Hindi ko mawari kung masasabi nga bang swerte ang dinaranas ni lola ngayon.
Limang taon na mahigit nang magsimulang kumalas ang mga alaala sa isip ni lola. Nagtatawanan pa ang lahat kapag may simpleng pagkakamali sa mga ginagawa. Natural kasi kay lola ang pagiging palabiro.
May umagang nilagyan niya ng toothpaste ang suklay para gawing sipilyo. ‘Yung tinidor, marahang pinadaloy sa kanyang buhok upang umayos. Nainom niya rin ang tubig na pinagbabaran ng pustiso. Mga maliliit na bagay na hindi napansing senyales na pala ng kanyang sakit.
Unti-unti, sa paglipas ng mga taon, hindi lang mga gawi ang nawaglit. Nakalimutan na maging kaming mga kamag-anak. Kahit ang sarili, sa harap ng salamin, sinasigawan, inaaway, dahil nakatingin umano sa kanya ang matandang hindi niya kilala.
Sa tuwing dumadalaw kami sa La Union, naikukwenta ni lola ‘yung panahong nawala umano siya sa Laguna de Bay. O kaya ‘yung nahulog siya sa hagdan at dinala ng ambulansya. Maging ang hindi niya pagtatapos sa mababang paaralan, ngunit buong pagyayabang niyang isisigaw na hindi siya illiterate.
Hindi namin alam kung totoo ang lahat. Pag-aari niya ang alaala, ‘yun na lang ang dala niya sa buhay. At kakaunti na lang, huwag nang galawin pa. Paulit-ulit. Araw-araw. Hindi kami nagsasawang makinig. Magkahawak ang kamay. Kahit hindi na kami makilala. Mahalaga ay may kasama sa paglalahad ng nakaraan.
Kasabay ng pagkawala ng alaala ang paglaya niya mula sa pakiramdam
Isang taon nang namatay ang panganay niyang anak, tinatanong pa rin kung kailan babalik ang babaeng kasama niya sa iisang bubong. Sa araw kasi ng libing, dumaan sa harap ang anak, may dalang maleta, nagpaalam na mangingibang bansa lamang. Hindi niya naramdaman ang sakit ng pagkawala ng anak, ng pagdala ng pusong butas ngunit mabigat.
Limang taon mahigit na rin nang mamatay si lola. Kasama ng kanyang alaala ang buo niyang pagkatao. Tinangay lahat. Gigising. Kakain. Magkukwento ng pagkaligaw sa Laguna de Bay, ‘yung ambulansya, ‘yung tungkol sa pagiging literate niya. Buong magdamag. Minsan kakanta ng Manang Biday. Sasayaw.
Swerte nga ba ang kawalan ng alaala? Ano ba ang pakiramdam ng gumising sa umaga na malaya sa pait ng kahapon? Hindi ba’t ang buhay ay binubuo ng pinagtagpi-tagping mga eksenang lumipas?
Limang taon na rin mahigit. Wala na si lola. ‘Yung lola sa alaala namin.
Sana sa susunod na pagdalaw namin sa La Union, nakangiti pa rin siyang sasalubong, kahit matagal na kaming hindi kilala.
-October 19, 2020
-Walong buwan na ang COVID-19 Pandemic
Minsan nga siguro swerte. Pero baka dahil sa wala na sya gaano maalala madalas narin sya malungkot. sa dahilan na di nya rin kung bakit. Mahirap siguro maging blankong pananaw.