Sabado, Agosto 25, 2012 sa ganap na 6:32 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

‘to talaga ang gusto ko kung bakit pinananatili ko ang shuffle on at repeat all sa mp3 player ko. nagkakaroon ng pagtutugma ng natatapat na kanta at ng nararamdaman ko ngayon. Ang sarap sa pakiramdam.

Isinasatitik at binibigyan ng magandang melodiya ang gusto kong isigaw sa kalawakan. Alam kong walang sasagot. Pero tulad ng mga kanta, sinulat ito kahit hindi alam ng kompositor kung may kakanta ba kapag nailabas na sa merkado. Kung may magtatyagang pakinggan ang bawat letrang inilabas ng kanyang puso. Kung may sasabay bang puso sa bawat kumpas ng gitara at hampas ng tambol. Kung ituturing ba ‘tong buod ng buhay ng isang tao. Kung magiging palamuti na lang ba ang plaka niya sa piyesta sa nayon. O maitatago sa isang kahon, maaalala lang na naging parte ang kanta ng kanyang bihay isang araw habang naglilinis ng baul. Napakaraming maaring kahinatnan ng isang kanta. Hanggang sa huling sulyap ng mga nagmamahal sa atin ay pupwede itong patugtugin.

Kanlungan ni Noel Cabangon

Una kong nasayaw noong nasa mababang paaralan pa lang ako. Paksa kasi  ng asignatura naming ang locomotive at di-locomotive. Para maipakita naming sa guro at mapatunayan na naintindihan namin ang dalawang uri ng galaw, kailangan naming maggrupo-grupo at bumuo ng presentasyon gamit ang mga galaw. Sayaw ang ginawa namin sa saliw ng kantang Kanlungan. Dito kami sa bahay nag-ensayo. Maganda ang kinalabasan.

Dumaan ang hayskul at kolehiyo, hindi ko na alam sayawin ang Kanlunga. Ang pinaghirapan namin ng ilang araw ay ganoon na lang lumisan. Hindi ko na kilala ang ilan sa mga nakasama ko noong sinayaw namin ito sa eskwela.

Isang araw nakita ko sa Youtube ang video nito. Agad kong dinawnlowd ang kanta. Nilagay sa memory card. Ilang araw ang lumipas, muli ko itong nakaligtaan. Hindi narinig. Noon ay lumakas ang kagustuhan kong hanapin ang mga kasama ko sa nasabing sayaw. Silang mga lumang tao. Makipagkwentuhan. Alamin ang mga bago sa kanilang buhay. Ang kabuluhan ng kanta ay naglaho kasabay ng pagkawala nito sa aking pandinig.

Ngayon, habang hinaharana ng Kanlungan ang aking gabi, nagaganap ang isang maliit na pagpupulong ng aming Brgy. Patuloy pa rin kasi kaming tumututol ang mga opisyal ng lugar naming sa kagustuhan ng NHA na paalisin kami at itambak sa Gaya Gaya, Bulacan. Iginigiit pa rin na hindi pa lubusang sira ang aming kinagisnang lugar. Lumalaban at umaasang mapakinggan ang bawat panig.

Ba, mahirap iwan ang lugar na pinagmulan mo, a. para ka na ring binigyan ng selective amnesia. ‘yung tipong may sumisingit na kahapon sa’yong isipan ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi mo mabuo? Ang mga sulat sa pader, baho ng lugar, ingay ng mga bata, kwentuhan kasama ang mga kapitbahay, parte yan ng memorya. Bahaging hindi mapupunuan ng mansion o bagong bahay.

Beinte uno anyos pa lang akong nabubuhay dito. Nagkaisip. Ngunit nabigyang halaga lang ang lugar namin kung kailan alam ko na kaunti na lang ang pamamalagi dito. Kung kailan kukunin na sa amin at mukha wala nang balak ibalik.

Kung para sa akin masakit ang malayo rito, paano pa kaya silang mga nauna ditong manirahan? Silang buong buhay ay naririto? Lahat ng kanilang nakasanayan, hininga, hinugot sa baul na karanasan, at ang kanilang mga naubong prinsipyo’t paniniwala ay tila mananakaw sa kanila.

Gusto ko rin sanang maibahagi sa mga magiging anak ko ang mga aral na naidulot ng lugar namin. Ipapakilala ko sa kanila ang mga kaibigang naghubog ng pagkatao ko. ang mga kapitbahay. Ang mga lugar na lagi kong pinupuntahan kapag malungkot ako.

Pero ganoon yata talaga. Ituturing ko na lang bula ang mga ito. Sa isang sundot, mawawala. Makakalimutan.

May mga bagay na hindi natin kayang pigilan. Bagama’t kaya nating patagalin ang kaganapan, darating at darating sa puntong tatanggapin na lang natin ang kapalaran.

Lahat kami gunita na lang ang matitira. Na kung mabigyan kami ng pagkakataon na makabalik dito, sa naging tahanan namin, bagong alaala na ang aming mahahabi. Wala nang mga nakasanayang gawi.

Gaya ng sinasabi ng kanta, pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?,

PS: hindi kmi iskwater pero kung ituring kami ng NHA ay para bang nakadudumi kami sa imahe ng Maynila. 

Linggo, Agosto 19, 2012 sa ganap na 11:09 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments


minsan natutulala na lang ako sa bintana ng bus na sinasakyan ko habang malalim ang iniisip ko. kahit naman hindi malalim, basta napaisip lang ako, otomatik na ata. pagkakataon na bihira lang mangyari dahil lagi akong natatapat sa gitna ng pangtatluhang upuan o di kaya ay sa kaliwa ng pangdalawahan. lagi kasi akong may kasama sa pag uwi. 
pero ang totoo, mas masarap ang biyahe kapag mag isa ka lang. tipong hindi mo iniisip kung nabuburyo na ba ang kasama mo. kasi kaya nga niya ginustong may kasabay dahil gusto niya ng kausap habang umaandar ang sasakyan.
pero kapag tinamaan talaga ng katahimikan ang tao, kapag naubos na ang kwento, kapag sayang-laway lang ang pag uusapa, edi mabutihing itikom na lang ang bibig. tapos tatanungin ang sarili kung tama ba ang pagpili sa kanya na makasama. 
kapag ganito ang eksena, masarap pagmasdan ang mga kapwa mo pasahero. isipin kung ano ang iniisip nila habang naka upo. o nakatayo kapag trip ng kundoktor magpahirap. mga pinaguusapan nila. problema nga ba sa buhay? sa trabaho? dinadala kaya nila ang trabaho sa biyahe tapos iiwan sa bus? parang bagahe lang? chismiss sa mga gusto at ayaw nilang kasamahan? pagbabalik tanaw kaya dahil ngayon lang ulit nagkita at sa bus pa naganap? pangangamusta?
natutuwa kasi ako sa iba’t ibang reaksyon ng mga nakapaligid sa akin. minsan napakahiwaga ng mga tumatakbo sa isip nila. nakatingin sa malayo. sabay ngingiti na parang kinikilig. hmmm. parang ang sarap makipagkwentuhan sa kanya. malaman kung bakit napakatamis ng kanyang ngiti. 
may mga tao rin na sobrang pamigay ang pinta ng mukha ng isang tao. titingin sa hawak na cellphone tapos bubusangot ang mukha. susulyap sa oras tapos iiling. magnanakaw ng tingin sa katabi sabay ngingiti.
mayroon ding umaakyat sa bus hindi upang makarating sa gusto nilang paruonan. makikita mo silang hawak ang librong naglalaman ng sagot sa kaligtasan mula sa dagat-dagatang apoy, ayon sa kanila. makikita mo silang nag aabot ng sobre bawat pasahero na dumadayalogong “tulong lang sa simbahan.” hanep ang simbahan na ang tinutulungan sa halip na sila ang namimigay. sabagay, pwede rin silang maging daan para tumulong. pero hindi pa ba sapat ‘yung collection sa loob ng simbahan? ewan. may mga bata at matandang nag aabot ng sulat, may pasabing badjao sila at nangangailangan ng pangkaen pero may pera pang laminate ng papel. mahirap silang tantiyahin, baka kasi mag amok kapag walang nag abot ng tulong. 
sa bus din nasusubok ang katatagan ng loob ng mga tao. para sa mga lalake, laging kwestiyon ang kanilang pagiging maginoo. para sa mga babae, mapapatunayan sa kanilang pagtayo kung seryoso ba sila sa pinaglalaban nilang pantay na pagtrato. kung kaya ng lalake, kaya rin ng babae, ika nila.
nagkakaisa naman ang isip ng mga kasarian kapag umapak na sa trangkana ng bus ang mga matatanda. awtomotatikong magpapaubaya ng upuan ang kahit na sino. kesehodang pagod, galing sa trabaho, mabigat ang dalahin, basta mapagbigyan lang ng upuan sila lolo at lola. di hamak naman na mas marami na silang hirap na naranasan kaysa sa buhay pag ibig na nilalamayan natin ilang gabi na.
malakas din ang kapit ng mga magagandang babae para mapaupo sila ng mga kalalakiha. napapansin kong kapag rumampa na ang mga chicks sa gitna, hindi magkandaugagang magpapabilisan ang mga gwapito para paupuin sila. 
isang araw umuwi ako bandang alas siyete dahil binigyan ako ng surprise party ng mga katrabaho ko. kaarawan ko nga pala noong akinse. treinta minuto na ang nakalipas nasa Madison pa rin ang sinasakyan ko. ang tagal ng daloy ng trapiko. wala ulit akong kasabay kaya nadiskartihan kong maupo sa tabi ng bintana. 
isang babae ang tumapat isang upuan sa harap ko. maganda, kamukha ni Pia Cayetano. balak ko sanang paupuin para makatulog siya ng maayos. bakas sa pikit niyang mata ang pagod, eh. pero nagbago ang isip ko nang makit kong iritable siya. minsang nagtagpo ang mata namin ay inirapan niya ako. anong problema nito? pinapalo pa niya ang headrest, hawakan kapag nakatayo at ginugulo-gulo ang buhok. pauupuin ko na talaga kasi pagod siya. kaso mukha namang may enerhiya pa siya para magwala sa loob ng bus, eh.
may bumaba, agad siyang lumapit nabakanteng pwesto. ngunit sa kamalas-malasan ng mga malas noong kaarawan ko, naunahan pa siya ng dalawang kalbo upuan. dahil doon naawa ako sa kanya ng bahagya. natapalan ng kaunti ‘yung kakaibang pakiramdam noong nagwawala siya.
sinisipat ko pa rin siya sa repleksyon ng salamin at minsan talagang lumilingon ako sa kanya. namumula na. parang naiiyak. gusto ko na talagang paupuin. kaso baka mabalingan ako ng sama ng pakiramdam ni ate. 
(patugtugin ang korus ng ANTUKIN NI RICO BLANCO.)

Martes, Agosto 7, 2012 sa ganap na 7:33 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

martes pa lang. nabalitaan ko na sa huwebes pa huhupa ang ulan. biruin mo, wala pang bagyo pero natataranta na ang buong kamaynilaan sa baha. walang tigil ang buhos ng ulan. wala tayong mamura ngayon. hindi kasi natin pwedeng sisihin ang habagat. hindi rin natin pwedeng sisihin ang paparating pa lang na bagyong si hayku. 

habang nanunuod ako ng balita, parang binalik ako sa taong 2009. parang replay ng mga pangyayari. sabado noon, naalala ko maghapon din ang pag-ulan. bumaha. gumuho ang lupa sa iba't ibang parte ng Metro Manila. maraming nanakawan ng buhay. maraming nangailangan ng tulong. kitang kita ang bayan nating naghihingalo. nalugmok tayo. ang bansang hindi pa man nakararamdam ng ginhawa ay lalong ibinaon sa hirap. 

tatlong taon ang nakalipas, ang pangalang Ondoy ay nakaraan na lamang. bumangon tayo kinabukasan. iniwan natin at tinuring na madilim na panaginip. kinalimutan. nababanggit natin nang walang kirot sa puso.
para tayong  sinugatan ngunit nung naghilom na ay kahit ang peklat hindi na natin ininda. mabuti sana kung ang bakas ay nangangati, nagpapapansin upang magpaalala sa sakit noong sariwa pa ang sugat. kaiba sa inaasahan, tangi nating natandaan ay ang naging pinsala at hindi ang dahilan ng nadanas nating delubyo.

sa ganitong lagay, parang hindi nababagay ang pagsisisihan at pagtututuro ng mga taong hindi rin naman aamin na kasalanan nila ang malawakang pagbaha at pagkamatay ng marami nating  kababayan. aakuin mo ba ang bundok bundok ng basurang ibinalik ng Manila Bay palupa? o hahabapin mo ang balat ng candy, sitsirya, plastik at bote ng inumin, yosi na pasimple mong itinapon? tapos sasabihin mong "teka, heto lang ang akin diya. bakit ako ang sinisisi niyo?"

mahirap sa ating mga Pinoy, tila nakasanayan natin ang magreak sa mga problemang bumabalandra sa harapan natin sa panahon ng sakuna. matapos nating mabigyang solusyon, uusad na tayo at pipiliting kalimutan. palagi lang tayong nakatuon sa pagsagot ng 'anong gagawin natin?, anong plano ng gobyerno ngayon?' at napakarami pang tanong na tila nagrereklamo. minsan ba nadaplisan ng 'bakit nangyayari ang pagbabahang nararanasan natin tuwing tag-ulan?, bakit mabilis nang lumambot ang mga lupa sa gilid ng bundok?, bakit wala akong ginagawa ngayon?' ang isip natin?

sa loob ng isang taon, humigit kumulang na dalawampu't walo ang bagyong dadaan sa Pilipinas. ilang Ondoy, Sendong at simpleng habagat lang ang magtatatak at magbibigay sa atin ng aral na magpapabago sa pamumuhay natin? tatanggapin na lang ba natin na ang climate change ang magdidikta ng buhay natin? aasa na lang ba tayo sa paghupa ng tubig dahil bukas parang normal na uli ang buhay? 

panahon na para baguhin antin ang nakagawian. hindi na tinatanggap ng lipunan ang pakunti kunti nating pagkakalat. kung nakapagsasalita lang ang basurahan, sinigawan na tayo nito dahil sa hindi natin pagpapakain sa kanya ng nararapat na kalat. kung nakakatanggi lang ang Manila Bay sa mga binibigay nating tira tira at walang laman na mga balat ng pinagkainan. kung nakakapaghiganti lang ang kalikasan, malamang dati pa ay dumadaing na tayo sa pang-aabuso natin sa kabaitan nila. 

ang nararanasan natin ngayon, hindi yan ganti ng ating kapaligiran. bunga yan ng ating kapabayaan, kadumihan, kawalan ng disiplina at kabastusan natin sa sarili nating tirahan. 

kung tayo ang sumira ng ating paligid, kaya rin nating ibalik ito sa dating anyo. sa isa isa nating pagkilos, maaabot natin ang kahit anong mithiin. pakiusap lang, magtulungan tayo.

Biyernes, Agosto 3, 2012 sa ganap na 10:06 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments


wag mo silang pakinggan, anak. Ikaw ang mas may kilala sa sarili mo. Nakabibingi ang kanilang mga tinig, nakapanliliit ang kanilang mga tingin, ngunit nasa sa iyo kung papapasukin mo ang kanilang mga himig sa iyong puso.”

Malalim ang mga binitiwang salita ni aling tetang sa kaniyang anak na papaalis ng bahay upang mag apply ng trabaho. Malugod itong tinanggap ni Alfaro, alam na alam niya ang ibig ipahiwatig ng kanyang ina.

ang gara lang ng kaniyang suot noong araw na iyon, bumagay sa kaniyang tikas. 25 anyos  na si Alfaro, kumbaga sa prutas, hinog na at maaari nang isabak sa paglalako. Sa totoo nga lang eh nasobrahan na sa pagpe preserve sa kanya. Matagal tagal din kasi siyang napahinga sa trabaho. 21 anyos siya noong huli niyang pagbabatak sa isang kumpanya sa Ortigas.

“ma, gagalingan ko po sa interview.” dala ang ngiti sa labi, binagtas ni Alfaro ang daan patungo sa Makati. Ngunit hindi mawala sa isip niya ang mga tinuran ng kaniyang ina. Hindi niya maitatanggi na ang mga tao ay puno ng puna sa kanilang kapwa. Mga mata nila ay mas matulis pa sa kanilang dila kung nakakapagsalita lang ang mga ito.

“hayyy..” nasa harap na si Alfaro ng gate ng kaniyang future company. Dala dala niya ang mga credentials at kung ano pa mang kailangan ng kumpanya. Diretso siya sa sinabing kwarto ng kausap niya sa cellphone. tinakpan na lang ni Alfaro ng ngiti ang kaniyang takot at lungkot na gumugulo kanina pa sa kanyang isipan. Kumatok. Pumasok siya sa opisina, pinaupo. Umpisa na ng laban.

good morning ma’am, I’m Alfaro Paustino, from Manila. Graduate of business administration at university of the east. blah blah”

“I can see here that you are unemployed for 4 or 5 years.”

“I think, ma’am my reason is too personal. But since you asked, then I’ll let you know.” 

Gaya ng dati niyang mga gawi, lubhang matapang si Alfaro na sambitin ang katotohanan sa kahit sinong kausap nito. Hindi niya kinahihiya ang kaniyang pinagdaanan. Ganoon pa rin naman ang mangyayari, bandang huli matutuklasan ito ng taong kausap niya ngayon. Para saan pa ang pagtatago. “I was imprisoned for years”
Halatang hindi inaasahan ng interviewer ang paglalantad na sinabi ni Alfaro. Nauutal  utal na siya sa kaniyang mga sumunod na pagtatanong. Gamonggo na rin ang pawis nito, mukhang kinakabahan kaya pilit na tinapos na lang ang pakikipag usap.

“so mr. Alfaro, our company will phone you in a week, just wait. Thank you.” Alam na ni Alfaro ang pawang mga sinabi ng kausap sa kaniya. Tanggap na niya ito bago pa man lumabas ng kulungan. Kinundisyon na niya ang sarili niya na pang construction worker lang ang nababagay sa mga katulad niyang ex convict. Sanay na rin siya sa ganitong diskriminasyon. Kahit sa kulungan, kaiba ang trato sa mahihirap at sa mayayaman. Nilisan niya ang gusali na may positibong pananaw, inisip na lang niya na kawalan siya ng kumpanyang iyon. Madami pang mas magaganda at mas makataong mga kumpanya sa tabi tabi.

1, 2, 3 pudpod na ang swelas ng kaniyang sapatos hindi pa rin niya nahahanap ang matamis na oo ng bawat inaaplayan. Parang paghahanap lang ng girlfriend, dahil sa background niya, walang tumatangap ng kaniyang alok. Si aling tetang na lang ang tanging yumayakap sa kaniya sa bawat pag uwi niyang luhaan. Nanay na lang nya ang nakakaintindi sa kaniya, ang tumatanggap sa kaniya ng buong buo. Maraming tao sa paligid ang nakamasid sa mga kilos ni Alfaro. kahit mga dati niyang mga kaibigan, hindi na niya makasama pang mag inuman o kahit makakwentuhan man lang.

Nakalaya nga siya sa rehas ng kulungan. Hindi naman magawa ni Alfaro’ng makalayas sa pangungutya ng mga tao. isang taon na ang nakalipas matapos pawalang sala si Alfaro. Hindi napatunayan na pinatay niya ang kaniyang kasintahan. limang taong pinagbayaran ang pagkakasalang hindi naman niya ginawa. Mabagal ang hustisya, ngunit hindi niya ito ininda, mahalaga ay ang pag alis sa bangungot na lugar na iyon.

Sa labas ng kulungan ay kulungan din. Mas malupit ang kulungan sa labas, at yan ang hindi inaasahan ni Alfaro. Kailanman hindi na magiging malinis ang tingin ng mga tao sa kaniyang imahe. Tila isa siyang papel na kinulumos kahapon, kahit anong plantsa dito, hindi na maaari pang maging tila bago muli.an man lang.

Nakalaya nga siya sa rehas ng kulungan. Hindi naman magawa ni Alfaro’ng makalayas sa pangungutya ng mga tao. isang taon na ang nakalipas matapos pawalang sala si Alfaro. Hindi napatunayan na pinatay niya ang kaniyang kasintahan. limang taong pinagbayaran ang pagkakasalang hindi naman niya ginawa. Mabagal ang hustisya, ngunit hindi niya ito ininda, mahalaga ay ang pag alis sa bangungot na lugar na iyon.

Sa labas ng kulungan ay kulungan din. Mas malupit ang kulungan sa labas, at yan ang hindi inaasahan ni Alfaro. Kailanman hindi na magiging malinis ang tingin ng mga tao sa kaniyang imahe. Tila isa siyang papel na kinulumos kahapon, kahit anong plantsa dito, hindi na maaari pang maging tila bago muli.

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile