Alam mo ba ang pangyayari sa ating buhay na mahirap hulaan? Sigurado itong magaganap sa kahit kanino ngunit wala namang nakaaalam kung kailan sasapit. Marami ang nag-aantay. Marami rin ang umiiwas. Ang ilan pa nga ay naghahanda pero wala ni isa ang nakapagpaalam ng sapat.
Lumabas tayo ng bahay, sa paligid naglilipana ang napakaraming disgrasya. Iniwasan ang papasalubong na bisikleta, nakaligtaan namang sa kalsada’y punung puno ng nagmamadaling motorsiklo. Huling pag-uusap ng mahal sa buhay umaga sa hapagkainan. Aalis na ako, ang huling sabi.
Kahit sa loob mismo ng tahanan, kung mapagpasyahang magkulong maghapon upang takasa ang kinatatakutang huling hantungan. Sa balita naman ilang buwan na ang nakalilipas ay bumulagta na lang ang isang batang babae dahil sa ligaw na bala. Dumaplis sa utak ng inosenteng bata kaya hindi na nakayanang lumaban. Walang kaway ng pagpapaalam. Walang halik sa mga minamahal.
Maging ang katawan natin ay hindi na mapagkakatiwalaan. May isang binatang naligo hapon pagkauwi ng bahay upang maibsan ang nararamdamang init at pagkahapo. Maya maya ay nakita na lang siyang humandusay sa sahig. Balita ay may pumutok na ugat sa kanyang utak.
Iba’t iba ng dahilan. Pare-parehas ng kahihinatnan.
Mahirap tantyahin kung kailan ang oras. Hindi kailanman mapaghahandaan ang pagkawala. Kahit ang maiiwang mga mahal sa buhay ay hindi magiging buo ang loob sa pagpapaalam. Mahirap ipaliwanag ang kamatayan. Walang itong sinasantong edad. Binabalot ito ng mahika. Hindi mailabas ang lungkot. Hindi kayang suklian ng salita ang napakaraming emosyon na napapaloob sa isang taong nawalan.
Siyang wala nang malay ay mananatiling nakahiga. Wala nang pakiramdam. Wala nang problema. Hindi na makita ang bakas ng kahapon at napagdaanang hirap. Walang pagsisisi sa guhit ng mukha. Iniwan na niya ang mundo.
Silang mga nakasilip sa ataul ay hindi matiyak saan pa huhugutin ang lakas upang magpatuloy. May pighati. May kirot. Maraming hindi nasabi noong may kakayahan pa ang mahal na makarinig at makaramdam.
Sa dalawang panig ng nagmamahalan, sino sa kanila ang may panghihinayang? Napakahaba ng isang oras upang sabihin sa mahal natin ang ating tunay na nararamdaman. Ngunit napakaikli ng maraming taong pamamalagi niya sa ating mundo upang hindi natin masabi iyon.