PART II
Ipilit ang pagkuha ng litrato! Sige pa!
Oks na yan!
Para kaming nasa ibang bansa. Nagmistulang nyebe ang makapal na hamog. Malakas pa rin ang malamig na hangin. Bahagyang umuulan. Naghalu-halo na. Nakakapanginig ang panahon.
Nakakatuwa dahil nakikita ang hanging inilalabas namin. Bawat buga at buka ng bibig, may tila usok ng sigarilyong lumalabas. Astig!
Inihanda na namin ang sarili para sa isang oras mahigit na paglalakad papuntang tuktok ng Mt.Pulag. Nagkape. Gumalaw-galaw upang uminit ang katawan. Tatlong patong ng damit ang isinuot ko. Dalawa doon ay jacket. Isinuot ko na rin ang dala kong jogging pants habang nakashorts sa loob pansalag sa lamig na pumapasok. Gusto ko sanang mag-shorts kaso baka mangisay na lang ako sa lamig sa itaas. Naggwantes. Bonnet. Hindi rin dapat mawala ang headlamp.
Alas kwatro pa lang ngunit halos lahat ay energized na! Sabik na kaming makatapak sa summit! Malibot ang tinaguriang playground of the gods! Higit sa lahat, ang sea of clouds!
Baka walang sea of clouds. Asa ka! Sabi ng tinig sa akin. Kahapon pa pinaliligiran ng hamog ang paligid. Ni hindi kami pinagbigyan na makita ang katawan ng bundok bukod sa nilalakaran namin. Walang clearing. Dumagdag pa sa pagiging imposible ay ang estado ng lugar, signal no. 1 sa Benguet.
35 kami ngunit hindi lahat ay nagkaroon ng prebelihiyo na makatapak sa summit. Hindi naging madali sa iba ang lamig at buhos ng ulan. Pinasok ang tent ng ilan sa mga kasama namin. Alas tres noong bumagsak nang hindi tataas sa 10 degrees ang init sa bundok. Sa orientation sa DENR sinabi na huwag kalabanin ang sinasabi ng katawan. Mabuti’t nakinig ang iba. Ang pamumundok kasi ay isang malaking pakikipagsapalaran. Malayo sa ospital. Malayo sa bayan. Pagbabasa sa kakayanan ng katawan ay mahalagang sangkap upang maging matagumpay ang pag-akyat.
Sa Maynila, nakasanayan ko nang magbawas tuwing umaga. Araw araw, hindi ako umaalis ng bahay nang hindi nakakaupo sa trono. Masarap kasi sa pakiramdam at walang inaalalang nagmamadaling lumabas. Ngunit nasa Mt. Pulag ako. Pinalakas ng lamig ang katamaran kong magbanyo.
Muli kaming naggrupo-grupo katulad kahapon. Si Gary ang nasa harap ko samantalang si Sir Nastie naman sa likuran. Naka-single line kami. Kasabay ng paghampas ng hangin, nagpapakawala rin ng hindi kaiga-igayang hangin ang aking katawan. Carbon dioxide. Utot. Nagbabadyang mag-single line palabas ang mga nakain ko kagabi. Nahihiya ako kay Sir Nastie na siyang Organizer ng akyat namin. Langhap na langhap kasi niya ang bawat buga ng aking pwet. Natatakot akong sa pag-ilag niya na maamoy ang mabahong hangin ay ma-out of balance siya. Kasalanan ko pa. Pero hindi, mapagtiis siya. Mabuti naman.
Madilim ang buong paligid habang papaakyat kami. Halos ang mismong trail na lang ang nakikita namin sa tulong ng suot naming headlamp. Ni hindi namin alam kung bangin na ba ang dadaanan o isang malawak na patag. Nag-ingat na lang at nagpatuloy maglakad.
Wala nang pag-asa ang sea of clouds. Mahirap sa ganitong panahon. Basta makarating lang kami sa tuktok, sapat na. Bonus na marahil ang clearing.
Ilang minuto bago ang summit. Ilang hakbang para sa tagumpay na pinaghirapan. Nawala bigla ang makapal na hamog. Pero madilim pa rin ang paligid. Tumalikod para silipin ang mga kasamang kasunod sa paglalakad. Napahawak sa aking bulsa. Hinablot ang camera. Ito na! May clearing! Naghuhumiyaw ang buong pagkatao sa galak!
Sumisikat na ang araw. Magpapakita ang napakaraming kulay ng langit! Hindi na mapakali ang lahat sa pagkuha ng litrato. Walang pangit na anggulo sa magandang tanawin. Matarik ang tuktok pero hindi na namin iyon ininda. Tumakbo ako paitaas para lumaki ang sakop ng aking paningin! Nawala ang pagod ko. Busog na busog ako sa ganda ng Mt.Pulag! Ito marahil ang bunga ng paghihigpit ng DENR sa kalinisan ng lugar!
Nasa itaas ako ng pinakamataas na bundok ng Luzon. Nakatapak sa pangatlo sa kataas-taasang lupa sa Pilipinas. Nais kong yakapin ang sarili ko. Bigyan ng "Magaling, Daniel." kasama ang paghaplos sa likod.
Tagumpay naming narating ang ituktok ng Mt.Pulag. Higit pa roon, nawalang bigla ang makapal na hamog sa paligid. Nagpakita ang mga naninirahang Dwarf Bamboos. Nagsusumayaw sa kumpas ng hangin ang mga damong dinaig pa ang mga mayayaman sa taas ng tahanan. Dinala ng bundok ang galak ng mga tao hanay sa kanyang taas. Kinalimutan ang problema. Pinitik ang takot paalis sa katawan. Larawan ang lahat ng kasiyahan.
Sandaling minuto lamang pinalasap ng kalikasan ang ganda nito. Kinumutang muli ng makapal na hamog ang kaakit-akit na katawang lupa. Nangahiya ang binibining kayhirap ligawan. Pero walang kaso sa amin yon. Mapalad pa nga kami dahil sa kundisyon ng Benguet ay napagbigyan kaming makita ang handog ng bundok. Minsan talaga ang sandaling kaligayahan ang mas nakaaangat at dadalhin hanggang sa pagtanda.
Inalayan namin ng matatamis na ngiti ang kalikasan. Sandali pa’y naghanda na ang lahat sa pagbaba. Alas siyete pasado na kaya maliwanag na ang paligid. Kitang kita na ang kakarampot na espasyong kaninang nilakaran. Bangin. Ngunit mas namayani ang pagkamangha sa aming mga mukha. Hindi naman pala nakakatakot si Mt.Pulag. Sa katunayan, hindi mapapahamak ang sinuman kung magiging responsable sa bawat kilos. Walang dapat ipangamba kung alam namin ang ginagawa. Pinag-iisipan.
Sinabi ko dati na sa oras na maakyat ko ang bundok na ito, titigil na ako. Pinakapangarap ko ‘to, eh. Tama na ang isang taong pamumundok. Pero nagkamali ako. Kakalimutan ko na ang pagpigil sa sarili kong lalong maging masaya. Hahayaan ko na lang na tangayin ako ng hanging galing bundok tungo sa kaligayahan. Papadausdos sa mabatong trail. Kahit masakit. Kahit masugatan.
Great adventure! I also want to go there. Kakainggit naman...
Hi. Salamat sa pagbisita! Madali na lang makapunta sa Mt. Pulag. Medyo malaki ang budget pero sulit naman. recommended ang summer time na pumunta kasi walang bagyo. Pero kung sanay ka sa lamig, aba, larga! :)