Martes, Nobyembre 26, 2013 sa ganap na 4:54 PM sinalpak ni tadong daniel 4 Comments

Disyembre taong 2012

Nitong nakaraang linggo napagkasunduan ng buong department namin sa office na magkaroon ng Christmas Party. Unang pasko ko ito na buhay may trabaho ako. Halos anim na buwan na ako pero hanggang ngayon nag-a-adjust pa rin ako. Napapansin ko rin na araw araw pare-parehas lang ang mga ginagawa ko.

Gising ng alas singko. Pasok. Uwi. Tulog ng alas diyes.

Hindi nakakatuwa. Parang hindi ako makagawa ng oras para sumulat. Paisa-isang talata lang. May pagkakataon pang hindi ko matapos ang nasimulan. Nobela, maikling kwento, sanaysay at marami pang mga kabalbalan. Lahat nasa notes ko sa cellphone naghihintay lang na mapansin ko.

Balik tayo sa party namin. Hindi syempre mawawala ang Kris Kringle sa okasyon. Bumunot kami ng screen name para gamitin at hindi makilala ng aming "baby." Bilang napakatagal pa ng tinakdang araw (December 19), linggo-linggo kaming magpapalitan ng regalo depende sa tema ng dapat ibigay.

something reminiscing

mga bagay na magbabalik umano sa alaala ng pagkabata ang unang pagpapalitan ng regalo. kinilig ako ng bahagya dahil alam kong bukod sa matatanggap kong regalo, makakabisita muli ako sa mga tindahan ng mga laruan. may kakaiba kasing saya ang dulot ng awra sa loob.

Nilibot ko ang buong Robinsons Galleria para hanapin ang gusto kong iregalo. Toys r Us.

May headband kayo na may abubot sa tuktok? May ideya na kayo sa kasarian ng pagbibigyan ko.

Wala, sir. 

May pakpak kayo ng fairy? 

Tapos na po ang Halloween, sir. Loko loko.

Hanggang mapadpad ako sa parte ng mga librong pambata. De joke lang. Naisip ko lang na libro na lang ang ibigay ko. Naalala ko kasi noong elementary, hindi kami magkamayaw sa paghahanap ng mga alamat ng kung anu anong bagay. Bawat baitang may ipagagawa ang guro ng Filipino o English na summary report / book report / review.

Mga kwentong punung puno ng aral ngunit may tinatagong pakahulugan. Sa isang banda naging panakot ito sa aming mga kabataan. Halos lahat kasi ay tila naparusahan gaya ni Pinya na laging dinadahilan ang matang tinatamad tumingin at magmasid at ni Saging na laging paa ang ginagamit sa pag-abot sa bagay sa paligid. Kung hindi man ay naging Mangga dahil sa kabusilakan ng puso at Sampaguita dahil sa pagmamahal ni Guita? Hmmm.

Sampa Guita! Sampa! Sabi ng kanyang irog habang inaangat siya sa bangin.

Hindi ko tinuloy ang balak na pagbili ng libro. Puro kasinungalingan. Binibigyan nito ang mga kabataan na maging mabait sa maling paraan. Parang ang konsepto ng langit at impyerno. Itinatatak sa isipan natin na magpakabuti dahil may langit na naghihintay sa halip na gumawa ng kabutihan dahil masarap sa pakiramdam.

Pero bakit kaya hindi pa nayayari ang alamat ng tao? Na si Langgam ay naging tao kasi hindi siya sumusunod sa pila, lagi pang sumisingit. Na si Buwaya naging tao dahil sa pagkain niya ng hindi sa kanya at kalauna'y naging Kongresista. Na si Manok nagnais magpapansin, putak ng putak kaya ginawang social networking site user. Hindi kaya parusa ang maging tao?

Sige, balik na lang tayo sa party namin. Binili ko ang napaka-cute na stuffed toy. Hindi sa sinasabi kong kadikit ng laruang 'yon ang pagiging bata pero ang mga bata, hindi ba, likas na mapaglaro? Makikita natin silang dinuduyan ang mumunting laruan na tila kanilang anak; kinakausap gaya ng mga kaibigan; at sumbungan kapag pinagalitan ng magulang.

Hayyy. Kay sarap maging bata. 'yung panahong ang katumbas ng pagtahan ay makukuha sa tigpipisong Hani o Flat Tops. Wala nang mas mahalaga pa sa star na nilagay ni Ms. Atienza dahil nasagot ang tanong sa klase. Hindi tulad ngayon. Habang dumadagdag ang edad ng tao, gayon din ang paghahanap natin ng tunay na kaligayahan. Hindi na natin makuhang ngumiti. Mahirap na sa ating maging maligaya sa simpleng bagay. Karaniwan pa nga'y pinipilit na lamang nating maging masaya.

Ang lungkot na tuloy. Pwede bang balikan na lang natin ang kabataan na puno ng saya? Kakabit kasi ng paggunita sa nakaraan ang paghahanap natin ng katulad na karanasan ngayon.

May nakita akong isang karatula galing kay pareng Google. Ito:



Kung pwede lang... 

    sino ka?

    Larawan Ko
    tadong daniel
    Manila, Philippines
    Balang araw. Mumurahin tayo ng mga halamang pinitas natin. Ang mga dahon nito ay magiging atin na lamang damit. Papatirin tayo ng bundok na iniwanan natin ng mga kinainan matapos nating maglibot sa tahanan niya. Makakainom tayo ng tubig ilog na ginawa natinng tapunan ng basura. Magiging tirahan natin ang pader kung saan tayo umiihi kahit ipinagbabawal. Ang lahat ng isinulat natin sa malinis na pader ay maililipat sa ating katawan, permanente. Maliligo tayo sa pinagtipon tipong mga laway na inilabas natin sa kalsada. Pupulutanin ng mga barkada ang mga upos ng sigarilyong ating ipinitik. Magiging sintigas tayo ng mga trosong walang habas na pinutol. Ngayon ay handa ka na sa pagbuka ng lupa. Lalamunin tayo nito. Gaganti na ang mga inapi. Hindi na sila papayag na habang panahon silang mananahimik. pero joke lang yan, mabait kasi si inang kalikasan. sige diretso lang. matulog ka ng mahimbing.
    Tingnan ang aking kumpletong profile