minsan natutulala na lang ako sa bintana ng bus na sinasakyan ko habang malalim ang iniisip ko. kahit naman hindi malalim, basta napaisip lang ako, otomatik na ata. pagkakataon na bihira lang mangyari dahil lagi akong natatapat sa gitna ng pangtatluhang upuan o di kaya ay sa kaliwa ng pangdalawahan. lagi kasi akong may kasama sa pag uwi.
pero ang totoo, mas masarap ang biyahe kapag mag isa ka lang. tipong hindi mo iniisip kung nabuburyo na ba ang kasama mo. kasi kaya nga niya ginustong may kasabay dahil gusto niya ng kausap habang umaandar ang sasakyan.
pero kapag tinamaan talaga ng katahimikan ang tao, kapag naubos na ang kwento, kapag sayang-laway lang ang pag uusapa, edi mabutihing itikom na lang ang bibig. tapos tatanungin ang sarili kung tama ba ang pagpili sa kanya na makasama.
kapag ganito ang eksena, masarap pagmasdan ang mga kapwa mo pasahero. isipin kung ano ang iniisip nila habang naka upo. o nakatayo kapag trip ng kundoktor magpahirap. mga pinaguusapan nila. problema nga ba sa buhay? sa trabaho? dinadala kaya nila ang trabaho sa biyahe tapos iiwan sa bus? parang bagahe lang? chismiss sa mga gusto at ayaw nilang kasamahan? pagbabalik tanaw kaya dahil ngayon lang ulit nagkita at sa bus pa naganap? pangangamusta?
natutuwa kasi ako sa iba’t ibang reaksyon ng mga nakapaligid sa akin. minsan napakahiwaga ng mga tumatakbo sa isip nila. nakatingin sa malayo. sabay ngingiti na parang kinikilig. hmmm. parang ang sarap makipagkwentuhan sa kanya. malaman kung bakit napakatamis ng kanyang ngiti.
may mga tao rin na sobrang pamigay ang pinta ng mukha ng isang tao. titingin sa hawak na cellphone tapos bubusangot ang mukha. susulyap sa oras tapos iiling. magnanakaw ng tingin sa katabi sabay ngingiti.
mayroon ding umaakyat sa bus hindi upang makarating sa gusto nilang paruonan. makikita mo silang hawak ang librong naglalaman ng sagot sa kaligtasan mula sa dagat-dagatang apoy, ayon sa kanila. makikita mo silang nag aabot ng sobre bawat pasahero na dumadayalogong “tulong lang sa simbahan.” hanep ang simbahan na ang tinutulungan sa halip na sila ang namimigay. sabagay, pwede rin silang maging daan para tumulong. pero hindi pa ba sapat ‘yung collection sa loob ng simbahan? ewan. may mga bata at matandang nag aabot ng sulat, may pasabing badjao sila at nangangailangan ng pangkaen pero may pera pang laminate ng papel. mahirap silang tantiyahin, baka kasi mag amok kapag walang nag abot ng tulong.
sa bus din nasusubok ang katatagan ng loob ng mga tao. para sa mga lalake, laging kwestiyon ang kanilang pagiging maginoo. para sa mga babae, mapapatunayan sa kanilang pagtayo kung seryoso ba sila sa pinaglalaban nilang pantay na pagtrato. kung kaya ng lalake, kaya rin ng babae, ika nila.
nagkakaisa naman ang isip ng mga kasarian kapag umapak na sa trangkana ng bus ang mga matatanda. awtomotatikong magpapaubaya ng upuan ang kahit na sino. kesehodang pagod, galing sa trabaho, mabigat ang dalahin, basta mapagbigyan lang ng upuan sila lolo at lola. di hamak naman na mas marami na silang hirap na naranasan kaysa sa buhay pag ibig na nilalamayan natin ilang gabi na.
malakas din ang kapit ng mga magagandang babae para mapaupo sila ng mga kalalakiha. napapansin kong kapag rumampa na ang mga chicks sa gitna, hindi magkandaugagang magpapabilisan ang mga gwapito para paupuin sila.
isang araw umuwi ako bandang alas siyete dahil binigyan ako ng surprise party ng mga katrabaho ko. kaarawan ko nga pala noong akinse. treinta minuto na ang nakalipas nasa Madison pa rin ang sinasakyan ko. ang tagal ng daloy ng trapiko. wala ulit akong kasabay kaya nadiskartihan kong maupo sa tabi ng bintana.
isang babae ang tumapat isang upuan sa harap ko. maganda, kamukha ni Pia Cayetano. balak ko sanang paupuin para makatulog siya ng maayos. bakas sa pikit niyang mata ang pagod, eh. pero nagbago ang isip ko nang makit kong iritable siya. minsang nagtagpo ang mata namin ay inirapan niya ako. anong problema nito? pinapalo pa niya ang headrest, hawakan kapag nakatayo at ginugulo-gulo ang buhok. pauupuin ko na talaga kasi pagod siya. kaso mukha namang may enerhiya pa siya para magwala sa loob ng bus, eh.
may bumaba, agad siyang lumapit nabakanteng pwesto. ngunit sa kamalas-malasan ng mga malas noong kaarawan ko, naunahan pa siya ng dalawang kalbo upuan. dahil doon naawa ako sa kanya ng bahagya. natapalan ng kaunti ‘yung kakaibang pakiramdam noong nagwawala siya.
sinisipat ko pa rin siya sa repleksyon ng salamin at minsan talagang lumilingon ako sa kanya. namumula na. parang naiiyak. gusto ko na talagang paupuin. kaso baka mabalingan ako ng sama ng pakiramdam ni ate.
(patugtugin ang korus ng ANTUKIN NI RICO BLANCO.)
Mag-post ng isang Komento