Miyerkules, Abril 10, 2013 sa ganap na 1:14 AM sinalpak ni tadong daniel 5 Comments


Gaya ng kaganapang pagtabing ng buwan sa araw, nagkita ang magkaibigang pinagsama ng pelikulang Himala. Nakahiga sa sariling burol, tinititigan ang kagandahan ng pag-aagawan ng pwesto ng dalawang naghaharing liwanag. Magkaibang oras ng kasikatan, ngayo’y nag-isa ngunit kabaligtaran ang kinalabasan. 
Ang galing ni Nora, putol ni Ailen sa katahimikan. Wala na sigurong makapapantay pa sa pagganap niya bilang Elsa. Bawat galaw, hinga, titig, siya lang ang makagagawa. Parang nabuo ang Himala para sa kanya. Humarap kay Konie, nakangiti, mag-uumpisa na ang nag-uumapaw na papuri sa masterpiece ni Ishmael Bernal. 
Binuhay ng teknolohiya pelikulang Himala. Dekada na itong ibinaon ng kahapon at tanging alaala na lang ng kagandahan nito ang nababanggit ng mga manunuri. Inagiw na sa baul ang kopya. Maging ang ilang dalubhasa sa larangan, kwento, tatak at parangal na lang ang kayang ibalik. Ngunit ngayon, higit pa sa orihinal nang ipinalabas itong muli sa sinehan. Pinatingkad ang kulay. Tinanggal ang mga tinig na hindi kailangan. 
Nag-alab muli ang mga umasang masasagip sila ng Himala, ni Elsa. 
Salamat kay Ricky Lee dahil hindi siya sumuko. Hindi magiging kakaiba ang bawat eclipse natin kung walang Elsang napulot habang nagdidilim sa umaga. Kontra ni Konie. Tunay. Kung mahina ang loob ng manunulat at wala siyang tiwala sa kagandahan ng kanyang gawa, sa unang rejection pa lang ng script ng Himala mula sa mga producers at directors ay malamang diretso na ito sa basurahan. Walang Himalang ngayon ay gugunitain. Walang Himala na kinikilala sa napakaraming bansa. 
Sakto pa ngayon ang tema, walang koneksyong pagdagdag ni Ailen, may bago na tayong Santo Papa. Magbabalik na ang mga tumalikod, malilinawan na ang mga may pagdadalawang-isip. Makakatulong si Elsa sa pagpapatibay ng ating pananampalataya. 
Pero pwede ring lalong lumayo ang puso ng mga tao sa relihiyon. May dalawang maaaring interpretasyon sa nilalaman ng pelikula. Una ay ang pagtitiwala sa iisang diyos, at wala nang iba pa. Huwag kilalanin ang mga sugo umano na maghahatid daw ng himala. Pangalawa, ang mensahe nitong hindi natin kailangan ng diyos. Kaya nating gumalaw nang hindi nanghihingi ng tulong. Sa bandang huli ng pelikula, iniwan tayong nag-aabang kung may himala pa bang magaganap kahit ipinagsigawan nang nasa puso natin ito. Tayo pa rin ang magdedesisyon kung makikiluhod ba tayo sa mga taong nasa burol, o uuwi sa bahay para mag-isang hilumin ang sugat ng lubos na paniniwala. At malalaman nating hindi na dapat ituwid ang hindi naman baluktot. 
Tumihaya, nangiti nang makitang lumilihis na ang buwan. Liliwanag na sa dapit hapon. Kaunti na lang, maghaharing muli ang nakagisnang araw. Nilingon ang kaibigan upang humingi ng sagot sa hindi naman patanong na pangungusap. Tila gusto niyang malaman kung saan sa dalawa nabibilang si Ailen. Kaiba kasi sa kanya, hindi lamang sa pelikula napaibig si Ailen, binulag siya ng kagalingan ni Nora Aunor. Binabaliwala  niya ang mga nababasang negatibong balita ukol kay Nora. Para kanya, si Elsa ay si Nora at si Nora ay si Elsa. Kinulong niya sa loob ng pelikula ang tunay na Nora kasabay ng pagpapagalaw niya si Elsa sa katauhan ni Nora. Inamin man ng Super Star na isa lamang si Elsa mga karakter na kanyang napagtagumpayan, nasa harapan pa rin si Ailen ng pila habang sinisigaw ang, Elsa! Mahal ka namin, Elsa! kahit nas entablado si Nora para sa pelikulang Thy Womb. 
Hindi ka ba natutuwa? Bumalik na siya! Kumapit sa balikat ni Konie. Maraming pelikula na naman ang magagawa niya! Mabubuhay nang muli ang pelikulang Pilipino! Inalala nila Ailen ang ginintuang panahon ng industriya. Naglakbay kasama ang kaibigan, sinariwa ang kagalingan ng mga palabas partikular na ang mga pinagbidahan ng kanilang idolo. Tila one time big time ang Himala, dahil doon, hindi na siya naging pangit sa mata ng masang naniniwala. Alam mo, pakiramdam ko, ang Pilipinas ang sinisimbolo ng Bayan ng Cupang. Biglang iba ng direksyon ni Ailen. 
Oo, tayo naman ang mga bulag na tagasunod. Patuloy na niloloko.
Tapos…

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile