Handa ka na bang tapusin? Kumawala sa himpapawid at yakapin ang ginhawa? Paano masasabing hihinto ang lahat ng sakit gayong lahat ng nawala ay hindi bumalik upang patunayan ang kasarapan ng katapusan?
Sa isang liver cancer patient, stage 4, matagal na nyang gustong itigil. Tinanggap na ang kahihinantnan ng buhay. Nakapaghabilin na. Marahil ay niyakap na rin ang parating na sandaling wala nang sakit. Hihinto na ang mga maiingay na makina sa paligid. Makatutulog nang mahimbing.
Ngunit para sa mga nagmamahal sa kanya’y tuloy pa rin ang laban. Kahit hirap nang huminga. Kahit pagsulat na lang ang tanging komunikasyon. Tubo na lang din ang suportang hangin. Kumakapit pa rin ang asawa. Araw araw, lumiliit ang tyansa, humahaba lang ang pighati.
Masakit. Wala bang nakaramdam sa matang pinuno na ng lungkot? Nangungusap. Mga luha’y humihiyaw. Tama na.
Home. Uwi. Huling hiling bago mawala. Makarating sa bahay kung saan walang tubo sa bibig. Walang karayum na humahanap ng ugat. Sa lugar kung saan nandoon ang pamilyar na lambot ng unan at kamang naghihintay ng katawang binugbog ng napakaraming pagsubok.
Tuldok na lang ang kulang. Ito na ba ang katapusan?
Sino ang hihila ng tubo?
Mag-post ng isang Komento