Linggo, Disyembre 1, 2013 sa ganap na 4:25 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

image
Masama ang lagay ng panahon. Biglang buhos ang malakas na ulan. Humahampas ang malamig na hangin. Bumaba ng 19 degrees ang klima ng lugar. Manipis na ang hangin sa simula pa lang ng pag-akyat. Mahirap nang huminga. Pilit kong hinahanap ang tamang lagay ng aking dibdib habang inaayos ang sukbit na 60litrong bag sa aking likod. Mabigat.
image
Hamog everywhere.
Mabuti’t malakas ang tulo ng ulan. Baka kasi mahalata ng mga kasama ko. Bawat yabag ng aking paa, sumasabay ang kabog nitong puso. Umaagos na rin paunti-unti ang aking luha. Kinakabahan. Napakaraming bumabagabag. Baka hindi na ako makababa. Baka maging pabigat ako sa buong grupo. Baka hindi pa ako handa. Pilit ko mang ibahin ang tumatakbo sa isipan ko, tinutumbok pa rin, marahil ay dulot ng panahon, ang kalungkutang itinago ko matagal na.

 Plano kong gawing huling akyat ang Mt. Pulag.


 Ni sa hinagap, hindi ko inakalang ganito kabilis ko makakamit ang pangarap kong bundok. Pebrero 2012 noong una akong umakyat ng Mt. Romelo sa Laguna. Lubha akong napamahal sa bundok. Nagutom ako’t naghanap ng iba pang pupwedeng matikman bukod sa inihain sa’kin ng una kong lasap sa pag-akyat. Kaya simula noon, hindi na ako tumigil sa paghahanap ng maaaring mapuntahang bundok. Mapa-Batangas, Laguna, o Bulacan, basta makuha lang ang sayang dulot ng pagiging nasa itaas. Abot ulap. Gaya ng makakamit namin sa pag-akyat sa Mt.Pulag. 

image
Agosto pa lang ng 2013 nagparehistro na ako para mapasama sa napakaraming aakyat sa Mt.Pulag. Halos tatlong buwan na preparasyon. Napakatagal. Pero sabi nga nila, mababa man o mataas ang bundok, mabuting paghandaan ang pag-akyat. Napakaraming sorpresa ang itinatago ng iba’t ibang bundok. Maging ang napakaraming indibidwal, hindi magkakapareho ng kwento at karanasan sa iisang lugar. May nadalian at mayroon ding nahirapan.
 Walang sinuman ang buong nakapaghanda sa hamon ng Mt.Pulag. Marahil para sa akin, kahit halos maubos ko na ang budget ko sa buong linggo makabili lang ng mga kailangang gamit, hindi ko pa rin naihanda ang paghaharap namin nitong natatanging bundok sa Luzon. Piniga ang emosyon ko. Hinalungkat lahat ng pagdududa ko sa sarili kong kakayahan. Bumalik ako noong panahong pinipigilan ko ang tatay kong paluin ako ng sinturon. Hindi ko maawat. Hapong hapo akong naglalakad. Tahimik. Gusto ko na lang makarating ng camp site nang makapagpahinga. 
image
 Kakalabitin ko sana si Jhoy, kasama ko sa grupong Kwebang Lampas, para sabihing gusto ko nang magpaiwan sa Ranger Station. Bigla akong nanghina dulot ng pinagsamang malakas na hangin at ulan. Malaking parte marahil ang kawalan ko ng karanasan sa pag-akyat habang umuulan. Wala akong tatag. Mahina pa ang loob ko sa pagsubok. Gusto ko na agad umuwi at makaramdam ng pagiging ligtas. Pero hindi, inalala ko na lang ang mga nagastos ko bago ang araw na ito. Hindi pwedeng mabaliwala iyon. Higit pa ay ang mga nagtiwala sa’king kaya kong bumalik ng ligtas. Isa pa’y naroroon na rin ako, anim na oras na paglalakbay galing Manila, wala nang atrasan pa.
 Sa group 3 kami halos napuntang mga magkakaibigang kasapi ng Kwebang Lampas. Unang pagkakataon kong makasama ang grupo sa isang major. Sila Jhoy, Sir Joey, Gary, at Erwin ang naging kaagapay ko sa tatlong oras mahigit na paglalakad papunta sa Camp 2 ng Mt.Pulag. Nagmistula silang trekking pole ko, taga-alalay, tagabigay ng trail foods at naging tagapayo ng lahat ng tungkol sa pamumundok. Maswerte ako’t kasama ko sila dahil marahil, mag-isa akong nagluluto ng Omelet na tangi kong alam lutuin. O di kaya’y magbubukas na lang ng Tuna Paella na de lata.
 Inihakbang ko ang nanginginig kong tuhod. Nakapila sa bandang likod ng 35 kataong may iisang hangarin - makatungtong sa tuktok ng Mt.Pulag. Gusto ko silang basahin lahat. Pareparehas ba kaming may takot? Tulad ko rin ba silang pinipilit na lang ang sariling magpatuloy? Marami kasi sa amin ang first time aakyat sa naturang bundok. 
image
 Camp 2. 
image
 Giants of Mt. Pulag. Dwarf Bamboo. 
Pasado alas tres nang marating namin ang Camp 2 na pagtatayuan ng mga tent. Kanya kanya nang pwesto ang lahat. Nagmamadaling maisaayos ang pansamantalang titirhan sa gabing kaylamig. Hindi na inalam kung gaano kababa umabot ang temperatura. Basta tangi lang gusto’y makaraos at kinabukasan’y may lakas upang pumanhik sa tuktok ng Mt.Pulag.
 Pinili ko munang pumasok sa tent. Nag-ayos ng gamit. Nilabas ang dalawang jacket. Cellphone ko.Ma, nasa camp na po kami. Ang lamig! Ingat po ako rito. May dumating na mga mensahe. Masaya umano sila para sa’kin. Naiinggit dahil sa wakas, nakaakyat na ako sa Mt. Pulag. Para akong inuntog. Heto ako’t nagmumukmok sa itaas ng bundok samantalang sila’y nananaginip na makasama sa pag-akyat. Heto ako’t nasa loob ng tent, hindi lumalabas. Takot na takot. Daniel! Gising!
 Nakangiti akong lumabas ng tent. Handa nang lumaban. Pangit naman kung ang karanasan kong ito ay mapuno ng katatakutan at pagkabahala. E-enjoy-in ko ito! 
image
Naglibot
image
Naglibot. 
image
At naglibot.
 Alas otso ang itinakdang oras para sa socials. Maganda ang programa, pinaghanda kasi kami ng presentasyon para magkaroon ng kakaunting anghang sa gabing iyon. Daan na rin ito nang magkakilanlan ng tuluyan at matanggal ang hiya sa katawan ng bawat isa. Ngunit dahil sa kalamigan, dagdag pa ng signal no. 1 na bagyo, hindi ko na nakayanan pang lumabas. Kailangan pang gumising ng alas tres para sa summit assault namin. Nalaman ko na lang kinabukasan na walang naganap na socials sa parehas na dahilan. 
image
Woops! Selfie muna! 
Shorts sa ganyang temperatura. Beat that! :)

0 Responses so far.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile