Biyernes, Nobyembre 27, 2020 sa ganap na 8:52 PM sinalpak ni tadong daniel 0 Comments

Lagi kong nakikita ang sariling nagsasalita sa harap ng madaming estudyante. Nagkukwento ng mga karanasan sa buhay. Mga bagay na pwedeng maging inspirasyon sa pagtanda. 


Naiisip na isang araw tatapikin ng dating guro para magbigay ng mensahe sa mga magtatapos. Tatayo sa harapan, lahat makikinig. Hihinto ang oras ng mga bata at tututok lang sa mga salitang lalabas sa bibig. 


Kaso malabo. Hindi naman ako huwarang estudyante. Lalong hindi matagumpay ang buhay ngayon. Lagi lang akong nasa gitna. Hindi magaling. Wala sa itaas. Hindi hinahangaan ng mga kaklase. Hindi unang pinipili. 


Kaya malabo pa sa putik ang pagkakataong maging panauhing pandangal. Mamumuti na ang mata mo kahihintay. Dito kasi sa Pilipinas, kailangan maging mataas na tao ka muna bago ka kilalaning marangal. Kailangan ng titulo para makita nila ang iyong halaga. 


Kaya para sa isang tulad ko, hindi na aasa para hindi masaktan. Malayo ang agwat ko sa mga naimbitahan. Kumbaga, 100mbps ang gamit nila, ako mag-inquire pa lang para makabitan ng 50mbps na wifi. 


Hindi ko rin maintindihan kung bakit laging ang nagsasalita sa harapan ay mga matataas na tao na. Mga matatalino. Mga magagaling sa simula pa lang ng pag-aaral. Mga pinagpala ng kadalian ng buhay. O di kaya’s sinwerte sa pagkakataon. Mga matatapang na sumugal. 


Ngunit lahat nang iyon ay inspirasyon para lang sa mga nasa harapang upuan. Palayo nang palayo sa entablado, palabo nang palabo dahil hindi na tatagos sa puso ng mga nakikinig. Animo’y ang kinakausap na lang ay mga katulad niyang magagaling, masisipag, mga nasa priority lane ng eskwelahan. 


Kaya sinong haharap para sa mga hindi gaanong kagalingan? Sinong tatayo at tagapagsalita ng mga estudyanteng nasa row 3 at 4? Mga estudyanteng tinatabi sa mga matatalino kapag may exam para mahatak ang score ng eskwela? 


Wala. Dahil mahina ang ningning sa kanila. Bago pa man mapili, mahaba pa ang listahan sa harapan. At kung malapit na ang iyong oras, hahakbang na sa harapan ng umaasang mga estudyante, mayroong muling taong mas magaling sayo ang pipiliin. 


Kasi sa Pilipinas, kailangan munang maging matagumpay, kailangang may narating na, kailangang may napatunayan, bago tayo mapakinggan. 


Ako si Dan. Wala pa akong nararating. Wala pang maipagmamalaki. Nasa harapan para sa mga taong nasa likod ng pila. Taas-kamao para sa mga hindi magagaling at laging kulelat. Daratimg din ang oras na kakampi sa atin ang tadhana. Huwag sukuan ang sarili. Tayo-tayo na lang ang magkakakampi. 

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile