Alam kong hindi magandang diktahan ang mga Pilipino kung sino ang dapat na iboto sa darating na eleksyon. Kung magbibigay pa ako ng listahan, magiging para akong nagmamarunong at nagmamatalino.
Beinte uno anyos pa lang ako. Kulang na kulang pa ang kaaalaman ko sa kalakaran ng pulitika ng ating bansa, alam ko. Sa katunayan, magiging ikalawang pagsabak ko pa lang sa pagboto sa pambansang eleksyon sa Mayo. Hindi maganda ang nangyari noong una. Mahirap pala. Dahil bagito ako, madali akong natukso sa mga bumubulong sa akin kung sino ang isusulat sa balota. Nariyan ang tita ko na nagsabing isingit sa mga iboboto si Jingoy Estrada dahil idolo niya ang ama nitong si Erap; tinuro ng magulang dahil maganda ang dala nitong diplomal; mga kandidatong mabulaklak ang tabas ng dila na mayroong magaling na empleyadong gumagawa ng talumpati para sa kanila.
Tulad mo, may mga ibinoto akong hindi ko nagustuhan ang trabaho. Para nilang binasura ang tiwala ko sa kanila, ang tiwala mo. Na ang sana’y tumutulong maiangat ang ating bansa, sila pang nagiging pabigat, pasakit sa ulo, palamunin at paswelduhan. Sila ang umuubos ng ating pinaghirapan.
Tulad mo, pinagsisihan kong nailuklok ko ang isang hindi karapatdapat maglingkod sa atin.
Kahit isa lang ang boto ko, hindi pa rin dahilan iyon para hindi ako masaktan sa ginagawa ng isang nasa posisyon. Isa kasi ako sa nagpahintulot sa buwayang iyon upang ipagpatuloy ang pagkamal sa ating yaman.
Naisip ko na ang karapatan nating bumoto ay hindi natatapos sa paglalagay ng blue ink sa daliri. Dahil sa oras na manalo ang isa sa mga inilagay kong pangalan, responsibilidad kong bantayan ang kanyang ginagawa sa ating bayan. Hindi dapat tayo maging kumpyansa.
Ikaw na nagbabasa nito, ituring mong sugal ang darating na eleksyon. Kung piso na lang ang natitira mong pera, tataya ka ba sa walang kasiguraduhang manok? sa hindi marunong manindigan? Sa anak, asawa o pinsan ng isa pang nabubulok na sa gobyerno? Sa parang kabuteng bigla na lang magpapakilalang maraming nagawa dahil kailangan niyang manalo? Sa mga kapit posisyon? Sa mga hitsura lang ang panlaban? Ituring nating huling laban ng Pilipinas ang eleksyon para sa kaunlaran. Tumaya tayo sa may pag-asa.
Palubog ng palubog ang Pilipinas. At ang masakit na katotohanan, mga anak pa nito ang siyang dahilan ng kanyang patuloy na pagbagsak.
May 286 na kongresista, 24 na senador at mga lokal na opisya. Kaunti lang sila kumpara sa milyong botanteng Pilipino. Ngunit ang mangilan-ngilang tao sa gobyerno ang tinuturong humihila sa atin paibaba.
Pero sino ba ang nagluklok sa kanilang pwesto? Sino ang nagbigay ng susi sa ating kaban? Tama. Parte tayo ng problema ng Pilipinas.
Nag-uumpisa na campaign period, nagsisilabasan na ang napakaraming naghahangad ng isa nating boto. Susuyuin na tayo ng sangketerbang pangako. Iingay na ang kalsada sa pasikatan ng jingle. Dudumi nang muli ang paligid ng mga mukhang nakapaskil kahit ipinagbabawal.
Matatanda na tayo. Ang karapatan sa pagboto ay ibinigay sa mga mamamayang may kakayanang mag-isip ng tama at nararapat. Ipinutong at ipinagkakatiwala sa atin ang kinabukasan ng bansa. Magampanan kaya natin ang bigat ng tungkuling ibinigay sa atin.
Sa panahon ngayon, hindi na mahirap maghanap ng impormasyon tungkol sa isang kandidato. Kung kaya nating magtagal sa harap ng computer ng mahigit tatlong oras, bakit hindi natin isingit at silipin ang mga nakaraang trabaho ng napupusuan? Hayaan natin ang sariling mabusog sa impormasyon at kaalaman. Kumbinsihin natin ang sarili na tama ang ating iboboto. Huwag tayong tumigil bigyang edukasyon ang sarili hanggang sa masigurado natin na ang kanilang pamamalagi sa gobyerno ay hindi magiging punung puno ng pagsisisi.
Sawang sawa na ang mga Pinoy sa mga bumabastos sa ating bansa; sa mga ginagawang business ang dapat sana ay paglilingkod sa bayan.
Kumilos tayo! Para sa bayan. Para sa susunod na henerasyon. Para sa tunay na matagumpay na eleksyon. At para sa sarili natin.
Bukas, paggising natin, nakangiti tayong manunuod ng balita ng pag-angat ng ating lupang hinirang.
Bangon!
minsan pumasok na sa isip ko na wag na lang pumunta sa presinto at wag na lang bumoto... nakakasawa na kasi ang kawalanghiyaan ng mga tiwaling pulitiko.
pero hindi ko yon ginawa, nasa aking daliri ang isa sa maaring magpabago ng lipunan, papalubog man o paahon, ito pa din ay aking karapatan..
sana itong eleksyon 2013, maging matalino ang tao sa pagboto. putulin na ang paghharian ng mga pulitical dynasti na yan...
Sana huwag tayong tumigil gumawa ng mabuti. Kung alam nating karapat dapat ang ating iboboto, huwag tayong mahiyang ipagmalaki at ipagkalat ang pangalan ng kandidato. Tayo mismo ang pumili at magsabi sa mga tao ng mga lider na maglilingkod sa atin. Wag nating hayaan na ang mga tiwali ang magdikta. Mabuhay, sir tambay!
haaay nakakapagod lang talaga ang ating pulitika... ansakit lang sa bangs... tsk... hopeless na ba?
hindi pa. simulan natin sa nalalapit na eleksyon. hehe tara!
Panahon na naman ng pangangampanya, panahon rin ng pag-roll-eyes ng mamamayang Pilipino sa paulit-ulit na pangako...
rolling ng eyes, pero iboboto pa rin natin hehehe