kawawa naman ang court ng lugar anmin, naging basurahan ng mga tao mula sa itaas. kawawa naman ang mga basurahan, nuong araw nakanganga wala man lang nagpapakain.
ano kayang nangyayari sa mga tao ngayon? walang pakundangan sa pagtatapon ng basura kung saan saan. tila kayabangan ang pinaiiral na kapag nagtapon ng basura sa court ay may tapang sa sarili. kay liwanag pa ng araw ngunit hindi natatakot na magtapon. samantalang dati rati naman, magtapon lang ng candy sa lapag hindi na mapakali kung paano itatago ang mukha sa madla. ngayon hindi na, magtapon ka ng basura, gagayahin pa. maghagis ng kalat, taas noo pang ginagawa.
dito sa seventh floor kung saan kami nakatira, malawak ang abot ng aming paningin. kitang kita namin ang mga confetting bumabagsak mula sa kamay ng kupal na nagtapon. walang ginagawang programa, kahit ordinaryong araw, bukas na bukas ang court para tanggapin ang anumang uri ng palamuti, malaki man o maliit.
dito rin sa seventh floor, may computer shop na punong puno ng kabataan. hindi mawawala sa kanila ang mga sitsiryang napakaraming vertsin at chemical. sa tapat ng shop naroroon ang isang itim na lalagyang tinatawag na basurahan. kung lalakad pa ng kaunti, makikita ang isang malaking espasyo na pinaglalaruan ng maraming bata, tawag dito ay court.
hindi ko maintindihan sa mga bata at matatanda sa kahit saang parte ng lugar kung bakit mas pinipili nilang ilagay ang basura nila sa court. mahirap bang maunawaan na ang court ay palaruan at ang basurahan ay lagayan ng basura? kahit naman siguro hindi ituro sa eskwela ang pagkakaiba ng dalawa ay hindi ito masakit sa ulo intindihin.
minsan gusto kong magsuhestiyon sa Brgy. Officials ng 901 na huwag ng pinturahan ang court sa halip lagyan na lang ng paalala katulad ng HINDI AKO BASURAHAN! siguro pwede rin magpatupad na lang ng ordinansa na ang mahuling nagkakalat ay may karampatang penalty at ang makakahuli ay makatatanggap ng pabuya. kaso mahirap, matrabaho.
mas maganda sa pinakasimpleng paraan tayo magsimula. dapat maging parte ang bawat nakatira sa tenement sa kalinisan ng kapaligiran. tayo tayo rin naman ang araw araw na nakikisalamuha sa lugar na ito. hangga't kaya nating ibulsa muna ang kakarampot na kalat o basura, gawin natin. maghanap na lang tayo ng basurahan sa pinakamalapit na lugar, pwede rin namang maghugas ng kamay matapos maitapon ito.
nakakahiya bang magtapon ng basura sa tamang lalagyan? hindi ba't mas nakasusulasok ang mga taong marumi sa paligid? mahiya ka naman!
Mag-post ng isang Komento