Lulunurin ng mga malalalim na salita. Bubugahan ng mga mababangong paglalarawan. Palalasapin ng hardin sa kabila ng maruming kapaligiran. Palalamigin ang sikat ng araw. Magtitiis hanggang ang buwan ang pumaimbabaw. Sa langit sila ay nakatulala.
Umaasang masasagip pa ng kakarampot na pag-asa ang kanilang pinagsamahan. Nakatali ang mga daliri. Hinahaplos ng kadiliman ang matang naghahanap ng kalinawan. Kakaiba ang ihip ng hangin - nakikisama sa kuryenteng nag-uugnay sa dalawa - hindi na halos maramdaman. Unti-unting lumalayo ang mga ulap dahilan upang mapuno ng bituin ang kalawakan.
Sinungaling. Ano bang ikinaganda ng lugar na ito? Punung puno ng taong nagsikalat na walang ginawa kundi matahin ang nakakasalubong. Pare-parehas lang naman ng hanap. Pag-ibig. Hindi nagkakalayo ang mga mata nilang uhaw sa tunay na kaligayahan. Animo’y kadikit ng pag-ibig ang ngiti sa labi. Na ang kapareha ang magsasalba sa kanilang lunod na kaluluwa. Na ang luha’y mapapatid sa tulong ng isa pang problema.
Kagaya nila. Sa kaingayan ng gabi, tahimik na pinakiramdaman ni Elsa at Mark ang daloy ng hangin. Pag-uusap nila ay maingat. Nasa bangin sila kung maglakad. Isang maling hakbang ay tuluyan nang mamamatay ang apat na taon nilang relasyon.
Anong ginagawa natin dito? Sinigurado ng dalaga ang hindi pagtulo ng luha. Kahinaan ang batid ng likido sa lalakeng tulad ni Mark. Hindi pa ba malinaw ang lahat?
Gumapang sa gilid ng mata ng binata ang kanyang luha. Kilala niya si Elsa, malambot ang loob niya sa mga umiiyak. Marami pa. Kaya pa natin.
Anong magulo sa tapos na? Tanging bibig na lang ang kanilang iginagalaw. Ni ang pagsulyap sa isa’t isa ay tila pinagbabawalan ng batas na sila lang din ang gumawa. Walang naririnig kundi ang katabi. Mga tuod. Maging ang mga bituin ay napagod na sa pagkislap. Baliwala ang buong paligid. Bitawan mo kamay ko.
Dito lalong hinigpitan ni Mark ang kapit kay Elsa. Ayaw niyang pakawalan ang dalaga dahil alam niyang siya na ang itinadhana sa kanya. Binulong ng isip sa kanyang puso. Sinang-ayunan naman ng puso. Kaya hanggang ngayon ay lumalaban si Mark kahit alam niyang siya na lang ang nakakapit. Kahit maluwag na’t handa nang kumawala ang dalaga. Bitawan mo na’ko.
Naalala mo mga pangarap natin?
Hindi lahat ng pangarap maaabot natin… matigas na ang tinig na lumalabas sa bibig ni Elsa. Damdamin niya marahil’y ga bato na rin. …na magkasama.
Darating ang panahon na makakakilala tayo ng bagong mamahalin. Marahil sa kaniya masasambit natin ang napakakulay nating kagustuhan. At sana sa pagkakataong iyon, magtugma na ang ating kapalaran, ng magkahiwalay, pero masaya.
Kanina pa pinatatakas ni Elsa ang binata. Lahat ng pagpapalaya naibigay na niya. Pinagtabuyan. Wala nang pag-asa ang relasyon nila. Ngunit para kay Mark, kahit na isang daliri na lang ang nag-uugnay sa kanila, patuloy pa siyang manunuyo hanggang lumambot si Elsa. Bumalik ang dati.
Mark, tama na. Utos ‘yan na hindi na kailangan ng sagot. Hindi siya nanghihingi pa ng kahit ano kay Mark. Siya na ang humiwalay - daliri niya’y tinanggal sa pagkakatali. Kumalas. Tumayo’t naglakad papalayo. Samantalang si Mark ay sa langit nakatulala. Wala nang mailabas.
Ang ganda pala ng mga bituin.