Huwebes, Setyembre 8, 2022 sa ganap na 3:28 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

 Isang araw sa panahong panalo na ang mundo laban sa COVID-19, malugod akong nagtungo sa paaralang pinapasukan. Kagubatan ng malulusog na pagbati at ngiti mula sa mga bata ang bumungad. Maganda ang araw. Bago na ang gawi ng daigdig.


Sa loob ng opisina, habang hinahanda ang mga gamit na dadalhin sa silid-aralan, napahiyaw sa sakit ng dibdib ang isa sa kapwa guro. Kumapit sa mga bagay na malapit. Mahigpit. Tumingala. Namimilipit. Namuti ang mata. Nagkakagulo. Hindi malaman ang gagawin ng mga guro sa paligid.


Nawalan ng malay si Ginang Salamares. Isang guro ang kumapa, wala nang pulso, hindi na humihinga. Samantala, may isang naglakas-loob, kumuha ng ammonia, pinaamoy. Napakatagal. Banayad na tumulo ang pawis sa mga nakapaligid.


Namulat. Nagulat ang buong populasyon. Ngunit may iba sa gawi ng ginang. Wala sa ulirat. Natataranta. Hindi mapakali. Mayroong nais gawin na hindi mahanap, hindi makuha.


Kumapit muli sa dibdib, sa ulo. Sinabing, ayaw ko nang maging guro. Lilibot muna ako sa Pilipinas, pagkatapos, babalik ako.


Sigurado ang ginang sa sinambit. May galak. Punung puno ng pag-asa. Mula sa pagkamatay, nagising na may determinasyong tuparin ang matagal nang sinasambit na pangarap.


Zombie na nga bang maituturing si Ginang Salamares? Namatay at nabuhay muli. Ngunit sa halip na tao ang nais kainin, bigla siya naging gutom na makamit ang kanyang pangarap.


Kaya pala sa mga pelikula, pinakikitang utak ang gustong kuhain at kainin ng mga zombie, naroroon kasi lahat ng ating pangarap.


  • Panaginip noong ika-14 ng Mayo, 2020

0 Responses so far.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile