Hinihintay mo pa ba ako o ako na lang ang umaasa?
Nalaman kong mahirap pala’ng umalis sa lugar na hindi pa napupuntahan. Nakikini-kinita ko na ang kasiyahan ko habang naglalakad sa magandang buhanginan na iyong taglay. Nakahihga sa dalampasigan hanggang sa pagsapit ng liwanag. Magkahawak-kamay. Ang ganda ng dagat na nadaanan namin papuntang La Union. Abot kamay ko na, pero hindi ko pa narating. Hanggang tanaw na lang ako.
Nakatali ako sa kagandahan ng nakaraan natin na naputol noong hindi ako ang ‘yong pinili. Ikaw ang kwentong napakasakit pero pilit ko pa ring inilalahad sa iba. Na sa tuwing may nagtatanong ng tungkol sa pag-ibig ko, ikaw pa rin ang laman nito. Ng puso ko. Ng mga salitang lumalabas sa aking bibig. Para kang sugat na masarap kamutin. Hindi kita kayang paghilumin. Gusto kitang buhay na buhay sa isip ko. Kahit pitong taon na ang nakararaan. Kahit marami ka nang nagdaang boyfriend.
Kailan mo ako palalayain? Kailan ako aalis sa pangako ng ating bukas? Bakit hindi kita kayang kalimutan? Ako na lang ba ang kumakapit o naroroon pa rin ang mahika ng ating samahan? May mga hindi ako maipaliwanag. Kapag nagkikita tayo, parang nanunumbalik at naiiwan sa isang sulog ng utak ko ang sakit. Ang ganda ng ngiti mo sakin. Laging nagpapahiwatig, nagbibigay pag-asa. Pwede pa kaya? Ituloy natin? Subukan natin?
Lagi lang akong nag-aabang. Sa tuwing nadadaan ako ng V. Mapa, binabantayan ko ng tingin ang kalsada papasok sa inyo dahil baka nandoon ka, naglalakad. At sa aking pagbaba sa sinasakyang jeepney, magsasalubong ang mata natin, liliwanag ang iyong mukha. Doon mo maaalala ang lahat ng kahapon. Maging ang pag-iibigan nating napurnada.
Magiging matatag na kaya tayo? Masyado pa tayong bata noong nagkaumpugan ang puso natin. Hindi pa tayo marunong lumaban. Sumuko ako. Sumuko ka. Lumayo ako. Pinagtulakan kita. Nagkagulo tayo. Hindi natin malaman kung paano ibabalik ang nasirang samahan.
Tama nga siguro, panahon na lang ang nagpagaling ng hindi natin pagkakaintindihan. Taon ang ginugol natin. Nagpakiramdaman. Nagtuksuhan. Naghilahan papalapit sa isa’t isa.
Handa ka na ba? Gusto kong malaman dahil matagal ko nang inihahanda ang puso ko. Gusto ko nang dugtungan ang istorya natin. Malaman ko man lang na may napala ako sa maraming taon kong pagkokondisyon.
Sabihin mo naman sa akin kung ako na lang ang nag-iilusyon. Baka kasi punung puno ako ng pag-asang magkakaroon ng ikalawang yugto ang nobela natin, pero ang sa’yo pala ay matagal nang nakasara. Sinara. Tinapos. Iniwan mo na ako ng tuluyan.
Ikaw pa rin kasi. Pwede bang makakuha ng oras sayo? Pwede bang sumingit ng panahon mula sa busy mong araw? Pwede ba akong maging parte ng buhay mo? Pagbigyan mo na ako. Pangako, hindi ko ‘to sasayangin.