‘to talaga ang gusto ko kung bakit pinananatili ko ang shuffle on at repeat all sa mp3 player ko. nagkakaroon ng pagtutugma ng natatapat na kanta at ng nararamdaman ko ngayon. Ang sarap sa pakiramdam.
Isinasatitik at binibigyan ng magandang melodiya ang gusto kong isigaw sa kalawakan. Alam kong walang sasagot. Pero tulad ng mga kanta, sinulat ito kahit hindi alam ng kompositor kung may kakanta ba kapag nailabas na sa merkado. Kung may magtatyagang pakinggan ang bawat letrang inilabas ng kanyang puso. Kung may sasabay bang puso sa bawat kumpas ng gitara at hampas ng tambol. Kung ituturing ba ‘tong buod ng buhay ng isang tao. Kung magiging palamuti na lang ba ang plaka niya sa piyesta sa nayon. O maitatago sa isang kahon, maaalala lang na naging parte ang kanta ng kanyang bihay isang araw habang naglilinis ng baul. Napakaraming maaring kahinatnan ng isang kanta. Hanggang sa huling sulyap ng mga nagmamahal sa atin ay pupwede itong patugtugin.
Kanlungan ni Noel Cabangon
Una kong nasayaw noong nasa mababang paaralan pa lang ako. Paksa kasi ng asignatura naming ang locomotive at di-locomotive. Para maipakita naming sa guro at mapatunayan na naintindihan namin ang dalawang uri ng galaw, kailangan naming maggrupo-grupo at bumuo ng presentasyon gamit ang mga galaw. Sayaw ang ginawa namin sa saliw ng kantang Kanlungan. Dito kami sa bahay nag-ensayo. Maganda ang kinalabasan.
Dumaan ang hayskul at kolehiyo, hindi ko na alam sayawin ang Kanlunga. Ang pinaghirapan namin ng ilang araw ay ganoon na lang lumisan. Hindi ko na kilala ang ilan sa mga nakasama ko noong sinayaw namin ito sa eskwela.
Isang araw nakita ko sa Youtube ang video nito. Agad kong dinawnlowd ang kanta. Nilagay sa memory card. Ilang araw ang lumipas, muli ko itong nakaligtaan. Hindi narinig. Noon ay lumakas ang kagustuhan kong hanapin ang mga kasama ko sa nasabing sayaw. Silang mga lumang tao. Makipagkwentuhan. Alamin ang mga bago sa kanilang buhay. Ang kabuluhan ng kanta ay naglaho kasabay ng pagkawala nito sa aking pandinig.
Ngayon, habang hinaharana ng Kanlungan ang aking gabi, nagaganap ang isang maliit na pagpupulong ng aming Brgy. Patuloy pa rin kasi kaming tumututol ang mga opisyal ng lugar naming sa kagustuhan ng NHA na paalisin kami at itambak sa Gaya Gaya , Bulacan. Iginigiit pa rin na hindi pa lubusang sira ang aming kinagisnang lugar. Lumalaban at umaasang mapakinggan ang bawat panig.
Ba, mahirap iwan ang lugar na pinagmulan mo, a. para ka na ring binigyan ng selective amnesia. ‘yung tipong may sumisingit na kahapon sa’yong isipan ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi mo mabuo? Ang mga sulat sa pader, baho ng lugar, ingay ng mga bata, kwentuhan kasama ang mga kapitbahay, parte yan ng memorya. Bahaging hindi mapupunuan ng mansion o bagong bahay.
Beinte uno anyos pa lang akong nabubuhay dito. Nagkaisip. Ngunit nabigyang halaga lang ang lugar namin kung kailan alam ko na kaunti na lang ang pamamalagi dito. Kung kailan kukunin na sa amin at mukha wala nang balak ibalik.
Kung para sa akin masakit ang malayo rito, paano pa kaya silang mga nauna ditong manirahan? Silang buong buhay ay naririto? Lahat ng kanilang nakasanayan, hininga, hinugot sa baul na karanasan, at ang kanilang mga naubong prinsipyo’t paniniwala ay tila mananakaw sa kanila.
Gusto ko rin sanang maibahagi sa mga magiging anak ko ang mga aral na naidulot ng lugar namin. Ipapakilala ko sa kanila ang mga kaibigang naghubog ng pagkatao ko. ang mga kapitbahay. Ang mga lugar na lagi kong pinupuntahan kapag malungkot ako.
Pero ganoon yata talaga. Ituturing ko na lang bula ang mga ito. Sa isang sundot, mawawala. Makakalimutan.
May mga bagay na hindi natin kayang pigilan. Bagama’t kaya nating patagalin ang kaganapan, darating at darating sa puntong tatanggapin na lang natin ang kapalaran.
Lahat kami gunita na lang ang matitira. Na kung mabigyan kami ng pagkakataon na makabalik dito, sa naging tahanan namin, bagong alaala na ang aming mahahabi. Wala nang mga nakasanayang gawi.
PS: hindi kmi iskwater pero kung ituring kami ng NHA ay para bang nakadudumi kami sa imahe ng Maynila.