Muli na namang tumunog ang himpapawid. Hudyat na may kinuhang buhay ang mga halimaw. Sa tuwing aalingawngaw ang pagsabog, kanya-kanyang takbuhan ang mga magulang para hanapin ang mga anak. O di kaya'y tatawagan para masiguardong ligtas ba ang isang kapamilya sa naganap. Parang mga inahing manok na bibilangin ang inakay at mag-iiyakan kapag nagkulang.
Nakasanayan na sa bayan ng Quezon ang pagsasabi ng "Tao po" bago buksan ang pinto sa tuwing kakatok. Pagpatak ng alas sais ng gabi, lahat ng kakatok sa pintuan ay kailangang siguradong tao at hindi nagkatawang-tao lamang.
Nagbago na ang panahon. Kahit maliwanag ang sikat ng araw, kailangan nang malaman kung tao nga ba ang nasa labas ng pinto. May mga halimaw kahit mulat ang mata ng mga nasa paligid. Wala rin namang magagawa ang testigo. Kung saasabihing nakita ang pangyayari, kinabukasan tuluyan nang mabubulag. Kung gagamitin ang boses, hindi pakikinggan, mamamalat na lang, kung suswertehin, mawawala ang dilang matulis.
Lahat ng nagaganap ay bulgar. Hindi na sila nagtatago. Taas-noong pinagmamalaki. May yabang sa bawat yabag. Habang lumalakas ang paglagatok ng sapatos sa sahig, papalapit nang papalapit sa tahanan, may mga gamunggong pawis ang tumutulo sa ulo ng maaaring maging susunod na maisasama sa bilang ng mga kaaway. Sa paglagpas ng rumorondang halimaw, susundan ng mga mata ang mga asong ulol at huhulaan sino sa kapit-bahay ang tunay na pakay.
Naglalaway. Nais makalasap ng sariwang dugo. Mas masarap silang mga matatapang. Walang lasa ang mga nagmamakaawa. Higit na tataas ang apoy at mas magiging makapangyarihan kapag dumanak ang dugo ng mga lumalaban.
Isa. Tatlo. Sampu. Tatlumpu. Isang-daan. Hanggang sa mapagod na lang ang mga tao sa bayan sa pagbibilang. Kasabay ng pagtigil sa pagtatantos, nasanay na rin ang kabahayan sa mga nawawalang buhay. Sa tuwing may anunsyo ng kamatayan, wala na rin ang kaba sa kanila na maaaring sila na sa susunod. Minsan na lang sila makaramdam, kapag ang kamag-anak nila'y wala pa ring balita ilang minuto matapos ang wang-wang ng mga halimaw.
Nagbago na ang sinumpaang tungkulin. Nagbago na ang pinaglilingkuran. Sila na ang diyos. Sila na ang batas. Sila na ang nasa itaas. Sanayan lang sa bayan na ito. Normal na lang ang patayan. Mas brutal, mas pinagpapala.
-ika-27 ng Disyembre taong 2020 sa gitna ng pandemya. Tarantado si Duterte at si Duque.