TALO AKO SA LABANG ITO.
Tama, kailangan natin matanggap ang riyalidad.
Sasabak ba tayo sa gyera nang walang inaasahang pagkatalo? Manunuyo ba tayo ng babae kung pawang sagot lamang ay oo? Bibigyan ba tayo ng pagsusulit kung ang lahat naman makakapasa?
Upang maging ganap ang pagtanggap, kailangan nating isuksuk sa isipan natin ang pinakamasaklap na maaaring mangyari sa ating pinasukan. Oo masakit ngunit ito na ang pinakamadaling paraan, ang pangunguna sa pagkabigo.
Nang sa gayon, sa oras ng paghuhukom, kung sakaling hindi umayon sa swerte ang panahon, o di kaya’y hindi pa sumapat ang naipakitang gilas, maganda na iyon at napaghandaan na natin ang pagkalugmok. Hindi na masyadong masakit ang hagupit ng balita.
Naaalala ko pa ang palagiang dayalogo ng guro ko sa journalism sa tuwing lalaban kami sa paligsahan ng pagsusulat, less expectations, less frustrations. Gayon na lamang sana tayo lagi para wala nang masaktan pa. huwag na tayong masyadong umasa pa.
WAG MATAKOT KAY LIMITASYON
Hamunin siya. gaya ng pagpilit natin sa sarili tuwing tayo’y may pagsusulit. Alam nating hanggang alas nuebe lamang tayo at naghihilik na, ngunit heto tayo’t inumaga na sinisikap na maintindihan ang bawat inaaral.
Maraming nagsasabe na alamin natin ang limitasyon. Tama sila. Pero, hindi nila sinabe na ang limitasyong iyon ay bangin na kapag sinubok, maaaring ikamatay. Bakod lamang ang limitasyon na maaaring silipin, kung kakayanin, talunan at lagpasan pa.
Kung hapo na sa laban, ramdam na ang kakapusan ng hininga, magpahinga muna, magipon ng lakas, takbo ulit. Kinabukasan makikita natin ang sarili na nakangiti dahil natapos natin ang laban at hindi sumuko. Nariyan ang salitang bukas na nagpapahiwatig na ang kahapon ay tapos na. maaaring lingunin ngunit hindi na pupwede pang balikan. Kung baga, isang hakbang sa papalayo sa mahinang tayo. Kahit sobrang lakas na ng tingin ng iba sa atin, gawin natin goal ang kahapon na nais lagpasan.
Kilala rin ba natin si praktis? Hindi ito inimbento upang magkaroon ng perpekto sa lupa. Nabuo ito upang maabot ang tunay na minamata ng puso. Ano nga ba ang gusto natin? Hindi ba’t ang maging magaling pa kaysa sa sarili natin kaysa kahapon?
Hamunin natin ang sarili natin gaya ng paglalagay ng kuwit sa ating buhay sa halip na tapusin ito ng tuldok, dahil alam nating mayroon pang itutulak.
Mag-post ng isang Komento