Iskwater bang maituturing kapag ang pambungad sa bahay ay isang dipang manipis na telebisyon? Masusukat ba sa lugar ang kahirapan kung nakabalandra sa magkabilang gilid ng tirahan ang mga amplifier na tila pinahihiram ng barangay tuwing fiesta sa nayon? Pakiramdam ni Aling Elsa, katumbas ng mga naipundar ang pagiging maningning. Nagbabaka-sakaling masundan ni Ampleng ang liwanag na kanyang dulot. Kinakain ang buong araw sa pagbabantay sa maliligaw na aninong matagal nang tinupok ng dilim. Nakasandal sa pintong sinadyang maluwang upang akapin ang maliit na pagkakataon. Bumubulong na sana may magbalik.
“Nasaan ka na ba?”
Nagreklamo na ang buong barangay sa ingay ng pagyayabang ng bakaw na negosyante ngunit may isang pader pa rin na hindi niya matibag. Malayo ang nilalakbay ng tingin ni Renald. Nilalagpasan ang pagpapapansin ng mga nagtitingkarang bituin. Tumatalikod sa ilaw ng buwan. Hindi kailangan ng binata ang pahiram na kaliwanagan. Dekada na nang huling kumislap ang mata ni Renald ngunit magpasahanggang ngayon ay nagbubutas pa rin siya ng bangko. Sa harap ng pintuan. Nakatingala. Sumasahimpapawid ang isip tungo sa kanyang nilipad na pangarap. Doon sa itaas kasabay ng paghiling na ibalik ang ipinahawak niyang kaligayahan - ang pinakamagandang bituing nahuli ni Renald. Siya ang iniwan. Siya rin ang nawala.
Hindi siya nasiraan ng bait. Magkaiba lang kayo.
Naroroon din si Kaloy. Sinisipat ang palagiang nilalakbay ng tinaguriang baliw sa lugar. Binibilang ang mga kumikislap sa malawak na kapatagan. Apat na nga lang, hati pa para sa trabaho at eskwela ang kanyang mga uniporme. Kaya hindi nakapagtatakang maaliwalas na magdamag ang laging sambit ng katorse anyos na bata. Humihinga pa ang mga magulang ni Kaloy ngunit sa kabutihang taglay ng mag-asawa, higit pa sila sa pumanaw. Walang pagpaparamdam. Si Kaloy, natutong tumayo upang diligan ang natutuyong lalamunan. Napilitang sumandal sa de-karton na haligi. Humakbang at ‘di kalauna'y bumabagtas na sa sarili niyang daan. Hinasa siya ng kadamutan ng buhay. Magtago man ang bituin sa pananaw, gagawa siya ng sarili niyang liwanag. Hindi ulan ang makapipigil sa inaasam niyang paglaya.
Nais niyang maging sing kislap ni Venus tuwing lumalabas sa gabi.
Himalang hindi napapaso si Osang sa nginangatang tabako. Nasa loob ng bibig ang nagbabagang upos. Walang sindi kung pagmamasdan. Naitago ang naghihimutok na init. Tangan ni Osang ang unti-unting nauubos na trese pirasong kwadradong plastik. Bawat bagsak, may bigat na kumakawala. Sumasabay sa pagkaubos ng sensasyon ng yosi. Gaya ng alindog, nauubos din ito. Wala na ang mga singkislap na bituing dati nakaakbay sa t'wing may rampa. Nasa kabilang kalsada lang ang abot ng paningin. Hindi maka-diga. Duwag nang lumaban dahil noong huling tumaya si Osang, nahipan ang sulo na sana'y sabay na pag-aalabin kasama ng magiging kabiyak.
Naupos ang pangakong bukas ng dalawa.
Gusto mo bang maglaro? Madre-madrehan. Pare-parehan. Nangagsikalat ang mga kandilang may sindi. Nakapwesto sa sulok ang mga santong nanunuod sa kanilang bawat galaw. Pagbabasahin ni Grace ng mga bersikulo si Enzo sa tangan niyang banal na aklat. Magkakasunod na papaikot sa paligid ang himig ng koral - Halleluja, Ama Namin at Kordero ng Diyos. Habang tumutugtog ang Alay, luluhod si Grace sa harap ni Enzo upang tanggapin ang nakahaing biyaya. Paglalaruan ito sa kanyang bibig. Magkadikit ang palad sa harapan ng dibdib. Nakapikit. Sa pagnginig na ang katawan ng pari - hudyat na sinasapian na siya ng espiritu, agad na tatayo ang madre’t pwersadong pagpupunitin ang albang nagtatakip sa baboy niyang katauhan. “Hindi bagay sa'yo ang puti” at pumatong sa lalaki. Umindayog. Kumakalansing ang kampana sabay ng malalalim na ulos ng dalaga. Ilang segundo bago matapos na ang seremonya, huhugutin ang ibinaon. Magbibihis.
“Tang ina!”
Kaunting tulak na lang ng gravity babagsak na ang luha ni Janice sa kanyang kaliwang mata. Dahan-dahang naglalakad, kumaliwa sa kanto ng Masbate sa Balic-Balic. Hawak sa kanang kamay ang bugkos ng rosas. Sa kabila naman'y nakapulupot ang lalaking kung pumorma'y pang-binyagan. Taas-noo. Suot ang ngiting nanalo sa isang paligsahan. Masigla silang naglalakad patungo sa naghihintay na magulang ng dalaga upang ipakilala si Albert - nobyo niya kani-kanina lang sa Wechat. Sa tindig ni Janice sinasabi niyang iba siya sa mga kapit-bahay. Na ang matagal nilang dinadaing ay hindi mararanasan ng dalaga. Mahirap kasi ang tumulala. Walang ginawa kundi ibulong sa hangin ang nais mangyari. Para kay Janice, parusa ang maghintay. Kaya kumilos siya upang mahanap si Albert. Nangako naman ang binata na tatanggapin siya. Lahat umano ng tao may baho, iba-iba lang ng pagtatakip. Kung umalingasaw man sa katagalan, bawas na ang bigat.
Doon sa poste ng ilaw bago lumiko sa kanilang kabahayan, bubulaga ang nakapaskil na kataga. “Lahat ay may rason.”
“Putangina.” sagot nila Aling Elsa at iba pang nakatanggap. Ikinandado ang pinto. Ibinagsak ang baraha. Niligpit ang sampayan. Kumuyakoy. Nainip na sila sa sinasabing katumbas na kapalaran. Bukod sa plano ng tinuturong may gawa ng lahat, wala na bang iba pang makakapitan?
Pangarap kong matutunan yung paraan mo ng paghabi ng mga salita at yung vocab sa tagalog words. Astig! IDol! :)
What! Hehe. Balik na sa pagsusulat, pre. Matagal na rin. Alam kong nag-iipon ka lang ng kwento. Wag ka na ring mag twitter kasi mini blogging yan eh. Haha
kelangan mo ng kapalihan... :-) maganda ang bagsak ng mga salita mo pero pwede pang mas gumanda... sumusunod sa mga akda mo
Wow. Medyo huli na ako pero wow. haha nakailang basa ako kasi ang ganda nung pagkakatahi mo nung words. Galing!
Maraming salamat sa pagbabasa, mga kaibigan. Hindi rin ako makapaniwala na naisulat ko ‘yan. Hahaha. Sana magbalik na ang lahat sa pagsusulat. Sana sa bagong normal, mas mabubuti na tayong mga tao. Hindi tayo karapat-dapat sa mundo. Sana patunayan nating mali ‘yun. Hahaha. Daming sinabi.