Huwebes, Hunyo 27, 2013 sa ganap na 10:31 PM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments

Ika-26 hanggang 27 ng Abril, taong 2013

image

Napagpasyahan naming hindi na dumaan pa sa Anawangin para magpalipas ng isang gabi. Mula kasi sa nakita namin, sobrang dami na ng tent na nakatayo roon. Kumpara dito sa Nagsasa, pagdaong ng aming sinasakyang bangka, bumungad sa amin ang katahimikan ng lugar. Tila pinahiram sa amin ang buong Sitio Nagsasa.

image
Malayo sa siksikang Maynila. Lahat kami ay nagpunta rito upang humanap ng kapayapaan mula sa magulong kinalakhan. Kahit ilang araw lang ng pagtakas sa mga usok at trapiko. Para bang great escape ng grupo. Lagi kaming nagnanakaw ng panahon mula sa masikip na mundong pinupunan ng kanya kanya naming trabaho. Gahamang lumayo sa nakasanayang buhay sa syudad. Kahit katumbas nito’y malaking halaga ng aming napag-ipunan; kahit buhay ang nakataya, makapunta lang sa napiling destinasyon.
Alipin kami ng misteryo at kagandahan ng Pilipinas.

image

image

image

image

Isa na siguro ang Nagsasa sa pinakatahimik naming napuntahan. Mula sa byaheng mahigit anim na oras,
nadatnan namin ang isang bahagi ng Zambales na malayo sa kabihasnan. Kailangan lang ng maraming lakas ng loob upang matagpuan ang nakatagong ganda sa likod ng bulubunduking lalawigan sa Gitnang Luzon. Mapalad tayo, dahil bukod sa nakasasalag ng malalakas ng bagyo ang mga bundok, handog pa nito’y hindi mapapantayang likas na yaman.

image

Kaya kong mabuhay dito, ganito. Si Grace habang nakatingin sa karagatan, nilalasap ang hangin. Alam niyang hindi ito madadala sa Maynila.

Walang kuryente para manuod ng sinusubaybayang teleserye. Hindi alintana kung maganda ba ang hawak na telepono dahil walang signal ang lugar.

Namulat kami na ang teknolohiya ay papausbong at patuloy na umuunlad. Naglalabasan ang iba’t ibang gadget, malaki-papaliit. Ngunit ngayong araw, mamumuhay kaming simple, gaya ng mga lokal ay susubukan naming makibagay sa paligid. Maglalaro sa buhanginan, tulad ng mga batang tumatakbo, kahalubilo ng kaibigang aso. Taguan sa puno.

Gusto naming tumulad sa kanila. Mababanaag sa kanila ang pagiging kuntento sa kung anong mayroon sa paligid. Naisip ko nga, may ideya ba sila sa buhay sa syudad? Kapag isang araw, inilapat sa kanila ang oportunidad na umalis, tanggapin kaya nila?

Saan ang iskul niyo? Tanong ko sa isang lokal na nasa harapan ng kanilang tahanan, isang kubo. Tantya ko’y may edad siyang dose.

Sa kabilang bundok pa. Habang ngumunguya ng butong pakwan. Tila normal na sa kanila ang magpanik-panaog.

Nilalakad niyo lang? Ilang oras? 

Apat. 

Anong oras kayo gumigising? Tapos madaling araw pa lang aalis na kayo? Nasa tono ko ang pinaghalong pagkamangha at gulat sa nalaman. #dedication. :) Hindi biro ang apat na oras na paglalakad sa hindi patag na daan, dala pa ang mga gamit pang eskwela.

Linggo pa lang lumalakad na kami. Lumantad mula sa usapan namin ang pagkakaiba ng Manilenyo sa mga lokal ng Nagsasa.

image

Bago pa kumagat ang dilim, inihanda na ng grupo ang kakainin. May alam na kami sa pagpapabaga sa tulong ng isa ring lokal. Naging tulong na lang namin ay kung paano mapapanatili ang baga at ang paghahanap ng mga kahoy sa paligid. Naubusan na kasi kami ng uling, wala kaming perang pambili kaya sinuyod namin ang paligid para makatipid.

image
image

Pinakita rin niya sa amin kung paano gumawa ng bonfire. Parang sa pelikula, kasama ng liwanag ng buwan, kaluskos ng mga puno, huni ng mga insekto’t ibon, marahang pagtama ng alon sa dalampasigan at sa init na dulot ng apoy, masaya naming nilalantakan ang marshmallow. Lasang merengge.

Hindi kami tinantanan ng ihip ng hangin, alas otso pa lang ay nakapikit na kami. Para kaming dinuduyan hanggang sa lumipad ang isipan namin sa mundo ng mga panaginip. Hindi namin ginamit ang tent sa halip ay sa kawayang lamesa kami nagpalipas ng gabi.

image

Ito na siguro ang pinakamahabang tulog na naranasan ko. Nagising akong nagliliwanag pa rin ang buwan. Gusto kong makita ang pagsikat ng araw. Doon sa dalampasigan, Daniel. 

Nagsulat. Ito ang perpektong lugar para sa mga naghahanap ng inspirasyon. Parang alak na pangpainit ng damdamin at musikang panggising ng natutulog na saloobin.

Malungkot ang liwanag ng buwan. Dinadala ang sana’y napakasayang umaga. Pinaghihintay ang batang tulala sa kawalan. Tahimik. Mapayapa. Ito ang pakay niya sa pagpunta rito. Ngunit may kulang.

Alas dos pa lang ng madaling araw kaya minabuti kong matulog ulit. Matagal pa bago mag-umaga. Akala ko’y sobrang tagal na ng tinulog ko.

Tatlong oras matapos ang muling paglalakbay sa panaginip, nagpasya akong tumakbo sa kahabaan ng dalampasigan. Gusto kong samantalahin ang pagkakataong tulog pa ang lahat maging ang aking mga kaibigan. Isa pa’y hindi ko pa nalilibot ang buong sitio. Alam kong marami pang itinatago ang lugar na ito.
Dala ang tubigan, sinubukan kong labanan ang paglubog ng aking paa sa pinong buhanginan. Mahirap at masakit sa paa. Lubhang nakapapagod kumpara sa pagtakbo sa patag na daan. Dalawang ikot at ako’y sumuko na. Ngunit hindi muna ako bumalik.

image

Tulad nating mga tao, ang mga lugar ay maraming tinatago. Kailangan lang nating lubos siyang kilalanin dahil, marahil, sa likod ng kanyang pabalat na anyo, may ginto pa itong maihahain.

image

image

image

image

Bukod sa yaman ng kapaligiran, mapapansin din sa lugar ang iniwang dumi ng mga dayuhan.

image

Tayo na itong nakikigamit ng paligid, tayo pa ang may lakas ng loob na manira. Kapabayaan. Sadyang ang mga tao ay hindi marunong magpahalaga sa kanilang minamahal. Sinisira matapos ang kanilang pinagsamahang kaligayahan. Nakakalungkot dahil ang mga Pinoy ngayon ay tila nagdadala ng lisensya upang garapalang makapagkalat, makapambaboy ng paligid.

Bumalik ako sa mga kaibigan kong bitbit ang malaking plastik na aking nakuha sa mababaw na bahagi ng
dagat.

image

Pag-uwi ang isa sa pinakamasakit na bahagi ng paglilibot. Kailangang iwan ang napakagandang lugar. Hindi natin pwedeng iuwi o mamalagi dahil mayroon tayong buhay na iniwan sa ibang lugar. Iyon ang nagtatangi, ang kawalan natin ng kakayahang makuha ang ating pinapangarap. Pagpapaguran at paggugugulan ng maraming panahon. Sa kabila noon, ng pagod at sakit ng katawan, may ngiti sa ating mukhang nagpapahiwatig ng tagumpay.

image

Salamat kina kuya na naghatid at sundo sa amin!

5 Responses so far.

  1. wow...enjoy naman? ganda ng place! signage pa lang, ok na! hehe

  2. Hindi talaga nauubusan ang Pilipinas sa magagandang beaches. Parang everywhere you go, meron. Like your experience, hindi kay natuloy sa Anawangin pero may napakagandang alternative. It's just sad na narurumihan sila ng ibang mga tourists.

    LOL at Theraphy

  3. Theraphy. Pero wag ka, mabait mga tao diyan. Pinahiram kaming hammock. Pinaghanda kami ng bonfire. Haha.

    Tama, sana hindi sirain ng mga "NAGMAMAHAL" sa kapaligiran ang mga tagong yaman. Pangit na nga sa Manila, tapos magiging pangit pa sa ibang parte. Aray kupo!

  4. Someday I am hoping na ma explore ko din ang kagandahan ng sarili kong bansa :)
    Ganda!

  5. Pagbalik mo rito sa Pinas, Chato. Libre mo kami ah? haha

Mag-post ng isang Komento

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile