Biyernes, Oktubre 5, 2012 sa ganap na 3:02 AM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments


Magpapasko na pala. Magiging masaya muli ang buong bansa. Bukod sa pagbaha ng ngiti at pabati sa isa’t isa, panahon na ng pagbibigayan ng regalo.
Kalakip din ng ispiritu ng kapaskuhan ay ang katahimikan sa ating mga sarili. Dahil gusto nating magdiwang na maligaya, hahanapin natin ang mga nakasamaan natin ng loob upang makipag-ayos. Kakalimutan natin ang pait ng kahapon para tikman ang tamis ng pagbabalik-ugnayan.
Kahit napahirap ng Pilipinas, kaya pa rin nating ipagdiwang ang tradisyonal na kapaskuhan. Ang sana’y isang espesyal na araw lang ay nagawa nating humigit kumulang apat na buwan.
Sa pagsapit ng kalendaryo sa Setyembre, mag-uumpisa nang sumulpot ang mga palamuti sa daanan, tindahan at mga gusali. Dadaan ang ika-25 ng Disyembre ngunit hindi pa magtatapos ang kakaibang simoy ng paligid. Darating pa kasi ang tatlong hari ayon sa matatandang kwento.
Kaya paborito ng mga negosyante ang Paskong Pinas, eh. gustong gusto nila ang napakaraming paniniwala ng mga Pinoy. Naririnig na nila ang kalansing ng pera mula sa pagtangkilik natin sa kanilang mga produkto.
Nakasanayan na kasi natin ang pagbili ng bagong damit. Hindi kasi kumpleto ang pasko kapag nawala sa listahan ng mga bago ang sapatos, damit o pantaloon. Mahirap kayang mapag-iwanan, makita ang ibang mga batang taas noong naglalakad suot ang kani-kanilang mga ‘pamas’ na damit (pamasko). Hindi pa natatapos dahil magtatanungan pa tayo kung anong pangalan ng tindahan ang napagbilhan, magkano at kung orihinal.
Malulungkot naman ang bahay natin kung kahit parol lang hindi pa natin maisabit. Panahon din kasi ngayon ng pataasan ng Christmas tree at pagandahan ng disenyo ng mga palamuti. Sikat sa kapit-bahayan natin kung mayroon tayong halos magsing-abot na kisame at puno. Dagdagan pa ng napakaraming bola sa paligid, bituin sa tuktok at ng mga naglalakihang kahon ng regalo sa ibaba. Hindi ba naman tayo dumugin ng comments sa facebook. Idagdag pa natin sa ‘merry christmas’ na album ang mga pagkain sa noche buena. Mas masikip na lamesa, mas masayang pagsalubong sa ‘kapanganakan ni Hesus.’
Magsusulputan ang mga mababait na tao sa paligid. Dahil ang pasko ay panahon ng pagbibigayan, kaliwa’t kanan din ang sumusubok na katukin ang natutulog na kabusilakang puso ng mga Pinoy. Sino ba naman ang makakatanggi kung langit na ang tinapat sa’yo? Ang pangakong walang hanggang buhay ang iyong sandalan.
Normal ba ako kung sasabihin kong hindi na ako naniniwala sa pasko? Hindi ako sumapi sa Iglesia. Lalong hindi rin ako nagdadahilan lang para makatakas sa mga inaanak ko.
Wala na kasi akong kinikilalang diyos. Hindi na ako naniniwala. Isang araw nagising na lang akong hindi na nagdarasal. Umaasa na lang sa aking potensyal, lakas at talino para magawa ang bagay na gusto ko. kumikilos hindi para pasiyahin ang ‘nasa itaas’ na dati kong laging pakay. Bagkus, gumagalaw ako dahil gusto ko. masarap sa pakiramdam.
Sa paglaho ng kaisipan ng langit, nagbigay ito sa akin ng tunay na kalayaan. Hindi ko na iniisip ang konsekwensya ng mga kinikilos ko. may nagmamasid man o wala. May nagbibilang man ng kabutihan o wala. May tumitimbang man sa bigat ng naitulong ko o wala. May langit man o wala. Mas tunay kasi ang pagtulong, para sa akin, kung gagawin mo ‘yun para sa tinutulungan mo at hindi para matuwa ang kung sinumang sinasamba natin.
Walang relihiyon. Walang kaitaastaasan. Walang batas at utos na sinusunod galing sa hindi mabatid na persona.
Simula nung lumihis ako sa landas na tinatahak ng nakararami, natagpuan ko ang sarili kong mas masaya. Mas malayang nakapagdedesisyon dahil walang lubid na nagpupumilit igapos ang kamalayan kesyo labag sa batas. Masasaktan umano ang tagapagligtas.
Ngayong darating na pasko, sigurado akong magiging iba.
Hindi na ako magpipilit gumising para makapagmisa ng madaling araw o gagawa ng napakaraming seremonyas manatili lang gising sa panggabing simba. Hindi ko kasi nakikita ang sakripisyong tinatawag nila sa pagbuo ng siyam na araw. Kung tutuusin, ginagawa iyon ng mga mananampalataya para matupad ang kanilang hiling. Ang sakripisyo, para sa akin, ay ang paggawa ng bagay na walang hinihingi at hinihintay na kapalit. Bukal sa loob.
Uso sa simbahan namin, noong nagsisimba pa ako ang pagpapaikot muli ng parokya ng kanilang basket para sa pangalawang donasyon. Ito umano ay mapupunta sa mga kapos, hindi ‘nabibiyayaan’ at sa mga ‘nakalimutan nang magdasal.’ Idagdag ko pa sa bubuhos na ambon sa kanilang buhay ang kinolektang iba’t ibang goods mula sa araw araw na ‘assignment’ para sa mga nagsisimba.
Hindi ko tinutuligsa ang ginagawang pagtulong ng simbahan. Lalo pa at nakikita ko na masaya ang mga tao na naglalakad papunta sa donation box. Pero bakit tuwing pasko lang natin naiisip tumulong? Tuwing pasko lang nakakaalala ang simbahan na mayroon palang mahihirap na kailangang lingunin?
Kasi kailangan nating patunayan bago sumapit ang bagong taon na mayroon tayong nagawang maganda, nakatulong tayo sa ating kapwa. Para may ebidensya tayo. Kasabay ng ‘pagsasakripisyo’ natin ng siyam na araw, mayroon tayong dala dalang pampadulas na regalo para mapabilis ang ating pakay.
Maganda sana ang pagbibigayan kung hindi tayo obligado. Tunay na masarap sa pakiramdam ang pagtulong kung hindi tayo umaasa ng kapalit.
Naalala ko tuloy ang isang eksena noong nasa kolehiyo pa ako. Binigyan kami ng kapangyarihan ng propesor namin na bigyan ng puntos ang hawak naming test paper. Nilagyan ko ng perfect 10 ang aking kaklase. Sa pagtanggap ko ng aking test paper, nakita ko na 7 lang ang ibinigay sa akin.
“Ten pa naman ang binigay ko sa tsinekan ko,” sabi ko sa bestfriend ko habang nakatangan sa papel sa harapan.
“Kasalanan mo ‘yan, naging mabait ka eh.”

4 Responses so far.

  1. may kanikanya tayong dahilan kung bakit nagdidiwang tayo ng pasko. may iba't iba din interpretasyon sa kahulugan nito. ang iba, regalo, inaanak, magtago, puto bumbong, bagong damit, pagsasama sama ng pamilya. at marami pang iba, yan ang lumalabas at nakikita natin sa mga nakararami.

    bakit nga ba may pasko? ano ang tunay na kahulugan nito?

    boss tayo ng ating mga sarili. walang karapatan ang sinuman na humawak nito at pasunurin sa kanyang nais.

    magaling ang iyong punto sir. nag-iisip din ako dito. :)

  2. Baka it's better to give than to receive as long as you're receiving more than you have given LOL. Christmas is a time of giving (and receiving) at para sa ibang tao, yun na yun. Mahirap nga kumontra sa notion ng nakararami sa Pasko so hayaan na lang. At least masaya ang lahat, kahit sa sandaling panahon lang.

  3. @TAMBAY, tama ka. mas maganda nang ipagdiwang ang pasko sa pagsasama ng pamilya. sa tingin ko, ayon ang pinakamagandang dulot ng pasko sa lahat ng tao, ang pagbuklodbuklod KAHIT sa Disyembre man lang.

  4. @glentot, yun nga eh. kung nakakaramdam tayo ng kasiyahan sa pagbibigay natin, sana ginawa natin iyon sa buong taon. hehe.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile