martes pa lang. nabalitaan ko na sa huwebes pa huhupa ang ulan. biruin mo, wala pang bagyo pero natataranta na ang buong kamaynilaan sa baha. walang tigil ang buhos ng ulan. wala tayong mamura ngayon. hindi kasi natin pwedeng sisihin ang habagat. hindi rin natin pwedeng sisihin ang paparating pa lang na bagyong si hayku.
habang nanunuod ako ng balita, parang binalik ako sa taong 2009. parang replay ng mga pangyayari. sabado noon, naalala ko maghapon din ang pag-ulan. bumaha. gumuho ang lupa sa iba't ibang parte ng Metro Manila. maraming nanakawan ng buhay. maraming nangailangan ng tulong. kitang kita ang bayan nating naghihingalo. nalugmok tayo. ang bansang hindi pa man nakararamdam ng ginhawa ay lalong ibinaon sa hirap.
tatlong taon ang nakalipas, ang pangalang Ondoy ay nakaraan na lamang. bumangon tayo kinabukasan. iniwan natin at tinuring na madilim na panaginip. kinalimutan. nababanggit natin nang walang kirot sa puso.
para tayong sinugatan ngunit nung naghilom na ay kahit ang peklat hindi na natin ininda. mabuti sana kung ang bakas ay nangangati, nagpapapansin upang magpaalala sa sakit noong sariwa pa ang sugat. kaiba sa inaasahan, tangi nating natandaan ay ang naging pinsala at hindi ang dahilan ng nadanas nating delubyo.
sa ganitong lagay, parang hindi nababagay ang pagsisisihan at pagtututuro ng mga taong hindi rin naman aamin na kasalanan nila ang malawakang pagbaha at pagkamatay ng marami nating kababayan. aakuin mo ba ang bundok bundok ng basurang ibinalik ng Manila Bay palupa? o hahabapin mo ang balat ng candy, sitsirya, plastik at bote ng inumin, yosi na pasimple mong itinapon? tapos sasabihin mong "teka, heto lang ang akin diya. bakit ako ang sinisisi niyo?"
mahirap sa ating mga Pinoy, tila nakasanayan natin ang magreak sa mga problemang bumabalandra sa harapan natin sa panahon ng sakuna. matapos nating mabigyang solusyon, uusad na tayo at pipiliting kalimutan. palagi lang tayong nakatuon sa pagsagot ng 'anong gagawin natin?, anong plano ng gobyerno ngayon?' at napakarami pang tanong na tila nagrereklamo. minsan ba nadaplisan ng 'bakit nangyayari ang pagbabahang nararanasan natin tuwing tag-ulan?, bakit mabilis nang lumambot ang mga lupa sa gilid ng bundok?, bakit wala akong ginagawa ngayon?' ang isip natin?
sa loob ng isang taon, humigit kumulang na dalawampu't walo ang bagyong dadaan sa Pilipinas. ilang Ondoy, Sendong at simpleng habagat lang ang magtatatak at magbibigay sa atin ng aral na magpapabago sa pamumuhay natin? tatanggapin na lang ba natin na ang climate change ang magdidikta ng buhay natin? aasa na lang ba tayo sa paghupa ng tubig dahil bukas parang normal na uli ang buhay?
panahon na para baguhin antin ang nakagawian. hindi na tinatanggap ng lipunan ang pakunti kunti nating pagkakalat. kung nakapagsasalita lang ang basurahan, sinigawan na tayo nito dahil sa hindi natin pagpapakain sa kanya ng nararapat na kalat. kung nakakatanggi lang ang Manila Bay sa mga binibigay nating tira tira at walang laman na mga balat ng pinagkainan. kung nakakapaghiganti lang ang kalikasan, malamang dati pa ay dumadaing na tayo sa pang-aabuso natin sa kabaitan nila.
ang nararanasan natin ngayon, hindi yan ganti ng ating kapaligiran. bunga yan ng ating kapabayaan, kadumihan, kawalan ng disiplina at kabastusan natin sa sarili nating tirahan.
kung tayo ang sumira ng ating paligid, kaya rin nating ibalik ito sa dating anyo. sa isa isa nating pagkilos, maaabot natin ang kahit anong mithiin. pakiusap lang, magtulungan tayo.
Mag-post ng isang Komento