Kasama ni Lolang tumanda ang nag-iisang babaeng anak niya. May asawa at anak naman si tita. Pero nandoon nakatira si Lola sa kanila dahil ang bahay nila ang tahanan ng buong pamilya dati. Nagsialisan na lang noong nakabuo ng sariling pamilya ang magkakapatid.
Si Tita na ang nag-alaga kay Lola. May special bond sila. Kay Tita lang sumusunod si Lola. Kapag galit na si tita, alam na ni lola, tatahimik na sa pagpipilit. Hindi nga naman kasi sipilyo ang suklay, lola. Wag mo kasing gawing salamin ang kutsara, nay. Hindi ka po naglakad papuntang Laguna de Bay galing La Union. Hindi ka inawardan for being the best person sa Tenement, lola. Senior Citizen ID ang binigay sayo. Tumagal at hindi na rin nakikipagtalo si tita sa kanya.
May dementia na kasi si lola. Wala laban ang argumento ni tita. Pero kahit mahirap, tyinaga ni titang siya ay alagaan. Nanay niya eh. At nag-iisang babaeng anak sa limang magkakapatid. Sila na lang ang naiwan sa bahay. Magkasama.
Hanggang sa namatay si tita sa laban niya sa liver cancer.
Naunang mamatay si Tita kay Lola.
Mahigit otsenta na rin si Lola. Pero dahil sa sakit niya, hindi niya alam na wala na si Tita. Hinahanap araw-araw. Sanay kasi siyang pinagsisilbihan ng unica ija niya. Almusal, merienda, tanghalian, merienda, hapunan, hanggang sa pagtulog.
Umalis po. Patay na po. Nakaburol doon sa kabilang bahay. Nag-abroad. Hindi na babalik, nay.
Hanggang sa may nakapansin na kumaway si lola sa malayo. Nakangiti. Tumatangu-tango. Sige. Oo. Ingat ka.
Malinaw kay lola ang nagpakitang babaeng nakaputing bestida. May hawak na maleta at nagpaalam sa kanyang pupunta lamang ibang bansa. Nakangiti si tita. Ayaw niyang mag-alala si lola.
Ayun ang huling memorya nya kay tita. Kaya tuwing sumasagi sa alaala niya, kailan balik ni Norma? Nagpaalam pa yun sa akin bago mag-abroad.
Hindi rin namin masagot. Kasi sana nga, nag-abroad na lang si tita. Para may pag-asa pang bumalik.
Ilang buwan lang din ay sumama na sa abroad si lola. Naghihintay panigurado si tita sa arrival area. Dala-dala ang male-maletang paboritong merienda ni lola. Kumakaway-kaway. Masigla ang katawan. Malakas at handang sumalubong.
Natatandaan siya ni lola.


Mag-post ng isang Komento