang bawat galaw. Pagbabasahin ni Grace ng mga bersikulo si Enzo sa tangan niyang banal na aklat. Magkakasunod na papaikot sa paligid ang himig ng koral - Halleluja, Ama Namin at Kordero ng Diyos. Habang tumutugtog ang Alay, luluhod si Grace sa harap ni Enzo upang tanggapin ang nakahaing biyaya. Paglalaruan ito sa kanyang bibig. Magkadikit ang palad sa harapan ng dibdib. Nakapikit. Sa pagnginig na ang katawan ng pari - hudyat na sinasapian na siya ng espiritu, agad na tatayo ang madre’t pwersadong pagpupunitin ang albang nagtatakip sa baboy niyang katauhan. “Hindi bagay sa'yo ang puti” at pumatong sa lalaki. Umindayog. Kumakalansing ang kampana sabay ng malalalim na ulos ng dalaga. Ilang segundo bago matapos na ang seremonya, huhugutin ang ibinaon. Magbibihis.
“Tang ina!”
Kaunting tulak na lang ng gravity babagsak na ang luha ni Janice sa kanyang kaliwang mata. Dahan-dahang naglalakad, kumaliwa sa kanto ng Masbate sa Balic-Balic. Hawak sa kanang kamay ang bugkos ng rosas. Sa kabila naman'y nakapulupot ang lalaking kung pumorma'y pang-binyagan. Taas-noo. Suot ang ngiting nanalo sa isang paligsahan. Masigla silang naglalakad patungo sa naghihintay na magulang ng dalaga upang ipakilala si Albert - nobyo niya kani-kanina lang sa Wechat. Sa tindig ni Janice sinasabi niyang iba siya sa mga kapit-bahay. Na ang matagal nilang dinadaing ay hindi mararanasan ng dalaga. Mahirap kasi ang tumulala. Walang ginawa kundi ibulong sa hangin ang nais mangyari. Para kay Janice, parusa ang maghintay. Kaya kumilos siya upang mahanap si Albert. Nangako naman ang binata na tatanggapin siya. Lahat umano ng tao may baho, iba-iba lang ng pagtatakip. Kung umalingasaw man sa katagalan, bawas na ang bigat.
Doon sa poste ng ilaw bago lumiko sa kanilang kabahayan, bubulaga ang nakapaskil na kataga. “Lahat ay may rason.”
“Putangina.” sagot nila Aling Elsa at iba pang nakatanggap. Ikinandado ang pinto. Ibinagsak ang baraha. Niligpit ang sampayan. Kumuyakoy. Nainip na sila sa sinasabing katumbas na kapalaran. Bukod sa plano ng tinuturong may gawa ng lahat, wala na bang iba pang makakapitan?

Huwebes, Marso 19, 2015 sa ganap na 5:09 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Hinihintay mo pa ba ako o ako na lang ang umaasa?
Nalaman kong mahirap pala’ng umalis sa lugar na hindi pa napupuntahan. Nakikini-kinita ko na ang kasiyahan ko habang naglalakad sa magandang buhanginan na iyong taglay. Nakahihga sa dalampasigan hanggang sa pagsapit ng liwanag. Magkahawak-kamay. Ang ganda ng dagat na nadaanan namin papuntang La Union. Abot kamay ko na, pero hindi ko pa narating. Hanggang tanaw na lang ako.
Nakatali ako sa kagandahan ng nakaraan natin na naputol noong hindi ako ang ‘yong pinili. Ikaw ang kwentong napakasakit pero pilit ko pa ring inilalahad sa iba. Na sa tuwing may nagtatanong ng tungkol sa pag-ibig ko, ikaw pa rin ang laman nito. Ng puso ko. Ng mga salitang lumalabas sa aking bibig. Para kang sugat na masarap kamutin. Hindi kita kayang paghilumin. Gusto kitang buhay na buhay sa isip ko. Kahit pitong taon na ang nakararaan. Kahit marami ka nang nagdaang boyfriend.
Kailan mo ako palalayain? Kailan ako aalis sa pangako ng ating bukas? Bakit hindi kita kayang kalimutan? Ako na lang ba ang kumakapit o naroroon pa rin ang mahika ng ating samahan? May mga hindi ako maipaliwanag. Kapag nagkikita tayo, parang nanunumbalik at naiiwan sa isang sulog ng utak ko ang sakit. Ang ganda ng ngiti mo sakin. Laging nagpapahiwatig, nagbibigay pag-asa. Pwede pa kaya? Ituloy natin? Subukan natin?
Lagi lang akong nag-aabang. Sa tuwing nadadaan ako ng V. Mapa, binabantayan ko ng tingin ang kalsada papasok sa inyo dahil baka nandoon ka, naglalakad. At sa aking pagbaba sa sinasakyang jeepney, magsasalubong ang mata natin, liliwanag ang iyong mukha. Doon mo maaalala ang lahat ng kahapon. Maging ang pag-iibigan nating napurnada.
Magiging matatag na kaya tayo? Masyado pa tayong bata noong nagkaumpugan ang puso natin. Hindi pa tayo marunong lumaban. Sumuko ako. Sumuko ka. Lumayo ako. Pinagtulakan kita. Nagkagulo tayo. Hindi natin malaman kung paano ibabalik ang nasirang samahan.
Tama nga siguro, panahon na lang ang nagpagaling ng hindi natin pagkakaintindihan. Taon ang ginugol natin. Nagpakiramdaman. Nagtuksuhan. Naghilahan papalapit sa isa’t isa.
Handa ka na ba? Gusto kong malaman dahil matagal ko nang inihahanda ang puso ko. Gusto ko nang dugtungan ang istorya natin. Malaman ko man lang na may napala ako sa maraming taon kong pagkokondisyon.
Sabihin mo naman sa akin kung ako na lang ang nag-iilusyon. Baka kasi punung puno ako ng pag-asang magkakaroon ng ikalawang yugto ang nobela natin, pero ang sa’yo pala ay matagal nang nakasara. Sinara. Tinapos. Iniwan mo na ako ng tuluyan.
Ikaw pa rin kasi. Pwede bang makakuha ng oras sayo? Pwede bang sumingit ng panahon mula sa busy mong araw? Pwede ba akong maging parte ng buhay mo? Pagbigyan mo na ako. Pangako, hindi ko ‘to sasayangin.

Huwebes, Abril 10, 2014 sa ganap na 5:17 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Tanghaling tapat. Pinagbigyan ng mga ulap ang araw sa kaniyang paghihimutok. Pinadarama ang presensya niyang tila kinaligtaan na ng mga tao. Hindi laging malamig. Dalawa pa rin ang panahon sa bansa.
Huling araw ng bakasyon ni Albert sa kanyang trabaho. Sa Lunes, muli siyang makikipagsapalaran sa pagiging buhay manggagawa. Sanay siyang laging may ginagawa. Okupado ang isip ng ibang bagay. Mabigat ang buhay kung laging pagtutuunan ng pansin. Ipaskil ang ngiti at ito’y daraan lang.
Lalo ngayon. Wala nang laman ang kurba sa labi ng binata. Segundo lang ang itinatagal nito. Lumalagpas sa telebisyon ang paningin. Kalahating oras mahigit natatapos ang pagkain. Kahit ang mga musika sa kanyang cellphone, naitapon dahil sa kakabit na alaala. Umaasang maiaangat ng masisiyang ritmo at liriko ang kaluluwa. Nawawala si Albert.
Naubos na ang naipong kaligayahan. Dinala ng hanging bihira na lang dumalaw sa kanilang lugar. Inanod ng maduming tubig sa Pasig. Tinunaw ng init. Kinain ng dilim. Ibinaba ang kalasag. Nagpagapi sa labang akala niya’y walang natatalo. Naiwang tulala. Mahina si Albert.
Kahit saan tumingin. Kahit anong pagbaling ng atensyon sa ibang bagay. Bumabalik pa rin si Albert sa tinatakasan niyang lugar. Hinihila patungo sa kanyang kahinaan. Binubuhay ang natupok nang apoy. Sinasaktan ang sarili.
Gaano ba kabilis ang lumimot? Kahit gaano pa karaming anaesthesia ang iturok, ‘di magtatagal, hahapdi muli ang sugat ng nakaraan. Malalim. Siya man ay hindi malaman ang tagal ng paghilom nito. Hinayaang tumulo ang dugo. Huhupa rin ang pag-agos ng emosyon. Mapapagod din ang sakit sa pagpaparamdam.
Balang-araw. Bukas. Mamaya. O pagkatapos niyang umakyat ulit sa bundok. Isang araw makakalipad na si Albert. Wala nang pasan. Mahihirapang sumingit ang kalungkutan. Maluwag na ang daluyan ng dibdib. Babalik na ang nakangiting binata. Tatawanan na lang kahapon. Alam niya.

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile