Sabado, Oktubre 6, 2012 sa ganap na 11:40 PM sinalpak ni tadong daniel 9 Comments


tawa ka ng tawa, mamaya iiyak ka diyan. huwag kang gagala kapag malapit ka nang magtapos sa pag-aaral, lapitin ka ng disgrasya. huwag kang mag iipon, para mo na ring pinaghandaan ang pang ospital mo. huwag kang magpupula kapag umuulan, tatamaan ka ng kidlat. ang dami mo nang absent, lagot ka kay ma’am. hindi ka man lang tumulong sa mga gawain natin, huwag kang umasa na mataas ang grado mo. bawal tumawid, tangina ka!

dito sa pilipinas, bawat kibot natin laging may kaakibat na pananakot. karaniwan sa mga ito ay pumipigil na gawin natin kung anong nagbibigay o magbibigay ng kaligayahan sa atin. marami sa atin marahil ay nalaman ang mga ganitong pamahiin mula sa ating mga lola o di kaya ay sa magulang. 

higit pa sa mga nasa itaas, may isang paniniwala ang mga pinoy na lubhang mahalaga ngunit sinasantabi natin. isinasawalang bahala dahil wala naman sinabi si lola na maaari tayong mabulag, maputulan ng kamay, katihin, magutom, tamaan ng kidlat, o mamatay kapag ginawa natin ito. ni si nanay, walang pakialam. sa katunayan, sila pa mismo ang nagturo sa atin na suwayin ito. 

naaalala mo pa ba noong kabataan mo? habang abala ka sa paglalaro ng teks, tinawag ka ng tatay mo para bumili ng redhorse sa kabilang kanto. dahil sa takot na mapagalitan, iniwanan mo ang mga kalaro mo, tumakbo sa suking tindahan at bumili. sinuklian ka ng tindera. doon din sa tindahan, nakakita ka ng isang plastic ng teks, limang piso kada balot. sakto sa sukling hawak mo. alam mong lasing na si tatay, naisip mong hindi niya mapapansin na kinuha mo ang sukli. binili mo ang teks. tama ka, hindi niya alam na may sukli dahil sa kalasingan. 

isang gabing madilim, bilog na bilog ang buwan, pinalaki ka ng magulang mong may takot sa multo. sinasama ka ng nanay mo na pumunta sa nayon upang makipyesta sa mga kamag anak doon. pilit kang tumatanggi, nagpupumiglas, naglulumpasay, sinasapian ata. sige na anak, pag sumama ka bibilan kita ng maraming laruan at may bente pa. tumahan ka sa pagwawala na parang tinurukan ng pampakalma.

minsan pa nga kapag tinatamad kang gumawa ng assignment diba to the rescue kaagad si nanay para sa pampagana? pag natapos mo yang pinapagawa sayo ng titser mo, bibili tayo ng ice cream, yung magnum? naku anak, waley ang you and me sitting on a tree doon. pang mayaman! abot tainga ang ngiti, naglalaway mo pang tinatapos ang takdang aralin mo. 

sumama ka sa nanay mo mamalengke para sa pagkain niyo kinagabihan. sa pag iikot, nagutom kayo sa pamimili ng mauulam. ginamit niyo yung natirang pera pang meryenda. sinabihan ka ng nanay mo na huwag sabihin sa tatay mo na may sukli pa dahil baka hingin pa ito at walang maibigay. 

nakakita ka ng cake sa refrigirator. tinikman mo saka ka nagpaalam, sinabi ng mama mo na bawal kasi para yun sa mga kaklase ng kuya mo. pero dahil nakakuha ka na, abswelto ka. 

apat kayong magkakapatid pero walang gustong magwalis at maglampaso ng sahig. may kunwaring tulog, may kunwaring nahihirapan sa assignment, may kunwaring masakit ang paa, at may kunwaring nagre review para sa exam bukas. nakita mo ang tatay mong iba ang tingin sayo. nakangisi ng kaunti may kasama pang kindat. alam mo na ibig sabihin non. kapag sumunod ka sa utos, may premyo kang matatanggap. biglang gumaling ang sakit ng tuhod mo at kumilos ayon sa iniutos. 

ngayong malaki ka na, nagtatrabaho ka na sa gobyerno. malaki ang ginagampanan mo ngayon sa pag unlad ng bayan. isa ka sa mga inaasahan ng mamamayan na mag aangat ng ekonomiya ng bayan. pinagmamalaki ka ng magulang mo, maging ng buong bayan kung saan ka hinubog ng panahon. naialis mo ang pamilya mo sa kahirapan. may kotse, condo, bahay at lupa. masipag ka kaya tinatamasa mo ngayon ang ganyang karangyaan. 

dumating ang mga balita isang araw. punong puno ka umano ng ilegal na aktibidades. nagulat, natulala, tumanggi at umiwas. anak bakit? hindi ka ngayon makasagot dahil alam mo ay wala kang inaargabyadong tao.

nasanay ka kasing sa tuwing kumikilos ka ay may pampadulas para mas mapabilis ang proseso. hindi alintana sayo ang sobrang presyo ng mga pinamiling materyales tutal naman ay pinangkakain niyo ang mga natirang pera. alam na alam mo ang mga ibig sabihin ng kindat at senyas para manalo sa bidding, may komisyon ka kasi. higit pa roon alam mong hindi ka makukulong sa ginagawa mo dahil kaibigan mo ang batas.
ngayon, babalikan ka ng nanay at tatay mo. tatanungin kung bakit ka nagkaganyan samantalang pinalaki ka nila ng maayos at matino. 

ngayon, maraming magulang ang nagpapayo sa kanilang mga anak na huwag tularan ang babaeng may nunal na kinasusuklaman ng lahat. 

ngayon, sasabihin nilang wag kang kukurap. e ano ngayon? wala namang masama sa pag kurap. hindi ba nay, tay? 

9 Responses so far.

  1. hindi napapansin o kaya hindi sinasadya subalit may malaking epekto sa isang pagkatao ang mga nabanggit na pangyayari. ayun nga, tulad nito, ang mga simpleng padulas noong kabataan ay kinasanayan hanggang sa maging pulitiko. :)

    yung babaing may nunal na kinasusuklaman ng lahat, pandak ba sya sir?

    magandang araw po :)

  2. Ayon sa isang seminar na nadaluhan ko, malaking usapin daw sa ating mga Pilipino ang "core values" na nakasanayan na natin. Malamang totoo dahil sa mga inilahad mo dito.

    :)

  3. sinabi rin ng teacher ko na ang kailangan baguhin natin ang pagpapalaki natin sa mga magiging anak natin. dahil kung hindi, mauulit at mauulit ang mga nakakasuyang pangyayari. @jkul

  4. TAMBAY, sino ang tinutukoy mo? 'yung magaling na aktres na maliit? hindi si Nora Aunor ah! haha

  5. ganun naman talaga diba? we have to comply with the social values and norms.

    just me,
    www.phioxee.com

  6. @phioxee, sa tingin ko, andiyan lang ang social norms para maging gabay. hindi natin kailangang sundin ang mga nakalatag kung hindi naman tayo magiging masaya. paano tayo magiging masaya kung lagi lang tayong napipilitan? kailangan nating sundin kung ano ang sinasabi ng sarili natin. to top it all, malaki ang pagkakaiba ng tama at dapat, pwede at tama. salamat po sa pagbabasa!

  7. naku pinatamaan si nora aunor hehehe LOL

  8. Walang himala!!! teka si nora aunor nga ba ang tinutukoy mo? ehehhehe

    Minsan kasi porket nakasanayan nating gawin , hindi na masama ang gawain :/

  9. glentot, bagotilyo, hala? lagoth kayo! nagbigay kayo ng pangalan! haha

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile