Biyernes, Mayo 4, 2012 sa ganap na 8:18 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Nakakatuwa. Sa huling pagkakataon ng pagiging estudyante ko ay makatatanggap ako ng pera mula sa kongresista namin. Naaalala ko pa noong isang linggo, nagpapa photocopy pa lang ako ng registration card ko, ngayon nakapila na ako para kumuha ng pera. Scholarship program nga pala ang tawag dito, baka sabihin niyo nagpapabayad ako para sa boto ko sa next year election ah.

Akala ko simpleng kuhaan lang ng pera ang magaganap. Pagdating ko pa lang sa venue nagulat ako sa napakaraming nakakahel. May malaking amplifier pa at may nagsasalita ng kung anu ano. Sinuri ko ng maigi at pilit na inintindi ang aking pinasok. Napagtanto ko ng mga limang minuto, tama, scholarship program nga pala ito, PROGRAM. Natural nga pala sa mga programa ang mga ganitong pangyayari.

Mapapansin din sa lugar ang napakaraming bata, malamang sila ang mga bibigyan ng pera ng aming minamahal na kongresista, kasama ako. hayup! Sa gitna ng mga nagkukumpulang mga tao para makaharbat ng panlaman ng tiyan, ay mali!, para pala makatanggap ng tulong pang edukasyon ay may tumayong lalake sa harapan. Nagpakilala siyang political adviser ng tagapagbigay ng pera.

Adviser, isang taong maalam sa sitwasyon kaya nagkaroon ng kakayahan na magbigay ng karampatang solusyon o sagot sa pangyayari. (weh?)

Political, marinig ko pa lang ang salitang iyan iba na ang tumatakbo sa utak ko. Pakiramdam ko napakamautak ng taong ito upang tumagal sa ganoong posisyon. Napakarumi kasi ng trabahon ‘yon. Tila isa itong laro na kapag nagmalinis ka sa laban ay tiyak ang ‘yong pagkatalo. (sana mabago ang pananaw ko sa mga susunod na oras, araw, buwan o taon.)

Pakiramdam ko ang mga taong nais pumasok sa politika ay hindi lubusang kagustuhan ang tumulong sa kapwa. Kung idadahilan nila ang pagnanais na mapaunlad ang pamumuhay ng kanilang kababayan, hindi sago tang pagtakbo nila sa posisyon. Napaka narcissist naman nila. Ano ‘yon, sila ang sagot sa kahirapan? Ang mag aangat sa buhay natin?

Samantalang pwede namang makatulong sa bayan kahit wala sa posisyon. Naglipana ang mga Non Government Organizations, mga maliliit na grupong kahit walang suporta ay tuloy pa rin ang pag-ambag sa kabutihan ng mamamayan. Kahit walang sahod, ang totoo hindi ko alam ang sahod doon sa NGOs, ngunit ang fulfillment naman na maaaring ibigay nito sa atin ay walang kapantay na salapi. Ang maging parte ng ngiti ng mga taong hindi natin kilala, malaman lang natin na ang nagawa natin ang dahilan ng pagkakaroon nila ng tubig, makakaen, damit o anupang mga tulong ay sobra na sa pampataba ng puso.

Naisip ko tuloy kung tunay nga ba itong pagtulong sa mga estudyante o isang uri lamang ng pamumulitika. Isa kaya ito sa mga ipinayo ng nagsalita kanina? Taktika dahil napakalapit na ng eleksyon? Nabalitaan ko pa lang 1,500 na lang ang makukuha ko rito sa halip na 2,500. Bagama’t maliit kumpara sa grant ng ibang mga lugar, sa tingin ko ay sapat na ito bilang wala na rin namang pasok. Pagdarasal ko na lang na nasa ang ibang mga budget n gaming bayan ay mapunta sa nararapat na kalagyan. 

0 Responses so far.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile