Bakit ganyan ka magtapi ng twalya? Bakla ka ba? Tanong ng nanay ni Romel nang makita siya sa kwarto't katatapos lang maligo. Hindi malaman ng katorse anyos na binata ang mali sa pagpupunas niya. Nagtataka kung bakit ganoon ang paghuhusga ng ina nya sa kinikilos niya.
Lumaking malaya si Romel mula sa kanyang iniisip at ginagawa. Marahil dahil sa kanyang paligid na punung puno ng pakikipagdiskusyon sa mga isyu ng lipunan, mga debate, mga pagtatalo kung bakit naging magulo ang Pilipinas, kaya naging madulas ang mga diwa sa paglusot sa kanyang dila. Wala kasing mali sa pakikipag-usap.
Walang mali sa kanya. Isang bata. Naglalaro sa pasilyo kasama ng kanyang mga kaibigan at kapatid. Hindi namimili ng makakalaro at pakikisamahan. Hindi naman kasi alintana sa mga bata iyon, basta makatakbo lang sila, ayos na. Alam niya ang mga larong tagu-tagu-an, tumbang preso, bahay-bahayan, chinese garter, block 123, piko, luksong baka at marami pang masasayang laro. Malaya siya. Masaya ang kanyang pagkabata.
Hindi po. Unti-unti nang sumisiksik sa utak ng bata na may mali sa kanyang pagkatao at kinikilos. Maging ang nanay niya, batay sa tono ng pagtatanong ay tila sinasabing hindi siya normal. Sa bawat kilos niya ay parang may bombang bigla na lang sasabog. Siya lang ang tatamaan. Mga matang mapagmasid. Kahit ang pilantik ng dila ay hindi pinaligtas. Ang buhok na tumikwas ay kailangang ituwid. Diretso ang lakad, huwag gegewang.
Ngunit tuloy pa rin sa pakikipaglaro sa mga kapwa niya bata si Romel. Araw-araw pagkagaling sa eskwela, matapos ang lahat ng takdang aralin, tatakbo na si Romel sa roof top para makahabol. Sabik na sabik.
Isang araw nakita siya ng tatay niyang naglalaro ng hoola hoop. Nakataas ang kamay upang hindi sumayad habang bilog ay umiikot sa kanyang beywang. Nakangiting tila nang-aasar sa kanyang mga kalaro. Nagsasabing bukas pa siya matatapos sa ginagawa.
Bakit niyo.... Hindi na pinatapos ng ama ang reklamo ni Romel. Sa isang iglap nasa balikat na siya ng kanyang tatay. Ano na naman ang mali? tanong niya sa sarili. Kahit ang tingin ng mga kaibigan niya ay punung puno ng katanungan. Mali nanaman siya sa mata ng tatay niyang laging tama.
Gustong iparamdam ni Mang Ramir ang galit sa kinikilos ng anak. Katumbas ng sinasabi niya ang bigat ng mga palad papunta sa binti ni Romel. Nagtatanong ngunit hindi naghihintay ng sagot. Hampas! Gustong ang anak ay tumugon ngunit hindi pinababayaang bumuka ang bibig. Wasiwas ng kamay! Bakit ka naglalaro non?! Aray, pa! Hindi kita pinalaking bakla! Tama na, pa. Hagulgol.
Nanunuod lang si Aling Marya. Naiiyak. Bagama't nasasaktan sa bawat hambalos ng asawa sa anak, hinahayaan niya lang dahil alam niya para iyon sa kapakanan ng anak. Para maituwid siya. May mali kay Romel. Ito ang paraan para malaman niya iyon. Sila ang magulang kaya sila ang dapat magparamdam sa anak na kumilos ng tama.
Bakla ka ba? Pagod na ang tatay sa hindi mabilang na pagod. Hindi po. Pagod na si Romel sa hindi malamang kasalanan. Hinahaplos ang latay na dulot na balat ng sariling ama. Alam niyang gusto lang ni Mang Ramir marinig ang katagang iyon.
Tumigil ang unos. Hindi na halata ang iniwang bakas ng mga palad na galit at uhaw sa pagtatama sa mali. Ngunit para kay Romel, hindi na mabubura ang dulot nitong lamat sa puso. Na kahit ang magulang niya ay hindi siya tanggap. Na ang turing nila sa kanya ay mali. Tumatak sa isip niya ang sinabi ng kanyang amang nagkamali sila sa pagpapalaki sa kanya.
Simula noon nag-iba na ang ihip ng hangin. Naging tigasin si Romel. Sinubukan niyang lumayo sa mga kaibigan dahil sila ang implikasyong nagkamali siya dati. Guarded. Lagi niyang iniintindi ang iisipin ng kanyang magulang sa pagkilos niya.
Baka masaktan ko nanaman sila mama. Baka mapalo ako kapag may mali akong ginawa. Kung ano nanamang isipin nila sa akin.
Tumandang masaya ang magulang ni Romel dahil naging masunurin ang kanilang anak. Nakita nila ang anak na nag-excel sa kanyang pag-aaral. Hanggang sa makapagtrabaho at umunlad ang pamilya ay hindi nagbago si Romel. Palagi niyang iniisip ang kapakanan ng magulang. Lumaking takot. Hanggang ngayon ay dinadala niya ang araw na pinagbuhatan sya ng ama dahil sa maling hindi niya malaman. Hanggang ngayon, tinatanong niya ang sarili kung anong mali. Kaya iniwan niya na ang dating Romel. Wala na, binago ng hagupit ng nakaraan.
Hindi siya kailanman naging masaya dahil sa itinanim ng kanyang magulang sa isipan niya. Mali ang makaramdam ng kasiyahan. Dahil noong huli siyang naglaro, humagalpak at tumalon sa tuwa ay nakatanggap siya ng sugat na habang nabubuhay ay hindi maghihilom.