Linggo, Enero 5, 2014 sa ganap na 3:39 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments

image
Maraming salamat sa pagpapatuloy sa iyong tahanan noong unang araw ng Disyembre. Binigyan mo kami ng magandang simula sa aming paglalakbay. Hindi kaagad nangalit ang araw at noong oras ng paghuhumiyaw ng kainitan sa Pilipinas, sinilungan mo kami ng napakarami mong haligi. Niyakap kahit walang kaalam-alam sa anumang pakay ng pagbisita.
 Ikaw ngayon ang sa tingin kong pinakamagandang napuntahan kong bahay. Ang tindig mo ang naging tanda ng iyong pagpapakumbaba. Sa’yo napatunayan na wala sa taas ang kagandahan ng iyong mga katulad. Hindi ka bituin na mahirap sungkitin. Sa halip, sa akin, isa kang bagong tuklas na karenderia sa likod ng Aristocrat, Roxas Blvd. Nasa paligid lamang. Kadalasang binabaliwala pa dahil sa mas tampok na kainan sa paligid. Salamat sa pagpaparamdam sa aming hindi lahat ay nabibili ng pera. 
image
 Kakaiba ang handog mo sa aming mga bago mong parokyano. Nagsisimula pa lamang kami sa pagdalaw sa mga uri mong tahanan. Salamat dahil hindi mo kami pinagdamutang marating ang iyong tuktok. Ginabayan sa tamang landas. Hinila sa daan kung saan mapapadali ang aming paglalakbay. Bukas sa kahit kaninong interesado ang iyong pinto. Hinigop kami ng iyong hiwaga. Nakapanghahalina ang kakapalan ng punong nananatiling nakatayo sa iyong katawan. Bawat isa’y may imaheng ibinibigay base sa tindig at tagal nang nabubuhay.
image
 Kaibigan, salamat dahil kahit umuulan, hindi mo hinayaang mapahamak kami sa halos 80 degrees katarikan. Makapit pa rin ang maraming halamang naging taga-alalay namin upang maiangat ang sarili at manatili sa aming pwesto. Nakahanda kang saluhin kami kahit dumadausdos na pababa. Pasimple mo kaming pinahirapan. Tama sila. Hindi dapat maliitin ang kahit anong bundok. Iba’t iba kayo ng alay. Lahat kayo’y may tinatagong lupit sa mga bisita niyo nang sa gayo’y magtanda kaming maging mabuting nilalang sa kapaligiran.
image
image
 At sa kadiliman ng kapaligiran, binigyan mo kami ng ilaw upang makauwi sa kanya kanyang tahanan. Hindi kami natakot humakbang. Ginawa mong madali ang paglalakbay nang may kakarampot na liwanag. Marahil nang dahil sa iyong natatanging ganda, lumabas din ang busilak na kalooban ng iyong mga bisita. Nakangiti’t nagtutulungan. Hindi kami pinabayaan.
 Hanggang sa muli, Mt. Pico de Loro! Maraming salamat sa pagtanggap! Babalik kami.
 PS. Kung hindi man responsable ang lahat ng aming uri, pipilitin naming suklian ang kabaitan mo. Aalagaan namin ang iyong ganda.
 Salamat ulit!
 Nagmamahal,
 TD
image
(photos not mine) 
:)

2 Responses so far.

  1. Nice, pang bucket list na achievement...

  2. Akyat na rin, Sir! Madaling puntahan ang Pico de Loro. :)

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile