Tanghaling tapat. Pinagbigyan ng mga ulap ang araw sa kaniyang paghihimutok. Pinadarama ang presensya niyang tila kinaligtaan na ng mga tao. Hindi laging malamig. Dalawa pa rin ang panahon sa bansa.
Huling araw ng bakasyon ni Albert sa kanyang trabaho. Sa Lunes, muli siyang makikipagsapalaran sa pagiging buhay manggagawa. Sanay siyang laging may ginagawa. Okupado ang isip ng ibang bagay. Mabigat ang buhay kung laging pagtutuunan ng pansin. Ipaskil ang ngiti at ito’y daraan lang.
Lalo ngayon. Wala nang laman ang kurba sa labi ng binata. Segundo lang ang itinatagal nito. Lumalagpas sa telebisyon ang paningin. Kalahating oras mahigit natatapos ang pagkain. Kahit ang mga musika sa kanyang cellphone, naitapon dahil sa kakabit na alaala. Umaasang maiaangat ng masisiyang ritmo at liriko ang kaluluwa. Nawawala si Albert.
Naubos na ang naipong kaligayahan. Dinala ng hanging bihira na lang dumalaw sa kanilang lugar. Inanod ng maduming tubig sa Pasig. Tinunaw ng init. Kinain ng dilim. Ibinaba ang kalasag. Nagpagapi sa labang akala niya’y walang natatalo. Naiwang tulala. Mahina si Albert.
Kahit saan tumingin. Kahit anong pagbaling ng atensyon sa ibang bagay. Bumabalik pa rin si Albert sa tinatakasan niyang lugar. Hinihila patungo sa kanyang kahinaan. Binubuhay ang natupok nang apoy. Sinasaktan ang sarili.
Gaano ba kabilis ang lumimot? Kahit gaano pa karaming anaesthesia ang iturok, ‘di magtatagal, hahapdi muli ang sugat ng nakaraan. Malalim. Siya man ay hindi malaman ang tagal ng paghilom nito. Hinayaang tumulo ang dugo. Huhupa rin ang pag-agos ng emosyon. Mapapagod din ang sakit sa pagpaparamdam.
Balang-araw. Bukas. Mamaya. O pagkatapos niyang umakyat ulit sa bundok. Isang araw makakalipad na si Albert. Wala nang pasan. Mahihirapang sumingit ang kalungkutan. Maluwag na ang daluyan ng dibdib. Babalik na ang nakangiting binata. Tatawanan na lang kahapon. Alam niya.