isang dangkal na lang ang araw bago palitan ng buwan. sa kabilang dako naman ang buwan ay hindi ko alam kung susulpot kaagad o maghihintay ng mga kasamahang bituin upang maghatid ng pagtatanghal sa kadiliman ng langit.
wala akong ideya kung mayroong moon watching, paglubog man o pag angat. kumpara sa aktibidad ng haring araw na ang pagsikat ay hindi tinutulugan at ang pamamahinga ay sinasabayan.
ngayong araw, isang tulog bago ang aming pagtatapos, hindi ako pinagbigyan makipagtalik kay araw. binigo niya kaming mga nasa tapat ng Manila Bay na makasama siya hanggang sa huling silip ng liwanag. tanging kahel lang ang naaaninagan.
hinanap ko ang buwan. gusto ko sanang makita ang entrada ng palabas niya. kumbaga sa araw, sumisilip muna sa likod ng bundok, papaangat, hanggang sa maabot ng liwanag nito ang buong kapaligiran. sa buwan naman, mapapansin lamang natin ito kapag napakaganda ng porma nito sa langit. kapag kakaiba ang liwanag na dulot nito sa gabing ‘yon. kapag may nagsabi sa atin na sulyapin ang hangin. kapag malungkot tayo at naghahanap ng makakasama.
wala akong makitang buwan. wala akong makitang araw. hindi ko na rin masukat ang araw dahil tuluyan na itong nagtago. mga ulap na lang ang nagsasabing nasa tapat pa siya ng kaunting bahagi ng Pilipinas.
at hindi maglalaon, kapag nagmatigas ang China, hindi na rin natin malalaman kung hanggang saan ba talaga ang tunay na sa atin. patuloy ba tayong sasandal na lamang sa higanteng USA? o magkakaroon tayo bigla ng bayag? matikas kayang maninindigan ang mga Pilipino kahit buwan na lang ang tanglaw ng pag asa?
sa oras na tumiklop ang mga kano sa mga intsik, tiyak na manlalaki ang mga mata nila sa nakabulatlat na oportunidad. hindi magandang mangyari muli ang napakakulay na kasaysayan ng ating bansa. hindi na rin kasi katulad dati ang pananakop ng mga malalakas na bansa. napakarami nang mga makabagong armas, at aminin natin na kulang tayo nito.
sana hindi tayo matulad sa araw at buwan. salitang magsasakupan ng lupain. lulubog at lilitaw depende sa itinakda ng panahon at ng oras. maging malakas nawa tayong hilain ang araw kung kailangan ng matinding init ng nasyonalismo. hindi napag aaralan iyon. wala sa edad. nasa puso ‘yan at pag unawa sa bayang kinagisnan.
tag tag
agaw agimat
,
araw
,
araw at buwan
,
buwan
,
kwento
,
maikling kwento
,
nasyonalismo
,
pilipinas
,
pilipino
,
pinoy
,
sabi nila
,
sulat
0 Responses so far.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Mag-post ng isang Komento