Panahon ng pagpaparamdam ng bagsik ni haring araw, pahinga ng mga estudyante sa eskwela, sa lugar na malayo sa usok at matataas na gusali, matatagpuan ang dalawang paslit na walang alam sa plano ng tadhana. Malaya nilang dinadama ang pagkabata. Mabagal ang takbo ng oras. Walang pakialam sa mga lupang nagsusumiksik sa kuko sa paa. Mapuno man ng gasgas ang tuhod, tuloy pa rin sa pagtakbo manalo lang sa laban. Paos na paos na pero upang manalo’y ipagtatanggol ang kanilang tama.
Sa La Union namunga ang binhing si Albert walong taon na ang nakararaan. Ipinunla ng mag-asawang magsasaka. Wala silang lupain ngunit may mayamang taga-Maynila na pinagkatiwala ang malawak na sakahan upang pagtamnan. Trabahador. Nagpapakakuba upang matustusan ang pag-aaral ni Albert. Pinapasan ang bigat ng sako-sakong ani mapagaan lang ang kinabukasan ng kanilang anak.
“Anyamot ni Albert! Haang ka na tumulong! Aramidim mun ti assignment mo!”
Simple lang ang buhay nila sa probinsya. Nakangiti silang bumabaluktot sa araw na maigsi ang kanilang kumot. Batid nilang sandali lang ang tagtuyot. Maaambunan din ang kanilang hapag kahit pa-unti-unti. Makararaos din. Sa paligid nila’y puno naman ng gulay. Maaaring kantahin ang bahay kubo isama pa ang talbos ng kamote sa rami ng pagpipilian. Hindi kailanman mababagot ang mga langaw sa pagdapo sa kanilang mga plato.
Si Albert, bukod sa kanyang pagkabibo, maaasahan ng magulang na magiging tagapagtaguyod ng pamilya. Gusto ni Albert magkaroon ang pamilya ng sariling lupang pagtatamnan. Sabado at Linggo lang niya pinapayagan ang sariling makipaglaro sa mga kababata. Wantusawa. Umaga hanggang alas sais ng gabi. Pagkain at pag-inom lang ang pahinga.
"Walang pagkakapantay-pantay sa mundo. Malabo. Paano kung lahat mayaman? Sino na ang magtyatyagang magsaka ng ating makakaing bigas?" Sabi ng guro. Sa bandang gitna ng nakasalansang upuan, nakaupo kasama ang mahigit beinteng kababaihan si Janice. Nakikinig sa nagtatalakay na guro ng Values Education. Oo nga naman. Hindi kailanman magkakaparehas ang estado ng lahat ng nilalang.
Sa edad ni Janice, tanging pag-aaral at paglalaro pa lamang ang nagpapaikot ng kanyang mundo. Agad na tinatapos ang takdang aralin upang maitayo ang Doll house niyang hanggang baywang ang taas. Siya ang pinuno. Damang dama ang pagpapagalaw ng mga maliliit na tao. Iwinawasiwas ng mga daliri ang naisin. Ikinukumpas ang ikot ng buhay sa munting palasyo.
Ngunit nag-iisa lamang si Janice. Walang kasama sa paghalakhak. Iisa ang emosyong ibinibigay ng kanyang mga laruan. “Ma,” tawag niya sa babeng dinaig pa ng pagpapalit ng laruan ang presensya sa kanilang bahay. Kapatid ang tanging hiling. Kalaro. Katabi sa pagtulog. Kasama sa paggising, pagkain, paglalakad at paglaki. Sabik siyang maranasan ang kwento ng kanyang mga kaklase. “pwedeng pumunta sa labas?” Paanong makabubuo kung almusal lamang ang mainit na napagsasaluhan ng kanyang magulang?
"Uuwi tayo kina Nanay Teresa."
Kakarampot lamang ang umaaligid na bulak sa himpapawid. Nangagsayaw ang mga ibon sa paligid sa saliw ng sarili nilang musika. Tanging ang kadalasan ng pagpihit ni Albert sa kanyang mumunting radyo ang maririnig sa bahay ng pamilya Matuya. Walang magawa. Tulog ang kanyang mga kaibigan. Naniniwalang ang kataasan ay makakaapekto sa kanilang kaligayahan.
Kaunti na lang. Papaangat na si Albert tungo sa lugar na walang problema nang may biglang tumigil na makina sa tapat. Nambulabog sa katahimikan ng mundo. Nagitla ang mga ibon. Sumimangot ang mga aso’t pusang nakatungo. Naki-usyuso ang mga manok sa mga bagong salta.
"Mabuti’t napadalaw kayo?"
Karga ng katulong si Janice. Bahagyang gising.
Napabalikwas si Albert. Pumutok ang bulang sinasakyan.
Ngunit hindi sila nagkita. Walang pagpapakilalang nangyari. Hindi interesado. Binuksan ang mata. Ipinikit. Mas masarap matulog. Hanggang sa muling umandar ang makina papalayo. Doon sa lugar na ang potensyal ng pagkakaroon ng bagong kaibigan ay malaki datapwa’t panandalian. Doon sa lugar kung saan itinadhanang hindi magkita ang dalawang batang pupwedeng magkapalagayan ng loob.
Magandang hindi na ipilit pa ang pagtatagpo. Minabuti ng panahon upang wala nang masaktan. Hindi sila bagay. Gusto lamang ng isa ng kalaro. Mapaglilibangan. Samantalang gusto naman ng isa ay ang magiging kabalikat sa hirap at saya.
Ngunit bata pa sila. Huwag pangunahan ang tadhana.