Gusto kong magbisikleta papunta sa malayong lugar. Doon sa walang nakakikilala sa akin. Doon sa malayo sa gulo. Sa walang may pakialam. Sa walang pakiramdan na sinisiksik ko ang sarili sa buhay ng iba. Sa lugar na hindi ako nagmamakaawang mapansin.
Gusto kong magbisikleta. Gusto kong mapagod kapapadyak. Para iba naman ang maramdaman. Para mawaglit sa isip kong malungkot ako. Para hindi na sumanib ang kakarampot na halaga ng aking presensya. Nakakapgod ang tumakbo ngunit wala namang paroroonan. Pero mas nakapapagod ang tumatakbong isip papunta sa kawalan.
May mga araw na ayaw ko nang bumalik. Mas gusto kong tuklasin kung ano ba ang buhay sa malayong lugar. Malaya? Siguro. Kakayanin ko kayang mag-isa? Siguro. Hinahanda ko naman ang sarili para sa araw ng pag-alis ko. Para kapag umalis ako, sisiguraduhin kong matatapos ko ng sinimulan.
Pero gusto ko talagang umalis ngayon. Gusto kong tumakas kahit ngayon lang. Ngayon lang.
-ika-25 ng Disyembre
Unang pasko sa gitna ng pandemya
Mag-post ng isang Komento