Huwebes, Abril 10, 2014 sa ganap na 5:17 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Tanghaling tapat. Pinagbigyan ng mga ulap ang araw sa kaniyang paghihimutok. Pinadarama ang presensya niyang tila kinaligtaan na ng mga tao. Hindi laging malamig. Dalawa pa rin ang panahon sa bansa.
Huling araw ng bakasyon ni Albert sa kanyang trabaho. Sa Lunes, muli siyang makikipagsapalaran sa pagiging buhay manggagawa. Sanay siyang laging may ginagawa. Okupado ang isip ng ibang bagay. Mabigat ang buhay kung laging pagtutuunan ng pansin. Ipaskil ang ngiti at ito’y daraan lang.
Lalo ngayon. Wala nang laman ang kurba sa labi ng binata. Segundo lang ang itinatagal nito. Lumalagpas sa telebisyon ang paningin. Kalahating oras mahigit natatapos ang pagkain. Kahit ang mga musika sa kanyang cellphone, naitapon dahil sa kakabit na alaala. Umaasang maiaangat ng masisiyang ritmo at liriko ang kaluluwa. Nawawala si Albert.
Naubos na ang naipong kaligayahan. Dinala ng hanging bihira na lang dumalaw sa kanilang lugar. Inanod ng maduming tubig sa Pasig. Tinunaw ng init. Kinain ng dilim. Ibinaba ang kalasag. Nagpagapi sa labang akala niya’y walang natatalo. Naiwang tulala. Mahina si Albert.
Kahit saan tumingin. Kahit anong pagbaling ng atensyon sa ibang bagay. Bumabalik pa rin si Albert sa tinatakasan niyang lugar. Hinihila patungo sa kanyang kahinaan. Binubuhay ang natupok nang apoy. Sinasaktan ang sarili.
Gaano ba kabilis ang lumimot? Kahit gaano pa karaming anaesthesia ang iturok, ‘di magtatagal, hahapdi muli ang sugat ng nakaraan. Malalim. Siya man ay hindi malaman ang tagal ng paghilom nito. Hinayaang tumulo ang dugo. Huhupa rin ang pag-agos ng emosyon. Mapapagod din ang sakit sa pagpaparamdam.
Balang-araw. Bukas. Mamaya. O pagkatapos niyang umakyat ulit sa bundok. Isang araw makakalipad na si Albert. Wala nang pasan. Mahihirapang sumingit ang kalungkutan. Maluwag na ang daluyan ng dibdib. Babalik na ang nakangiting binata. Tatawanan na lang kahapon. Alam niya.

4 Responses so far.

  1. mahirap talagang makalimot... di agad nagagamot ang sugat.....

  2. Gantong klase ng kwento yung gusto kong matutunang sulatin. Simple na malalim. Maikli pero tagos sa puso. May konsepto.

    Ayos to pare!

  3. ang galing nung entry.. may kurot!
    i am a fan :)

  4. Ngayon lang ako napadaan sa gawing ito ng mundo ko. Mahirap ding lumayo sa mga bagay na makapag-aalala sa mga kahapon. Gaya ng hirap ng pagbalik dahil doon sa tinataguan mo ang makakapagpalaya sa'yo. Magulo. Oo. Pero ngayon, hindi na. Tama sila. Oras ang makapagbibigay sa atin ng paghihilom. Makati pa. Pero alam kong malapit nang matapos. Salamat sa pagbabasa. Maging masaya tayong lahat.

    :)

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile