Miyerkules, Nobyembre 7, 2012 sa ganap na 11:51 PM sinalpak ni tadong daniel 6 Comments

naalala ko bigla ‘yung sinabi ng guro ko sa Journalism noong hayskul na si Gng. Panadero. May tatlong bagay umano sa mundo ang napakahirap pagdisyunan. ayon kasi sa isang pag-aaral, madalas pagmulan ng kaguluhan sa umpukan, pagdaan ng anghel sa maingay na magbabarkada, pagsisigawan dahil sa magkaibang paniniwala ang mga mababanggit na salita:

RELIHIYON, PULITIKA AT PAGNINIIG.

bago pa lang sa Pilipinas ang maging komportable sa usaping pakikipagtalik. karamihan nga hanggang ngayon ay iwas na iwas kapag napadapo roon ang usapan. para sa mga konserbatibo, o mga taong patagong nilalasap ang makamundong bagay, hindi dapat ito pinag-uusapan kundi ginagawa.

napakasensitibo kasi kung ibubulalas pa ang mga posisyong napagtagumpayan ng magkapareha. pribado umano ito. pwera na lang kung niyayabang mo ang nangyari dahil gusto mong matikman ang kakwentuhan mo?

isa pa sa dahilan kung bakit mahirap itong ipulutan ay ang pagkakaiba-iba ng estado sa bagay na ‘yon. papaano natin masasabing masarap ang maturukan kung ni yapos sa batok ay hindi pa nadama ng nakikinig? kaya minamabuti na lang natin na ngumiti sa tuwing mararamdaman ang kiliti ng kagabing pagdampi ng tinatagong mga balat.

—-
sa susunod na taon na ang eleksyon sa ating bansa. nagsisilabasan na ang mga nais umupo. hindi man direktang sinasabi ang’boto niyo ako’,pinaparamdam naman sa atin na ang pangalan nila ang karapat dapat sa isa nating boto. napakakritikal ng panahon ng Mayo. tayo ang magtatakda ng kinabukasan natin. magkamali tayo ng sinulat na kandidato, asahan ang pagkaubos ng kaban ng bayan.

malalaman naman natin kung hindi nararapat maging tagapaglingkod ng bayan ang isang nagsusumiksik na pwesto eh. KAPAG NAGLABAS SIYA NG MALAKING PERA. abot ng pera dito; patarpolin doon; pakain dito; palabas ng mukha sa telebisyon at marami pang mga paraan upang matandaan sila ng kanilang mga botante.

sa rami ng kanyang ginastos, malamang ang nasa isip niya sa oras na makaupo ay ang bawiin ang nasayang na pera. ikaw naman na nakatanggap, alam mo nang mali, binoto mo pa.

nasaktan ka ba? sige. itigil na lang natin ang ganitong usapan.

—-
marami nang nagkasiraang relasyon ang tunggalian ng magkaibang paniniwala. may naputol na pag-iibigan dahil sa pagmamatigas ng bawat panig ng pamilya; may kaibigan na nabahala dahil sa pagtaliwas ng kanyang kaibigan sa nakasanayan; may mga nagpupumilit na sila nag tama at wala nang iba.

isang gabi ng Oktubre, nakipagkita ako sa mga kaibigan ko upang kumain sa isang bagong bukas na kainan bandang Pasig. bago namin simulang husgahan ang gagintong nakahain, inanyayahan muna ang bawat isang magdasal. hindi ako gumalaw. tumingin lang ako sa kanila. pinatapos ang kanilang ginagawa. nang makita ko silang dumilat, agad kong sinunggaban ang barbeque ko, hamburger nila, sisig nila at inumin nilang nasa lamesa.

bakit hindi ka sumabay magdasal?ngiti ako. anong nangyari sa’yo?

hindi na ako naniniwala.sagot ko sa kanyang walang bahid ng pagyayabang sa aking mukha. sa tono ko rin ay sinigurado kong magiging kalmado sa rehistro ng tainga.

hindi ka ba natatakot? hindi ko na gusto ang paroroonan ng diskusyong ito kaya minabuti ko na lang sumagot ng wala naman akong natatapakan.

pero hindi mo ba naiisip kung sino ang gumawa sa’yo?

mama at papa ko?

bakit tayo nandito in the first place? nakita ko sa kanya ang pagkadismaya sa mga narinig na sagot. malalim na buntong hininga ang sumunod na kanyang pinakawalan. hinawi ang buhok upang umayos. may buhay ka kasi ginawa ka niya. worship. that’s the least he wants us to do.

sumubo ako ng kanin. then selfish siya. gumawa siya ng pamayanan para magkaroon ng tagasunod. para sambahin siya? wala akong galit, hindi lang talaga ako naniniwala. at kung sinumang tumaliwas sa kanya ay hindi nararapat mabuhay? tumungo na lang ako. alam kong hindi ito matatapos. hindi ko na rin alam ang mga susunod na sasabihin ko. hindi ako handa.

so para saan ka at nabubuhay pa?

para sa pamilya ko at magiging pamilya ko. kusa nang lumalabas ang depensa sa aking bibig. gusto ko nang umalis.

atheist ka na?

hindi. wala. as long as wala akong nasasaktan, magpapatuloy ako.

‘wag na nga nating pag-usapan ‘yan. may kanya-kanya tayong paniniwala. okay? sabad ng isa upang putulin ang tensyon sa lamesa.

teka. wala namang pagtatalo, ah. basta ang akin, hindi ko pinipilit na pumanig sa akin. tapos.

pinagpatuloy na namin ang naunsyaming pagkain. lumamig na ang kanin; kumunat na ang baka; naghiwalay na ang buko at yelo sa shake. habang ako. kunwaring seryoso sa pagkain, nakatunghod. tinatanong ang sarili, para kanino ba ako nabubuhay? pwede bang para sa sarili ko? pwede ba silang maging masaya na lang kasi nabubuhay akong masaya?

—-

masasabi kong tama ang mga dalubhasa sa kanilang natuklasan. ang animo’y matibay na pader na pagsasama ng magkakaibigan ay nauwi sa ilangan. doon sa usaping pakikipagtalik at pulitika, kayo na lang ang humusga, baka magkasakitan pa tayo.

6 Responses so far.

  1. "sa rami ng kanyang ginastos, malamang ang nasa isip niya sa oras na makaupo ay ang bawiin ang nasayang na pera." -- EVERYONE SHOULD KEEP THIS IN MIND SA ELEKSYON...

  2. Di dapat sana itanong ang hindi ka ba natatakot? bagkus tanungin ng hindi ka ba nagmamahal?

  3. @glentot sana maalala pa nila. haha

  4. @jayson YES. NAGMAHAL AT NAGMAMAHAL AKO. :)


  5. Basta usapang paniniwala automatic na pumapasok sa isip ko ang salitang respeto. :)

  6. bagotilyo, mabuhay.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile