Nalaman ko na kung gaano kasarap ang makalimot. Kung paanong tumutulong ang alaala upang lalong bumigat ang nararamdaman sa pagkawala at paghihiwalay.
Habang ang buong paligid ay nagluluksa, si lola ay nakangiting sumasalubong sa mga bisita. Kumakanta ng kundiman. Sumasayaw. Salamat sa pagdalaw sa pamangkin ko, kahit anak niya ang nakahiga.
Walumpu’t limang taon na si lola. Minsan nakakaalala at nakakakilala, palaging hindi. Si tita ang panganay niyang anak at nag-alaga sa kanya sa La Union. Iisang bahay, iisang hapag-kainan, iisang hangin ang nilalanghap at madalas magkabanggan ng siko.
Wala pang limang taon nang magsimulang tumakas ang mga alaala mula kay lola. May pagkakataong nilagyan niya ng toothpaste ang kanyang suklay. O di kaya’y inaaway niya ang salamin, siguro ay nagagalit siya sa matandang kulubot sa kanyang harapan. Buti ay nandyaan si tita para itama at tyagaing magpaliwanag ng pagkalito ni lola.
Kaya si tita lang ang alam niyang anak niya. Siya lang yung hinahanap niya sa tuwing kakain siya.
Nay, kailan ka huling naligo?
Kakaligo ko kang kahapon, kahit apat na araw nang hindi.
Siya lang yung may timbre ng boses na kumikiliti sa tainga ni lola. Kilala siya ni lola, buong pagkatao. Kahit ang gusot sa paligid ng mata.
Nasaan na si Norma? Sinugod daw sa hospital? Makakabalik pa ba siya? Mga tanong ni lola kapag nahahagip ng isip ang kanyang anak. Minsan sa hangin ang tanong. Minsan naman’y sa kahit sinong katabi niya. Babalik po, malapit na, lola. Kahit malabo na.
Ngunit wala nang bumalik. Hindi na niya makakausap ang kanyang nag-iisang anak. Wala nang magagalit sa kanyang mga kakaibang gawi. Walang huling yakap. Walang huling halik. Walang huling tawag ng nanay, anak. Umalis na lang bigla.
Maganda na ring walang matandaan si lola. Noong sumilip siya sa kabaong, sinabi naming anak niya ang nakahimlay. Hindi si Norma yan.Iba kasi ang hitsura, magandang babae si tita kumpara nakahiga sa nakaharap namin
Kaya kahit nung mailibing na si tita, nagtatanong pa rin si lola kung kailan babalik si tita. Nagtrabaho na sa ibang bansa. Baka hindi na bumalik. Dahil sagutin man namin ng tunay, maya maya’y dadalhin din ng hangin ang katotohanang nilisan na kami ni tita.
Kinabukasan ng pagkalibing ni tita, habang nagmemerienda, nagtanong si lola, saan nagpunta si Norma? Nakita ko kahapon nagmamadaling umalis. Madaming dalang bag. Hindi na siguro babalik?
Opo, lola.
Mag-post ng isang Komento