Dumaan sa timeline ng tiktok ko ang pagbati ni John Manalo kay Erika na kanyang nobya. Nabanggit ni John na wala pang naiimbentong mga salitang ang tutumbas sa kanyang nararamdaman sa dalaga. Sagot ang kataga mula sa tanong ni Erika kay John Manalo na, "Mahal mo pa ba ako?"
Nagitla. Nag-isip. Natakot. Dahil kung maikakahon ang mga salita para maipaliwanag ang damdamin, marahil umapaw na ang lalagyan ng mga makukulay na bulaklak at malalayang hugis. 'Yan halos ang laman ng mensahe ni John Manalo kay Erika.
Pitong taon na sila noon.
Apat na taon na rin silang nagkasundong tapusin ang relasyon. Throwback lang pala ang napanuod ko.
Ilang segundo rin akong natulala sa balita. Akala ko kasi sapat na ang mga salitang binitawan ni John Manalo para magsilbing katibayan ng kanilang pagsasama.
Hindi na ako nag-usisa kung ano ang dahilan ng pagtatapos nila John at Erika. Gusto kong ang tumatak sa akin ay 'yung umaapaw na pagmamahalan.
Hindi siguro nila alam paano at saan ilalagay ang nararamdaman sa isa' t isa. Napunta kung saan ang sumobrang galak. Tumalsik. Nalito paano nga ba kung ang sobra ay maubos bigla. Tumapon.
Nakakatakot talaga ang mga sobra.
Baka kasi lumagpas na sa kakayanan.
Naibuhos na ang lahat.
Walang natira.
Umabot sa sukdulan.
Kaya siguro, mas nagtatagal sa relasyon 'yung mga sakto lang magmahalan. Para bukas, kung sakaling mayroong hingin, mayroon pang maibubuhos.