nakatext ko ‘yung kaibigan ko sa college. tinatanong niya kung ano na ang plano ko ngayong tapos na sa pag aaral. mag a apply. sabay singit ko na may hinihintay akong tawag mula sa pinagpasahan ko ng resume at letter of interest.
bali dalawa ang inaasahan kong tawag na galing sa mga Non Government Organization. ‘yung isa namang private, nagre requirements na ako. isang linggo na lang kapag natapos ko na lahat ng kailangan ng company na ‘yon, tuloy na talaga ako.
isang linggo na lang din ang palugit ko sa dalawang NGO na tawagan ako for interview. siguro kapag isang araw sa linggong ito eh tumawag sila, bibitawan ko ‘tong sa private, kung papasa rin ako sa kanila. haha.
ininterview ako ng president ng private company noong nakaraang monday, tanong niya sa akin kung saan ako magaling. 3 seconds bago ko naisagot ang MATH kahit hindi naman talaga ako magaling doon. kahit bano naman talaga ako. kung dumulas pa ng kaunti ang dila ko, malamang naisambulat ko ‘yung pag intindi sa mga tao at pakikipagkapwa tao. ewan ko rin kung magiging totoo ako sa sarili ko sa sagot na ‘yan. hindi naman ako magaling sa kahit anong bagay.
gusto ko lang talagang makapagtrabaho sa isang organization na totoong may tinutulungan. gusto ko lang magtrabaho kasama ang mga taong makatao. gusto ko lang maging parte ng lipunan. gusto ko masaya at fulfilling.
alam ko sa sarili ko kung saan ako mas liligaya. kaya noong nabalitaan ko na requirements na ako sa private company, kaunti lang ang excitement na naramdaman ko. hindi katulad sa pakiramdam noong papunta kami sa Mandaluyong Elementary School para magturo at tumulong sa mga estudyante ng tungkol sa pagtitipid at pagse-save ng pera. kakaiba.
siguro hindi pa talaga para sa’kin ang pagtatrabaho para sa bayan. ang drama! pero totoo, naghihintay pa rin. siguro kung hindi ngayon ang oras para sa NGO, bukas mas maganda na ang oportunidad na ibibigay sa akin. alam ko ‘yon.
lahat naman kasi may nakalaang panahon. huwag lang nating pilitin ang hindi pa talaga dapat mangyari. para lang akong nagsuot ng damit na hindi pa nabubuhol sa pagkakatahi, sa katagalan ay tastas agad. para ko na ring binalatan ang manggang bukas pa mahihinog, hindi maipinta sa kaasiman ang mukha kapag kinain. para akong bumili ng XL na damit sa pag aakalang tataba sa susunod na buwan. (pilit na paghahalintulad hahaha)
sa susunod na lunes, kapag natapos ko na ang requirements ko at hindi pa dumarating ang tawag ng dalawang NGO, kakainin ko na ang nakahain sa aking harapan. mainit pa, bagong luto.
Mag-post ng isang Komento