Linggo, Mayo 6, 2012 sa ganap na 3:17 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments




Habang pinagmamasdan ko ang mga litrato sa itaas, hindi mapigilang gumuhit sa aking labi ang ngiting dulot ng aming karanasan sa pag akyat sa bundok. Nanunumbalik sa aking alaala ang lahat ng masasayang pangyayari sa loob lamang ng walong oras na pakikipagbuno sa likas na kagandahan ng mundo.

Sinubukan kong kuhanan ng video ang aking paglalakad paakyat, kasama ng aking mga kaibigan at ang buong kapaligiran, ngunit hindi naging sapat itong gamit kong cellphone upang maging ebidensya ng pagiging masining ng may gawa nito.  Sa halip, babaunin ng aking tainga ang musikang dulot ng mga humuhuning ibon, ang ingay ng mga naglalarong hangin, maging ang pagtatalik ng tubig at mga bato sa talon.

Hindi ko man maidetalye ang mga nasasaisip bawat hakbang paakyat, pababa at minsang padulas. Hindi ko man maisalita ang mga alay na romansang pakiramdam ng bundok romelo. Wala man sa hitsura ang kasabikan sa pagkukwento. Kulang na kulang man ang mga larawan upang tumbasan ang galak sa aking puso. Heto ako, nagpupumilit magpahayag ng aking karanasan. 



 Saksi ang bughaw na langit sa bawat likidong inilabas ng aming uhaw na katawan. Dinadala ng ihip ng hangin papalayo ang mga hinagpis sa aming buhay. Pansamantalang idinuyan ng kanlungan ang aming mga katawang lupa. Tanging iniwanan na lang sa aming sarili ay ang pakiramdam muli ng pagkabata.

Bago sa paningin ang lahat ng dinaraanan. Hindi nakasasawa at kahit buong magdamag akong makipagtitigan ay marahil walang magbabago sa aking nararamdaman. Nakamamangha ang natural na kagandahan ng paligid. 




Huwag lang sana itong makita ng mga mamumuhunan o negosyante para pagkakitaan. Sana sa pagdaan ng panahon, taon at henerasyon, mapanatili ng mga tao, bakasyonista at naninirahan doon ang pagiging malayo nito sa komersyalismo. Sana and pag unlad ng komunidad ay hindi magbunsod ng pagkasira ng ating yaman. 


Sana sa susunod na pagdalaw ko sa magagandang tanawin ng ating bansa, kasama na kitang maghahabi ng mga alaalang ating pagsasaluhan magpakailanman.

see more photos here.

0 Responses so far.

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile