Miyerkules, Oktubre 31, 2012 sa ganap na 3:41 PM sinalpak ni tadong daniel 2 Comments



Edad, pangalan, tahanan, pamilya, kasarian, tatak ng damit, pananalita, kulay ng balat, mga kinakain, paaralan, perang hinahawakan, sasakyan, pinapanuod, ranking at posisyon. Ilan lamang iyan sa mga lantarang nagbibigay ng dibisyon sa pagitan ng mga tao. hindi natin ito batid ngunit ipinaparamdam sa atin ng mga nakahelera sa itaas na tayo ay hindi pantay pantay. Na kailangan nating tanggapin na tayo ay ganito lamang at sila ay ganyan na talaga. Ipanapamukha sa ating mga mulat ang katotohanang tayo ay dapat lumagay sa ating lebel. Masakit.

Isa pa sa nagpapahiwalay sa atin ay ang pagkakaroon natin ng talento. Sa paaralan, malaki ang ginagampanan ng mga talentadong bata sa tuwing may program. Hanap agad sila ng mga organizers upang maging bida o di kaya ay maging pampagising sa gitna ng kanilang programa. Ito namang mga hindi binayayaan, isinisilid na lamang sa sulok at hindi na muling papakialaman pa. karaniwan nandoon na lamang sila sa pag aayos ng props o hanggang back stage na lang.

Kasama rin sa tunggalian ng mga estudyante ang panahon ng paghahanap ng kaligayan sa kanilang buhay. Nasaksihan ko ang isang eksena kung saan ang isang estudyanteng hindi masyadong nabigyan ng matinding pagmamalaki ay naghangad din na humarap sa maraming tao. yung bang kahit na hindi niya magawa ang magsayaw at kumanta gaya ng isang tunay na performer, masaya na siya. kahit papaano sa huling pagkakataon ay mapalakpakan siya ng mga manunuod. Masarap din kasi sa pakiramdam na kahit hindi ganoong kaperpekto ang nagawa, may nakatanggap. Ngiti at palakpakan, sapat na.

Gayon pa man, may mga talentado pa rin na nabahala sa pagsingit sa eksena ng mga nagpupumilit maging talented. Papaano nga naman ang mga nais mag perform ng tunay at hindi nakakatawa? edi masasapawan ng mga nagpapatawa lang ang mga seryosong mang aawit?

Ngayon, nagdadalawang isip na ‘ko kung magsasayaw pa ako sa harap ng maraming tao. nakakatakot ang mga mata ng maraming tao. hindi ko alam kung dapat pang ituloy ang nahusgahan nang talento bago pa man ilatag sa madla. Dahil alam ko na pagkatapos ng pagtatanghal, sa likod namin may nakadikit, naroroon ang mga katagang hindi ikatutuwa ng lahat. Mahahati muli ang tingin ng mga tao. mabubuksan ang panibagong dibisyon na tanging pinakaiingat ingatang mahalata.

PS. Ang isip ng tao ay isa pa sa nagpapahiwalay sa isa’t isa. Marahil nga ay nasa isip lamang ang pagkakaiba iba ng mga tao, ngunit ramdam na ramdam naman ito ng kahit na sino.

Sabado, Oktubre 6, 2012 sa ganap na 11:40 PM sinalpak ni tadong daniel 9 Comments


tawa ka ng tawa, mamaya iiyak ka diyan. huwag kang gagala kapag malapit ka nang magtapos sa pag-aaral, lapitin ka ng disgrasya. huwag kang mag iipon, para mo na ring pinaghandaan ang pang ospital mo. huwag kang magpupula kapag umuulan, tatamaan ka ng kidlat. ang dami mo nang absent, lagot ka kay ma’am. hindi ka man lang tumulong sa mga gawain natin, huwag kang umasa na mataas ang grado mo. bawal tumawid, tangina ka!

dito sa pilipinas, bawat kibot natin laging may kaakibat na pananakot. karaniwan sa mga ito ay pumipigil na gawin natin kung anong nagbibigay o magbibigay ng kaligayahan sa atin. marami sa atin marahil ay nalaman ang mga ganitong pamahiin mula sa ating mga lola o di kaya ay sa magulang. 

higit pa sa mga nasa itaas, may isang paniniwala ang mga pinoy na lubhang mahalaga ngunit sinasantabi natin. isinasawalang bahala dahil wala naman sinabi si lola na maaari tayong mabulag, maputulan ng kamay, katihin, magutom, tamaan ng kidlat, o mamatay kapag ginawa natin ito. ni si nanay, walang pakialam. sa katunayan, sila pa mismo ang nagturo sa atin na suwayin ito. 

naaalala mo pa ba noong kabataan mo? habang abala ka sa paglalaro ng teks, tinawag ka ng tatay mo para bumili ng redhorse sa kabilang kanto. dahil sa takot na mapagalitan, iniwanan mo ang mga kalaro mo, tumakbo sa suking tindahan at bumili. sinuklian ka ng tindera. doon din sa tindahan, nakakita ka ng isang plastic ng teks, limang piso kada balot. sakto sa sukling hawak mo. alam mong lasing na si tatay, naisip mong hindi niya mapapansin na kinuha mo ang sukli. binili mo ang teks. tama ka, hindi niya alam na may sukli dahil sa kalasingan. 

isang gabing madilim, bilog na bilog ang buwan, pinalaki ka ng magulang mong may takot sa multo. sinasama ka ng nanay mo na pumunta sa nayon upang makipyesta sa mga kamag anak doon. pilit kang tumatanggi, nagpupumiglas, naglulumpasay, sinasapian ata. sige na anak, pag sumama ka bibilan kita ng maraming laruan at may bente pa. tumahan ka sa pagwawala na parang tinurukan ng pampakalma.

minsan pa nga kapag tinatamad kang gumawa ng assignment diba to the rescue kaagad si nanay para sa pampagana? pag natapos mo yang pinapagawa sayo ng titser mo, bibili tayo ng ice cream, yung magnum? naku anak, waley ang you and me sitting on a tree doon. pang mayaman! abot tainga ang ngiti, naglalaway mo pang tinatapos ang takdang aralin mo. 

sumama ka sa nanay mo mamalengke para sa pagkain niyo kinagabihan. sa pag iikot, nagutom kayo sa pamimili ng mauulam. ginamit niyo yung natirang pera pang meryenda. sinabihan ka ng nanay mo na huwag sabihin sa tatay mo na may sukli pa dahil baka hingin pa ito at walang maibigay. 

nakakita ka ng cake sa refrigirator. tinikman mo saka ka nagpaalam, sinabi ng mama mo na bawal kasi para yun sa mga kaklase ng kuya mo. pero dahil nakakuha ka na, abswelto ka. 

apat kayong magkakapatid pero walang gustong magwalis at maglampaso ng sahig. may kunwaring tulog, may kunwaring nahihirapan sa assignment, may kunwaring masakit ang paa, at may kunwaring nagre review para sa exam bukas. nakita mo ang tatay mong iba ang tingin sayo. nakangisi ng kaunti may kasama pang kindat. alam mo na ibig sabihin non. kapag sumunod ka sa utos, may premyo kang matatanggap. biglang gumaling ang sakit ng tuhod mo at kumilos ayon sa iniutos. 

ngayong malaki ka na, nagtatrabaho ka na sa gobyerno. malaki ang ginagampanan mo ngayon sa pag unlad ng bayan. isa ka sa mga inaasahan ng mamamayan na mag aangat ng ekonomiya ng bayan. pinagmamalaki ka ng magulang mo, maging ng buong bayan kung saan ka hinubog ng panahon. naialis mo ang pamilya mo sa kahirapan. may kotse, condo, bahay at lupa. masipag ka kaya tinatamasa mo ngayon ang ganyang karangyaan. 

dumating ang mga balita isang araw. punong puno ka umano ng ilegal na aktibidades. nagulat, natulala, tumanggi at umiwas. anak bakit? hindi ka ngayon makasagot dahil alam mo ay wala kang inaargabyadong tao.

nasanay ka kasing sa tuwing kumikilos ka ay may pampadulas para mas mapabilis ang proseso. hindi alintana sayo ang sobrang presyo ng mga pinamiling materyales tutal naman ay pinangkakain niyo ang mga natirang pera. alam na alam mo ang mga ibig sabihin ng kindat at senyas para manalo sa bidding, may komisyon ka kasi. higit pa roon alam mong hindi ka makukulong sa ginagawa mo dahil kaibigan mo ang batas.
ngayon, babalikan ka ng nanay at tatay mo. tatanungin kung bakit ka nagkaganyan samantalang pinalaki ka nila ng maayos at matino. 

ngayon, maraming magulang ang nagpapayo sa kanilang mga anak na huwag tularan ang babaeng may nunal na kinasusuklaman ng lahat. 

ngayon, sasabihin nilang wag kang kukurap. e ano ngayon? wala namang masama sa pag kurap. hindi ba nay, tay? 

Biyernes, Oktubre 5, 2012 sa ganap na 3:02 AM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments


Magpapasko na pala. Magiging masaya muli ang buong bansa. Bukod sa pagbaha ng ngiti at pabati sa isa’t isa, panahon na ng pagbibigayan ng regalo.
Kalakip din ng ispiritu ng kapaskuhan ay ang katahimikan sa ating mga sarili. Dahil gusto nating magdiwang na maligaya, hahanapin natin ang mga nakasamaan natin ng loob upang makipag-ayos. Kakalimutan natin ang pait ng kahapon para tikman ang tamis ng pagbabalik-ugnayan.
Kahit napahirap ng Pilipinas, kaya pa rin nating ipagdiwang ang tradisyonal na kapaskuhan. Ang sana’y isang espesyal na araw lang ay nagawa nating humigit kumulang apat na buwan.
Sa pagsapit ng kalendaryo sa Setyembre, mag-uumpisa nang sumulpot ang mga palamuti sa daanan, tindahan at mga gusali. Dadaan ang ika-25 ng Disyembre ngunit hindi pa magtatapos ang kakaibang simoy ng paligid. Darating pa kasi ang tatlong hari ayon sa matatandang kwento.
Kaya paborito ng mga negosyante ang Paskong Pinas, eh. gustong gusto nila ang napakaraming paniniwala ng mga Pinoy. Naririnig na nila ang kalansing ng pera mula sa pagtangkilik natin sa kanilang mga produkto.
Nakasanayan na kasi natin ang pagbili ng bagong damit. Hindi kasi kumpleto ang pasko kapag nawala sa listahan ng mga bago ang sapatos, damit o pantaloon. Mahirap kayang mapag-iwanan, makita ang ibang mga batang taas noong naglalakad suot ang kani-kanilang mga ‘pamas’ na damit (pamasko). Hindi pa natatapos dahil magtatanungan pa tayo kung anong pangalan ng tindahan ang napagbilhan, magkano at kung orihinal.
Malulungkot naman ang bahay natin kung kahit parol lang hindi pa natin maisabit. Panahon din kasi ngayon ng pataasan ng Christmas tree at pagandahan ng disenyo ng mga palamuti. Sikat sa kapit-bahayan natin kung mayroon tayong halos magsing-abot na kisame at puno. Dagdagan pa ng napakaraming bola sa paligid, bituin sa tuktok at ng mga naglalakihang kahon ng regalo sa ibaba. Hindi ba naman tayo dumugin ng comments sa facebook. Idagdag pa natin sa ‘merry christmas’ na album ang mga pagkain sa noche buena. Mas masikip na lamesa, mas masayang pagsalubong sa ‘kapanganakan ni Hesus.’
Magsusulputan ang mga mababait na tao sa paligid. Dahil ang pasko ay panahon ng pagbibigayan, kaliwa’t kanan din ang sumusubok na katukin ang natutulog na kabusilakang puso ng mga Pinoy. Sino ba naman ang makakatanggi kung langit na ang tinapat sa’yo? Ang pangakong walang hanggang buhay ang iyong sandalan.
Normal ba ako kung sasabihin kong hindi na ako naniniwala sa pasko? Hindi ako sumapi sa Iglesia. Lalong hindi rin ako nagdadahilan lang para makatakas sa mga inaanak ko.
Wala na kasi akong kinikilalang diyos. Hindi na ako naniniwala. Isang araw nagising na lang akong hindi na nagdarasal. Umaasa na lang sa aking potensyal, lakas at talino para magawa ang bagay na gusto ko. kumikilos hindi para pasiyahin ang ‘nasa itaas’ na dati kong laging pakay. Bagkus, gumagalaw ako dahil gusto ko. masarap sa pakiramdam.
Sa paglaho ng kaisipan ng langit, nagbigay ito sa akin ng tunay na kalayaan. Hindi ko na iniisip ang konsekwensya ng mga kinikilos ko. may nagmamasid man o wala. May nagbibilang man ng kabutihan o wala. May tumitimbang man sa bigat ng naitulong ko o wala. May langit man o wala. Mas tunay kasi ang pagtulong, para sa akin, kung gagawin mo ‘yun para sa tinutulungan mo at hindi para matuwa ang kung sinumang sinasamba natin.
Walang relihiyon. Walang kaitaastaasan. Walang batas at utos na sinusunod galing sa hindi mabatid na persona.
Simula nung lumihis ako sa landas na tinatahak ng nakararami, natagpuan ko ang sarili kong mas masaya. Mas malayang nakapagdedesisyon dahil walang lubid na nagpupumilit igapos ang kamalayan kesyo labag sa batas. Masasaktan umano ang tagapagligtas.
Ngayong darating na pasko, sigurado akong magiging iba.
Hindi na ako magpipilit gumising para makapagmisa ng madaling araw o gagawa ng napakaraming seremonyas manatili lang gising sa panggabing simba. Hindi ko kasi nakikita ang sakripisyong tinatawag nila sa pagbuo ng siyam na araw. Kung tutuusin, ginagawa iyon ng mga mananampalataya para matupad ang kanilang hiling. Ang sakripisyo, para sa akin, ay ang paggawa ng bagay na walang hinihingi at hinihintay na kapalit. Bukal sa loob.
Uso sa simbahan namin, noong nagsisimba pa ako ang pagpapaikot muli ng parokya ng kanilang basket para sa pangalawang donasyon. Ito umano ay mapupunta sa mga kapos, hindi ‘nabibiyayaan’ at sa mga ‘nakalimutan nang magdasal.’ Idagdag ko pa sa bubuhos na ambon sa kanilang buhay ang kinolektang iba’t ibang goods mula sa araw araw na ‘assignment’ para sa mga nagsisimba.
Hindi ko tinutuligsa ang ginagawang pagtulong ng simbahan. Lalo pa at nakikita ko na masaya ang mga tao na naglalakad papunta sa donation box. Pero bakit tuwing pasko lang natin naiisip tumulong? Tuwing pasko lang nakakaalala ang simbahan na mayroon palang mahihirap na kailangang lingunin?
Kasi kailangan nating patunayan bago sumapit ang bagong taon na mayroon tayong nagawang maganda, nakatulong tayo sa ating kapwa. Para may ebidensya tayo. Kasabay ng ‘pagsasakripisyo’ natin ng siyam na araw, mayroon tayong dala dalang pampadulas na regalo para mapabilis ang ating pakay.
Maganda sana ang pagbibigayan kung hindi tayo obligado. Tunay na masarap sa pakiramdam ang pagtulong kung hindi tayo umaasa ng kapalit.
Naalala ko tuloy ang isang eksena noong nasa kolehiyo pa ako. Binigyan kami ng kapangyarihan ng propesor namin na bigyan ng puntos ang hawak naming test paper. Nilagyan ko ng perfect 10 ang aking kaklase. Sa pagtanggap ko ng aking test paper, nakita ko na 7 lang ang ibinigay sa akin.
“Ten pa naman ang binigay ko sa tsinekan ko,” sabi ko sa bestfriend ko habang nakatangan sa papel sa harapan.
“Kasalanan mo ‘yan, naging mabait ka eh.”

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile